Jhoyce's POV
"The hell, Jhoyce! Saan ka ba nanggaling?" bungad na sigaw sa akin ni Ira pagkapasok ko sa condo niya. "Alam mo ba kung sinu-sino na ang tinawag kong santo para lang mahanap ka? Kahit 'yong mga kaibigan mo no---" Napatigil ito at napaisip.
"Tsk," singhal ko. Mang-aasar na naman siya.
"Wala ka pa lang kaibigan bukod sa akin. Basta tinawagan ko na 'yong mga kakilala mo, pero hindi rin nila alam kung nasaan ka," pagtutuloy niya.
"Sorry," I murmured.
"Nag-iisip ka ba? 'Yong magulang mo nag-file na ng case sa nawawalang anak sa pag-aalala kung saan ka pumunta." Pumunta ako sa sofa at umupo roon. "Ano bang nangyari sa iyo? Bakit ganiyan na ang itsura mo?"
Sumandal ako sa pagkakaupo at pilit kong iniisip kung sino 'yong lalaking nakasama ko sa kuwarto. Kung paano ako nakapunta roon at kung bakit iba na ang suot kong damit?
"Jhoyce, bingi-bingihan tayo? Saan ka ba pumunta? Tatawa---"
"Ahh!" sigaw ko at ginulo lalo ang buhok ko. Kapag inisiip ko ay mas lalong sumasakit 'yong ulo ko.
"Anong nangyari sa iyo? Sinaniban ka ba?" Napatingin naman ako kay Ira, na naguguluhan na rin sa kinikilos ko. Sinamaan ko siya ng tingin at patuloy na ginulo ang buhok ko. "H-Hoy, ano? Ayos ka lang?"
Hindi ko alam kung anong nangyari sa kuwarto na 'yon. Kung may nangyari ba sa amin o pinagsamantalahan ako ng tao na 'yon.
"Nakakainis talaga!" sigaw ko at napapadyak na lang.
"Nababaliw ka na," napapailing na sagot ni Ira sa akin.
Nababaliw na talaga ako. Bakit ko ba kasi naisipang pumunta pa sa bar na 'yon?
Natigilan ako sa pag-iisip nang may maalala. Sa pagkakatanda ko ay 'yong bartender lang naman ang nakakakilala sa akin roon. Hindi kaya siya ang nagdala sa akin sa room na 'yon?
Napailing ako sa naisip. Hindi maaari na lapitan niya ako dahil customer ako, pero posible rin dahil pansin ko na may gusto siya sa akin. Lalo na at natandaan niya pa rin ako kahit pangalawang beses ko pa lang pumunta sa bar na 'yon.
Naguguluhan na talaga ako.
"Jhoyce, sabihan mo lang ako kung tatawag na ba ako ng albularyo." Binalik ko ang tingin kay Ira nang magsalita ito.
"Posible bang magkagusto ka sa isang tao na pangalawang beses mo lang nakita?" Dahan-dahan naman siyang tumango.
"Love at first sight," wika nito.
Posibleng siya talaga ang kasama ko noong gabing 'yon?
Napailing na lang ito na lumayo sa akin at kinuha ang cellphone niya, mukhang may tatawagan. Ilang minuto lang bago ito bumalik at umupo sa gilid ko.
"Tinawagan ko si Tito Angelo at pinaalam ko na nandito ka na. Pumayag naman siya na tumuloy ka muna rito pansamantala. Alam niyang hindi kayo magkakaintindihan kapag nag-usap, kaya hinayaan ka na lang muna."
Doon bumalik ang diwa ko. Naalala ko nga pala na hindi kami magkaayos ng parents ko. Nawala na sa isip ko na niloko nga pala nila ako. Ginamit pa nila ang kahinaan ko para mapasunod sa mga gusto nila.
"Kailan mo balak sabihin sa kanila ang totoo?" Biglang nagseryoso ang mukha ni Ira. Mukhang gusto niya talagang sabihin ko sa magulang ko ang totoong nangyari sa amin ni Hendrix. Nagkibit balikat lang ako bilang sagot.
Ayoko muna silang pagtuonan ng pansin dahil kapag ginawa ko 'yon, sure ako na pipilitin na naman nila ako sa ibang bagay na hindi ko gusto. Kilala ko na ang parents ko, alam kong gagawin nila ang lahat para sa negosyo. Kahit sarili kong kaligayahan ay itataya nila sa ibang tao para lang makuha ang gusto nila.
Narinig ko ang malakas na buntong hininga ni Ira sa gilid ko at alam kong sumusuko na siya sa katigasan ng ulo ko.
"Kumain ka na ba?" tanong ni Ira.
"Hindi pa," sagot ko. "May pagkain ka ba r'yan?"
Tumayo ito at pumunta sa kusina. Pagbalik niya ay may dala na itong tray ng pagkain. Inilapag niya naman ito sa lamesa sa harapan ko.
Bigla naman akong natakam sa pancake na ginawa niya kaya kinain ko kaagad ito.
"Oo nga pala. Tumawag sa akin 'yong isa sa mga magazine at gusto ka nilang i-interview regarding doon sa pagkapanalo mo sa car race." Hindi ko mapigilang mabulunan nang sabihin niya iyon kaya agad kong ininom ang kape. Naibuga ko naman ito nang mapaso ang dila ko.
"Bakit hindi mo sinabing mainit?" iritado kong tanong sa kaniya.
"Akala ko alam mo? Nakita mo pa ngang umuusok pa, hindi ba?" sagot nito.
Tinignan ko naman ang kape at napansin ang pag-usok nito. Mukhang masyado akong lutang at hindi ko man lang napansin 'yon.
"Kaya nga. Nagulat lang ako sa sinabi mo," pagdadahilan ko. Ayoko lang malaman niya na tulala ako noong binigay niya sa akin 'yong pagkain.
"Ilalagay nila sa sports magazine 'yong interview mo kung sakaling pumayag ka," pagtuloy niya sa pagkuwento sa akin.
"Kailan daw ba?"
"Sa lunes na. Isasabay na lang kita sa photoshoot ko." Tumango naman ako at itinuloy na ang pagkain na hinanda niya.
Nang matapos ako sa pagkain ay nagpaalam na rin si Ira sa akin na papasok na. Pinaalalahanan pa ako nito na huwag lumabas ng bahay at huwag pumunta kung saan. Nagbiro pa ito na magfi-file na talaga siya ng case para sa akin kapag nawala ulit ako.
Kasalukuyan akong nanonood ng movie na Fast and Furious nang mag-ring ang cellphone sa gilid ko. Hindi ko alam kung sino ang tumatawag dahil hindi naman naka-register ang number niya sa contact ko. Pinahinaan ko muna ang volume ng TV bago ko sinagot ang tawag.
"Hello?" bati ko.
"Jhoyce." Nang makilala ko ang boses niya ay agad kong pinatay ang tawag.
Ano na naman kaya ang kailangan niya? Talagang gumagawa siya ng paraan para matawagan ako.
Nang tumawag ulit ang number na 'yon ay agad kong pinatay. Pinagpatuloy ko ang panonood ng movie, pero ilang minuto rin ay may tumawag na naman sa akin.
"Ibang number na naman? Talagang gumagawa talaga ng paraan 'yong kumag na 'to," sabi ko sa sarili. Dahil sa sobrang inis ay sinagot ko na ito.
"Ano ba Hendrix?!" sigaw ko. "Talaga bang hindi mo ako titigilan? Hanggang kailan mo ba ako tatawagan? Kung magso-sorry ka, hindi ko na tatanggapin 'yan. Kaya tang-ina mo, tigilan mo na ako!"
"J-Jhoyce, si Anton 'to." Natigilan ako at napatakip kaagad ng bibig.
"A-Anton?" nauutal na tanong ko. Napasapo ko ang noo dahil sa katangahang ginawa ko.
"Hindi kaagad ako nakasagot dahil binara mo ako agad," natatawang sagot nito.
"Sorry," nahihiyang sabi ko.
Ang tanga mo talaga kahit kailan, Jhoyce. Hindi lahat ng unknown number ay hawak ni Hendrix.
"Hindi pa rin ba kayo ayos ni Hendrix?" Hindi ako agad nakasagot.
Isa si Anton sa naging saksi sa relasyon namin ni Hendrix noon. Kahit siya ay hindi alam na hiwalay na kami ni Hendrix, ang alam lang nila ay magkaaway kami hanggang ngayon. Tanging si Ira lang ang nakakaalam ng lahat. Kung sabagay sa kaniya ko lang din naman kinukuwento lahat.
"Bakit ka pala napatawag?" pag-iiba ko ng topic.
Ayoko munang sagutin ang lahat patungkol kay Hendrix. Kahit nga ako na tinatawag ang pangalan niya ay naiinis.
"Oo nga pala. Nalaman ko kay Ira na umalis ka sa bahay niyo," pag-uumpisa nito.
Ito yata 'yong sinabi niya na kung sinu-sino na ang tinanong niya noong nawala ako kagabi. Pero mukhang may iba pa siyang sinabi. Hindi na ako magtataka.
"Oo," tanging sagot ko na lang.
"Ayon! May gaganaping car race mamayang hapon sa dating lugar ulit. May mga dadayo kasi kaya naghahanap sila ng mga makakalaban. Huwag kang mag-alala hindi mo na kailangang magbayad, kami na bahala roon," paliwanag nito. "Ano game ka?"
"Hindi yata ako makakasama ngayon dahil wala akong sasakyan."
"Gano'n ba? Sayang naman. Ang laki pa naman ng mga pusta."
Nanghinayang naman kaagad ako. Alam kong dagdag din ito lalo na at wala akong pera noong umalis sa bahay.
"Pupunta ba si Luis diyan?" tanong ko.
"Oo, pero hindi siya maglalaro. Pupusta lang siguro siya mamaya." Napangiti naman ako nang marinig 'yon.
"Sige, tatawagan ko siya agad. Baka puwede kong hiramin 'yong sasakyan niya."
"Good! Tawagan mo ako agad kung okay na para mailagay ko na sa listahan ‘yong pangalan mo."
“Sige.”
Sana lang talaga ay mapahiram niya ako ng sasakyan. Knowing Luis ay madalang siya magpahiram ng gamit niya, lalo na ng kotse niya. Saksi ako kung paano niya alagaan 'yong kotse niya at alam ko na upgraded na rin ang ibang makina no'n. Kaya hindi rin ako nagkamali na piliin siya na maging ka-team ko, alagang-alaga niya kasi ang kotse ko.
Nang maibaba na ni Anton ang tawag ay agad ko namang tinawagan si Luis. Wala pang limang segundo ay sinagot niya na agad ito.
"Hey, Amber!" napangisi ako nang tawagin niya ako sa second name ko. Kung wala lang akong kailangan sa kaniya ay nakipag-asaran na rin ako.
"Hi, Luis!" malambing kong tawag. Narinig ko naman ang pandidiri sa boses niya kaya hindi ko mapigilang tumawa nang mahina. Ayaw niya pa naman na ginagawa ko 'yon sa kaniya dahil parehas kaming isa lang ang gusto... mga lalaki.
Okay, binabawi ko na. Makikipag-asaran pa rin ako sa kaniya.
"What do you want, Amber?" tanong nito. Mukhang alam niya na kaagad na may kailangan ako sa kaniya.
"Pahiram ako ng kotse mo," diretso kong sagot. "Huwag kang mag-alala, hahatian kita mamaya ng panalo ko."
"What? No! Huwag ang baby ko," pagtutol nito. "Nasaan ba ang kotse mo?"
"Naglayas ako sa bahay," paliwanag ko.
"Wow! I salute you, Amber!" namamanghang sabi nito. "Nasaan ka ngayon?"
"Sa condo ni Ira," ani ko. "Ano ba? Pahihiramin mo ba ako o hindi?"
"Tsk," singhal niya. "Kung hindi lang kita kaibigan. Siguraduhin mo lang na may hati ako sa'yo, ah?"
"Oo naman," nakangiting sagot ko. "Thank you, Jerome! See you."
"f**k y---" Pinutol ko na agad ang tawag dahil baka bawiin niya ang pagpapahiram sa akin. Nag-text na rin agad ako kay Anton na isama ang pangalan ko sa list na maglalaro.
Mabilis na lumipas ang oras. Hindi na ako nag-text kay Ira na lumabas ako ng bahay, nag-iwan lang ako ng note sa table at nagsabi na may binili lang ako sa labas. Dumiretso na kaagad ako sa lugar kung saan gaganapin 'yong car race. Nandoon na sila Anton at Luis, dala ang sasakyan niya.
"Ingatan mo 'yan," sabi ni Luis at binigay sa akin ang susi.
"Oo naman katulad ng pag-iingat ko sa'yo." Nakita ko ang pag-ikot ng mata nito at bumalik na sa pakikipag-usap kay Anton.
Palibhasa kasi may gusto siya kay Anton kaya hindi niya ako pinapansin.
"Nandiyan na sila." Napatingin naman ako sa tinuro ng isang lalaki. May dalawang lalaki roon na palapit sa amin. Mukhang mga yayamanin dahil ang ganda ng mga kotse nila.
"Magkano pala pustahan?" tanong ko kay Anton nang tumabi ito sa gilid ko.
"Isang daang libo," mabilis na sagot nito.
Ang lalaki naman ng mga pusta nila. Saan kaya nila nakuha ang pera ng pangpusta?
"Players?"
"Five." Nanlaki ang mata ko at napatingin kay Anton na nakatingin din sa dalawang lalaki na papasok.
Kapag nanalo ako ay may kalahating milyon na agad ako?
"Ang ganda ng mga kotse nila," bulong nito sa sarili.
"Tsk. Sa labas lang 'yan," singit naman ni Luis.
Lumapit naman sa akin si Luis at may binulong. Napangiti naman ako at tumango sa kaniya. Hindi talaga ako nagkamali na hiramin ang kotse niya.
Lumabas naman 'yong dalawang kasama nila sa kotse. Nakataas pa ang noo nila na parang sila ang hari ng lugar na ito, mga dayo lang naman. Napasinghal na lang ako sa gilid.
Lumapit naman si Anton sa kanila at nakipag-usap. Narinig ko pa ang papuri nito sa mga sasakyan na dala nila. Narinig ko 'yong malakas na tawa ng isang lalaking naka-itim kaya natahimik 'yong ilang nag-uusap at napatingin sa kanila.
"Hindi porket may istura sila ay magyayabang na sila," nakangising ani ni Luis sa gilid ko. Sumang-ayon naman ako sa kaniya.
Lumapit naman ako kay Anton nang tawagin niya ako.
"Hey, this is Jhoyce. She's one of my team." Tumango naman sila at tinignan lang ako.
“Girl?” bulong ng nakapulang damit. Nakaramdam ako ng panliliit dahil sa paraan ng mga tinginan nila. Tignan na lang natin kung sino ang mananalo mamaya. Sisiguraduhin kong nakabuntot lang sila sa akin.
Kung attitude kayo, mas attitude ako. Hindi nila alam na ako ang reyna ng kalsada.
Saglit lang sila nag-usap at pinag-ready na rin kami sa starting line at dahil hindi naman ito mismong racing competition ay two laps lang ang kailangan naming gawin.
Narinig ko ang pagpapa-ingay nila ng mga sasakyan kaya in-on ko na rin ‘yong sa akin. Nang buksan ko ang makina ng kotse ni Luis ay bigla akong namangha. Nakita ko 'yong green button na binulong niya sa akin kanina. Hindi ko naman kailangang gamitin 'yon dahil kaya kong makipagsabayan sa kanila.
Pumwesto na ang lalaki sa gitna dala ang flag. Tinignan ko ang puwesto nila Anton at Luis na nakatingin sa amin. Alam kong kinakabahan din sila dahil hindi pa naman namin nakitang maglaro ang dalawang dayo na ito. Hindi namin alam kung maayos ba silang maglaro.
Tinignan ko ang lalaki sa harapan nang iwagayway niya ang flag. Ilang segundo lang ay binaba niya na ito, kaya agad kong inapakan ang pedal gas ng sasakyan.
Hindi na ako magtataka nang mauna ako at halos magkasabay 'yong dalawang dayo kanina sa likuran ko. Sumunod naman sa kanila 'yong dalawang sasakyan sa likuran. Napangiti ako dahil hindi nila masabayan 'yong bilis ng takbo ko.
Akala ko magiging mabilis lang ang pagkapanalo ko, pero hindi ko inaasahan nang pagitnaan ako ng dalawang dayo na 'yon. Nakita ko ang pangngisi nilang dalawa.
"s**t!" mura ko nang maramdaman ang pagsagi ng sasakyan ng isa sa sasakyan ko. Mayayari ako kay Luis nito.
Nakita kong nauna na rin 'yong dalawang nasa likod kanina. Halos manlaki ang mata ko nang makita kong magtanguan ang dalawang lalaki sa gilid ko. Kung hindi pa ako makakaalis sa gitna nila, hindi ako makakasabay at maiiwanan ako. Malaki din ang impact na tatama sa sasakyan at posibleng ikasira ang makina nito sa loob.
Sunod-sunod akong napamura at wala nang magawa kung hindi bagalan ang takbo ko. Natapos ang unang lap at ako na ang nasa pinakahuli. Nang madaanan ko ang puwesto nina Anton at Luis ay napayuko na ang dalawa. Hindi pwedeng matapos lang dito ang paghihirap naming lahat.
Nagpabalik-balik ang tingin ko sa mga interior ng sasakyan at sa kalsada. Tumigil ako sa green button na sinasabi sa akin ni Luis kanina.
"Inumpisahan niyo ako. Mukhang ayaw niyong lumaban ng patas."
Tinanggal ko ang naka-cover dito at pinindot ang button. Ginalaw ko ang stick shift at inapakan ang pedal gas. Naramdaman ko ang bilis ng pagtakbo ng sasakyan at rinig ko rin ang makina sa loob nito. Halos malapit na sila sa finish line. Inapakan ko ang clutch at iniba ang stick shift at inapakan nang mas madiin ang pedal gas. Parang hangin ang bilis ng sasakyan nang maunahan ko ang apat na sasakyan sa unahan at makarating sa finish line.
Napangiti ako nang i-stop ang sasakyan. Narinig ko ang sigawan ng mga nanonood pagkalabas ko ng sasakyan at mabilis naman na lumapit sa akin sina Anton at Luis.
"Congrats, Jhoyce!" bati ni Anton.
"Kakalbuhin na sana kita dahil nakita ko ang gasgas sa sasakyan ko. Pero dahil natalo mo 'yong mayayabang na 'yon, pagbibigyan muna kita," wika nito at niyakap ako. "Congrats!"
"Salamat," nakangiting sagot ko.
Lumapit naman sa akin 'yong dalawang dayo.
"Congrats!" bati nilang dalawa.
"Magaling ka pala?" tanong ng isang lalaki na naka-itim. Nginisian ko naman siya.
"Wala kasi sa kotse 'yon," pagmamayabang ko rin.
"That's our winner," pang-aasar din ni Luis sa gilid ko. Nagtawanan naman kaming dalawa.
Iniwan naman namin 'yong dalawang dayo roon na nanggagalaiti sa inis at lumapit sa mga nanonood kanina. Sabay-sabay naman silang nag-congrats sa akin paglapit ko. 'Yong iba naman ay nakipagkamay rin para bumati.
"Jhoyce." Napatingin ako nang tawagin ako ni Anton. Napatigil ako sa pakikipag-handshake sa ibang tao at hinarap siya.
"Bakit?" tanong ko. Nakita ko ang takot sa mga mata niya kaya nawala ang ngiti sa labi ko.
"'Yong Daddy mo."
"Anong meron kay Daddy?" kinakabahang tanong ko. Gumilid naman ito at humarap sa likod. Tumingin ako sa likuran niya at nakita ko na nakasuot ng corporate attire ang isang lalaki na palapit sa amin.
"D-Dad," gulat kong tawag nang makilala ito.