AWANG ang labi ko na natulala ditong muling pumasok ng silid na pinagsaraduhan ako ng pinto. Para akong nalulutang sa mga oras na ito na nakatulala sa pinto ng silid nito. Hindi makakilos. Hindi makapag salita na hindi malaman ang gagawin.
"Hindi. Binibiro ka lang niya, Sheena. Nagbibiro lang siya." Pagpapatatag ko sa sarili.
Napabuga ako ng hangin na muling kumatok sa pinto nito.
"Noel? Noel, hwag ka namang ganyan. Buksan mo ito," pagtawag ko dito na muling kinakatok ang pintuan ng silid nito.
Muli niya rin namang binuksan ang pinto na lalong nagsalubong ang mga kilay.
"Hindi pa ba malinaw ang sinabi kong umalis ka na, huh?" may kariinan nitong saad.
"N-Noel, tama na, please? Hwag mo naman akong pag-trip-an. Alam mong wala na akong ibang mapuntahan. Alam mong ikaw lang ang kakilala ko dito. Ano bang kailangan kong gawin para hindi mo na ako paalisin, huh?" pagsusumamo ko na napahawak sa kamay nito.
Kapwa pa kami natigilan na makadama ng kakaibang boltahe ng kuryente sa pagkakahawak ko sa kamay nito.
"Ano ba? Bitawan mo nga ako! Umalis ka na. Hwag mo ng hintaying kaladkarin kita palabas ng compound!" may kariinang asik nito na iwinaksi ang kamay ko.
Sa nakikita ko ay mukhang hindi nga siya nagbibiro. Nakalarawan na rin kasi ang iritasyon sa mga mata nito na kitang hindi na natutuwa. Napalapat ako ng labi na namumuo na naman ang luha sa mga mata ko.
"Pero, Noel. Nagsasabi ako ng totoo. Kaya kong patunayan ang mga sinasabi ko. Dala ko ang certificate of marriage natin. At. . . at Noel, b-buntis ako." Desperadang pakiusap ko na muling kinuha ang kamay nito na dinala sa puson ko.
Natigilan ito na napababa ng tingin sa puson ko. May kaluwagan ang suot kong bestida kaya hindi kaagad mahahalata ang tyan ko. Pero kung hahawakan mo ay mararamdaman mo na ang umbok no'n na nasa tatlong buwan na rin.
"Nababaliw ka na ba?" ingos nito na binawi ang kamay na ikinatulo ng luha kong napatitig dito.
"What's going on here?"
Kaagad akong nagpahid ng luha ko na may marinig na malambing na boses ng babae ang nagsalita mula sa likuran ko. Napapalunok ako na hindi makakilos sa kinatatayuan na marinig ang mga yabag nitong palapit.
"Nothing, Mom. Paalis na rin naman na siya." Wika nito na ikinalunok kong tinawag nitong Mom ang bagong dating.
Nagtungo ito sa harapan ko na napahagod ng tingin sa kabuoan ko. Nag-iinit ang mukha ko na hindi makatingin dito ng diretso. Kahit kasi nasa loob lang ito ng mansion nila ay parang sasalang sa isang pictorial ang datingan nito.
"Yes, hija? Ngayon lang kita nakita dito. Sino ka?" tanong nito na sa akin nakamata na may ngiti sa mga labi.
Napapasulyap ako kay Noel na napahinga ng malalim at kamot sa kilay nitong tila nababagot ang itsura.
"Uhm, ako po. . . si Sheena, Ma'am." Utal at napapayuko kong sagot na ikinatango-tango naman nitong nakamata pa rin sa akin.
"Sheena." Ulit pa nito.
"Paalis na siya, Mom. Don't mind her." Wika ni Noel na ikinalingon namin dito. "Hindi ba?" baling nito sa akin na tila nagbabanta.
Nagpalipat-lipat naman ng tingin ang ina nito sa amin na tila naguguluhan.
"N-Noel, wala akong ibang mapupuntahan dito. Ikaw lang ang kakilala ko at sinadya ko. Maawa ka naman sa akin. Sa amin ng anak mo," pakiusap ko dito na ikinasinghap ng ina nitong namimilog ang mga matang napabaling sa anak nito.
"Wait--what? You've got her pregnant?" bulalas ng ina nito na ikinalapat ko ng labing nag-iinit ang mukha na hindi masalubong ang mga mata nito.
Napakamot naman sa batok si Noel na masama akong tinignan bago bumaling sa ina.
"Nope, Mom. Nanggagantyo lang ang babaeng 'yan. Ni hindi ko nga siya kilala eh." Sagot nito na bumaling sa akin. "Umalis ka na dito, Mis. Baka hindi ako makapagtimpi at kung ano pang magawa ko sa'yo." May kariinang pagtataboy nito sa akin na naniningkit na ang mga mata nitong kitang galit.
Napapayuko ako na hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng luha ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala akong kaalam-alam dito. Ni hindi ko alam kung saan tutuloy kapag lumabas na ako ng mansion.
"No. She'll stay. I'll make sure that she's telling the truth." Pagpapagitna ng ina nito na ikinaangat ko ng mukhang nagkaroon ng pag-asa sa sinaad nito.
"What? Are you out of your mind, Mom? Peperahan lang tayo ng babaeng 'yan. Believe me, Mommy. Hindi ko kilala ang babaeng 'yan." Angil nito na nakurot ng ina sa tagiliran.
"Magtigil kang bata ka. Maraming paraan para mapatunayan niya ang sinasabi niya sa atin. Kung totoo ngang buntis ang dalagang ito na ikaw ang ama? Hindi mo siya pwedeng palayasin na lang basta. Dala-dala niya ang anak mo. Ang apo ko. Nakukuha mo?" pagalit nito sa anak na napakamot ng batok.
"Salamat po, Ma'am." Wika ko na ikinabaling nito sa aking matamis na napangiti.
"You don't have to call me Ma'am, hija. I'm Jenelyn. Noel's Mom. You can call me Tita Jen or Mom. It's up to you. Come with me. We have a lot things to talk about." Wika nito na inakbayan na akong inakay.
Napalingon ako kay Noel na nanatili sa may pintuan na nakasunod sa amin ng tingin ng ina nito. Pilit akong ngumiti kahit naka-pokerface lang naman ito na hindi manlang ngumiti.
NAPAPALUNOK ako na dinala ako nito sa study room nila. Wala namang ibang tao dito kundi kaming dalawa lang. Nakaupo ako ng mahabang sofa habang palakad-lakad naman ito sa harapan ko na hindi mapakali at kitang malalim ang iniisip.
"Paano ka nakarating dito?" tanong nito na tumigil sa harapan ko.
"Nagpahatid po ako sa address na binigay ni. . . ni Noel, Tita." Utal kong sagot.
Napahinga ito ng malalim na naupo sa tabi ko. Kinuha nito ang kamay ko na pilit pinagsalubong ang paningin namin.
"I hate liars, hija. Magsabi ka ng totoo. Dahil kung nagsasabi ka ng totoo? Ako mismo ang tutulong sa'yo sa anak ko. Pero kung niloloko mo lang kami? Ako mismo ang magpapadala sa'yo sa kulungan." Saad nito na napakaseryoso.
Napapalunok akong tumango na pilit nakipagtitigan sa mga mata nitong tila sinusuri ako.
"T-totoo pong buntis ako, Tita. At si Noel ang ama. Ang totoo po niya'n ay. . . ay mag-asawa na kami ni Noel. Nagpakasal po kami sa isla namin, tatlong buwan na ang nakakalipas." Pagtatapat ko na ikinatulala naman nito.
Binuksan ko ang bag ko na kinuha doon ang envelope kung saan nakasilid ang certificate of marriage namin ni Noel. Maging ang dalawang litrato namin na kuha noong araw mismo ng kasal namin sa isla.
"Nagsasabi po ako ng totoo, Tita. Iniwan sa akin ni Noel ang black card niya kung saan nakalagay ang address nito. Kaya po nasundan ko siya dito." Wika ko na iniabot dito ang certificate of marriage, pictures namin ni Noel at black card na bigay ng anak nito.
Natutulala naman itong pinasadaan ng tingin ang mga iyon na napapalunok.
"Card nga ito ni Noel." Bulalas pa nito na sinuri ang black card. "Ibinigay ito kamo ng anak ko sa'yo?" tanong nito na ikinatango-tango ko. "Alam mo bang bang may lamang pera ito?"
Umiling ako na pilit ngumiti. Napahinga ito ng malalim na inilapag sa center table ang mga hawak. Napahilot pa ito sa noo na tila problemado.
"Nagsasabi po ako ng totoo, Tita. Hindi ko po alam kung bakit pinagtatabuyan ako ni Noel at tinatanggi na mag-asawa kami pero. . . 'Yon po ang totoo." Saad ko sa ilang minuto naming katahimikan.
Maya pa'y tumayo ito na may tinawagan sa telephone. Napapayuko naman akong nanatili sa kinauupuan. Para akong lulubog sa hiya na pilit kong nilalabanan.
"Attorney, can you explain this to me. May dalaga ditong nagsasabing kasal sila ni Noel. Ikaw ang nagkasal sa kanila na nakalagay sa marriage certificate na dala niya. Totoo ba ito? Nagpakasal si Noel sa isla na hindi namin alam?" dinig kong wika nito sa kausap.
Napalapat ako ng labi na napapayukong nakikinig dito. Napatampal pa ito sa noo na napapikit at matamang nakikinig sa kausap bago ibinaba ang linya na lumapit muli dito sa gawi ko.
"Okay. Nand'yan na tayo sa asawa ka at nabuntis ka ng anak ko, hija. Attorney Hendrix confirmed it. Pero kasi. . . something happened to my son two months ago. Ang totoo niya'n. . . kalalabas pa lang ng anak ko sa hospital." Wika nito na ikinatulala kong napatitig dito.
Kimi itong ngumiti na nangilid ang luhang kinuha ang kamay ko na tinapik-tapik iyon.
"May temporary amnesia ang anak ko, hija. Nabura ang isang taon na ala-ala sa memorya niya. Kaya kabilang ka. . . sa mga nabura sa memorya niya. Kaya hindi ka niya nakikilala."
"Po?" halos pabulong kong tanong na sunod-sunod tumulo ang butil-butil kong luha na pinahid nito.
"Yon ang totoo. Nag-crashed ang chopper na sinasakyan ni Noel noong nanggaling siya sa isla Monteverdi. Mahigit isang buwan din siyang naka-coma sa hospital namin. At nong magkamalay na siya ay nalaman naming. . . may temporary amnesia ito. Ang sabi ng doctor niya ay walang gamot ang amnesia. Kusa iyong magbabalik sa memorya ni Noel ang mga bagay na nabura." Pagkukwento pa nito na ikinayuko kong hindi ko na mapigilang mapahagulhol sa nalaman.
Niyakap naman ako nito na hinahagod-hagod sa likuran ko. Para akong matatakasan ng bait sa mga sandaling ito na hindi malaman ang gagawin at sasabihin.
"Kaya pala. . . kaya pala hindi na siya bumalik ng isla. Ni hindi na siya tumawag at nagparamdam. Paano na po kami ng anak namin nito? Paano ko ipagpipilitan sa kanya ang sarili ko na hindi na pala niya ako naaalala." Humihikbing saad ko.
Kumalas naman ito na pinahid ang luha ko at pilit ngumiti.
"Listen to me, hija. Oo, alam kong hindi biro na ilapit mo ang sarili mo kay Noel. Lalo na ngayon na. . . na nagkabalikan na sila ng ex girlfriend nito na inalok na niya ng kasal. Pero dahil legal wife ka ni Noel at buntis ka na? Ibig sabihin lang no'n na ikaw ang may karapatan sa inyo ng fiance niya, okay?" saad pa nito na ikinalapat ko ng labing napahagulhol muli.
Para akong sinasaksak sa puso ko sa mga oras na ito sa mga nalaman ko. Kaya naman pala hindi na siya bumalik o kahit tumawag manlang. Dahil may masamang nangyari na pala sa kanya na wala manlang akong kaalam-alam.
"Hayaan mo. Tutulungan ka naming makalapit kay Noel. Alam kong hindi magiging madali pero. . .pero sana ay hwag mong susukuan ang anak ko, ha?" saad pa nito na tanging pagtango lang ang naisagot ko.
ILANG minuto kaming nanatili sa study room nila. Ikwinento kung paano kami nagkakilala ni Noel. Hanggang sa araw na lumuwas na siyang bumalik ng syudad at ang ipinangako nitong babalik siya ng isla.
Muli din kaming bumalik ng silid ni Noel. Kabado man ay kailangan kong patatagin ang sarili. Tama naman si Tita Jen. Kung hindi ko ipaglalaban ang sarili at karapatan naming mag-ina kay Noel? Sinong gagawa no'n para sa amin? Matutulungan niya lang ako kung tutulungan ko rin ang sarili kong ilapit sa anak nito.
"Noel, open the door." Pagkatok nito.
Ilang sandali lang naman ay pinagbuksan kami ni Noel ng pinto na nagsalubong na naman ang mga kilay na makita ako.
"Mom, why she's still here?" tanong nito sa ina na kinuha ang kamay ng anak.
"Anak, listen to me carefully, ha? Si Sheena. Hindi ko siya pwedeng paalisin dito, okay? Magmula ngayon. . .dito na siya titira sa atin. Dito. . . sa silid mo."
"What!? No way! Mom naman." Kaagad na apila nito na napalakas ang boses.
"That's final, Noel. Dito na muna titira si Sheena sa mansion kasama ka. She's pregnant with you. Kailangan ka ng mag-ina mo. Alam mong. . . hindi makakapayag ang Daddy mong hindi mo paninindigan ang mag-ina mo." Pagalit ng ina nito na ikinaawang ng labi ni Noel.
Lihim akong napangiti sa nakikitang itsura nito na hindi makaalma sa kanyang ina.
"Pero Mom. Ni hindi--"
"She's telling the truth, son. Si Attorney Hendrix mismo ang nagsabi. Ikinasal kayo sa isla ni Sheena." Agap ng ina nito na dinala ang bag ko papasok.
Napapayuko akong napasunod sa mga ito. Kitang tutol si Noel sa desisyon ng ina nito na dito ako patuluyin sa silid nito pero hindi naman ito makaalma na inayos ng Mommy niya ang mga damit ko sa closet nito.
"Mom, this is too much. Marami namang guest room dito. Doon mo na lang siya patuluyin or better. . . sa maids quarter." Ani Noel na ikinakurot ng ina nito sa tagiliran nitong napangiwing napaiktad.
"Magtigil ka. Dito sa silid mo tutuloy si Sheena dahil asawa mo siya at ina ng anak mo. Nakukuha mo?" pagalit nito sa anak na napabusangot.
Bumaling ito sa akin na matamis na ngumiting kinuha ang kamay ko.
"Dito ka tutuloy sa silid ni Noel, hmm? Kapag inaway o sinaktan ka ng kumag na ito? Magsabi ka lang sa akin." Wika nito na hinaplos ako sa ulo. "Tiyak na napagod ka sa byahe mo. Magpahinga ka na muna. Mamayang gabi pa naman ang dating ng mag-aama ko. Ipapatawag ko na lang kayo mamaya para sa hapunan natin."
"S-salamat po, Tita." Utal kong pasasalamat na ikinangiti at tango nitong hinaplos ako sa ulo.
"She's pregnant and need a rest, Noel. Asikasuhin mo. . . ang mag-ina mo." Makahulugang saad pa nito sa anak bago kami tuluyang iniwanan.
"Damn it."
Napapikit ako na malutong itong napamura. Hindi ako makakilos sa kinatatayuan na dama kong nakatitig ito sa akin.
"Bibigyan na lang kita ng pera. Name your price. Magkano ang kailangan mo para tantanan mo ako, ha?" nang-uuyam nitong wika na ikinangilid ng luha ko.
"Noel, hindi ko kailangan ng pera mo. Ikaw ang kailangan ko."
Pagak itong natawa na nagpamewang. Iiling-iling na pinasadaan ako ng tingin na tila nandidiri sa akin. Nag-iinit ang mukha ko na nahihiya dito. Sa uri kasi ng tinging ginagawad nito ay tila pinagtatawanan niya ako at nandidiri sa akin. At hindi ko naman siya masisi dahil para siyang prinsipe habang ako ay isang pulubing pilit siyang inaabot.
"You need me?" sarkastikong tanong nito sabay iling. "Ang tanong. . . kailangan ba kita, huh? Look at yourself. Tingin mo ba. . . nababagay ka sa akin? Mas maganda pa ang mga katulong namin dito sa'yo!" asik nito na naitulak ako sa balikat.
Napayuko ako para ikubli ang pagtulo ng luha ko sa sinaad nito. Panay ang mura nito na nagdadabog na nagtungo sa banyo. Nanghihina ang mga tuhod ko na napaupo ng sofa at hindi na mapigilang mapahagulhol. Kung pwede lang ay aalis na lang ako dito. Hindi ko yata kayang matagalan ang pangmamata nito sa akin. Hindi ako sanay na minamaliit ako. Pero kung susukuan ko ang asawa ko? Paano naman ang anak ko? Kailangan siya ng anak ko. Kailangan ko siya.
Ilang minuto itong nagbabad ng shower bago lumabas na nagbihis. Nagpahid ako ng luha na napatayo nang akmang lalabas na ito ng silid na pinigilan ko.
"Saan ka pupunta?"
"Bitaw."
"Noel."
Nag-igting ang panga nito na pabalang iwinaksi ang kamay kong nakahawak sa braso nito.
"Pwede ba? Panalo ka na oh? Pinatira ka ng Mom ko dito sa silid ko. Kung hindi kita mapapaalis? Pwes, ako ang aalis!" may kariinang sikmat nito na nagngingitngit ang mga ngipin sa inis.
"Pero Noel. . . kailangan ka namin--"
"Hindi kita kailangan. Itatak mo 'yan sa kokote mo," putol nito na parang mananakmal na ang mga mata nitong puno ng galit.
Tulala akong naiwan na tuluyan itong lumabas ng silid na pabalang isinarado ang pinto.
"Kaya mo ito, Sheena. Nandidito ka na. Hindi ka pwedeng. . .sumuko sa asawa mo."