HIMAYA’S POV
“What are you doing here at this time of the night?”
Napalingon ako at muntikan pang mapalundag nang marinig ko ang baritonong boses ni Senyorito Jude. Katulad ko ay bagong ligo rin siya at nakasuot ng T-Shirt at pajama. Napalunok ako nang makita ko kung gaano ka hapit sa kanyang katawan ang naturang damit at bumabakat doon ang mga pandesal sa kanyang tiyan.
“Kayo po pala, Senyorito. Nakagawian ko na po ang magpahangin dito bago matulog,” mahina kong sagot, saka ako napatingin sa maliwanag na buwan habang dumarampi ang malamig na hangin sa mukha ko.
“How long have you been working here?” tanong niya kapagkuwan.
Muli akong napalingon sa kanya at gano’n na lang ang gulat ko nang makita kong mataman siyang nakatingin sa akin.
“Maglilimang taon na rin po. Ang totoo po niyan, ang mga magulang ko ang namamasukan dito noon. Ngunit huminto na sila sa pagtatrabaho dalawang taon na ang nakararaan dahil may mga sakit na sila,” paliwanag ko.
Tahimik lang siyang nakikinig habang hindi inaalis ang tingin sa akin. Nakaramdam ako nang pagkailang sapagkat parang nanunukat ang paraan ng kanyang pagtitig. Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko na makayanan pang titigan siya ng matagal, pakiramdam ko ay natutunaw ako.
“If you don’t mind, ilang taon ka na, Aya?” muli niyang tanong.
Gusto ko siyang tanungin kung bakit interesado siyang malaman, pero sa huli ay sumagot na lamang ako.
“Bente-singko po, Senyorito,” nahihiyang sagot ko.
Hindi ko maiwasang isipin na siguro ay bored na bored siya kaya niya ako kinakausap sa ngayon. Kung nasa Maynila siya ay tiyak na buhay na buhay pa ang gabi sa ganitong oras.
“Please stopping addressing me with ‘po’, I feel so old,” wika nito.
“Po? Pero amo ko po kayo kaya nararapat lang na igalang ko kayo,” naguguluhan kong sagot.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Senyorito Jude bago siya nagbaling ng tingin sa akin at muli akong tinitigan.
“I insist, Aya. Just call me Jude. No senyorito, and no po,” pinal niyang wika.
“Kung iyon ang gusto mo Sen – Jude,” sagot ko.
Sa pagkakataong iyon ay nakita ko siyang ngumiti at muli ay nahuli ko siyang nakatitig sa mukha ko. Malagkit ang kanyang tingin at muli na naman akong nakaramdam ng matinding pagkailang. Idagdag mo pa ang biglaang pagbilis ng t***k ng puso ko habang nakatingin din sa kanya. Nalito ako, hindi ko maintindihan kung bakit ako nakakaramdam ng ganito gayong ngayon lang kami nagkakilala ni Jude.
Upang makaiwas, agad akong tumayo at nagpaalam sa kanya.
“Ano, mauuna na ako sa loob, Jude,” pagpapaalam ko.
Nagsimula akong maglakad, ngunit agad ding napatigil nang maramdaman ko ang kanyang kamay na nakahawak sa braso ko. Tila ba napaso ako at parang may kuryente na dumaloy sa pagitan naming nang magdaiti ang aming mga balat.
“B-bakit po?” nauutal kong tanong.
“Are you afraid of me?” balik na tanong niya sa akin.
“A-ano po ang ibig niyong sabihin?” naguguluhan kong tanong pabalik.
Imbes na sumagot ay hinila niya ako papalapit sa kanya at saka siya bumuntong-hininga. Nahigit ko ang aking hininga nang napagtanto ko na kay lapit pala namin sa isa’t isa. Muling bumilis ang t***k ng puso ko na para bang mayroong karera sa loob nito.
“Stay with me. Kanina ko pa nahahalatang iniiwasan mo ako. Bakit? Natatakot ka ba sa akin?” anas niya.
Hindi ako nakapagsalita. Lalong lumakas ang pagtambol ng dibdib ko, at sa wari ko’y naririnig niya ito.
“Hindi naman po sa gano’n. Sadyang maaga lang po talaga kaming natutulog dito sa probinsya. Paumanhin po, pero kailangan ko ng magpahinga,” pagkasabi niyon ay mabilis ako pumasok sa loob ng bahay at dumiretso sa silid namin ni Ella.
Malalaki ang aking bawat hakbang at madalas akong lumingon upang tingnan kung sumunod ba si Jude ngunit nakita ko siyang nakaupo pa rin sa kanyang pwesto. Hindi ko maipaliwanag ang lungkot na biglang bumalot sa puso ko.
Pagpasok ko sa kwarto ay maingat kong isinara ang pinto at ini-lock.
“Oh, ano’ng nangyari sa’yo, Aya? Bakit namumula ka?” nagtatakang tanong ni Ella na busy sa kakalagay ng cream sa kanyang mukha.
Napatingin ako sa salamin at bahagya pang nagulat nang makita kong namumula nga ang mukha ko kagaya ng sinabi ni Ella. Gusto kong kurutin at pagalitan ang sarili ko dahil mukhang na-apektohan ako ng mga titig at hawak ni Jude.
“Medyo ma-alinsangan kasi sa labas,” pagdadahilan ko.
Hindi sumagot si Ella, pero bakas sa pagtaas ng kanyang kilay na hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
“Baka nakalimutan mo, nasa probinsya tayo ‘te! Masarap at sariwa ang hangin dito,” aniya.
“Ano… Huwag mo na nga lang pansinin ang mukha ko. Matutulog na ako at maaga pa tayong gigising bukas,” saad ko.
Dumiretso ako sa banyo para maghilamos ng mukha. Kahit hindi ako gumagamit ng mga cream ay makinis pa rin ang mukha ko dahil hindi naman ako nagpupuyat. Tanging sabon lang ang gamit ko, pero kontento naman na ako sa itsura ko.
Naabutan ko si Ella na nagsusuklay ng kanyang buhok. Dumiretso ako sa higaan ko at humiga. Pinatay ni Ella ang ilaw, ngunit maliwanag pa rin ang kwarto dahil sa ilaw na nagmumula sa kanyang cellphone.
“Mauna ka na’ng matulog, Aya. Magbabasa muna ako ng mga stories sa online. May inaabangan akong update ngayon,” kilig na kilig niyang sabi.
“Oh siya, sige. Matutulog na ako, diyan ka na muna sa mga asawa mo,” nakangisi kong sagot.
Adik kasi si Ella sa pagbabasa ng mga kwento sa mga online reading platforms, hindi katulad ko na sa pocketbook naman nahuhumaling. Hinayaan ko na lamang siya at pinikit ang mga mata ko upang matulog.
Naka-ilang biling at baliktad na ako, ngunit mailap pa rin ang antok sa akin. Naririnig ko pa ang mahinang mura at hagikhik ni Ella habang nakatalukbong ng kumot. Napabuntong-hininga na lang ako. Malalim na ang gabi, ngunit gising na gising pa rin ang diwa ko. Bawat pagpikit ko ay mukha ni Jude ang nakikita ko. Gusto ko ng murahin ang sarili ko dahil kahit anong gawin ko ay bigla na lang sumusulpot ang kanyang gwapong mukha sa isipan ko.
Kinabukasan, maaga pa akong bumangon kahit na antok na antok pa ako. Hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog sa kakaisip. Humihikab na naglakad ako patungo sa banyo at nag-toothbrush. Nagpalit ako ng shorts at T-Shirt, at itinali ang buhok ko bago ako dumiretso sa kusina.
Naabutan ko roon si Aling Minda at ang asawa nitong si Mang Simeon na nagkakape. Nagtimpla rin ako ng kape habang sinasalang ang sinaing. Si Ella naman ay maaga ring naglinis ng sala, habang si Isang naman ay parang walang pakialam.
“Hoy, Isang, ‘wag kang tumunganga riyan. Naghihintay na ang mga dahon doon sa bakuran!” ani ni Aling Minda.
“Aling Minda naman, ‘e. It’s so early today, I opened my eyes!” sigaw ni Isang at pigil na pigil ko ang matawa ng malakas.
“Diyos ko, Isang, tumigil ka nga sa kaka-ingles mo at wala akong naiintindihan sa sinasabi mo,” sagot ni Aling Minda.
Lalong kumunot ang noo ni Isang at nagpapadyak na kinuha ang walis tingting para maglinis ng bakuran. Nang makalabas siya ay saka ko lang pinakawalan ang mahinang tawa ko.
“Good morning.”
Natigil ako sa pagtawa nang marinig ko ang pamilyar na boses ni Jude. Napalingon ako sa kanya at nakita ko siyang nakasuot ng jogging pants at sweater. Nakasuot din siya ng mamahaling Nike na sapatos.
“Magandang umaga rin, Senyorito. Kumusta po ang pagja-jogging niyo?” tanong ni Mang Simeon.
“Ayos naman ho. Talagang malawak po pala itong Hacienda, ‘no?” nakangiti nitong tanong.
“Aba’y tama po kayo. Ilang ektarya rin po itong lupain ng Don. Kakailanganin niyo ng motor upang libutin ang buong lugar,” paliwanag ni Mang Simeon.
Tumango-tango lang si Jude. Napaiwas ako ng tingin nang bigla siyang magbaling ng tingin sa akin.
“Aya, ipagtimpla mo nga muna si Senyorito ng kape,” utos ni Aling Minda.
Mabilis akong kumuha ng tasa at nagtimpla ng kape. Hindi ko maiwasang manginig habang naglalakad palapit sa kanyang kinaroroonan. Inilapag ko ang kape sa kanyang harapan.
“Ito na po ang kape niyo, Senyorito,” saad ko, saka ako bumalik sa harap ng kalan upang tingnan ang niluluto ko.
Kami naman ay sanay sa simpleng pamumuhay at sapat na sa amin ang tuyo at sinangag sa umaga, ngunit ngayong may bisita kami ay kailangan din naming mag-adjust. Kumuha ako ng ilang pirasong itlog mula sa ref at bacon strips. Nagprito muna ako ng sunny side up eggs at bacon, saka ako nagluto ng tuyo na siyang pang-agahan namin. Napuno ng mabangong amoy ang kusina at agad akong nakaramdam ng gutom.
Maya-maya pa’y tumayo na si Jude at yumukod sa amin.
“Thank you for the coffee, it’s the best,” aniya bago tumalikod at naglakad papunta sa kanyang kwarto.
Agad na nag-init ang aking pisngi kahit pa nga simpleng papuri lamang iyon. Matapos kong magluto ay muli akong pumasok sa kwarto ko para maligo at nagpalit na rin ako ng uniporme namin. Sumunod din si Ella at sabay na kaming lumabas.
Pagsapit ng alas siyete ng umaga ay nakahain na ang pagkain sa mahabang mesa habang hinihintay namin si Don Julian at ang kanyang apo. Magkahilera kaming nakatayo sa gilid.
Umupo si Don Julian sa sentro ng mesa habang nasa kaliwa niya naman si Senyorito Jude na ngayon ay mataman na namang nakatingin sa akin. Nang ibaling ko ang paningin ko kay Isang ay ganoon na lang ang sama ng tingin niya sa akin.
“Come, join us, everybody,” yaya ni Senyorito Jude.
Napatitig ako sa kanya. Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko dahil hindi pa nangyayari na sumabay kaming kumain sa mga amo namin.
“Narinig ninyo ang apo ko. Magsiupo na kayo at nang makakain na tayo,” nakangiting segunda ni Don Julian.
Tahimik kaming naglakad papunta sa mesa. Si Isang ay mabilis na inokupa ang upuan sa gilid ni Senyorito Jude habang ako naman ay napaupo sa kanyang harapan. Hindi ko maiwasang mailang na naman dahil sa lantaran niyang paninitig sa akin.
Bago kami nagsimulang kumain ay nagdasal muna si Don Julian bilang pasasalamat sa Maykapal sa lahat ng mga biyaya na kanyang natanggap.
Magana kaming kumain, at hindi nakatakas sa amin ang pagpapapansin ni Isang kay Senyorito Jude. Madalas niya itong abutan ng sari-saing pagkain at kung minsan pa ay sinusubuan niya ito. Gusto kong matawa dahil obvious na obvious naman ang pag-iwas ni Jude sa kanya.
“Ahm, Lolo, gusto ko ho sanang mamasyal sa Hacienda ngayon. Pwede ho ba?” tanong ni Jude sa kanyang abuelo.
“Syempre naman, Apo. You can do whatever you want,” nakangiting sagot ni Don Julian.
“Thanks, Lo.”
“Sasamahan ko po kayo, Senyorito,” presenta ni Isang.
“Ahm… Aya will go with me. She promised me last night. Didn’t you, Aya?” baling niya sa akin.
Napatigil kaming lahat sa pagkain at muntik pa akong mabilaukan sa sinabi niya. Ako? Nangako sa kanya? Nakita ko ang pagsusumamo sa mukha ni Jude kaya wala akong nagawa kundi ang tumango at sumang-ayon.
“Ah, oo. Ako na lang po ang sasama kay Senyorito Jude. Nangako po ako sa kanya kagabi na ipapasyal ko siya.”