Chapter 1

2093 Words
“Ilagay mo lang diyan. Tapos umupo ka doon,” utos ni Mama na abala sa niluluto. Tiningnan ang tsinelas kong magkaiba ang kulay. Green sa kaliwa tapos yellow sa kanan. Naiwala ko na naman kasi ang tsinelas ko. “Hindi ka man lang talaga naligo bago ka nagtungo dito? Ang gulo-gulo niyang buhok mo tapos amoy araw ka na rin. Galing ka bang laro? Naku!” Nagbubunganga si Mama habang hinahalo ang mga rekados sa niluluto. Kasama niya ang dalagang si Ate Detas. Kasambahay din dito at nasa edad 15 lang. Mayordoma kasi ng bahay ang Mama ni Ate Detas. Dito na siya lumaki at nagkaisip. Ngayon naman ay trabante na rin siya ng mga Harvoc. “May binili akong lollipop sa bayan.” Biglang bulong ni Ate Detas sa akin. Namilog ang mata ko. “Talaga?!” “Sshh!” Agad tinapat ni Ate ang hintuturo sa labi. “Oh! Ano na naman 'yan? Parang di ko alam iyang pinagbubulungan niyo diyan, ha. Hala! Sige, ubusin mo ngipin mo, Inneyah. At wag mo kong maiyak-iyakan kapag iyang ngipin mo sumakit.” Nagkatinginan kami ni Ate Detas. “Uy, huwag kang dumaan sa sala, ha. Ang baho-baho mo pa naman. Nandiyan ang mga mayayamang bisita ni Madam Saonna. Hay nakung bata ka!” At bumalik na si Mama sa niluluto niya. Nagtuloy naman sa paghihiwa ng rekados si Ate Detas. “Mamaya ko na ibigay.” Mahinang sabi niya sa akin bago siya nagtungo sa counter top ng kusina. Nagdala lang ako ng preskong itlog mula sa amin. Iyong organic kasi na itlog mula sa amin ang binibili ni Madam Saonna para siyang gamitin nila dito sa mansion. Kahit papaano'y maliban sa sahod ay may kinikita rin kami mula sa itlog ng alaga namin. Atsaka, ang bait-bait din talaga ni Madam Saonna. Kaya ang daming trabahante na tumatagal sa mansion na ito dahil sobrang bait niya. Maliban sa mabait, ang ganda-ganda pa. Dalawa raw ang anak ni Madam, itong si Diego pa lang ang nakita ko sa personal. Iyong tinatawag nilang Damien ay sa mga picture at family portrait ko pa lang nakita. Nasa ibang bansa raw kasi. Sa likod ako nagtungo para hindi ako mainip sa loob. Nagtungo ako sa green house. Nandoon ang mga iba't-ibang tanim ni Madam. Ang gustong-gusto ko doon ay iyong tinatawag nilang ‘gladioli’ ang ganda-ganda no'n. Kaya nakakalungkot na pagkarating ko doon ay wala na doon iyong bulaklak niya kahapon. Siguro ay pinitas na naman nina Ate Detas para ilagay sa plorera sala ng mansyon. Napabuntong hininga ako. Lumabas na lang ako sa green house. “Oh, so sad. Sa Paris kami for vacation, e. I don't know how to ride a horse. You can teach me next time, Diego!” Boses iyon ng batang babae. Napaatras ako. Sina Diego patungo rito! Sa totoo lang nahihiya ako kapag nakikita ako ng mga kaibigan ni Diego. Tuwing nandiyan sila naalala ko parati iyong time na ngumiwi ang isa sa kaibigan ni Diego nang makita niya ako. Nahihiya na tuloy ako ngayon. Naghanap ako ng pwedeng pagtaguan at nakita ko iyong holly plant na ginawang siding ng green house kaya doon ako dali-daling sumiksik. Humihingal pa ako nang makapagtago na. May kaunting siwang sa halaman para makita ko sila sa upuan ng greenhouse mula rito. Dalawang babae at tatlong lalaki. Iyong dalawang lalaki ay mula pa sa Manila at nagtutungo rito dalawang beses sa isang buwan. Kaibigan kasi ni Madam Saonna ang mga ina ng dalawang bata. Kambal ang dalawang babae at ngayon ko lang nakita ang dalawang batang ito. Namamangha ako, kasi ang ganda-ganda no'ng dalawa. Iyong tepong mapapanganga ang mga batang lalaki na kaedad ko kapag nakita sila. Isa rin ito sa dahilan kaya nakakahiyang humarap sa kanila. Kasi may ganito kayaman at kaganda na kaibigan si Diego. Ang tangkad-tangkad ni Diego. Namumukod-tangi siya sa mga batang kasama niya. May dimple siya sa pisngi na mas lalong nagpa-cute sa kaniya. May dugong Russian at Spanish daw si Senyor Ervien. Kaya hindi talaga mukhang full Filipino ang features ni Diego. Parating kinukwento ito ni Ate Detas. Ang daldal kasi ni Ate Detas. Paulit-ulit kasi niyang sinasabi na mas gwapo raw si Señorito Damien Harvoc kaysa kay Diego. E para sa akin, mas gusto ko ang itsura ni Señorito Diego. Para kasing nakakatakot tumingin si Señorito Damien at mukhang mabait at palakaibigan ang awra ni Diego. “Pwede ka naman mag-school sa City o doon sa ibang bansa just like your Kuya, e. Bakit dito pa sa probinsiya?” Iyong si Jules ang nagsalita. “Yes. And maraming private doon hindi ka magkakaroon ng classmates na poor.” Umikot ang eyeball noong isang babae. Ngumiti lang si Diego at umiling-iling. Niyakap ko ang tuhod. Kaya nga. Tama naman sila. Bakit kasi dito pa siya nag-aral? Ang yaman-yaman nila. Tapos dito siya sa public school ng probinsiya namin pumapasok. Napanguso ako nang maalala ang binanggit noong batang babae. Poor daw. May pera lang sila. Mayaman din naman kami, e. Pera na lang ang kulang. Bumuntong-hininga ako. Ganoon na ba talaga nakakadiri ang mga tulad namin? Porke ba wala kaming pera? Napagtanto ko tuloy kung gaano kalayo ang agwat namin ngayon. Dinalhan sila ng meryenda ng mga katulong. Kumakain sila ng icecream at sunod ay uminom sila ng fresh orange juice. Napalunok ako. Ang sarap-sarap naman talaga ng buhay nila. Patuloy sila sa pag-uusap doon. Hindi ko na nasundan mga pinag-uusapan nila dahil sunod kong namalayan, nakatulog na ako. Kagagaling ko lang sa laro, tapos inutosan ako ni Mama na mangolekta ng itlog sa poultry namin. Kaya nakakapagod din. Nakahiga ako sa semento na barrier ng holly plant. Mamaya pa ako hahanapin ni Mama. Maraming bisita ang mansyon ng mga Harvoc. Paniguradong gagabihin kami. Nagising lang ako nang maramdaman ko nang pinagpyestahan na ako ng lamok sa green house. Kinusot ko ang mata ko at namalayan kong palubog na pala ang araw. “Ang ganda pala tingnan ng sunset dito.” Muntik na akong mahulog sa barrier na kinahihigaan nang marinig ang boses na 'yon sa uluhan ko. Agad akong nagpunas ng laway sa bibig at bumangon. Namilog ang mata ko nang malamang nandito si Diego. Paano niya ako nahanap? Paano niya nalamang dito ako nagtatago? Agad akong tumayo para tingnan ang mga upuan ng greenhouse. Wala na doon ang mga kasama niya. Kaming dalawa na lang pala ang naiwan dito. Saan na pala ang mga iyon? Umalis na? “Kanina pa sila nakaalis.” Si Diego na mismo ang sumagot sa mga tanong ko. Umupo ako ulit sa semento at tumingin sa sunset. Wala namang pinagkaiba sa sunset na nakikita ko sa bundok, e. Ano bang espesyal sa pwestong ito? “Mangangabayo kami bukas. Gusto mo bang sumama? Linggo naman, walang pasok.” Ngumiti si Diego nang bumaling sa akin. Ngumuso ako at pinaglaruan ang daliri ko sa paa. “Baka ayaw nila akong nandoon, Diego.” Kumunot ang noo niya. “Paanong ayaw? They're nice, Inneya.” “Tutungo kami sa gubat bukas.” Nagkamot ako ng ulo. Mas gugustuhin ko pang sumama kina Botyok bukas. Tiyak maliligo na naman sila sa sapa tapos magpapatentero sa tanghali. Tapos may mga ibon kaming inaalagaan sa gubat na walang ina hindi pwedeng pabayaan iyon! “Ilang beses ka nang sinabihan ng Mama mo na delikado sa gubat. May ahas doon.” “Hindi naman galit si Mama no'ng sinabi iyon, e.” Binalingan ko si Diego na nakakunot ang noo. Kapag galit si Mama habang pinaalalahanan niya ako, tiyak papaluin ako no'n. Pero kalmado lang siya. Ibig sabihin, wala lang 'yon. Ginulo ni Diego ang buhok ko at hinila ang pisngi. Napangiwi ako. “Ikaw pa ang galit, ha?” Bakit kasi gusto niya pa akong isama? Halata naman doon sa mga kaibigan niyang ayaw no'n sa akin. Tsaka, hindi ako marunong mangabayo. Naka-assign si Papa sa kwadra pero hindi ako no'n tinuruan kahit isang beses man lang. “Uuwi na si Kuya next week.” Namimilog ang mata na binalingan ko siya. Talagang uuwi na iyong Kuya niya? Naalala ko na naman iyong itsura ng Kuya niya sa dambuhalang family portrait na nakasabit sa malaking bulwagan ng mansyon. Unang tingin, alam mo na agad na hindi mo pwedeng biruin, e. “Iyong Kuya mo...ano... masungit ba 'yon?” alanganin kong tanong. “Hindi naman. He's nice to me.” Baka iba lang itsura niya sa mga picture. Baka tama naman si Diego. Baka mabait naman talaga si Señorito Damien. Mas kilala niya ang Kuya niya, e. “Ilang taon din si Kuya na nanirahan sa states. Mas nakakasama niya pa parati sina Tito Juden doon kaysa sa amin dito. Kung hindi dahil sa semestral break, hindi siya uuwi.” Bumuntong hininga siya. Kitang-kita sa mata ang pagtatampo niya sa Kuya niya. Siguro ganoon talaga sila ka-close. Nakakainggit. Wala akong kapatid. Wala akong pwedeng tawaging Kuya, Ate o bunso. Paano kasi, sabi ni Mama hindi na siya pwedeng magbuntis. Hindi ko alam kung anong problema at ganoon. Bakit ba kasi mayroon lahat si Diego ng wala ako? Ang ipinagpasalamat ko na lang ay kumpleto ang pamilya ko. Kahit mahirap kami, maayos ang pamumuhay namin. May kaibigan ako, hindi mayaman pero masayang kasama. “Alam mo ba maraming girlfriend si Kuya?!” Kumunot ang noo ko. “Ano 'yon?” Girlfriend? Parang narinig ko na 'yon, ah. Kalaunan ay namilog ang mata ko. “Marami? Di ba dapat isa lang, Diego? Isa lang ang puso na'tin kaya dapat isa lang!” Naghuhurumentado na ako. Tapos no'n nagkwento na si Diego kung gaano karami ang naging babae ni Damien. Araw-araw raw iba-iba. Bakit ganoon? Si Papa ay si Mama lang ang mahal? Hindi ko alam may ganoong tao pala katulad ni Damien. Naalala ko si Ate Detas. Gustong-gusto pa man din ni Ate si Señorito Damien. “Magiging katulad ka rin ba sa Kuya mo, Diego? Di ba bad 'yon?” Tumawa si Diego. “Syempre, hindi. Sabi mo, di ba? Isa lang ang puso kaya dapat isa lang din ang mamahalin.” Napanguso ako. Bakit ba umabot kami sa ganitong topic? Pangmatanda lang naman 'to. Dapat iyong gagawin ko bukas ang poproblemahin ko. Dapat hindi patentero ang laruin namin ulit, mag-iisip pa ako ng ibang pwedeng laruin bukas. “Ikaw? Kapag lumaki tayo magbo-boyfriend ka rin ng marami?Maganda ka, maraming magkakagusto sa'yo.” Namilog ang mata ko. “Maganda ako, Diego?!” Ito ang unang beses na sinabi niya iyan. Pinagmasdan niya ako bago siya ngumiti at tumango ng bahagya. “Magandang-maganda...” Napaisip tuloy ako. Kita ko sa mata niyang naghihintay siya at interesado siya sa isasagot ko. “Siguro... Si Botyok! Tapos si Tuto tapos ikaw!” Tinuro ko siya. Napanganga siya. “Bakit ang dami namin, Yn?” Parang maiiyak siya nang itanong ito. Napakurap-kurap ako. May mali ba? Sinamahan ako ni Diego tungo sa kusina. Saktong-sakto at katatapos lang ni Mama sa paghuhugas kasama si Ate Detas. Muntik na akong masapok ni Mama nang makitang si Diego pa mismo ang naghatid sa akin sa kusina. “Ikaw na bata ka kanina pa kita hinahanap.” Bahagya niya akong hinampas sa pang-upo. Kumunyapit na lamang ako sa braso ni Mama at nilambing siya. Tutungo kami sa kwadra dahil madadaanan din naman iyon pauwi sa amin. Nang dumaan kami sa malaking bulwagan ay tahimik na. Umaalingawngaw ang mga yabag sa bawat hakbang namin. Ang malaking library ay matatanaw mula sa malaking bulwagan. Sadyang napakalaki nga naman ng mansyon ng mga Harvoc. Ang malaking portrait ng pamilya ay tila sundalo na nakaabang sa mga bisitang papasok doon. Ang kapangyarihan at pagiging dominante ng awra ni Senyor Ervien Harvoc ay ngayon ko lang napansin na namana ng anak nitong si Damien Harvoc. Ang mala-anghel na awra ni Madam Saonna ay si Diego naman ang nakamana. Uuwi na dito ang Kuya ni Diego. Masaya ako para sa kaibigan ko. Siguro ay napakatagal niyang inasam na makasama ulit ang Kuya niya. Patungo na kami sa kwadra at umihip ang panghapon na hangin. Natanaw namin ang sombrero ni Papa na masaya niyang kinakaway sa ere upang madali namin siyang mahanap. Napaisip ulit ako tungkol doon sa sinabi ni Diego. Ang Kuya niya, maraming babae. Si Papa, si Mama lang ang mahal. Naisip ko, balang-araw kapag magkakaroon ako ng asawa. Ang katulad ni Papa ang hahanapin ko. Hindi ako mag-aasawa ng katulad ni Damien. Hindi pwede sa akin ang katulad ni Damien. Dapat isa lang. Dahil nag-iisa lang ang puso na'tin. Iyon ang parating sinasabi ni Papa sa akin. Kaya iyon ang gagawin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD