Ang mga Harvoc, simula nang dumating sila sa Nieves ay wala nang ibang namumukod-tanging mas makapangyarihan sa lugar na ito kundi ang pamilyang nila. At sino bang mag-aakalang sa lahat ng babaeng mamahalin ng anak ni Madam Saonna at Senyor Ervien Harvoc ay ako pa ang napili ni Diego? Nakakahiyang aminin pero ang antas ng buhay ko ay malayong-malayo sa antas ng buhay na mayroon sila. Isa lamang akong anak ng trabahante ng mga Harvoc, isang utusan, katiwala... ano pa ba? Hindi gaanong malaki ang sakahan namin. At sapat lang ang kinikita ng pamilya ko para sa pangaraw-araw naming pangangailangan.
Wala kaming malalaking negosyo na katulad ng negosyo nila. Hindi milyones ang pera namin sa bangko. Hindi namin naranasan ang tumira sa ibang bansa. Hindi ako nakapagtapos ng college pero sinisikap ko naman na makapag-aral. Napakarami kong insecurities sa katawan dahil masiyadong habulin ng babae si Diego while isa lang akong introvert na napulot niya lang sa tabi dahil no'ng una'y naawa siya akin. Sa totoo lang ay wala akong maipagmayabang at pakiramdam ko wala akong karapatang angkinin si Diego kahit ilang beses niya nang sinabi sa akin kung gaano niya ako kamahal.
Pero sa kabila ng mga bagay na iyon ay milagro na kumakapit pa rin ako hanggang ngayon. Kahit pa pakiramdam ko ay wala nang patutunguhan ang lahat ng ito. Nababaliw na ba ako? Siguro nga. Parang gusto kong pagtawanan ang sarili.
Idagdag mo pa ang may-ari ng sapatos na nakabalandara ngayon sa harapan ko. Makintab ito at itim na itim. Unang tingin, alam mo agad na mamahalin. At mayaman ang may-ari. Napalunok ako at tinuloy ko ang pagdampot sa damit na nahulog mula sa sampayan.
Lumakas ulit ang ihip ng hangin. Kaya't hinawi ko ang nagulong buhok na humaharang sa mukha ko.
"Ganito pala kalaki ang lote na binigay ng magulang ko sa inyo?" Namulsa si Damien Harvoc. Siya ang nakatatandang kapatid ni Diego.
Maayos na sinuklay ang buhok niya at naka-business suit pa. Halatang kagagaling lang sa magarang office niya at dumeretso dito. Hindi bagay sa disente niyang damit ang lugar.
Sa kaliwa ay kulungan ng baboy at sa kanan ay kulungan ng mga pato. Saka sa gitna ay ang maliit naming kubo. At iba't-ibang gulay na ang nasa paligid at pinapalibutan ng bakod na kawayan. Nasa labas ng bakod namin ang itim niyang Bugatti. Nakaparada ito doon na dominanteng kinakain ang lahat ng atensyon ng mga dumadaan.
Para siyang ginto na napapaligiran ng tanso.
"Do you remember how many years had passed? Napakatagal nang naninilbihan ng pamilya mo sa pamilya ko." He laugh sarcastically. "Akalain mo 'yon? The loyalty at its finest."
Ngumingiti siya pero may lamig at bigat sa mga mata niya. Nanatili akong nakayuko at hindi ko na maibalik pa ang damit na pinulot ko kanina mula sa lupa. Nanginginig na kinuyom ko ang kamao ko. May kakaiba sa panganay ng mga Harvoc na hindi ko maintindihan. Siya ang kauna-unahang tao na tutol sa pagmamahalan namin ng kapatid niya.
"There will come a time when you need to end it. It could be you who will break away or it could be him. Ayoko lang na kumakapit ka sa mga bagay na hindi mo dapat asahan." Pinagmasdan niya ang maliit naming bahay.
Naglalaro sa utak ko kung gaano niya minaliit sa utak niya ang maliit naming bahay. Ang paligid, ang lahat-lahat na nandito. Lalo na ako.
"Ano ba kasi ang pinangako ng kapatid ko at masiyado kang kapit na kapit?" Sumilay ang nakakainsultong niyang tingin.
Nakagat ko ang ibabang labi. Ayokong umiyak. Hindi ako pwedeng magpadala sa mga nakakainsulto niyang tingin lalo na ng mga masasakit niyang salita.
"M-Mahal ko po si-"
"Ridiculous," putol niya na nilakipan pa ng ngisi.
Napalunok ako at nanginginig ang kamay na napayuko ulit. Pakiramdam ko lahat ng sasabihin ko ay hindi importante sa kaniya.
"Ilan na ba ang naging boyfriend mo?" Binalingan niya ako.
Hindi ako nakasagot. Ano bang isasagot ko kung si Diego lang ang naging boyfriend ko?
"Can't even answer, Inneya Belle Veldemonte?"
Ang malapad niyang likod ay tinakpan ang bukangliwayway. Kakaiba ang dating nang banggitin niya ang buo kong pangalan.
"It seems like you don't know how to kiss either. So nagtataka ako at anong nakita ng kapatid ko para patulan ka? Ah, yes, you're beautiful. Maybe that's that's the main reason." Kaswal lang ang boses niya pero parang tinik ang mga salitang lumalabas sa bibig niya.
Nakakasugat, nakakapanghina at unti-unting tumutupok sa pag-asang pilit kong inaalagaan sa dibdib. Pag-asa na dahilan para maharap siya ng ganito, para tumayo ng tuwid sa harapan niya na akala mo hindi apektado. Pero naghihingalo na ang ako sa kaloob-looban ko.
"You're just beautiful and nothing else." Sinabi niya iyon habang nakaharap sa mga burol sa unahan.
Kinapa ko ang tumitibok na dibdib. Pero nang humarap siya ay pinukol niya ako ng nakakainsultong ngisi.
"Unfortunately, you are not alone and there are others out there who are even better than you na mas may pakinabang kaysa sa'yo. Kaya ngayon pa lang, sinasabi ko na sa'yong tapusin mo na ang ano mang ugnayan mo sa kapatid ko. I don't like you for my brother." Nakakatakot ang lamig sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.
Pagkatapos ng mga masasakit na salitang iyon ay umalis siya at ang nagawa ko na lang ay manginig habang nakatanaw sa sasakyan niyang papalayo.
Saka lang bumuhos ang luha ko nang makapasok ako sa bahay. Ibinuhos ko ang lahat ng sakit na kanina ko pa pinipigilan. Ilang beses kailangang ipamukha sa akin na hindi nila ako matatanggap? Na wala akong magagawa para kay Diego?
Lahat ng bagay na mayroon kami ngayon ay galing sa pamilya niya. Mula sa lupa, pera, damit, pagkain. Lahat iyon ay mula sa pamilyang Harvoc. At pati si Diego ay gusto ko pang angkinin. Sinasabi niya lang na off limits ang kapatid niya para pati ito'y angkinin ko pa.
Sumusobra na ba ako? Masiyado na ba akong naging hangal?
Tinakpan ko ang mukha at kinulong ang mga hagulhol doon. Sana kasing tatag ng mga burol sa silangan ang paninindigan ko. Pero sa tuwing dumarating sa ganitong punto ang lahat ay parang nayayanig na naman ako at gusto ko na naman pagdudahan ang nararamdaman ni Diego para sa akin.