Nakatingin si Callum sa kanyang mga tauhan sa marketing, strategy, and sales department na ka-meeting niya sa conference room sa penthouse niya. Katulad ng dati ay may mga sandaling nag-aalangang tumingin sa kanya ang mga ito.
Usap-usapan ng lahat ng empleyado sa kompanya hanggang ngayon kung ano ang hitsura niya pagkatapos ng aksidente. Tila gusto ng mga itong makita kung gaano kasama o kalala ang naging epekto ng pagkasugat niya nang dahil sa aksidente. Pero wala pang nakakita niyon bukod kay Peter na kaibigan niya, ang kanyang doktor at nurse noon, ang kanyang shrink (psychotherapist), si Aling Merta, at ang ex-girlfriend. Hindi talaga siya lumabas noon sa bahay o nagpakita sa ibang tao hanggang sa humaba ang kanyang buhok at puwedeng matakpan ang peklat niya.
Palaging kalahati lang ng mukha niya ang nakikita ng mga tauhan na tila ba ay nakasuot siya ng maskara.
“Ito ang mga recommended models na pagpipilian natin para sa ilo-launch na bagong kotse ng kompanya⸺ang X-Rave,” sabi ni Peter na ipinakita sa slides ang iba’t ibang models mapa-babae man o mapa-lalaki.
In-assess ni Callum ang reaksyon ng mga tauhan niya habang ipinapakita ni Peter nang isa-isa ang mga modelo. Ang isang mata niya ang makikitang gumagalaw pero napapaiwas ng tingin ang mga tauhan niya kapag nakita ng mga itong nakatingin siya sa mga ito.
Nakatukod ang kaliwang siko niya sa armrest ng upuan. Ang kamay niya ay nakatakip nang bahagya sa kanyang bibig. Muntik na lang siyang mahulog sa kinauupuan nang ipinakita ni Peter ang pinakahuling modelo.
‘What the F! DaniTease?’ sigaw ng isipan niya.
Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang pamilyar na larawan ng seksing babae. I-dinownload ba naman ng kaibigan niya ang profile photo ng modelong iyon? Suggestive ang pose ng babae na medyo magkahiwalay ang mga hita, ang kamay ay nakapatong sa inner thigh at ang isang kamay ay nakatakip sa hubad na dibdib.
Napalingon sa kanya ang mga tauhan at umayos siya sa pagkakaupo samantalang napasulyap sa kanya nang makahulugan si Peter na nagpapatuloy sa pagsasalita ukol sa presentasyon nito.
“Now, this last one but not the least is my personal favorite. Among all others that our team has gathered, this one is the freshest face in the industry. So, if we may vote now who we’re going to choose and draw a contract with for the X-Rave launching will be based on the majority of votes, Boss Callum.”
Napatingin sa kanya ang mga tauhan. Tumikhim muna siya at umayos na naman sa pagkakaupo. Nasa projector pa rin ang larawan ni DaniTease pero may suot na ito ngayong shorts at tank top habang ang isang strap ay nakalaylay sa balikat. Napansin niyang nakatingin pa rin doon ang mga tauhang kalalakihan.
“Sige, magbotohan na kayo sa anim na candidates,” nasabi na lang niya. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Nakita na ng mga tauhan ang mga kandidato. Kahit siya ang may-ari ng kompanya, nasa kultura na nilang irespeto ang opinyon ng mga tauhan lalo na sa departamentong ito dahil ito ang gumagawa ng campaign na ikabubuti para sa kanilang lahat. “Babalik lang ako kapag nakapag-decide na kayo and…” Bumuga siya ng hangin. “We’ll go ahead with the majority.”
Pumasok si Callum sa kanyang pribadong banyo. Naghilamos siya ng kanyang mukha. Halos maalibadbaran siya sa ginawa ng kaibigang si Peter. Siyempre ayaw naman niyang ipahalatang alam niya kung sino ang pinakahuling modelo dahil ikinonsulta na ito sa kanya. Tinawagan niya sa cell phone ang kaibigan habang pinupunasan ang mukha.
“What the hell were you thinking, Pete? Bakit mo siya isinali sa mga candidates para sa ilo-launch na bagong kotse ng kompanya ko, ha?” sigaw niya rito. Alam niyang inilayo ngayon ni Peter sa tainga ang cell phone at napangiwi dahil sa reaksyon niya.
“Eh, pagpipilian pa lang naman, ‘di ba? Hindi siguradong mapipili siya. Nag-iisip pa ang mga loko rito kung sino sa mga modelo ang iboboto nila. Puro kasi—”
“Ewan ko sa ‘yo! Kapag papalpak ang launching at marketing dahil sa ‘yo, makakatikim ka talaga sa ‘kin!”
Napatawa ito nang mahina. “Callum, ako na ang bahala sa launching, okay? Just sit back and relax, like… well, you seldom do. Anyway, malalaman mo rin kung ano ang desisyon ng mga tao rito.” Nag-pause ito sandali. “O, ano na mga, pipz? Sino ang may gusto sa last model na ipinakita ko sa inyo?” Narinig niyang anito sa mga ka-meeting na staff. Siya naman ay napatingin sa kisame at pagkuwa’y isinabit ang face towel sa holder.
“This is crazy,” nausal pa niya.
Napatawa na lang ang kaibigan niyang loko-loko. Pero in fairness, maganda ang takbo ng marketing department nang dahil sa paminsan-minsang unorthodox approach ni Peter. Effective din kasi. Iyon nga lang napaisip siya kung ayos lang ba ang magiging approach nito sa bagong produkto nila. It was a gamble for heaven’s sake.
“Bumalik ka na rito, Boss Callum,” himok ng kaibigan. “Nakapagpalabas ka na yata diyan sa nararamdaman mo, ano?” susog nito.
Nalaglag ang panga niya sa sinabi nito. Bago pa siya makasagot dito ay nag-end na ito ng call niya. Napatingin siya nang naaasar sa kanyang cell phone.
“Ang green-minded na ‘to, pinagbibintangan pa ako.” Huminga muna siya nang malalim at napapikit ng mga mata. Inayos niya ang sarili nang mapatingin sa salamin bago lumabas.
Bumalik na siya sa conference room nang nakapamulsahan sa kanyang suot na slacks. Napatingin sa kanya ang lahat ng staff.
“Well? What’s the verdict?” tanong niya nang marahan.
“Majority ‘kamo, ‘di ba, Boss Callum?” ang umpisa ng kaibigan. Parang nakaloloko ang ngiting binitiwan nito sa kanya.
“Right. Of course.” He gave his friend a lopsided grin.
“So… meet our X-Rave model Miss Daneris Jabillo!” Nagmuwestra ito sa bandang likuran niya. Napalingon silang lahat sa kapapasok lang na babae.
Parang itinulos naman siya sa kinatatayuan nang makita ang bago nilang modelo.