Chapter 20.c

1236 Words
Chrylei Criox’s Pov   Nang sumapit ang gabi ay agad na kaming tinipon ni Mare sa tarangkahan ng kastilyo ni Dream.   Ang sabi niya ay ang mismong gate na ng kastilyo ang kanyang gagamitin upang mas mapadali ang kanyang paggawa ng madadaanan dahil malapit ang itsura nito sa portal na aming dadaanan sa likod ng HKU.   “Inaasahan kong ito na ang una’t-huling pagkikita natin.” sambit ni Dream. “Dahil nasisiguro kong sa susunod na magtagpo ang ating landas ay hindi na ako muling mapipigilan ng kahit sino para sa nais kong gawin sa inyo.”   “Wala nang dahilan para pumunta pa kaming muli dito kaya’t nasisiguro kong hindi mo na din kami makikita.” sambit ko. “Maliban na lamang kung mapapadpad ka din sa Antlers.”   “Na imposibleng mangyari dahil hindi siya maaaring umalis sa gubat na ito.” ani Mare.   “Eh?”   “Si Dream ang buhay ng gubat na ito at kapag umalis siya rito ay mamamatay ang buong gubat.” dagdag ni Mare. “Kaya huwag kayong mag-alala. Hindi siya makakarating sa Antlers anuman ang kanyang gawin. Maliban nalang kung pababayaan niya ang lugar na ito na napakaimposible ding mangyari.”   “At bakit ko naman ipagpapalit ang pangangalaga sa lugar na ito para mag-aksaya ng panahon sa mga nilalang na iyan.” masungit na sambit ni Dream. “Higit na mahalaga ang lugar na ito kaysa sa ano pa mang bagay.”   “Ano bang mayroon ang lugar na ito?”   “Dito huling nanatili si Snow White bago siya tuluyang mamatay.” sabi ni Mare na ikinalaki ng aking mga mata. “Sa totoo lang ay hindi din namin alam ang eksaktong detalye kung paano napatigil ni Snow White ang digmaan ngunit bago siya tuluyang namatay ay nabigyan pa siya ng pagkakataon na magtagal ng mga ilang araw para makasama kami at dito sa lugar na ito siya nanatili.”   Tumangu-tango ako.   Kaya naman pala ganoon nalang kung pahalagahan ni Dream ang kagubatang ito. Dahil isa ito sa nag-iisang koneksyon nila sa kaibigang alam nilang hindi na nila kailanman makakasama pa.   Pero hindi naman siguro imposible na ma-reincarnate si Snow White.   Kaya may pagkakataon pa din silang makasama ito kahit nasa ibang katauhan na ang kaibigan nila.   “Ang mabuti pa ay buksan mo na ang gate.” ani Dream at tumalikod sa amin. “Ikinagagalak ko kayong makilala ngunit ito na ang huli nating pagkikita.” Bahagya siyang lumingon sa akin at ngumiti. “Hindi ko alam kung sino ka pero natutuwa akong makita ka.”   Ngumiti din ako sa kanya. “Masaya din akong makita ka, Dream.”   Sinimulan na ni Mare ang pagbigkas ng ilang salita at ilang sandali pa ay binuksan na niya ang gate na ngayon ay nagliliwanag.   “Maaari na kayong dumaan dito.” sambit niya.   Hindi na nagdalawang-isip ang lahat na pumasok sa liwanag na iyon hanggang sa ako na ang susunod.   “Hindi ko alam kung ito din ba ang huling pagkakataon na magkikita tayo pero ipapanalangin ko na sana ay hindi.” sambit ko kay Mare at niyakap siya. “Ikamusta mo na lamang ako kay Laira.”   “Marami pa ang maaaring mangyari sa hinaharap kaya huwag kang mawalan ng pag-asa.” sabi niya.   Kumalas ako ng yakap sa kanya at nag-iwan ng matamis na ngiti bago tuluyang pumasok sa liwanag.   Narinig ko pa ang pagsarado ng gate sa aking likuran hanggang sa unti-unting nawala ang liwanag at nabugaran kong nasa likuran na kami ng HKU.   “We are finally here.” sabi ni Nevis na ngayon ay nakaupo na sa lupa.   “Pakiramdam ko ay napagod ako sa limang araw nating paglalakbay.” sambit naman ni Cali. Nakaupo na din siya sa lupa habang nakasandal kay Deccan.   “Idadag pa ang dinanas nating labanan kagabi.” ani Yaren. “Umuwi na tayo nang makapaglinis na din ng mabuti.”   Hindi din kasi kami masyadong makakilos sa bahay ni Lara at Dream noong nagpunta kami sa kanila kaya hindi din kami nakapaglinis ng sarili.   Habang kanina naman ay mabilisan lang din ang ginawa namin dahil pare-parehong hindi mapakali ang mga kasama ko habang nasa kastilyo ni Dream.   “At gusto ko na ding magpahinga dahil siguradong bukas ay tatadtarin na naman nila tayo ng tanong.” Bumuntong hininga si Honaira pagkuwag bumaling kay Cali. “Ikaw na ang bahalang mag-asikaso ng sasabihin natin bukas, huh.”   Tumango si Cali at sumaludo pa. “Yes, ma’am.”   “Let’s go home.”   Hindi na kami nagtagal pa sa HKU at agad na ding naglakad pauwi sa aming tinitirhan.   Inihatid muna nila ako sa aking tahanan pagkuwa’y tsaka sila naghiwa-hiwalay dahil malayo-layo din ang kanilang tahanan.   Binuksan ko ang pintuan ng aking tahanan ngunit bago ako tuluyang makapasok ay may napansin ako sa hindi kalayuan.   Agad kong pinuntahan iyon at ngumiti nang makilala kung sino ang nakahiga sa isang batong upuan na naroon.   “Red.”   Dumilat siya at bumangon pagkuwa’y tumingin sa akin. “Chrylei?”   Tumangu-tango ako.   Ilang beses siyang nagkusot ng mata bago ngumiti. “Ikaw nga.”   “Anong ginagawa mo dito?” tanong ko at naupo sa kanyang tabi. “Bakit dito ka natutulog?”   “Inaabangan ko kung kailan ka uuwi.” sabi niya.   “Eh?”   “Nagpunta ako dito tatlong araw na ang nakakaraan.” aniya. “Ngunit wala ka naman. Hinintay din kita sa garden at research facility pero hindi ka din nagagawi doon. Nasa loob din sina Yumei at Decia kaya wala akong mapagtanungan kaya naisipan ko nalang na maghintay dito.”   “Pumasok na muna tayo at malamig dito.”   Agad kaming pumasok sa aking tahanan at ipinaghanda ko siya ng mainit na kape.   “Kahapon ko lang nalaman na umalis ka kasama ang mga kaklase mo kaya naisip ko na baka pabalik ka na ngayon.” aniya.   “Nagtungo kami sa Sulli Mountain.” sabi ko at naupo sa tabi niya. “Doon kasi nakatira ang kaibigan ni Yaren na siyang pinagtanungan namin tungkol sa mga earth spirits.”   Kumunot ang noo niya. “Anong kailangan nyo sa earth spirits.”   “Nagbabakasakali kami na makakatulong iyon upang humaba ang aking buhay gayong sa pamilya ko, hindi lumalagpas sa edad na tatlumpung gulang ang mga tulad kong knight na walang kapangyarihan.” paliwanag ko. “Ngunit sinabi naman ni Lara na hindi din kami matutulungan ng earth spirits kaya pinapunta niya kami sa tirahan ni Mare.”   “Sa Lemry.” aniya.   Tumango ako. “Then, dahil sa malakas na ulan ay napilitan kaming sumilong sa isang kweba na hindi na namin namalayang nasa kagubatan na pala ng Eyen. Kaya nagkaroon kami ng problema sa nangangalaga sa lugar na iyon.”   “Ibig sabihin ay nakaharap mo na pala ang tatlo pang Thrylos na kabilang sa Sacred Cross.”   Muli akong tumango. “Red, pwede ko bang malaman ang tunay mong pangalan?”   Hindi siya sumagot. Parang nag-iisip ngunit sa huli ay bumuntong hininga siya at mapait na ngumiti. “Siguro ay nabanggit mo ako sa kanila at sinabi nilang posible na ako si Flame Red at binalaan ka tungkol sa akin.”   “Iyan nga ang nangyari.”   “Kung ganoon ay hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa.” aniya. “Ako nga si Flame Red, ang kakambal ni Snow White.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD