Jhoyce's POV
Nanlalaki ang mata ko nang mapagtanto ang ginawa niya. Sa halip na itulak siya palayo sa akin, nakita ko na lang ang sarili ko na tumugon sa bawat halik niya. Naramdaman ko naman ang pamilyar na pakiramdam sa kaniya. Para bang nangyari na ito noon, pero hindi ko lang matandaan.
"Nice one, Dude!" rinig kong sabi ni Allen. Napahiwalay naman ako sa kaniya at nakita ko ang pagkaseryoso nito sa mukha. Ilang segundo kaming nakatitig sa isa't isa, hanggang sa naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko kaya agad kong iniwas ang tingin sa kaniya.
Narinig ko ang ilang beses na pag-congrats ni Allen sa pinsan nito dahil sa kaniyang nasaksihan. Pero nanatili akong tikom habang hindi pa rin lumalabas sa may cabinet. Nang makalabas sila Franco at Allen sa may kwarto ay hindi ko mapigilang mapatulala.
"What the f**k just happened to me?!" bulong ko sa sarili.
Hinalikan ko ba talaga siya?
Umiling ako sa sarili nang maisip 'yong ginawa ko. Hinampas ko pa ang ulo ko para pigilan lang ang pag-iisip kung bakit hindi ko nagawang itulak si Franco nang halikan niya ako. Napatigil lang ako nang makita ang bote ng alak sa may lamesa sa gilid ng kama. Nakainom ako at nakainom din siya, dala lang ng alak ang nangyari sa amin.
Hanggang doon lang 'yon. Tama na ang pag-o-overthink, Jhoyce.
Naramdaman ko naman ang paglapit ni Ira sa akin at tinulungan niya akong makalabas ng cabinet.
"OMG, Jhoyce!" sigaw niya. Katulad ko ay hindi rin siya makapaniwala. Agad niya naman akong niyakap nang mahigpit. "I'm so proud of you."
Tinignan ko naman ang mukha ni Ira nang humiwalay siya sa akin sa pagkakayakap. Sumalubong sa akin ang abot tenga niyang mga ngiti.
"Ira, anong ginawa ko?" tanong ko. Para bang hindi ako kumbinsido sa mga nagawa ko kanina.
"Jhoyce, dalaga ka na," pagbibiro nito. Hinampas ko naman siya sa braso dahilan ng pagtingin niya sa akin ng masama.
"Hindi ako nagbibiro, Ira." Pinukpok ko muli ang ulo ko, pero hinawakan niya ang kamay ko para pigilan. Tinignan ko naman siya sa mata. "Bakit ko ba 'yon nagawa? Nakakainis! Kasalanan 'to ng laro mo. Bakit mo ba kasi naisip na mag-truth or dare?"
"Sa lahat ng truth or dare, palaging may ganito, Jhoyce. Malas mo nga lang at nasaktuhan sa iyo. Pero girl, hindi 'yon malas kasi nahalikan mo ang asawa mo."
"Sino ba kasi nagpauso niyan?" naiiyak kong tanong.
"Bakit? Magte-thank you ka ba?" Umiling naman ako sa kaniya.
"Ibabalik ko siya sa tiyan ng nanay niya," sambit ko. Narinig ko naman ang malakas na tawa nito sa buong kwarto. "Hindi ako nagbibiro, Ira. Dalhin mo 'yong taong 'yon sa akin at gagawin ko talaga 'yon."
Patuloy namang tumawa si Ira na para bang nakikipagbiruan ako. Samantalang ako mamamatay na kakaisip kung bakit nangyari sa akin ang bagay na 'yon.
Kahit matapos na ang laro ay patuloy pa rin ang pang-aasar sa akin ni Ira. Kaunti na lang at siya na ang isusunod ko na ibalik sa tiyan ng nanay niya. Napansin ko rin na lumalayo sina Franco sa amin kapag nag-uusap. Mukhang seryoso ang usapan nila, compared sa amin, na si Ira lang ang masaya sa pang-aasar sa akin.
"Kailangan ko nang umuwi, Jhoyce," paalam ni Ira sa akin. Mabilis ko namang hinawakan ang braso niya para pigilan.
Kahit asarin niya lang ako buong gabi, basta huwag niya muna akong iwan ay okay lang.
"Dito ka na lang matulog," pagmamakaawa ko sa kaniya. Nilingon ko 'yong mga lalaki sa may sala at nakita kong nakangiti si Franco.
Paano niya nagagawang ngumiti pagkatapos niya akong halikan? Nakakainis talaga!
"Gustuhin ko man makasama ka nang matagal, pero hindi pwede dahil may shoot ako bukas," sagot niya. Tinanggal niya naman ang pagkakahawak ko sa braso niya.
"Hindi na ba talaga kita mapipilit?" Agad naman siyang umiling. Kinuha niya ang bag sa may side table at lumapit sa akin.
Ayoko namang maiwan dito na kasama si Franco. Lalo na sa tuwing maiisip ko 'yong nangyari kanina sa may cabinet, hindi ako mapalagay na nasa iisang bubong lang kami nakatira.
"Sa inyo muna ako matutulog. Doon muna ako sa condo mo kahit ngayong gabi lang," paki-usap ko. Nilingon niya naman ang mga lalaki at tinuro si Franco. Binaba ko naman ang kamay niya sa takot na baka mahuli kami. Isipin pa nila na pinag-uusapan namin sila, kahit hindi naman.
"Paano 'yong asawa mo? Iiwan mo lang ba siya ritong mag-isa, Jhoyce?"
"Kaya niya naman ang sarili niya. Isa pa, nandiyan naman ang pinsan niya na pwede siyang samahan dito.
"Jhoyce, ilang araw pa lang kayong kasal pero gusto mo na kaagad makitulog sa ibang bahay." Tinapik niya naman ang braso ko at ngumiti. "Sa susunod na lang. Promise, kahit ilang beses ka pang matulog sa bahay."
"Alam mo naman ang tungkol sa amin, 'di ba? Hindi naman talaga kami kinasal dahil gusto namin ang isa't isa. Kung hindi dahil sa mga magulang namin." Tumango naman siya sa narinig.
"Kaya nga," ani niya. "Isipin mo na lang na kaya ginawa rin nina Tito Angelo 'yon ay dahil gusto ka nilang maging masaya na. Kahit hindi niyo mahal ang isa't isa ngayon, darating 'yong araw na hahanap-hanapin mo rin ang presensya niya."
"Tigilan mo na ako sa pagpu-push sa kaniya. Malabong mangyari 'yon, okay?" Nakita ko naman ang makahulugang ngiti niya. "Ano na namang ibig sabihin ng mga ngiti na 'yan?"
"Wala," mabilis niyang sagot. Lumapit naman siya sa akin at nakipagbeso. "Alis na ako," paalam niya.
Kahit anong pilit ko kay Ira na mag-stay, alam kong gagawa siya ng dahilan para tanggihan 'yon.
Sumama naman ako nang lumapit siya kay Franco. Nang tignan ko si Franco ay nakangiti lang ito, akala mo ay parang walang nangyari kanina.
"Uuwi na ako," paalam ni Ira.
"Sakto!" singit ni Allen. "Pasabay na lang ako sa iyo, ah."
"What? Ayoko!" pagkontra ni Ira.
"Ang arte mo naman, dali na. Hinahanap na rin kasi ako ni Carolline sa condo," paliwanag nito.
"Pakialam ko sa iyo? Hindi naman kita kilala." Napakurap naman ng ilang beses si Allen sa narinig kay Ira at para bang hindi ito makapaniwala na tinanggihan lang siya nito. Parang noong dati lang ay patay na patay pa itong makuha 'yong number niya. Ano kayang nangyari sa kanilang dalawa?
Napatingin naman sa akin si Allen at nag-puppy eyes. Para bang sinasabi nito na tulungan ko siyang makumbinsi si Ira na pasamahin ito. Napabuntong hininga ako at hinarap si Ira.
"Pasabayin mo na," singit ko.
"Jhoyce!" giit niya. "Ayokong makasama 'yong kumag na 'to at baka dumihan niya pa 'yong kotse ko. Bagong gawa pa naman 'yon matapos mong sirain." Napaiwas naman ako saglit ng tingin dahil alam kong kasalanan ko ‘yon.
"Sige na. Gabi na rin at para may makausap ka sa daan."
"Kahit wala akong kausap, okay lang sa akin," wika niya.
"Ira, sige na," pagpupumilit ko rito.
"Tsk," she hissed. "Sige, basta sa may car trunk lang siya."
"What?!" gulat na tanong ni Allen. Sinundan niya naman ng tingin si Ira na naglalakad papunta sa kotse niya.
"Nagbibiro lang 'yon. Sige na, sundan mo na siya," ani ko.
"Thank you, Tissue girl." Humarap naman siya kay Franco at nagpaalam na.
Pagkatapos ay sumunod na siya kay Ira papunta sa kotse. Narinig ko pa ang ilang sagutan nila mula rito sa loob. Mabuti na lang at magkakalayo ang bahay kaya hindi sila naririnig. Wala na ring nagawa si Ira kung hindi pasakayin si Allen. Wala rin kasi itong dalang kotse, hindi niya naman pwedeng hiramin 'yong kotse ng pinsan niya. Nang makaalis na ang kotse nila ay ilang minuto pa kaming nakatingin sa labas. Ayaw kumilos ni isa sa amin.
"Sa couch na ako matutulog," rinig kong sabi ni Franco. Nang lingunin ko ito ay papunta na siya sa kwarto.
Anong nangyari sa kaniya? Hindi ba dapat ako ang magalit dahil sa ginawa niya?
Sinarado ko naman ang pinto at sumunod na rin sa kaniya sa kwarto. Naabutan ko itong nilalagay pabalik ang mga damit sa loob ng cabinet. Bumalik tuloy sa alaala ko 'yong nangyari kanina. Agad na lang akong dumiretso sa kama at humiga. Kinuha ko naman ang kumot at tinakip ito sa katawan ko.
"About sa nangyari kanina." Natigilan ako sa pag-aayos ng kumot at napalingon sa kaniya. Nakaupo na ito sa may couch. Nanlalamig ang kamay ko nang lingunin niya ako. "Ginawa ko lang 'yon dahil ayokong mag-isip sina Allen sa atin. Huwag mo na la---"
"Let's just pretend it never happened," pagputol ko sa sinasabi niya. Natigilan naman siya at ilang segundo akong tinignan bago niya iniwas ang tingin sa akin.
"Okay," turan nito. Iniwas ko ang tingin sa kaniya at humarap sa ibang direction kung saan hindi magtatama ang tingin namin. "Aalis pala ako bukas ng umaga dahil may ime-meet ako."
Napasinghal naman ako nang marinig 'yon. Bakit pa siya magpapaalam sa akin? Ano namang pakialam ko kung may i-meet siya?
"O-Okay," sagot ko. Hindi naman siya nagsalita.
Pinikit ko na lang ang mata ko at pinilit na matulog, pero hindi ko magawa. Dahan-dahan naman akong lumingon sa kaniya at nakahiga na ito sa couch. Hindi ko makita kung tulog na ito dahil nakatalikod siya sa akin.
Sino kaya ang kikitain niya bukas? Babae kaya? Hindi kaya 'yong ex-girlfriend niya na si Rhea? Ano ba kasing meron doon sa babaeng 'yon at pati ex-boyfriend ko ay patay na patay sa kaniya?
Mabilis akong pumikit nang humarap siya sa akin. Baka sabihin niya pa na tinitignan ko siya habang natutulog. Narinig ko ang pag-angat niya sa higaan, mukhang hindi siya makatulog. Mayamaya pa ay ang mga hakbang na naman ang narinig ko at pagbukas ng pinto ng kwarto. Dinilat ko naman ang mata ko nang marinig ang pagsarado niya nito.
"Saan 'yon pupunta?" tanong ko sa sarili. Napabangon naman ako sa pagkakahiga at tinignan ang pintuan kung saan siya lumabas. Napakunot ang noo ko nang marinig ang boses niya. Mukhang may kausap ito sa telepono.
Tumayo naman ako at lumapit sa may pinto. Dahan-dahan kong binuksan 'yon para silipin kung ano ang ginagawa niya. Nakita kong nakasandal ito sa may pader malapit sa dining area habang hawak ang kaniyang phone na nakadikit sa may kaliwang tenga niya.
"Nagpaalam na ako sa kaniya, huwag kang mag-alala." Napakunot naman ang noo ko kung sino ang kausap niya. "Hindi? Tulog na siya. Hindi niya tayo maririnig kasi nasa labas naman ako ng kwarto."
Mas binukas ko pa ang pinto nang lumipat ito ng pwesto at medyo lumabo ang boses niya.
"Oo naman, magkikita tayo. Na-miss na rin kita." Narinig ko ang mahinang tawa nito.
Sino kaya ang kausap niya? Nilingon ko ang orasan sa may side table at napansin ko na madaling araw na pala. Hindi man lang nila pinagbukas ang tawag. Mukhang sabik na sabik sila sa isa't isa.
"Sige na, magkita na lang tayo bukas sa tagpuan. Hindi ako male-late, promise. Good night, I love you." Napaikot naman ang mata ko sa huli niyang sinabi.
Sinarado ko naman ng dahan-dahan ang pinto at bumalik na sa pagkakahiga. Agad ko namang pinikit ang mata ko nang marinig ang pagbukas at pagsarado ng pinto. Gusto ko sana silipin kung ano ang ginagawa niya pero baka mahuli niya akong gising pa.
Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin. Akala ko ay mahuhuli niya na ako, pero inayos niya lang ang kumot na nakatakip sa katawan ko.
"Ang panget mo pala kapag natutulog," asar na sagot nito. Gusto ko nang idilat ang mata ko at sipain siya ng malakas nang marinig 'yong sinabi niyang pang-iinsulto sa akin.
Ang kapal din naman ng mukha niya.
Narinig ko ang ilang hakbang nito at pag-upo niya sa couch. "Good night, Jhoyce."
Ilang minuto akong nakapikit hanggang sa tuluyan kong idilat ang mata ko nang marinig ang paghilik nito. Mukhang mahimbing na ang tulog niya at nananaginip na. Gusto ko sanang gantihan siya sa sinabi nito, pero hindi na rin kaya ng katawan ko. Naramdaman ko na ang pagbigat ng talukap ng mga mata ko hanggang sa tuluyan na akong dapuan ng antok at makatulog.
Nagising ako nang tumama sa mukha ko ang sinag ng araw. Nilingon ko ang couch kung saan natulog si Franco kagabi, pero wala na siya roon. Nakaayos na rin ang unan at kumot na ginamit niya. Mukhang maaga siyang umalis ngayon. Gano'n niya ba na-miss ang babae niya?
Ang aga-aga ay naba-bad trip na ako sa naiisip. Hindi ba dapat maging masaya ako dahil walang kumag na manggugulo sa akin? Tama, dapat maging masaya ako dahil maganda ang naging gising ko.
Ngumiti naman ako at nag-unat ng katawan. Inayos ko na rin ang kama na hinigaan ko. Nang matapos ay napadako ang tingin ko sa cellphone nang bigla itong tumunog. Kinuha ko naman ito at binuksan. Nakita ko ang pangalan ni Hendrix sa screen ng phone.
Ano kayang kailangan ng lalaking 'to? Ang aga niya naman mang-istorbo ng ibang tao.
Hendrix: Pwede ba tayong magkita? May sasabihin sana ako.
Pagkatapos kong basahin ang text niya ay hinayaan ko na lang ito. Bahala siya sa buhay niya. Ayoko nang igugol ang oras ko sa kaniya. Dumiretso naman ako sa banyo para mag-ayos, pero nagulat ako nang makita ang itsura ko sa harap ng salamin. Halos mabalutan ng ink ang buong mukha ko dahil sa pagsusulat niya rito. Nilagyan niya pa talaga ng pangalan niya.
"F-Franco!" inis na sigaw ko.
Kailan pa naging scratch paper ang mukha ko? Lagot ka talaga sa aking lalaki ka!
Nag-iinit na ang mukha ko sa inis dahil puro mga doodles ang ginawa niya. Sinubukan ko naman burahin ito, pero mukhang matibay ang ink ng pentle pen ang ginamit niya sa akin. Napansin ko naman ang note na nakadikit sa salamin at alam kong galing ito sa kaniya.
Good morning, sana masaya ang gising mo. - Pogi mong asawa
"Hayop ka talaga kahit kailan!" patuloy kong sigaw.