Chapter 3
Crystal
Isang buwan ang nakalipas na iniwan ko ang aking pamilya. Walang araw at gabi na hindi ako umiiyak dahil sa sobrang pangungulila ko sa aking mga anak. Sabihin man nila na makasarili ako dahil sarili ko lang ang iniisip ko wala akong pakialam. Pakiramdam ko sa buhay ko ngayon ay nag-iisa ako. Mababaliw ako kapag patuloy ako makikisama kay Reynold, na kahit alam ko na may iba siya.
Hindi ko matanggap sa sarili ko na sa kabila ng lahat may pagkukulang pa rin ako sa asawa ko. Kung wala akong pagkukulang sa kaniya hindi niya magawang mambababae para punuan ang pagkukulang ko. Sobrang sakit iyon para sa akin. Minsan nagtatanong ako sa aking sarili, anong kulang? Anong nagawa kong kasalanan, upang parusahan ako ng ganito.
Nagtutubig na naman ang mga luha sa aking mga mata habang naghihimay ako ng laman ng alimango at sugpo sa factory na pinagta-trabahuhan ko ngayon. Oo, nagta-trabaho na ako sa isang factory dito sa San Isidro. Dalawang linggo na ako rito. Mabuti nga at natanggap agad ako kahit wala akong experience. Kailangan kong libangin ang sarili ko kaysa mag-mukmok ako sa bahay nila Tito Mitoy at Tita Marcia.
Tinatanggal namin ang laman ng alimango sa shell nito. Ini-export ito ng may-ari sa ibang bansa. Kahit paano makakalimutan ko panandalian ang mga anak ko.
“Crystal, ano ang ulam mo? Sabay tayo kumain mamaya, ha?’’ Siniko ako ng katabi ko na si Jona.
“Steam na okra ang ulam ko. Isawsaw ko sa suka na may bawang,’’ tugon ko saka tipid na ngumiti sa kaniya.
Katulad ko, bago lang din siya sa pabrikang ito. Nauna lang siya sa akin ng dalawang linggo.
“Ano ba ang ulam mo?’’ tanong ko sa kaniya.
Natutuwa ako dahil mabilis siyang magtanggal ng laman ng alimango sa shell nito.
“Adobong baboy. Umaga pa nagluto si Mama kanina. Umuwi kasi ako sa amin sa San Nicolas. Kaya, maaga rin ako nagtungo rito para hindi ako ma-late.”
Tumango lang ako sa sinabi niya. “Taga San Nicolas, ka pala?” tanong ko, habang patuloy lang ang paghimay ko.
“Oo, sa bayan mismo. Nangungupahan lang ako malapit rito. Sa tuwing day off ko umuuwi ako sa bahay,’’ sagot nito habang walang tigil ang mga kamay niya sa paghimay ng alimango.
Pagsapit ng tanghali sabay na kami ni Jona, kumain sa canteen. Mailap siya sa mga kasamahan namin sa trabaho. Habang kumakain kami, napapaismid siya sa tatlong babae.
“Akala mo naman mga magaganda,’’ mahina pa nitong sabi sabay ismid habang pasulyap-sulyap siyang nakatingin sa tatlo naming kasamahan.
“Bakit ang init ng ulo mo sa kanila?’’ tanong ko sa kaniya habang kumakain kami.
“Huwag kang magtiwala sa tatlong witch na ‘yan. Marunong manira ang tatlong iyan kapag hindi ka nila type. Matagal na sila sa pabrikang ito, kaya ang lakas ng loob nila na manira ng kapwa nila,’’ naiinis pang kuwento ni Jona sa akin tungkol sa kasama namin sa trabaho.
“Paano mo naman nasabi, eh bago ka pa lang sa trabaho?’’ nagtataka kong tanong sa kaniya. Para kasing kilalang-kilala niya ang tatlo.
“Yong pinalitan mo, ginawan nila ng kuwento sa manager. Hanggang umabot sa director manager ng kompanya. Pinagbintangan nila na magnanakaw at kung ano-ano pa. Ayon nantanggal si Ate Cecel dahil sa kasinungalingan nila.”
Napatango-tango ako sa sinabing iyon ni Jona. Iyon pala ang dahilan kung bakit mainit ang mata niya sa tatlo naming kasama.
Hndi naman siguro nila magagawa iyon sa akin dahil hindi naman nila ako kilala, saka wala naman akong masamang ginagawa sa kanila.
“Baka naman may nagawa si Ate Cecel na hindi nila nagustuhan?’’ pagtatanggol ko naman sa tatlo.
“Ang sabihin mo mga inggitera talaga sila. Paano kasi ‘yong jowa ng Michelle na ‘yon may gusto ko kay Ate Cecel, kaya ayon siniraan nila ang tao, eh jowa niya naman talaga ang dapat sisihin dahil habol nang habol kay Ate Cecel.”
Malalim akong nagbuntong-hininga sa sinabi ni Jona. Inubos ko na ang pagkain ko.
“Bilisan mo na para makapagpahinga pa tayo. May 30 minutes’ pa tayong break. Hayaan mo sila, ang mahalaga nagagampanan natin ng maayos ang trabaho natin,’’ utos ko kay Jona.
Inubos niya na rin ang pagkain niya. Nagtungo kami sa gilid ng pabrika saka nagduyan. May duyan kasi na nakasabit roon. Ang ganda na ng higa namin ni Jona, nang gumalaw ang duyan.
“Puwesto namin ang hinihigaan niyo. Maghanap kayo ng puwesto kung ayaw niyo ng gulo.” Napabangon ako bigla sa sinabing iyon ng Michelle na itinuro ni Jona kanina.
“Kanino po ba itong duyan?’’ tanong ko kay Jona.
“Sa kompanya. Para naman po ito sa lahat,’’ mahinang sagot ni Jona sa akin na halatang takot sa mga ito.
“So, kung sa kompanya, kahit sino ang puwedeng mahiga at magpahinga rito, tama?’’ tanong ko kay Jona.
Tumango-tango lang si Jona sa tanong kong iyon. Tumingin ako kay Michelle ng mabuti.
“Wala naman siguro ang pangalan mo rito na nakasulat sa duyan. So, ibig sabihin hindi mo ito pagmamay-ari. May bakanti pa roon, oh! Bakit hindi niyo subukan na magpahinga roon?’’ seryoso kong sabi kay Michelle.
Lalong naiinis ang awra ng kaniyang mukha sa sinabi ko. Mukhang hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ko sa kaniya.
“Aba, mukhang matapang ka, ah! Kabago-bago mo pa lang rito parang gusto mo yata ng gulo?’’ turan ni Michelle sa akin.
“Baka gusto niya kamo masipa ng wala sa oras,’’ saad naman ng isang babae na kasama ng Michelle.
“Ako, ayaw ko ng gulo. Gusto ko lang naman na sabihin sa inyo na pantay-pantay lang tayo sa kompanyang ito. Ang duyan na ito para sa lahat ng trabahador at hindi lang para sa inyo. Pero, mukhang iiyak na kayo na parang mga bata na inagawan ng laruan, sige sa inyo na itong duyan,’’ turan ko sa kanila at bumaba. Kinalabit ko rin si Jona para umalis na siya sa duyan.
“Iniinsulto mo ba kami?’’ sabi naman ng isang pangit na akala mo naman nilublob sa mainit na mantika ang mukha. Ayaw ko manlait ng kapwa ko, subalit ang isang ito kalait-lait ang ugali.
“Ikaw ang may sabi niyan!’’ sabi ko at umalis na ako. Sumunod naman si Jona sa likuran ko.
Doon na lang kami nagtambay ni Jona sa puwesto namin. Kaysa naman makita ang pagmumukha ng mga babaeng iyon.
“Crystal, hindi ka ba natatakot sa kanila? Baka isumbong ka nila sa Manager. Kakampi pa naman nila ang manager dahil boyfriend iyon ni Clarita. ‘Yong katabi ni Michelle na nagsabi sa’yo na gusto mong masipa na wala sa oras,’’ nangangambang sabi ni Jona sa akin.
“Wala akong pakialam kung boyfriend niya pa ang may-ari ng kompanyang ito. Basta nasa tama ako hindi ako natatakot. Kaya kong ipangtangol ang karapatan ko!’’ mariin kong sabi kay Jona.
Bigla ko na naman naalala si Reynold. Kaya, ko nga ba ipaglaban ang karapatan ko? Eh, hindi ko nga naipaglaban ang karapatan ko sa asawa ko sa kabit niya. Ang masakit pa kaibigan din ng matalik kong kaibigan ang kabit ng asawa ko. Ano pa ang ipaglalaban ko kung hindi nga ipinaglaban ni Reynold ang karapatan ko na asawa niya. Sana kung mahal niya ako hindi na siya naghanap ng iba at kuntinto na siya sa akin. Subalit, hindi! Hindi siya kuntinto sa akin, kaya naghanap pa siya ng iba. ‘Yon nga lang malandi pa ang ipinagpalit niya sa akin. Tama nga ang kasabihan na daig ng malandi ang maganda.
Kinahapunan maaga ang uwi namin dahil maaga namin natapos ang paghihimay ng mga alimango at sugpo. Ngunit nang nasa labas na ako ng pabrika inabangan pala ako ng tatlo.
“Humanda ka bukas!’’ pagbabanta ni Clarita sa akin. Tipid lang ako ngumiti sa kanila ng nakakauyam saka nagpara ng kotse. Nagpahatid ako sa bahay nila Tito Mitoy. Hindi ko pinansin ang banta na iyon ni Clarita. Hindi naman ako takot dahil sanay na ako masaktan sa mga pagsubok sa aking buhay.