Jhoyce's POV
Tinanggal kaagad ni Ira ang pagkakahawak ko sa kaniya nang makaliko kami sa unang kanto. Napatingin ito sa akin at agad niya akong pinanliitan ng mata.
"B-Bakit?" nauutal kong tanong. Napatalon ako sa gulat nang lumapit ito sa akin at binigyan ako nang mahigpit na yakap. Hindi ko na naman tuloy mapigilang mapaluha.
Akala ko ay sisigawan niya ako at pagsasabihan sa mga mali kong ginawa, pero hindi. Alam niya talaga kung paano ako paiyakin.
Naramdaman ko ang dahan-dahan nitong paghaplos sa likod ko para pagaanin ang loob ko.
"Bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin?" bulong nito.
"Dahil ayoko nang makaistorbo pa sa iyo," dahilan ko.
"Kahit na," pagtutol niya. "Alam mo naman na kaya kong ipagpaliban lahat para marinig lang 'yong mga kadramahan mo, 'di ba?" Napatango naman ako at hindi na sinagot pa.
Alam ko. Kaya nga ayokong sabihin sa kaniya na sinubukan kong sabihin kina Daddy 'yong tungkol sa paghihiwalay namin ni Hendrix, dahil alam kong mas uunahin niya pa ako. Ayokong maging sagabal sa kaniya. Lagi na lang siya ang inaasahan ko sa mga ganitong bagay.
Napahiwalay naman ako ng yakap at agad na pinunasan ang luha na tumulo sa pisngi ko.
"Tama na nga 'yong kadramahan. Hindi bagay sa akin 'yong mga ganito." Nginisian niya naman ako at hinampas ang braso ko.
"Ano na namang ginawa ko?" inis kong tanong sa kaniya. Hinaplos ko naman 'yong braso ko na natamaan niya.
"Bakit mo naman ginawa 'yon?" tanong nito.
"Ang alin?" kunot noong tanong ko sa kaniya pabalik. Tinignan niya lang ako at napailing.
"Tsk," singhal niya. "Tara na nga! Ilibre mo na lang ako dahil nagugutom na ako. Alam mo bang hindi ako nakakain sa bahay niyo dahil sa pag-aalala sa iyo?"
Lumapit naman ito sa akin at nilagay ang braso sa balikat ko at 'saka kami nagsabay maglakad.
"Teka!" pagpigil ko.
"Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"Talagang maglalakad tayo ng nakaganito ako?" Lumapit naman siya sa akin at inayos 'yong nagulo kong buhok. Tinanggal niya rin ang suot niyang jacket at pinasuot ito sa akin.
"Ayan! Okay na. Mabuti na lang at nakakuha ako ng jacket sa kwarto mo," nakangiti nitong ani. Tumuloy ulit kami sa paglalakad at nang may maalala ay mabilis ko siyang pinigilan.
"s**t!" mura ko. Sabay naman kaming napatigil at nagkatinginan sa isa't isa.
"Bakit na naman?" iritadong tanong niya. "Huwag mong sabihin na hindi ka pa rin satisfied sa suot mo?"
"'Yong pera mo sa wallet, nakalimutan ko pa lang kunin sa police," paliwanag ko. Nakita ko naman ang pag-ikot nito ng mata niya.
"Ano pa nga ba ang in-expect ko?" sagot niya. "Oo na, ako na ang magbabayad. Alam ko naman, e. Siguraduhin mo lang na babayaran mo ako sa susunod."
Tumuloy kami sa paglalakad para humanap ng kakainan.
"Saan mong gustong kumain?" tanong niya. Hindi ko mapigilang mapasimangot nang may maalala. "Oh, bakit ganiyan na naman mukha mo? Tinatanong lang naman kita kung saan mo gustong kumain."
"Wala," sagot ko. "Tara na nga!"
Agad naman kaming nakakita ng kakainan na hinahanap ni Ira. Tinanong niya po kung anong gusto kong kainin, pero siya lang din naman pala ang pumili. Naghanap kaagad kami ng mauupuan at may lumapit sa amin na waiter. Binigay niya sa amin 'yong menu at ilang minuto pa ay sinabi na rin namin 'yong order namin.
"Jhoyce," nanlalaking matang tawag niya sa akin.
"Oh?"
"Forty-five degree," saad niya. Napakunot naman ang noo ko. Kaya nginuso niya na lang 'yong dalawang lalaki na kumakain sa may gilid ko.
Hindi niya na lang sinabi.
"Anong gagawin ko sa kanila?" tanong ko.
"Jhoyce, may taste ka ba talaga sa mga lalaki?" iritadong tanong niya. "Tignan mo ang popogi, oh! Hindi ka makakakita ng mga ganyan kung saan-saan."
"Tapos?"
"Duh!" Inikot niya naman ang mata at binalik muli ang tingin sa dalawang lalaki na 'yon.
"Hindi lalaki ang pinunta natin dito. Kakain tayo, okay?" paliwanag ko sa kaniya. Nakangiting tumango ito habang nakatingin pa rin sa mga lalaki.
"Ayaw mo no'n?" Binalik niya ang tingin sa akin. "Buy one take one. Busog na ang tiyan mo, busog pa ang mata mo."
"Tsk, ewan ko sa iyo," singhal ko.
"Jhoyce," tawag niya. Sunod-sunod niya namang kinalabit ang braso ko.
"Ano na naman?"
"Tignan mo, oh! Aagawan pa ako ng ibang babae. Ang kakapal talaga ng mga mukha, akala mo ang gaganda." Tinuro niya naman 'yong dalawang babae na nakatingin din sa lalaking tinitignan niya habang nagsisipagtawanan ang mga ito.
"Tulungan mo kasi ako. Bet ko 'yong naka-itim na damit tapos sa iyo na 'yong isa. Dali na kasi."
"Idadamay mo pa ako sa mga ganiyan mong gawain. Baka may mga sabit pa ang mga 'yon, ikaw na naman ang kawawa sa huli."
"Hayaan mo na, minsan lang naman." Napatigil naman ito nang dumating 'yong in-order naming mga pagkain. Sinimulan naman naming kumain, pero habang kumakain ay nahuhuli ko itong napapasulyap sa mga lalaki.
"Ira, food!" suway ko.
"Bakit?" nakangusong nitong sagot. "Pagkain din naman tinitignan ko, ah." Napailing ako at binaba sa lamesa ang hawak kong kutsara at tinidor.
"Ayaw mo kasi akong tulungan," bulong nito sa sarili. Pero dahil magkatapat kami ay narinig ko ito.
"Sige, tutulungan kita." Nanlaki naman ang mata nito sa tuwa at agad na napatingin sa akin. "Pero sa isang kundisyon."
"Sige, game. Ano ba 'yon? Basta kukunin mo 'yong number ng naka-itim na 'yon, okay?" Tumango naman ako at napangisi.
Malaki ang magagastos ko kung babayaran ko 'yong utang ko sa kaniya. Ito na lang ang tanging paraan para bawasan 'yon.
"Game," sagot ko. "So, bayad na ang utang ko sa iyo?" nakangiting sagot ko.
"Ayon 'yong kondisyon?" Tumango agad ako. Saglit itong nag-isip at ngumiti. "Sige, game! Number, ah?"
"Go!" Hindi ko mapigilang mapangisi. Pinunasan ko naman ang labi at baka may natira pang pagkain. Pagkatapos ay inayos ko ang jacket na suot ko. Kinuha ko 'yong tissue sa lamesa at lumapit sa counter.
"Hi, can I borrow your pen, please?" Tumango naman 'yong babae roon at agad na binigay sa akin 'yong ballpen.
Lumapit ako sa dalawang lalaki na tinitignan ni Ira kanina. Sakto naman na tapos na rin sila sa pagkain at umiinom na lang ng shake. Inilapag ko naman ang tissue at ballpen sa lamesa sa harap ng lalaking naka-itim. Sabay silang napatigil sa pag-inom at tumingin sa akin.
"Ikaw na naman?" Narinig kong sabi ng kasama niyang lalaki pero hindi ko ito nilingon.
"Ano 'yon, Miss?" tanong nito sa akin. Nginuso ko naman 'yong binigay ko sa kaniya sa lamesa. Napatingin naman siya roon at napatango na para bang naintindihan ang gusto kong ipahiwatig.
"Ahh, sorry hindi ako bibili. Marami pa kasi sa office," sagot nito. Napakunot naman 'yong noo ko.
"Ha?"
"Hindi ka ba nagbebenta ng ballpen?"
"W-What?" hindi makapaniwalang tanong ko. Narinig ko naman ang mahinang tawa ng kasama niyang lalaki kaya hinarap ko ito at pinanlakihan ng mata.
"Anong tinatawa-tawa mo?" Pinigilan naman nito ang pagtawa at agad na iniwas ang tingin.
"Dude, number mo hinihingi niyan," paliwanag naman nito.
"Number ko?" tanong nito. Nilingon ko naman ito at nakita ko ang pagtingin niya sa akin mula ulo hanggang paa. "Sorry, Miss, hindi kita type."
Napakagat ako ng labi at pinipigilan ang inis nang sabihin niya 'yon. Idagdag mo pa 'yong malakas na tawa ng kasama niya.
"Anong akala mo sa akin? Pumapatol sa lalaking lumalaklak ng glutathione?" sagot ko. Napanganga naman ito at inasar pa siya ng lalaking kasama niya.
"Dude, payag ka no'n? Binabara ka lang ng babae na 'yan?"
"Shut up!" Kinuha naman nito ang pen at tissue 'saka inabot sa akin. "Mahal ang number ko. Baka hindi mo afford."
"Tsk," singhal ko. "Kahit mahal pa 'yan wala akong balak bilhin 'yan."
Hinarap ko naman 'yong lalaki na kung makatawa ay daig pa ang nakalunok ng megaphone sa sobrang lakas. "Hinay-hinay lang sa pagtawa at baka atakihin ka."
"Bakit? Concern ka sa akin, nu? Aminin mo na kasi na natatandaan mo ako."
Ilang beses niya bang ipapamukha sa akin na magkakilala kami?
"Ano naman kung matandaan kita? Wala rin naman akong paki-alam sa iyo." Nawala ang ngiti nito sa labi at siya naman ang tinawanan ng lalaking naka-itim.
Ano pa ba ang ginagawa ko sa table nila? Ayaw naman niyang ibigay ang number niya.
Tinalikuran ko na sila at agad na lumapit sa lamesa namin ni Ira.
"Nakuha mo na?" bungad niyang tanong. Padabog naman akong umupo roon at kinuha ang tubig 'saka diretsong ininom ito. "Nakuha mo?"
Tinitigan ko naman ng diretso si Ira at nawala ang ngiti nito.
"Hindi mo nakuha," malungkot niyang sagot.
"Babayaran kita. Huwag kang mag-alala."
"Bakit ang tagal mo namang makipag-usap sa kanila? Akala ko pa naman ay nakuha mo na. Sayang naman."
Bakit ko ba kasi naisipang tulungan si Ira? Nakakainis! Kung ano-ano pa tuloy ang naisip nila. Pinagkamalan pa akong nagtitinda ng ballpen. At anong sabi niya? Hindi niya ako type? Aba! Ang kapal din naman ng mukha niya.
Binagsak ko ang hawak na baso sa lamesa.
"Bad trip talaga!"
"J-Jhoyce," tawag ni Ira. Nakita ko ang panlalaki ng mata nito habang nakatingin sa likuran. Napakunot noo naman akong tinignan din ang likod ko at nagulat ako nang makita 'yong nakasuot na itim na damit doon na nakatayo.
Hindi ito nagsalita at inabot lang sa akin 'yong tissue. Pinag-iisipan ko pa kung kukunin ko ba ito o hindi. Feeling ko kasi ay mang-aasar na naman ang mga ito.
"Jhoyce, kunin mo," rinig kong utos ni Ira sa akin. Wala naman akong nagawa kung hindi abutin ang tissue na binibigay niya. Wala na itong sinabi at napansin ko na lang na umalis sila ng kasama niya.
Napangisi ako nang mabasa ang sorry doon at may smiley face pa itong drawing sa gilid. Itatapon ka na sana nang kunin ito sa akin ni Ira. Nagulat ako nang bigla itong sumigaw habang nakatingin sa tissue na hawak niya.
Napatingin naman agad ako sa mga taong nagsipaglingunan sa pwesto namin.
"Hoy, Ira! Ano ba? Nakakahiya ka." Pinakita niya naman sa akin 'yong likod ng tissue at nakita ko roon 'yong number na nakasulat. Nabasa ko rin 'yong Allen na nakalagay roon at sigurado akong pangalan 'yon ng lalaking naka-itim.
"I love you, Jhoyce! I love you na talaga!" kinikilig na sabi nito. Nilabas niya naman ang cellphone at agad na ni-save ang number ng lalaking 'yon.
"Bayad ka na sa utang mo," napapailing na ngumiti na lang ako sa kaniya.
Pagkatapos naming kumain sa restaurant na 'yon ay agad na kaming dumiretso sa unit ni Ira. Tinulungan niya naman akong gamutin 'yong sugat ko. Ilang beses niya pa akong pinagsabihan na alagaan ko raw ang katawan ko at baka tumanda ako na may mga piso sa balat. Hindi ko pa nga naintindihan noong una, pero peklat lang pala na kasing laki ng piso ang sinasabi niya.
Nagpalipas akong isang gabi sa kanila at katulad ng sinabi ko ay agad din akong umuwi sa bahay namin. Hindi ko nadatnan doon sina Daddy at Mommy. Iniisip ko nga na baka galit pa ito sa akin at iniiwasan ako. Pero tumawag naman ito sa isang maid at sinabing hindi pa tapos ang trabaho nila.
Noong dumating naman sila rito ay si Mommy lang ang pumapansin sa akin. Naging tahimik ang bahay at pinipigilan ko rin ang sarili ko na huwag munang gumawa ng bagay na ikakagalit nila. Alam kong hindi pa rin kami okay. At sa tuwing maiisip ko 'yong magkaibang suot ni Daddy na sapin sa paa kahapon ay hindi ko mapigilang ma-guilty sa ginawa ko. Gusto ko man humingi ng sorry, pero nawawalan ako palagi ng lakas ng loob.
"Ma'am Jhoyce." Narinig kong tawag sa akin mula sa labas ng kwarto.
Pinatay ko naman ang video na pinapanood ko at 'saka in-off ang laptop. Lumapit naman ako sa pintuan. Nang buksan ko ito ay bumungad si Luna. Si Luna ang pinakabatang maid na nagta-trabaho sa bahay at halos magkasing edad lang kami.
"Ano 'yon?" tanong ko. Napatingin naman ito sa hawak niya. Doon ko lang napansin na may dala pala itong malaking box.
"Pinapabigay po ng Daddy niyo."
Hindi ko mapigilang magtaka kung para saan 'yon. Dalawang araw simula noong dumating ako rito sa bahay ay hindi kami nagpapansinan. Tanging si Mommy lang ang nakakausap ko at pumupunta sa kwarto ko noong umuwi ako.
"Para saan daw 'yan?" Nagkibit balikat naman ito.
"Hindi po sinabi, e. Inabot lang sa akin at sabi ay ibigay ko raw sa iyo agad."
Nandito si Daddy? Bakit hindi ko man lang siya nakita? Kung sabagay buong maghapon akong nasa kwarto lang.
Binuksan ko naman ng malaki ang pinto at 'saka kinuha 'yong box na binigay niya. "May naghihintay rin po na kotse sa labas."
Tinanggal ko naman ang takip ng box na binigay ni Luna at nakita ko ang kulay pink na dress doon na may puting sandals din. May isang letter din na nakalagay roon, kaya agad ko naman itong binasa.
Jhoyce, you are invited to a formal dinner. Please, wear this dress and don't be late. -J
J? Who is he?