Chapter 2

2155 Words
Gaya nga ng sabi ko kay Diego, sasama ako kina Botyok kinabukasan. Hindi na rin ako nakabalik sa mansyon pagtapos no’n. Abala na ako sa paglalaro. Parati kaming nakatambay sa gubat pagkatapos ng klase. Madalas na rin akong pagalitan ni Mama. “Ano ka ba naman, Inneya? Hindi na kita mahagilap parati dito sa bahay. Saan ka ba parati nagsususuot?” reklamo ni Mama nang madatnan niya ako sa bahay Linggo ng umaga. Hindi na kasi ako masiyadong nakikita para utusan sa mansyon. “Diyan po,” ngumiti ako kay Mama at dumukot ng kakaunting bigas sa lagayan namin. Ibibigay ko ‘to sa ibon sa gubat. May mga inahin kasi doon na ibon na pinapakain namin nina Botyok. Sina Botyok din nagdadala rin sila ng bigas para sa mga ibon sa gubat. Kaya lang pinalo si Botyok ng Mama niya no'ng nakaraan, e. Kaya ako na lang muna ang magdadala ngayon. Pinatapos ko muna si Mama sa pagsasalita at nagtungo na agad ako sa gubat. "Buti nakarating ka kaagad!" Nakangisi na sabi ni Tuto. Siya ang pinakabatang kaibigan namin nina Botyok. Kapit-bahay lang siya ni Botyok. Isang beses lang siyang sumama sa amin sa gubat at nagustuhan niya. Sunod no'n ay parati na siyang sumasama sa amin. Hanggang sa naging magkaibigan na kami. "Tara na!" Tapos ay hinila ko na siya. Tutungo kami sa maliit na sapa. Ngingiti-ngiti pa kami sa pagdating namin pero naglaho 'yon nang makita namin si Botyok na nanlalaki ang mata at tumatakbo. "Botyok-" "Takbo!" Hinila niya ang parehong kwelyo namin ni Tuto. Halos magkandapatid pa kami sa pagtakbo. Nabitiwan ko rin ang bigas na nasa palad ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero tatakbo ako ng mabilis. Dahil kakaiba rin ang pakiramdam ko rito. Parang may hindi maganda. Humahangos na ako at malakas na ang kabog ng dibdib ko. "Botyok bakit?!" Habang tumatakbo ay nagawa pa ni Tuto na magtanong. Tsaka sa aming tatlo, si Tuto ang mas mabilis tumakbo. Sa katunayan si Tuto pa nga ang nasa unahan namin ngayon. At si Botyok ang nasa hulihan samantalang siya ang mas malaki ang pangangatawan sa aming tatlo. “May... may...” Hindi magawang sumagot ng matino ni Botyok. Kita namang humihingal at nahihirapan na rin siyang tumakbo. Ang magsalita pa kaya? Nilingon ko ang likuran. At pinagsisihan kong tiningnan ko iyon. Dahil sa likuran namin. May nakasunod na baboy ramo. Mataba at malaking baboy ramo! Kaya't pikit-mata kong mas tinulinan pa ang pagtakbo. Parang pinagsisihan ko tuloy na iniwan ko si Mama sa bahay. Ilang beses niya na akong sinabihan na delikado ang kagubatan pero tumutungo pa rin ako dito. Habang tumatakbo ako ay nagdarasal akong sana hindi kami abutan ng baboy ramo na iyon. Tiyak na lalapain kami at gagawing tanghalian ng baboy na iyon. Mataba pa man din si Botyok. Kaya nga hirap na hirap siyang tumakbo. At tungkol nga pala kay Botyok. Ayon! Natumba! “Naku po!” Namimilog ang mata na nakatingin ako kay Botyok na nakahandusay sa damuhan at papalapit na ang baboy ramo sa kaniya. Kaibigan namin si Botyok, kaya dapat hindi namin siya pabayaan. Hindi napansin ni Tuto ang pagkatumba ni Botyok kaya tuloy-tuloy lang ang takbo niya. Kapag tinawag ko naman si Tuto ay tiyak na tatlo kaming malilintikan ng baboy ramo na iyon. “Naku naman!” Hirap na hirap ang kalooban na binalikan ko si Botyok. Sa takot ay hindi na siya makatayo. Nanatili na lang siyang gulat at namumutla habang nakatanaw sa baboy ramo sa unahan. “Tara na Botyok!” Hinila ko siya patayo. Ang bigat-bigat niya pa man din. Buong buhay namin ngayon lang namin nakaharap ng ganito ang ganitong hayop rito sa kagubatan. Ahas at kung anu-anong maliliit na insekto lang ang nakakaharap namin dito dati. Nakakagulat na sa araw na ito ay ang nakakatakot na baboy ramo ang makakaengkwentro namin. Narinig na namin ang tungkol sa mga mababangis na hayop sa kagubatan pero isinawalang bahala namin iyon dati. Ngayon ko napagtanto na hindi dapat namin isinawalang bahala ang ganitong bagay noon. "Bilisan mo, Botyok!" Patuloy ko pa rin siyang hinihila. Parang wala pa rin siya sa sarilli habang nakasunod sa akin kaya't ang hirap niyang hilahin. Natumba na naman siya habang hinihila ko siya. Namilog ang mata ko nang balingan ang likuran. Napakalapit na ng baboy sa pwesto namin. Kapag hindi pa tumayo si Botyok ngayon ay tiyak susunggaban na kami ng hayop na 'yon. Pilit ko siyang tinatayo pero tulala pa rin siya at ayaw nang tumayo sa mga oras na 'to. "Kakainin niya tayo. Kakainin niya tayo." Nanginginig ang boses niya. "Kakainin talaga tayo kapag 'di ka gumalaw diyan, Botyok. Kaya tumayo ka na. Ano ba?!" Umiiyak at umiling-iling siya. Natatakot at parang ang hirap na rin akong huminga sa mga oras na 'to. Parang nararamdaman ko na rin ang matinding takot na nararamdaman ngayon ni Botyok. Binalingan ko ang baboy ramo. Ang tapang-tapang ng mukha no'ng hayop habang tumatakbo palapit dito. Kitang-kita na handa na talaga siyang saktan kami kapag nakalapit siya sa amin. Umupo ako sa damuhan at binitiwan ang kamay ni Botyok. Ikinulong ko ang mukha ko sa mga tuhod. Kung ano man ang manyayari sa amin ngayon ay ayokong tingnan. Umiiyak na isiniksik ko ang mukha sa tuhod ko. Hindi ko na marinig ang mga hagulhol ni Botyok dahil maging ako ay umiiyak na rin. Napuno ng pagsisisi ang puso ko habang nakayakap sa mga tuhod. Sana totoo ang mga super hero sa palabas. Iyong darating sila kapag nasa kapahamakan ka. Katulad ngayon. Sana may dumating para sagipin kami. Pero sino ba ang mangangahas na magikot-ikot sa kagubatan na 'to e parte na 'to ng pag-aari ng mga Harvoc. Kung di dahil katiwala sa mansyon si Mama ay hindi kami makakaapak sa parteng ito ng gubat. Maliban sa mga Harvoc at mga trabahante sa mansyon ay mga Harvoc lang ang pwedeng makagala sa buong kalupaan. At imposibleng may magtungo ngayon dito lalo pa at abala ang mga tauhan sa mansyon ngayon. At sino ba kami para puntahan dito? Maliban kay Mama at Papa, wala nang ibang maghahanap sa'kin. Ang problema ay pati sila ay tiyak abala rin sa mansyon ngayon. Isang daang pursyentong wala nga'ng sasaklolo sa'min lalo na sa ganitong sitwasyon. Mukhang katapusan na nga namin. Mas lalo akong napaiyak sa mga naiisip ko. Hinigpitan ko ang yakap sa mga tuhod. Ilang beses kong tinawag sa isipan ko ang pangalan ng mga magulang ko. Na parang darating sila kapag ginawa ko 'yon. Maririnig ko na ang mga kaluskos. Ang hingal ng hayop, ang mga boses niya. Ibig sabihin ang napakalapit niya na. Ngunit sa gitna ng mga hagulhol ko ay pumailanlang ang putok ng baril. Parang nabingi ako sa malakas na putok na iyon. Narinig ko ang pag-iyak ng baboy ramo. Namimilog ang mata na dahan-dahan kong inalis sa mukha ang nakatabon na braso. Napasinghap ako sa gulat nang makita ang duguan at nakabulagta na malaking baboy sa harapan. Halos magkasinlaki kami ng hayop. Nahintakutan na napaatras ako. Ilang saglit ay narinig ko ang tawanan sinundan ng halinghing ng kabayo maging ang mga yapak ng naturang hayop. “Nice shot, kahit kailan wala pa ring mintis.” Isang boses ng lalaki. “Si Damien pa ba?” Tulala na tiningnan ko ang paligid. Parang hindi pa rin ako makapaniwalang napatay nga ang baboy. Nanginginig ang kamay na tumayo ako habang unti-unti ring lumalapit ang yapak ng kabayo dito sa amin banda. Wala sa sariling nilapitan ko si Botyok at kinalabit. “B-Botyok...” Naiiyak pa rin ako habang nakatingin sa kaibigan ko. Nakasiksik siya sa patay na puno na nakahiga sa lupa. Nanginginig din siya tulad ko. “Botyok wala na ang-” Natigilan ako nang marinig ang pagkasa ng baril. Dahan-dahan akong napatingin sa pinanggalingan ng tunog na iyon. Napaawang ang labi ko nang makitang nakatutok sa amin ang baril ng lalaking nakasakay sa kabayo. “What are you doing here?” Malalim ang boses niya. Mas nakakatakot pa ang boses niya kaysa sa baril na nakatutok sa amin. Hindi ako makapagsalita. Nanghihina ang tuhod ko. Nanubig ang mata ko at tuluyan nang napaluha. Napasalampak ako sa lupa habang nakatingin pa rin sa kaniya. “A-Ako po s-si...” Hindi ko na alam kung anong sasabihin. Wala akong makapang salita sa utak ko. Gusto kong sabihing wala akong masamamg intensyon sa pagpunta sa gubat na ito. Na anak ako ni Leonora Veldemonte, ang katiwala nila. Pero hindi ko magawa. Nablangko na lang ako bigla. Ang nagagawa ko na lang ay pagmasdan siya. Mula sa abuhing mata na madilim na nakatingin sa akin, sa magandang hubog ng mukha, sa nakahawi na itim na buhok, sa mapulang labi, sa malapad na balikat, sa bukas na butones sa dibdib, sa tangkad niya. Ilang beses ko nang nasilayan ang portrait niya sa malaking bulwagan ng mansyon. Hindi ko man siya nakita pa sa personal, dahil doon sa portrait na iyon ay naging pamilyar siya sa akin ngayon. Hindi ako pwedeng magkamali, ang lalaking nasa harapan ko ay si Damien Harvoc ang nakatatandang kapatid ni Diego. Binaba niya ang mahabang baril na hawak niya at sinukbit sa likod. May lamig sa mga mata niya nang kabigin niya ang kabayo. Sa mga oras na ito ay nakasunod na ang apat na lalaki na nakasakay rin ng kabayo. Kasing edad lang din ni Damien ang mga 'yon. “Muntik na kayo doon, bata.” Natatawang sabi ng lalaking kasama ni Damien. “This is private property. Di dapat kayo pinapapasok dito. Bakit kayo nandito?” Nilapitan kami noong kabayong sinasakyan niya para takutin kaya napaatras ako kaya lang natumba ako. Nagtawanan sila habang nanginginig pa rin ang kamay ko. Binalingan ko si Damien. Tahimik siya sa unahan habang nagkakarga ng bala sa baril niya. Hindi siya nag-abalang sitahin ang mga kaibigan niya. “Hoy bata. Ano? Kita niyo na? Maraming mga mababangis na hayop dito. Tsaka, namamaril si Damien ng mga trespassers sa lupa nila kaya huwag na huwag kayong...” Tumingala ako sa kaniya. Namamaga na ang mga mata sa pag-iyak. Namilog ang mata niya at nakakapagtakang natigilan. Hindi ko alam kung bakit natigilan siya pati ang mga kaibigan niya. Dahil ba umiiyak ako? Bumangon ako at inilayo ng lalaking nananakot sa akin ang kabayo niya. Lumapit ulit ako kay Botyok. “Tyok, tara na. Uwi na tayo.” “Hatid na kita,” iyong lalaking nanakot sa akin kanina ang biglang nagsalita. Nakangiti na ito. Hindi ko namalayang nakababa na siya sa kabayo niya at hawak na ako sa braso ko ngayon. “Hoy, bata pa 'yan!” kansyaw ng mga kaibigan niya. “Leave the kids, Troy. You're disgusting.” Isa sa kasama ni Damien ang sumingit. Sa kanilang lahat ay ito lang ang hindi nakikisabay sa tawanan ng kaibigan. Bumaba ito at tinulak iyong nagngangalang Troy. “Woah! Bro!” Napataas ng mga kamay si Troy. “Bababa na ako. I'll call the men of the mansion para kunin itong huli ni Damien.” Sinulyapan ng lalaki ang baboy ramo saka binalik sa akin ang tingin. “Sumabay na kayo nitong kaibigan mo.” Ibababa niya kami ni Botyok sa bundok? “Tsk, comm'on Drake, kunyaring concern pero-” Natigilan si Troy nang balingan ni Drake. “Hindi ako kasing manyak mo, Troy. Huwag mo akong itulad sa'yo.” si Drake. “Cool down, cool down. Comm'on...” Pumagitna ang dalawa. Si Drake ang unang kumalas at nagtungo kay Botyok. Siya ang humila sa braso ni Botyok. Umiiyak pa rin iyong kaibigan ko. Napabaling ako kay Damien. At nagtama ang mga mata namin. Kumunot ang noo niya bago nagbawi ng tingin. Napalunok ako. Kung hindi dahil sa kaniya tiyak pinaglalamayan na kami ngayon. Hindi ko lubos akalaing ligtas na kami. Sinama kami ni Drake pababa ng bundok. Tahimik si Botyok sa likuran ni Drake habang ganoon din ako sa harapan ni Drake. Nakatanaw ako sa bulubundukin sa unahan. “Huwag na kayong magpunta doon sa gubat.” Nang makababa kami sa kabayo ay iyon agad ang habilin ni Drake sa amin. Tapos bumaling siya sa akin. “Huwag na huwag kang lalapit kay Troy.” Tapos ay tinalikuran niya na kami. Hindi rin maganda ang pakiramdam ko sa kaibigan nilang si Troy. Lalo na sa ginawa niya kanina, doble-doble ang takot na naranasan ko kanina. Tapos nagawa niya pa kaming takutin sa kabayo niya. Nakita niya na nga ang nangyari sa amin ng kaibigan ko. Nagawa niya pa iyon? “Inneya?” Natigilan ako nang marinig ang boses na iyon. Nang lingunin ko ay bumungad sa akin ang mukha ni Diego. Habang nakatitig ako kay Diego, ibang itsura ang nakikita ko sa kaniya. Si Damien... Magiging ganoon katikas si Diego pagdating ng panahon. Ngunit hindi magkakaroon ng maraming babae si Diego katulad ng Kuya niya. Iisa lang ang mamahalin niya kasi iyon ang sabi niya. Kasi iisa lang ang puso. Niyakap ako ni Diego. “Na-miss kita!”

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD