Nang matapos ang ilang katanungan ng press ay babalikan sana ni Dani si Callum para naman may kasama ito. Pero nakita niya itong papunta sa elevator. Nang pumasok ito ay saka niya namalayang kausap pala nito si Mandy at narinig niya ang gusto nitong mangyari. Hindi niya agad nakita ang babae dahil sa tangkad ng binata.
Pumihit si Mandy at nakita siya pagkasara ng elevator. Ngumiti ito sa kanya.
“Hi ulit,” bati nito.
Bahagya siyang tumango rito. “Pumayag si Cal na i-interview-hin ka namin.”
‘Talaga? Bakit nagbago ang isip niya?’
“Will just make some arrangements with Peter. Puwede mo ba akong samahan sa kanya?” dagdag ng kausap.
‘May magagawa ba ako kung nag-green light ang ex mo?’
Napahugot siya ng hininga. “Sure.”
Nag-usap ang mga ito habang siya ay parang nakalutang lang. Nasa tabi niya si Peter at paminsan-minsan ay kinakausap siya nito para i-confirm ang availability niya. Alam naman na kasi nitong nasa call center pa rin siya, maliban na rin sa adult site na sideline niya.
Nagkasundo rin sila ng schedule para sa interview ng magazine ni Mandy. Pagkatapos niyon ay nagtungo na sila sa function hall para sa dinner. Nagpatuloy ang usapan ng dalawa. Oo nga naman pala. Naalala niyang best buddies sina Peter at Callum kaya hindi malayong magkakilala nga naman ito at si Mandy bilang ex-girlfriend ng binata. Napatanong tuloy siya sa sarili kung bakit nagkahiwalay ang dalawang ito. Mukha namang bagay ang mga ito sa isa’t isa.
Nagpaalam siya sa mga ito na pupunta ng ladies’ room. Nag-retouch siya roon ng kanyang makeup at lipstick pagkatapos kumain. Hindi niya pa rin nakita si Callum nang bumalik siya sa party. Ewan ba niya at nag-aalala siya. Siguro ay dahil sa pagbabalik ng ex nito? Pero nagtaka siya dahil pumayag naman itong interview-hin siya ng ex nito gayong inilayo siya nito kanina sa babae. Baka naman kahit papaano ay may natitira pang damdamin ang binata para rito. Anyway, dapat lang din niyang gawin ang nais ng CMA Group dahil nakadetalye na rin doon sa kontrata niya ang mga dapat na gagawin niyang activities para sa pag-eendorso ng X-Rave car.
“O, napatawag ka, Evie,” sagot ni Dani sa cell phone nang nag-ring ito nang papalabas siya ng function hall dahil sa ingay roon.
Nabangga siya tuloy kay Callum na papasok naman. Nahawakan siya nito para hindi matumba dahil sa impact. Nalaglag naman ang cell phone niya. Pinulot nito iyon at ibinigay sa kanya. Narinig niya ang boses ng kaibigan na nagtakang hindi siya nagsalita. Iniwan niya muna si Callum para kausapin ang kaibigan.
“O, bakit ba kasi? Bigla ka na lang hindi nagsalita,” usisa ni Evie.
“Eh… may nakabanggaan lang ako at nalaglag ang cell phone ko,” turan niya sa kausap.
“Ah… kaya pala may kalabog akong narinig. Anyway, iyon na nga. Ang sinasabi ko sa ‘yo ay nagkita kami ni John Mark. Dating manliligaw mo na binasted mo. Naalala mo?”
“O, eh ano naman ngayon ang tungkol kay John Mark?” Nakasimangot pa siya. Napatingin siya sa showroom na iilang tao na lang ang naiwan doon para suriin ang X-Rave. May ilan ding nagpapakuha ng pictures na nasa background ang bagong launched na kotse ng CMA Group.
“Itinanong ang bago mong address… siyempre pati na rin ang number mo.”
Narinig niyang sabi ng kaibigan. “Ano?” bulalas niya.
“Hindi ko ibinigay nang walang permiso mula sa ‘yo. Don’t worry.”
Napabuntong-hininga siya, tila nabunutan ng tinik. Naging stalker na rin kasi niya noong college si John Mark. Buti na lang at nakalipat sila ng ama niya at dagdagan pang nag-drop out siya kaya natigil din. Pero nag-aalala pa rin siya dahil baka sa pamamagitan ng kaibigan ay matutunton siya nito.
“So… ibig bang sabihin nito ay wala pa siyang asawa? Nagkausap ba kayo nang matino?”
“Well, wala akong napansing singsing sa daliri niya. So, maybe he’s not married yet. Nagkataon lang kaming nagkita sa mall. Nilapitan niya ako. Nagulat nga ako, eh! Kung alam mo lang kung paano lumundag ‘yong puso ko dahil sa pagkabigla, eh.”
“Hay! He’s scary nga naman. Alam mo na ‘yon. Sige. Huwag mong sabihin ang kahit na ano tungkol sa ‘kin, kung magkita kayo ulit, okay? At saka… baka e-extend ko muna ang leave ko para hindi niya alam na magkasama tayo sa trabaho. Baka ikaw susundan niyon at malaman ang tungkol sa ‘kin. Alam mo na ‘yon. Baka maulit na naman ang ginawa niya noon sa ‘kin.”
“Oo nga naman. Kaya nga tinawagan kita ulit, eh. Para naman malaman mo. At saka para naman maging alerto ka. Pero teka… inilabas na rin ang commercial mo, ah. Nakita ko na kanina sa TV. Pa’no ‘yan? Alam na niya kung saan siya puwedeng maghanap sa ‘yo.”
Napakagat-labi siya. Napalinga-linga tuloy siya sa paligid. Sino ba naman ang hindi biglang mapa-paranoid? Noon lang din niya napansin na kanina pa pala nakatayo sa likuran niya si Callum at mukhang narinig ang kanyang sinasabi sa kaibigan. Ang paningin nito ay humagod sa kanya at tuloy ay naalala niya ang biglang pagkabog ng dibdib niya nang maramdaman ang paghawak nito sa kanya kanina nang inilayo siya sa ex nito at nang pigilan siyang matumba nang magkabanggaan sila. Gusto niya ang pagkakahawak nito sa kanya. It was firm but gentle. His hands were warm and comforting. Parang may kung anong hatid na kiti-kiti sa kanyang sinapupunan nang hawakan siya nito. It was weird. Hindi niya ito naramdaman sa kahit kanino.
“Um… siguro ay safe naman ako rito, Evie. Sige. Mag-usap na lang tayo ulit tungkol kay John Mark sa ibang pagkakataon.” Napabuntong-hininga siya pagkatapos ng tawag ng kaibigan.
“Sino si John Mark? Ano’ng ginawa niya sa ‘yo noon?” Ang isang mata ni Callum ay tinatantiya siya habang tinitigan ang mukha niya.