Ang Pagtatapos...
Agad na hinawakan ni JR sa kaliwang kamay si Kath pero nagpumiglas ang dalaga. Inapakan ni Kath sa kanang paa si JR at nabitawan siya. Nagsimulang tumakbo si Kath palabas ng kweba.
Kahit masakit ang tinamong pagkakaapak sa kanya, nagawa pa ring makakilos si JR upang habulin si Kath sa labas ng kweba. Bago niya kitilin ang kanyang buhay ay kailangang mapatay niya si Kath.
"Humanda ka sa akin, Kath!"
Hingal na hingal naman si Kath nang makalabas sa kweba. Ngunit, hindi niya kailangang magpahinga dahil alam niyang nakasunod sa kanya ang demonyo. Nagpatuloy siya sa pagtakbo. Biglang nagalit ang langit. Dumagundong ang kulog at kidlat. Umiyak ang langit.
Hindi na inalintana ni Kath ang ulan. Ang tanging magagawa na lamang niya ay ang makatakas sa taong naging dahilan ng pagkawala ng kanyang matalik na kaibigan. Nang marating ang kinaroroonan ng kotse niya, agad siyang pumasok. Isasara na sana niya ang pinto nang biglang may humablot sa kanyang buhok at hinila siya pababa ng sasakyan.
Nawalan ng balanse si Kath at natumba sa putikan. Agad naman siyang nakabalik sa wisyo at hinarap ang lalaking kaharap niya - si JR. Atras nang atras si Kath habang nakaupo sa putikan.
"Walang hiya ka! Pagkatapos kang alagaan ng pamilya Montego, iyon pa ang igaganti mo sa kanila? Pati ang mga inosenteng tao dinamay mo! Pinatay mo ang kapatid mo at ama mo!" Bulyaw nang bulyaw ni Kath.
Nanatili namang walang imik si JR. Isang sakastikong ngiti ang kanyang pinakawalan at agad na hinawakan ang isang paa ni Kath. Kinaladkad siya ni JR. Halos maputol naman ang mga kuko sa kamay ni Kath sa kakakapit sa lupa. Pilit niyang hinihila ang kanyang paa sa pagkakahawak sa kanya. Nang makahawak siya ng bato ay pinukpok niya ang kamay ni JR.
Nabitawan ang paa niya. Agad tumayo si Kath. Hawak pa rin ang isang bato, ginamit niya iyon upang ipukpok sa isang kamay ni JR na may hawak na patalim. Ilang beses niyang pinukpok ang kamay niya hanggang sa mabitiwan niyo ang patalim. Kinuha ni Kath ang patalim.
Bago niya gamitin ang patalim ay sinipa-sipa niya muna ito sa mukha at inapak-apakan sa tiyan. "Walang hiya ka! Demonyo ka! Mamamatay tao ka!"
Ilang beses niya ring ginawa ang pagsipa at pag-apak kay JR ngunit, tila manhid ito dahil hindi man lamang nakaramdam ng sakit. Kaya, mismong ang patalim na ang ginamit ni Kath upang isaksak sa iba't ibang parte ng katawan ni JR.
"Alam kong kasalanan sa Diyos ang pumatay! Ngunit, kung hahayaan kitang mabuhay, buhay ko naman ang iyong kikitilin. Kaya, mas pipiliin kung habang buhay akong humingi ng kapatawaran sa Diyos na patawarin ako sa gagawin kong pagpatay sa iyo kaysa ang patayin ako at mabubuhay ka at maghahasik muli ng lagim! Wawakasan ko na ang buhay mo!"
Pagkatapos sambitin ang mga katagang iyon, tinadtad ng saksak ni Kath ang buong katawan ni JR. Nanatili namang hindi lumaban ang binata. Bagkus, sa bawat saksak na ginagawa ni Kath ay nakangiti ito habang patuloy naman sa pagtilamsik ang dugo. Patuloy rin sa pagbagsak ang ulan sa lupa na inaagos ang bawat pulang likido sa kung saan man makarating ito.
Hindi na mabilang ni Kath kung ilang beses niyang sinaksak si JR. Hindi naman naging sagabal ang ulan sa pagpatak ng kanyang mga luha sanhi ng krimeng ngayon lamang niya ginawa - ang pagpatay.
Nang wala ng buhay ang katawan ni JR, itinapon niya ang punyal at umatras palayo sa katawang kanyang pinatay. Ilang sandali pa ay sumigaw nang napakalakas si Kath. Matapos ilabas ang nararamdaman, isang itim na aninong nakatalukbong na may hawal ng karet ang napansin niya.
Tinungo nito ang katawan ni JR. Ilang saglit pa, tumagos ang kamay nito sa dibdib ni JR at lumabas ang kamay na may hawak ng puso. Nagimbal ang buong sistema ng katawan ni Kath at agad siyang tumayo. Sumakay sa kotse at pinaandar ito. Pagkatapos paandarin ang sasakyan, pinaatras niya ito at nang humarap sa tamang direksyon pabalik sa kanyang pinanggalingan, pinaharurot niya iyon.