Jhoyce's POV
"Papatayin mo ba talaga ako?!" singhal ko sa kaniya.
Tinawanan niya naman ako at nag-park ng motor sa gilid. Tinanggal niya naman ang helmet sa ulo at 'saka inayos ang kaniyang mahabang buhok. Napangisi ako nang makita na napapatingin at nagbubulungan 'yong mga babaeng dumadaan. Kung sabagay ay may itsura rin naman si Ralph.
"Tara! May ipapakita ako sa iyo." Hindi naman ako agad nakasagot nang bigla niyang hawakan ang kamay ko at hilahin.
"Saan mo ba ako balak dalhin?" inis kong sagot. Hindi niya naman ako pinansin at patuloy lang akong hinila.
Umakyat kami sa napakahabang hagdan at napansin ko kaagad sa taas ang mataas na rebulto. Pagkarating namin doon ay marami ng tao na kumukuha ng mga litrato. Pumunta naman kami sa dulo malapit sa railings kung saan ay tanaw namin ang tanawin mula sa baba. Hindi masyadong mainit dahil may mga puno naman sa paligid at malakas ang hangin.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni Ralph. Pinagmasdan ko naman ang mga sasakyan sa baba at mga bahay na maliliit.
"Pwede na," ani ko. Tinignan ko naman siya na nakatingin din sa baba.
"Alam mo ba na paboritong lugar ito ni Mama? Dito niya sinagot si Papa noong nanliligaw at dito niya rin sinabi kay Papa na buntis siya." Pilit akong ngumiti nang lumingon siya sa akin. Nakita ko ang pamumula ng mata nito na para bang maiiyak sa kinuwento niya.
"A-Ayos ka lang?" Tumango naman ito at napatingala para pigilan ang pagtulo ng kaniyang luha.
"Hindi ko lang mapigilang ma-miss si Mama. Nasa hospital kasi siya at ilang araw na siyang hindi umuuwi sa bahay." Hindi ko naman mapigilang malungkot kaya lumapit ako sa kaniya at hinaplos ang likod niya.
Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko. Wala akong alam kung paano pagaanin ang loob ng isang tao. Madalas ko lang itong nakikita sa mga movies na napapanood ko at baka makatulong.
"Ano bang nangyari sa Mama mo?"
"Nurse kasi siya." Natigilan ako sa paghaplos sa kaniyang likod at napalayo sa kaniya.
Akala ko naman ay may malubhang sakit.
"Hindi kasi ako sanay na wala siya kapag uuwi ako sa bahay," paliwanag nito. "Sa tuwing uuwi kasi ako tapos nandoon siya ay pinaghahanda niya kaagad ako nang makakain."
Tumawa ako ng mahina at napatango na lang sa sinabi niya. Ilang minuto kaming natahimik hanggang sa putulin ko ‘yon.
"Paano mo naman nalaman ang tungkol sa akin?"
"Galing 'yon sa kakilala ni Mama na nagtatrabaho sa company at sinabi lang din sa akin. Mukhang balak na akong pahanapin ni Mama ng girlfriend."
"Sa galing mong mambola ng mga babae, wala ka pang girlfriend niyan?" Umiling naman agad ito.
"Tinuruan lang din ako ng Kuya ko," natatawang sagot niya. "Effective ba?" Napaiwas ako ng tingin nang kumindat ito sa harap ko.
Nagseryoso muna ako at hinarap siya. "Asa ka namang eepekto sa akin 'yan."
"Hindi ba?" Napakamot ito sa ulo. "Paano ba? Ganito ba dapat?"
Nanlaki ang mata ko nang ilapit niya ang mukha nito sa mukha ko. Tinulak ko naman agad siya, sa takot na baka may iba pang makakita.
"Gago ka ba?" inis kong tanong.
"Akala ko ba hindi eepekto sa'yo?" natatawang sagot nito. Tinuro niya naman ang mukha ko. "Bakit nagba-blush ka?"
"Tumigil ka nga!" Tinakpan ko naman ang mukha ko at mabilis na tumalikod. Naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko katulad ng sinabi niya.
Sino ba kasing siraulong ilalapit ang mukha niya sa mukha ko?
Lumapit naman ako sa bench at naramdaman ko ang pagsunod niya sa akin.
"Saglit," pagpigil niya. Napatigil naman ako sa pag-upo at tinignan siya.
"Ano na naman? Ang sakit na ng mga paa ko," pagdadahilan ko sa kaniya. Nagulat ako nang ilabas niya ang tissue at pinunasan 'yong mauupuan namin.
Wow, gentleman naman pala.
"T-Thanks," nakangiting sagot ko.
"You're welcome, babe." Inayos naman nito ang buhok bago siya umupo sa tabi ko.
"Bakit mo pala naisipang maghanap ng boyfriend?" Napadako naman ang tingin ko sa kaniya nang magtanong ito.
"Ahh, wala naman. Trip ko lang," sagot ko. Napatawa naman ito nang malakas.
"Palabiro ka talaga," saad niya. Nagseryoso naman ako ng mukha dahilan ng pagtigil niya. "Nagugutom ka na ba?" pag-iiba niya ng topic.
Tumango naman ako, isa rin ito sa paraan para maiwasan siya. "Sige, hintayin mo ako rito at bibili lang ako."
"Okay." Tumayo naman ito at naglakad palayo sa akin. Pero isang saglit pa ay bumalik ito.
"May pera ka ba? Nakalimutan ko pa lang magdala." Inikot ko ang mata at kumuha ng pera 'saka ko binigay sa kaniya 'yong limang daan.
"Paano ka nakapunta rito ng walang dalang pera? Ibalik mo 'yong sukli, ah." Napatawa lang ito at umalis na.
Nilibot ko ang paningin sa lugar na ito. Wala naman masyadong naka-a-attract panoorin bukod sa tanawin sa baba. Tinignan ko 'yong relo na suot ko nang mapansin na medyo matagal na ang pag-alis niya. Nilingon ko 'yong hagdanan kung saan kami dumaan kanina at ilang sandali pa ay nakita ko itong tumatakbo.
"Bakit ang tagal mo naman?" iritadong tanong ko. Inabot niya naman sa akin 'yong sukli at isang plastic bag na naglalaman ng pagkain na binili nito.
"Kailangan ko nang umuwi, Jhoyce." Napatayo naman agad ako. "Parating na si Papa, hindi niya alam na ginamit ko ang motor niya." Hinawakan ko naman agad siya sa braso nang tatakbo na sana ito.
"Paano ako? Iiwan mo lang ako rito?"
"Sorry, Jhoyce. Kung ihahatid pa kita ay matatagalan pa tayo."
Iiwan niya nga talaga ako. Alam ba niyang wala akong dalang kotse at siya lang ang nagdala sa akin sa lugar na 'to?
"Ilang minutes bago dumating 'yong Papa mo?" tanong ko.
"Thirty minutes," mabilis niyang sagot. Hinila ko naman siya pababa ng hagdan hanggang sa makarating kami sa motor niya.
"Jhoyce, hindi na kita mahahatid,” pag-ulit niya.
"Ayoko namang maiwan dito, Ralph," sagot ko. Nilahad ko naman sa kaniya ang kamay ko. "Akin na 'yong susi. Ako na ang magda-drive."
"Ha? Marunong ka ba?" Tinignan ko ang relo ko at hinarap siya.
"You still have twenty-seven minutes to decide. Kahit ihatid mo lang ako sa labas ng subdivision namin. Malapit lang din naman siguro 'yong bahay niyo, 'di ba?" Tumango naman ito. "Akin na 'yong susi."
Pinag-iisipan niya pa rin kung ibibigay ito sa akin, kaya ako na ang kumuha sa kamay niya. Sinuot ko naman 'yong helmet at binuksan ang makina ng motor. Nilingon ko naman siya na nakatayo pa rin sa pwesto niya.
"Sasakay ka ba o iiwan kita?" Wala siyang nagawa at sumakay na sa motor. "Humawak ka na kahit saan, huwag lang sa akin. Ito ang totoong biyaheng heaven, Ralph."
Naramdaman ko ang pagpulupot niya ng braso sa bewang ko. Tinignan ko naman siya ng masama.
"Sabi ko kahit saan, huwag lang sa akin," pag-uulit ko.
"Kinakabahan ako," giit niya. Mas lalo niya pang hinigpitan ang pagkapit sa akin.
"Tang-ina mo talaga," mura ko sa kaniya. Pinaandar ko naman ang motor nang mabilis. Narinig ko ang sunod-sunod na pagmumura niya dahil sa bilis ng pagpapatakbo ko. Sinigurado ko naman na hindi lalagpas ng speed limit 'yong takbo ng motor. Ayoko nang mahuli pa ng mga police.
Takot akong umangkas, pero hindi ako takot magpatakbo. Malaki ang tiwala ko sa sarili na hindi kami mabubunggo.
Ilang minuto pa ay nakarating kami agad sa tapat ng subdivision namin. Hindi na ako nagsalita sa kaniya at binigay sa kaniya ang motor.
"Thank you," saad niya.
"Sa susunod kasi magpaalam ka na,” pagturo ko sa motor niya. Tumango naman ito at 'saka nagpaalam.
Hindi naman siguro aabot ng ten minutes ang papunta sa bahay nila.
Bumalik na agad ako sa bahay at katulad pa rin ng nakasanayan ay hindi ko naabutan doon sina Daddy. Kung sabagay ay hapon pa lang naman, saglit lang ang pinunta ko sa labas. Akala ko nga ay matatagalan pa ako dahil ang daming kuwento ni Ralph sa akin. Mabuti na lang talaga at dumating 'yong Papa niya. Save by his father.
Kinabukasan naman ay pumunta ako sa lugar na sinabi ni Daddy sa text. Malapit lang naman ang coffee shop kaya naman nilakad ko na lang papunta roon. Agad ko naman napansin ang isang lalaki na may suot na face mask habang nakatingin sa mga taong pumapasok sa loob. Mukhang may inaabangan dahil kanina pa ito nakatingin sa entrance.
Lumapit naman ako sa kaniya. Napaangat naman ito sa akin ng tingin. Makapal ang kilay nito at bilogan ang kaniyang mga mata.
"Waiting for someone?"
"Yeah," he answered.
"Waiting for me, then?" ngising tanong ko.
"And you are?"
"Jhoyce... Jhoyce Amber Rivera." Inilahad ko naman ang kamay sa harap niya. Tinanguan niya lang ako.
"I'm Travis Escareal." Naghintay akong aabutin niya ang kamay ko, pero napansin kong wala siyang balak gawin kaya ibinaba ko na lang ito. Umupo naman ako sa may harapan niya.
"Kanina ka pa?"
"Yeah," maiksing sagot niya. Napansin ko naman 'yong kamay niya na may suot na gloves.
"May sakit ka ba?" kunot noong tanong ko.
"Why?" Tinuro ko naman 'yong mga kamay niya at face mask na suot. "Oh! Dahil maraming bacteria sa labas ng bahay. Look at yourself, hindi mo lang nakikita pero marami ng bacteria ang nakadikit sa katawan mo."
May misophobia kaya siya?
"Okay," nakangising sagot ko. Parang alam ko na ang paraan para makaalis agad dito. "Do you want some coffee? Don't worry, my treat."
"No, thanks."
"No, I insist," mungkahi ko. Wala naman siyang nagawa nang tumayo ako para pumunta sa counter. Sinabi ko naman agad ang order ko at habang hinihintay ito ay nakita ko kung paano niya iwasan 'yong taong dumadaan sa kaniya, na para bang may dala itong nakakahawang sakit.
"One iced coffee and one expresso." Kinuha ko naman 'yong tray na may laman ng order namin. Nakita ko naman ang magkasalubong na kilay ni Travis pagkabalik ko.
Anong klase na naman kaya ng bacteria ang nakita nito?
Inilapag ko ang tray sa lamesa. Kinuha ko ang expresso at nilagay sa tapat ko. Samantalang binigay ko naman ang iced coffee kay Travis. Aksidente ko naman itong natapon sa damit niya na siyang kinatayo niya.
"Can you please be careful?!"
"I'm sorry." Mabilis akong lumapit sa counter at nanghingi ng extra tissue. Lumapit ako kay Travis at pinunasan ang natapong kape sa damit niya.
"Stop it, Jhoyce!" pagpigil niya. Pero dahil kasama sa plano ko ang huwag magpapigil kaya pinagpatuloy ko ang pagpunas sa damit niya. Nanlaki ang mata ko nang itulak niya ako palayo. "I said stop it!"
Natigilan ako at ramdam kong nakatingin na rin ang ibang tao sa loob ng coffee shop sa amin.
"Hindi mo ba alam na ang daming bacteria ng kamay mo at pinunas mo pa talaga sa akin?!" galit na mungkahi nito. Hindi kaagad ako nakasagot at napakurap ng ilang beses nang lumabas ito ng coffee shop. Noong mapansin ko ang nakabusangot na mukha nito sa may labas ay hindi ko mapigilang mapangiti.
I won this battle.
Hindi ko na pinansin 'yong mga taong nagbulungan sa paligid ko at tinapos 'yong kape na in-order ko. Ayoko namang sayangin ang pera ko sa wala lang.
Balak ko sanang puntahan si Ira sa condo niya kaso busy siya ngayon. Hindi niya rin ako na-contact kaya hindi ko sure kung nandoon ba talaga siya.
Matapos kong inumin 'yon ay bumalik na rin ako sa bahay. Nadatnan ko naman si Daddy sa sala habang nagbabasa ng magazine. Wala sana akong balak pansinin at magdiretso lang sa kwarto, pero mukhang nakita niya ako.
"How's your date?"
"Okay lang naman po," sagot ko.
"Simula kay Johann ay wala akong narinig sa kanila tungkol sa iyo. Sure ka bang okay ang lahat?" Pilit naman akong ngumiti at tumango.
"Opo."
"Then, how was it? Wala ka pa bang nagugustuhan sa kanila?" Lumapit naman ako Daddy.
"Sa totoo lang po, hindi talaga mag-match 'yong personality namin. Kaya nahihirapan kaming mag-adjust sa isa't isa." Napatingin naman si Daddy sa akin na para bang naghihintay ng sunod kong sasabihin. "Si Johann mabait, kaso sobrang tipid naman po niya. Si Ralph naman medyo may pagkababaero. Si Travis naman po masyadong dirt consious."
"So, wala ka pang nagugustuhan sa kanila?" Dahan-dahan naman akong tumango. "Okay, sige. Magpahinga ka na muna."
"S-Salamat po." Tumalikod naman ako at naglakad palapit sa hagdan. Pero napatigil ako nang magsalita si Daddy.
"Jhoyce, alam kong napipilitan ka lang na gawin ang lahat ng ito. Pero sana maintindihan mo rin kami." Nilingon ko naman siya at nginitian. "Salamat, anak."
Agad naman akong dumiretso sa kuwarto at nagpahinga.
Nagsunod-sunod ang mga blind dates ko. Pero katulad ng sabi ko noong una ay wala akong balak na matali sa kanila. Kaya patuloy kong ginagawa ang mga bagay na alam kong ayaw nilang makita sa akin. Hanggang sa dumating 'yong araw na may na-meet akong tao na hindi ko ine-expect.
Kasalukuyang nasa Starbucks ako habang hinihintay 'yong sinasabi ni Daddy na makaka-meet ko. May in-order na rin akong dalawang frappe dahil nag-text na rin 'yong guy na malapit na ito. Napatingin ako nang may lumapit na babae sa akin na bakas ang kaniyang balingkinitan na katawan kahit na maluwag ang suot nitong damit.
"Hey, are you Jhoyce?"
Nanlaki ang mata ko. "How did you know my name?"
"I'm Cyril, ako 'yong ka-blind date mo." Inilahad niya naman ang kamay at wala na akong nagawa kung hindi abutin ito.
"I thought you are a guy." Napangiti naman ito at umupo sa harap ko.
"Marami na ring nagsabi."
"Sure ka bang ako talaga ang hinahanap mo?" Tumango naman ito at tinuro ang frappe sa lamesa.
"Sa akin ba 'to?" Wala sa sariling napatango na lang ako. "Thank you!"
Bakit naman naisipan ni Daddy na i-date ako sa kapwa ko babae? Iniisip niya ba na porket hindi ko nagustuhan 'yong mga naka-blind date ko noon na lalaki ay iba na ang gusto kong kasarian?
Hindi ko mapigilang matawa sa naisip. "Is there something wrong, Jhoyce?"
Napadako ang tingin ko kay Cyril. Nakalimutan ko na may kasama pa pala akong iba.
"Ahh, nothing. I remember something funny," paliwanag ko. "Bakit mo pala naisipang mag-apply bilang date ko? Alam mo naman siguro na babae ako, 'di ba?"
Tumango naman ito at binaba ang hawak niyang inumin. "Nagtataka na rin kasi ako sa sarili ko. Sa dami ng mga naka-date kong lalaki ay wala pa akong mapili sa kanila. So, I tried to date someone like you. Baka hindi lang talaga lalaki ang gusto ko."
May dahilan din pala siya.
"Ikaw?"
"What about me?" I asked.
"Bakit nakikipag-date ka sa iba? Hindi mo rin ba sure 'yong gender na gusto mo?"
"Hindi naman ako ang may gusto nito," pagsisimula ko. "Gusto ni Daddy na bumalik ang pagtitiwala ko sa ibang tao, kaya naisip niyang i-date ako sa iba at nagbabakasali na may magustuhan ako."
"May nagustuhan ka na nga ba?" tanong niya. Napailing naman ako. "Paano 'yan? Edi magtuloy-tuloy pa rin ang pakikipag-date mo hanggang sa makakita ka ng ka-match mo?"
"Parang gano'n na nga."
"Lucky you," saad niya. "Hindi ka na mahihirapan kasi may mga naka-line up na sa iyo, right?" Tumango naman ako.
"Anyway, can I hold your hand?" Nagtaka naman ako pero inabot ko pa rin naman sa kaniya ang kanang kamay ko. Hinawakan niya naman ito nang mahigpit at pinakiramdaman. "Bakit gano'n wala pa rin akong nararamdaman?"
Binitawan niya naman ang kamay ko. Nagkuwento pa siya ng mga naranasan niya sa mga lalaki at nakinig lang ako. Parang nagpahinga ako ngayong araw sa pakikipag-date at nakahanap ng maku-kuwentuhan.
"Wait," pagpigil niya. "Is that Allen?" Napatingin naman ako sa labas ng Starbucks kung saan siya nakatingin. Napansin ko 'yong maputing lalaki na may kasamang babae.
Parang familiar ‘yong guy. Saan ko nga ba ‘yon nakita?
"Do you know him?" Binalik niya ang tingin sa akin at tumango.
"Ex-boyfriend ko," tugon niya. Tinignan niya muli 'yong ex niya sa labas. "Sinasabi ko na nga ba na dini-date niya 'yong model na 'yon."
"Gusto mo bang sundan?" Napatingin naman siya ulit sa akin.
"How about you?"
"Okay lang naman ako rito," sagot ko.
"You sure?" Tumango naman ako kaya inayos niya ang dalang gamit. "Anyways, nice meeting you, Jhoyce. Sana makapag-meet ulit tayo sa susunod. Mauna na ako, ah?"
"Sure! Thank you again." Mabilis naman itong lumabas ng Starbucks at hinabol 'yong ex nito.
Nang makabalik ako sa bahay ay nadatnan ko ang mga bagahe na nasa sala. Napakunot ang noo kong lumapit kina Daddy at Mommy na naghihintay sa akin. Mukhang biglaan naman 'yata ang pag-alis nila. Siguro ay may hindi na naman silang inaasahan na meeting.
"Ano pong meron? Aalis ba ulit kayo?" Umiling si Mommy at sinukbit ang braso niya sa braso ko.
"Hindi lang kaming dalawa ng Daddy mo. We are all going together, Jhoyce."