Suot ang isang sexy business outfit na cream-colored pencil cut skirt na isang dangkal ang kulang bago umabot sa tuhod, pinaresan iyon ni Daneris ng medyo fitting na long-sleeved blouse na puti na naka-tuck in at closed high-heeled shoes na kulay light green. Nakalugay lang ang kanyang mahabang buhok at gumamit lang siya ng manipis na makeup.
Napatingin siya sa mga taong nasa loob ng conference room at agad na nahila iyon ng isang matangkad na lalaking nasa mga dalawang metro lang ang layo mula sa kanya. May mahaba itong buhok na nakatakip sa isang bahagi ng mukha nito. Nakasuot ito ng kulay-abong slacks at puting long-sleeved shirt at may necktie na gray and white stripes. Silver naman ang kulay ng accessory na gamit nito sa tie.
Kahit sa kanyang nakitang kalahati na mukha nito ay agad siyang napahanga sa kaguwapuhan at tikas nito bilang isang lalaki. Matangos ang ilong nito, medyo mapula ang mga labing parang mansanas, may parang inukit na kilay na hindi masyadong makapal, at may mapanuri at nakaka-engganyong mata⸺kahit isa lang ang nakita niya. Mula sa kinaroroonan niya ay naaamoy niya ang pabango nitong hindi masakit sa ilong⸺tipong woodsy na hinaluan ng musk. Nakakaakit.
Nagkatitigan silang dalawa ng lalaking iyon nang ilang saglit bago nagsalitang muli si Peter. Tinext siya nito kanina pa na dapat na darating siya sa mga ganitong oras. Eksakto lang ang dating niya dahil pagka-missed call nito ay nasa hallway na siya at dumiretso na siya sa pagpasok sa conference room, ayon sa sekretaryang nasa malapit sa elevator nakapuwesto.
“Pleased to meet all of you po,” marahang bati niya sa lahat nang nakangiti nang matamis, lalo na sa lalaking may mahabang buhok na hindi pa rin natinag o gumalaw sa kinaroroonan nito.
Nakipag-shake hands sa kanya ang mga kasamahan ni Peter. Nagpakilala ang mga ito sa kanya nang isa-isa. Panay ang ngiti nang pa-charming ang mga kalalakihan sa kanya na halatang natutuwang makilala siya. Lumapit sa kanya si Peter at ipinakilala siya sa lalaking hindi pa rin kumikibo kundi ay nakatitig pa rin sa kanya nang husto. Siguro ay sanay na siya sa mga tinging humahanga sa kanya kaya hindi siya masyadong nako-conscious. Pero kakaiba pa rin ang hatid ng tingin sa damdamin niya ang nagmumula sa lalaking may mahabang buhok.
“This is our boss at may-ari ng kompanyang ito, si Callum Mav Alcante,” pakilala ni Peter.
“Daneris Jabillo po,” aniyang inilahad ang kamay nang nakangiti.
Napatingin lang ito sa kanyang kamay. Nanatiling nasa bulsa ng slacks ang mga kamay nito. Pagkuwa’y bumaling ito kay Peter. Siya naman ay unti-unting ibinaba ang nakalahad na kamay. Nainsulto at napahiya man ay ibinalewala na lang niya iyon.
“Can I talk to you for a sec? Outside?”
Isang baritonong boses ang narinig niya mula rito. It seemed to shake her heart when she heard it. Nag-skip nang isang beses ang kanyang puso bago ito tumibok nang napakabilis.
“Sure. Please, excuse us, Miss Jabillo,” ang nakangiting paalam ni Peter sa kanya.
Tumango lang siya at pinanood ang mga itong lumabas ng conference room.
“Bagong model ka ba, Miss?” tanong ng isang lalaking staff.
“Um… kinda,” nasabi na lang niya na may alanganing ngiti.
Hinagod siya ng tingin ng lahat ng staff. Napangiti siya sa mga ito nang matamis.
“Ang ganda ng kutis mo. Ano’ng sekreto mo?” tanong ng isang babaeng staff. “Ako nga pala si Sabine.”
Naalala niya. Lahat ng pangalan ng mga ito ay naalala niya. Medyo gifted siya sa bagay na ito. Kaya naman ay kahit bagong kakilala niya ay agad na napapalapit sa kanya.
“Salamat. Papaya soap lang ang gamit ko,” turan niya.
“Talaga? Iyon din ang gamit ko, eh! Bakit hindi ganyan kaganda ang kutis ko?” Ngumuso pa ito.
“Eh, ipinanganak ka lang na ganyan. Wala nang remedy kahit ano’ng gawin mo,” sabat ng isang babaeng staff at nagtawanan ang mga kasamahan.
***
“Are you out of your mind, Pete? How come she’s here? Lutong Macao na ba ang botohan, ha? Were you just fooling me all this time?” sumbat na ani Callum sa kaibigan nang mapag-isa sila sa isang sulok ng hallway, ilang metro mula sa nakasarang pinto ng conference room.
“Of course not! Nagbotohan talaga kami. Iyon nga lang, hindi sa araw na ‘to. Kahapon pa lang,” anitong ngumisi.
Napamangha siya sa narinig. “I can’t believe this! Ayokong siya ang bibigyan ng kontrata ng X-Rave. Pauwiin mo na lang siya at bigyan ng compensation.” Parang gusto na niyang magwala pero nagpigil lang siya. Baka naman kasi ay OA ang reaksyon niya.
Umismid si Peter. “Well, that’s kind of a bit late, boss. Binigyan ko na siya ng kontrata kahapon. As marketing director of this company, it was my call. Ayokong umatras siya. Alam mo ba kung gaano kahirap ang dinaanan ko para lang tanggapin at pirmahan niya ang kontrata?”
Nakaawang ang mga labi niyang nakatingin sa kaibigan. “I don’t really care. You didn’t tell me beforehand!” pakli niya.
“Well… I did… just a little while ago?” palusot nito.
Napatampal siya sa kanyang noo. “What am I gonna do with you, Peter?”
“Is this a verbal warning?” ngising tanong ng kaibigan.
Inis niyang tiningnan ang kaibigan. “What if people dig into some dirt of hers? Huh?” Kumumpas pa siya. “Masisira pa ang image ng kompanya nang dahil sa kanya!”
“Let them dig some dirt. It’s all they’re going to find out. Dirt, not hers. I’ll make sure of that.”
Napabuga siya ng hangin. He was frustrated. He thought this was all going out of his control.
“Look, Callum. There’s nothing wrong with a fresh face⸺a new model. It will be beneficial to us. Trust me. May mga taong sawa na rin sa mga sikat na endorsers. Pabalik-balik na lang ang mga mukha nila sa iba’t ibang commercials. Ipakita naman natin ang mga baguhan sa industriya na may malaking potential! We can save some costs kung ikukumpara mo sa mga sikat na, right?” punto nito.