"Huh!" aniya sapo ang ulo. Pilit dinidilat ang mga mata ngunit natatalo siya ng pagbagsak ng talukap nito. Muling yumugyog ang balikat. "Hmmm!" ungol niya hanggang sa maramdaman ang pag-angat niya sa mesa. "Kuya, iuuwi na kita," tinig ng kapatid. "Hmmmm!" ungol na tugon rito. Nauulinigan pa ang maingay na lugar na kinaroroonan. Para siyang mabubuwal sa pagkaalalay ng kapatid. Para kasing nanlambot ang mga tuhod na tila walang buto upang maglakad. Hirap man si Winser sa kapatid pero kahit papaano ay naiuwi naman ito sa condo nito. Ngayon lang siya nakapasok sa lugar nito. Nang mailagay ito sa kama nito ay napangiti siya ng makita sa side table ng kuya niya ang larawan nila noong bata pa lamang sila. Walang suot na salamin doon ang kapatid kaya kita ang may kaliitan nitong isang mata.