Episode 7

1752 Words
Hapon na nang payagan si Allen nang kaibigan niya na umuwi. Kanina pa siya uwing-uwi dahil alam niya na hindi pa kumakain si Angela. Kahit naman kasi lagi siya nitong tinutukso ay hindi niya naman niya ito kayang tiisin. Paglabas niya nang gate ay nakita niya ito na nakasakay sa motor nito habang nakapatong ang dalawa nitong siko sa handbrake ng motor nito. Nang mapansin siya nito ay umayos na ito ng upo at ngumiti sa kaniya ng matamis. Sigurado siya na gutom na ito dahil kape lang naman ang ininom nito kaninang umaga. Dahan-dahan siyang lumapit dito at inalis ang pag-aalala na nakapaskil sa mukha niya dahil baka bigyan na naman nito ng kahulugan ang sasabihin niya kung sakali. "Tapos ka na?" "Tara na," sa halip ay sabi niya dahil alam niya na gutom na ito. Kinuha niya ang helmet na ginamit niya kanina at isinuot iyon. "Umuwi na tayo." "Ba't parang ang lungkot mo? Pinagsamantalahan ka ba sa loob?" "Mukha ba akong pinagsamantalahan?" "Ang lungkot mo kasi, eh. Sabagay, ganiyan naman pala ang mukha mo palagi," anito sabay ngisi. "Kumapit ka na para makauwi na tayo." "Oo, nakakapit na ako." Kumapit siya sa ilalim ng upuan pero hindi ito pumayag. Hangga't hindi raw siya yumayakap sa baywang nito ay hindi sila aalis kaya naman tahimik na lang niya itong sinunod. "Okay ka na, Sir?" "Oo, ayos na ako kaya paandarin mo na." Napakabilis nitong magpatakbo kaya habang nakayakap siya sa baywang nito ay nakayuko rin siya at nakapikit dahil parang kakapusin siya ng hinihingi sa tuwing idinidilat niya ang mga mata niya. "Angela, magdahan-dahan ka lang, puwede ba? Hinding-hindi na talaga ako aangkas sa iyo kahit ano pang mangyari!" Tinawanan lang siya nito kagaya ng nakagawian nito. "Ang bagal nga natin, eh. Isa pa, gusto ko nang makauwi dahil gutom na ako." "May fast food sa dadaanan natin kaya ihinto mo roon." "Kakain tayo?" "Oo." Sa pagkakataong ito ay dahan-dahan na nitong pinatakbo ang motor nito. "Okay." Hanggang sa makarating sila sa tapat ng fast food ay mabagal lang ang pagpapatakbo nito. "Mauna ka na sa loob. Um-order ka na ng kakainin natin dahil itatabi ko pa 'tong motor ko." Ito na rin ang nagtanggal ng helmet niya dahilan para pagtinginan sila ng mga tao. Pinisil pa nito ang pisngi niya kaya napaismid siya. "Sige na, pumila ka na." "Oo na!" Pagdating niya sa entrada ng fast food ay hinarang siya ng guard. "Why?" takang tanong niya. "Sir, ang ganda po ng girlfriend niyo. Artista po ba siya?" "Mag-aartista pa lang po." Si Angela ang sumagot. Hindi niya namalayan na nakasunod lang pala ito sa kaniya. "Papasa po kaya ako kapag nag-audition ako, Kuya Guard?" "Oo naman! Sa ganda niyong 'yan? Malabo po na hindi kayo pumasa, Ma'am." Tiningnan siya ng malagkit ni Angela sabay ngiti. Sa palagay niya ay matagal na itong baliw pero nilalabanan lang nito. "Eh, ba't po sa kaniya hindi ako makapasa-pasa?" Turo nito sa kaniya. "Mahigit isang taon na po akong nagpaparamdam sa kaniya pero binabalewala niya lang ako." "H-ha?" Halatang nagulat ang guard dahil sa sinabi ng babaeng kasama niya. "Halika ka na para maka-order na tayo!" Hinawakan niya ang suot nitong leather jacket at hinatak na ito papasok. "Kahit saan ka talaga dalhin ay hindi ka talaga nahihiya." "Totoo naman 'yong sinabi ko, eh. Kailan mo ba kasi ako sasagutin?" Nang tingnan niya ito ng masama ay bigla itong nanahimik. "Maghahanap na pala ako ng pupuwestuhan natin. Ikaw na ang bahalang um-order para sa akin basta 'wag mong kakalimutan na um-order ng extra rice, ha?" Umalis na ito pero mga ilang hakbang pa lang ang nagagawa nito ay tinawag nito ang pangalan niya at nag-flying kiss kaya napatikhim siya dahil ang lahat ng mga taong nakapila sa counter ay napatingin sa kaniya sabay tawa. Nang matapos siyang um-order ay hinanap niya si Angela dahil hindi niya ito makita. "Saan kaya nagpunta ang baliw na 'yon?" tanong ng isip niya kaya naman umakyat siya sa second-floor dahil baka doon ito nakahanap ng pupuwestuhan nila. Hindi nga siya nagkamali dahil naroon ang babae habang nakapangalumbaba. Halata sa mukha nito na nagugutom na ito. "Wala pa?" "Ihahatid na lang daw," sagot niya sabay upo. "Kumukulo na 'tong tiyan ko. Umuwi na lang kaya tayo? Ipa-takeout mo na lang kaya 'yong in-order mo? Matagal pa yata bago i-serve 'yon, eh." "Saglit lang 'yon." Ayaw niyang mag-drive ito ng gutom lalo pa't baliw ito. Ayaw niyang masiraan ito ng bait sa daan dahil tiyak na iyon na ang magiging katapusan nilang dalawa. Habang hinihintay na dumating ang order nila ay mayroong lumapit kay Angela na tatlong kabataan. Sa tantiya niya ay mga college students ang mga ito. "Idol, ikaw ba 'yan? Ikaw 'yong nasa tv, hindi ba?" tanong ng isa kay Angela na tila ba hindi ito makapaniwala na makikita nito si Angela dito sa fast food kaya naman kumunot ang noo niya. "Hindi ako makapaniwala na makikita kita ngayon! P'wede po ba akong magpa-autograph?" Nginitian ito ni Angela sabay tango. "Oo naman. Teka, nag-aaral ba kayong mabuti? Baka naman puro cutting ang ginagawa niyo, ha?" "Naku, hindi po! Matino po kami at balang araw ay gusto naming maging katulad niyo." "Ganoon ba?" Nginisihan ito ni Angela na may kasamang pagpapa-cute. "Kung ganoon, mag-picture tayong apat para masaya." "Kuya, p'wede po bang kuhaan niyo kami ng litrato?" Tumaas ang isang kilay niya dahil sa tanong ng isa sa mga kabataan na lumapit kay Angela. Tsk! Hindi niya alam kung ano'ng nangyayari sa mga ito gayong hindi naman artista ang babaeng kasama niya. "Sige na po, Kuya. Idol po kasi namin siya, eh," segunda naman ng isa. Nang mapatingin siya kay Angela ay tinanguan siya nito na para bang sinasabi nito na pagbigyan niya ang mga kabataan. Inabot niya ang cellphone ng isa sa mga ito. "Smile," tamad niyang sabi. Halos mapunit ang mga bibig nito sa uri ng mga ngiti nito lalong-lalo na si Angela. "Heto na po ang order niyo," imporma ng waiter kaya naman nagpaalam na ang tatlo para bumalik sa puwesto nito kanina. "Idol, salamat, ha? We love you!" "Mahal ko rin kayo!" tugon ni Angela at kalaunan ay dinukot nito ang wallet nito at binigyan ang tatlo ng tig-iisang libo. "Ibili niyo ng pagkain 'yan, ha?" "Opo!" sabay-sabay na usal ng tatlo. Ang waiter naman ay nakatitig din kay Angela na para bang ito na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. "Ahm, puwede na ba kaming kumain?" Sinabi niya iyon para makaramdam ang waiter. "Puwede na kaya?" "Sure po. Sorry po, ang ganda po pala kasi ni Miss Sophia sa personal, eh." "Do you know her?" "Sikat na–" "Kuya, kakain na po kami." Pinutol ito ni Angela. "Salamat po." "Okay po, Idol," anito at umalis na nga kaya nag-umpisa na silang kumain. "Artista ka ba dati?" Kahit alam naman niyang hindi ay tinanong niya pa rin ito. "Ba't parang sikat na sikat ka?" "Ganoon talaga kapag maganda, Sir. Ang akala siguro nila ay artista ako. Marami kasi ang nagsasabi na may kamukha raw akong artista." "Sino naman daw ang kamukha mo?" "Si Kristine Hermosa." Nabilaukan siya nang banggitin nito ang pangalan ng artista na tanging crush niya sa showbiz. "Oh, bakit? Hindi ko ba siya kamukha?" "Hindi!" walang paligoy-ligoy niyang tugon. "Saang banda mo siya kamukha?" "Mula ulo hanggang paa," confident nitong sabi dahilan para matawa siya. Grabe! Hindi niya alam kung saan ito kumukuha ng lakas ng loob para sabihin na kamukha nito ang idol niyang artista. "Bulag ka lang kaya hindi mo nakikita ang totoong ganda ko." "Gutom ka lang kaya mo nasasabi ang mga bagay na 'yan, Angela. Sige lang, kain lang nang kain. Sabihan mo lang ako kapag gusto mo pa para i-order pa kita." Hanggang ngayon ay natatawa pa rin siya. Maganda naman talaga ang driver niya at hindi niya itatanggi ang bagay na iyon pero malayo ang ganda nito kay Kristine Hermosa. Si Kristine kasi ay maamo ang mukha samantalang ang babaeng kaharap niya ay akala mo laging sasabak sa giyera. Bukod pa roon, mukha itong rapist lalo na kapag bagong gising ito. Paano ba naman kasi, para itong lalaki kung kumilos at pumorma. "'Di ka ba kakain? 'Yong bibig mo mapupunit na sa kakangiti." Umayos siya ng upo. "May naalala lang ako," palusot niya. Huminto sa pagsubo at mariin siyang tinitigan. "Oh, bakit? Hindi ba ako maganda?" Napakurap-kurap siya nang dilaan nito ang paligid ng bibig nito pero kalaunan ay napangiwi siya. "Tawang-tawa ka gayong totoo naman na maganda ako." "Oo na, maganda ka na," sabi na lang niya para tumigil na ito. "Wala, eh. Mabait ako kaya pinagpapala ako. Kita mo naman, ibinigay na sa akin lahat. Ganda, talino, kasipagan, kabaitan, ka-sexy-han at higit sa lahat ay iyong pagiging maawain. Alam mo kung ano na lang ang kulang? Yaman. Kulang na lang ako sa yaman para masabi ko na nasa akin na talaga lahat, Sir Allen." "Hindi ka naman lasing pero kung ano-ano ang pinagsasabi mo," saad niya. "Bilisan mo na para makauwi na tayo dahil baka maabutan tayo ng ulan." "Baka nga may crush ka sa akin pero inililihim mo lang, eh. Kung nag-uumpisa ka ng magka-crush sa akin, ayos lang 'yan. Ganoon talaga ang buhay. 'Wag mong pigilan ang nararamdaman mo. Sasaluhin naman kita kapag nahulog ka sa akin, eh." Napangiwi ulit siya. "Baliw ka na talaga." Napahinto lang ito sa kadadaldal nang mapatingin ito sa labas. Salamin kasi ang dingding kaya kitang-kita nila ang pagpatak ng ulan. "Hindi ko pa naman nadala 'yong raincoat ko," bulalas nito. "Ayos lang ba sa iyo kung mababasa ka? Maligo ka na lang agad kapag nakauwi na tayo." "Hintayin na lang nating tumila, Angela." "Hindi titila 'yan ngayon dahil may bagyo. Maligo na lang tayo pareho pag-uwi natin," seryoso nitong sabi. He likes it when Angela is being serious. "Sige lang, ikaw ang bahala." Habang umiinom siya ng ice tea ay hindi niya maiwasan na hindi mapatitig dito. Kitang-kita niya ang pagkabahala nito dahil lang sa pagbuhos ng ulan. Ang weird talaga ng babaeng 'to. "Ayos lang kung sumugod tayo sa ulan?" nag-aalala nitong tanong. "Magiging ayos ka lang ba?" "Bakit naman hindi?" "Wala lang. Nag-aalala lang ako na baka magkasakit ka kapag naulanan ka kagaya ni–I mean, baka magkasakit ka kaya bibili muna ako ng kapote bago tayo lumusong sa ulan." "No need." Umiling-iling ito. "Ayaw kong makipagsapalaran kaya bibili muna ako ng kapote bago tayo tuluyang umuwi." "Bahala ka." Wala rin naman siyang magagawa lalo pa't ubod ito ng kulit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD