Chapter 20

914 Words
“O, may problema ka ba? Parang hindi maipinta ‘yang mukha mo, Cal,” puna ni Peter nang pumasok ito sa kanyang opisina. “Nag-away ba kayo ni Dani?” Umiling si Callum. “Parang may problema siya pero hindi niya sinasabi sa ‘kin.” Napakunot din ng noo ang kaibigan. “Baka tungkol ‘yan sa pag-re-resign niya sa call center. Parang ayaw niya kasing bitiwan ang trabahong ‘yon kahit palagi siyang nasa graveyard shift.” Napailing siya nang marahan. “Parang hindi ‘yon, eh. Ramdam kong may iba talaga siyang problema at ayaw niyang sabihin sa ‘kin. Ewan ko ba kung bakit. Tinatanong ko naman siya. Palagi niyang sinasabing ‘wala naman.’ So, paano ko ba siya mapipilit na sabihin sa ‘kin kung ayaw niya talaga? Ayaw ko namang ‘yon ang pag-aawayan namin.” Napahugot ng malalim na hininga ang kaibigan at ibinuga iyon. “Well, wala nga tayong magagawa diyan. Hayaan mo na lang muna siya at baka sasabihin niya rin sa ‘yo pagdating ng tamang panahon.” Tumango na lang siya. “Tsinek ko nga pala ‘yong adult site at ‘di ko na nakita ang account ni Dani. Pina-delete mo, ano?” Tumayo siya at binatukan ang kaibigan. “Ogag ka, eh! Sisilipin mo pa ang girlfriend ko ro’n.” “Titingnan ko lang sana kung may bago siya, eh.” Napakamot ito ng ulo nang napangisi. Binigyan niya ito ng matalim na tingin. Pagkatapos niyon ay nag-usap na sila tungkol sa trabaho. In-update siya nito tungkol sa sales ng X-Rave at natutuwa siya sa magandang balita. *** Napagala ng tingin si Dani sa talyer ng ama. Kasalukuyan itong busy sa sinusuring van habang ang katuwang nito roon na katatapos lang sa pag-aaral na si Mike ay inaayos ang isa pang kotse. Mahigit dalawang buwan na ring tumatakbo ang negosyo ng ama niya at natutuwa siya dahil mukhang maganda naman ang kita nito. Binilhan naman niya ito ng motor para may magagamit ito at hindi na magko-commute mula sa bahay nila papunta rito. Umupo siya sa isang silya kung saan may maliit na desk na may drawer. Tiningnan niya iyon. May ledger doon ang ama. Napangiti siya kahit papaano. Tina-track pala nito ang bawat galaw ng pera sa talyer. Sa dingding malapit doon ay may nakakabit na naka-kuwadradong business permit nito. Katabi naman niyon ay ang poster niya sa pinagmo-model-an niyang X-Rave kung saan nakaupo siya sa driver’s seat. Hindi niya alam na ikinabit pala ng ama iyon dito. Parang advertisement na rin iyon kasi. Napangiti pa siya. “’Tay, snacks muna kayo ni Mike,” sabi niya. Binuksan niya ang isang pizza box at ang dalawang canned soft drinks para sa mga ito. Dumulog ang mga ito roon at binigyan niya ng plastik gloves para magamit ng mga ito ang kamay para kumain ng pizza. Nakangiti siya sa kanyang ama. Dali-dali namang lumayo si Mike sa kanila nang may dumating na kustomer at tiningnan nitong saglit ang problema ng motor ng lalaking iyon. Namangha na lang siya nang inalis ng lalaki ang suot nitong helmet na sadyang nakatuon sa kanya ang direksyon ng tingin. ‘Pucha! Paano niya ako natunton dito?’ sa isip niya nang mapagsino ang lalaking iyon. Si John Mark. Napangiti pa ito sa kanya. Lumapit ito sa kanya at napatingin dito ang ama niya bago muling napabaling sa kanya. “Long time no see, Daneris,” ang sabi ni John Mark sa kanya nang nakangisi. “Magkakilala kayo, anak?” anang ama niya. Napalunok siya at binigyan ng matalim na tingin ang binata. “Ano’ng problema sa motor mo?” sa halip ay tanong niya sa lalaki. “Kilala ko siya noong college, ‘Tay,” sabi niya rin sa huli na bumaling saglit sa ama. “Tatay mo?” Napatawa ang lalaki nang marahan. Naglahad ng kamay sa ama niya at ipinakilala ang sarili. “Ano ba? Talaga bang may problema ‘yang motor mo, ha?” inis na aniya sa lalaki. Hinila niya ang kamay ng ama mula rito bago pa man makapag-shake hands ang dalawa. “Mukhang may flat tire ako. Kahit tingnan mo pa,” sabi ng lalaking nakangiti. Pero hindi siya naniniwala rito. Baka sinadya lang nito iyon. Malamang ay alam na nito kung kaninong talyer ito. “Pagkatapos na maayos ‘yan ni Mike, umalis ka na rito at huwag na huwag ka nang bumalik. Naiintindihan mo ba ako, ha?” sabi niya kay John Mark. “Hindi ba tayo puwedeng magkita at mag-usap man lang, Daneris?” kulit nito. “Ini-stalk mo ‘ko noon, John Mark! Sa tingin mo ba ay mapapanatag ang loob ko ngayong nagpapakita ka uli sa ‘kin, ha?” inis na pakli niya sa lalaki. Napansin niyang nagbago ang ekspresyon sa mukha ng ama niya. Kinuwelyuhan nito kaagad si John Mark at itinulak. “Layuan mo ang anak ko, ha? Sa ngayon, pagpapasensiyahan kita dahil hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari noon. Pero sa sinabi ng anak ko, dalhin mo na sa ibang talyer ‘yang motor mo.” Bumaling ang ama niya kay Mike. “Mike, huwag mong ayusin ‘yan! At tandaan mo ang pagmumukha ng lalaking ‘to. Hindi siya dapat makakalapit dito sa talyer o kay Dani!” Nakita niyang tumuwid ng tayo si Mike. Hinila rin nito ang lalaki sa kuwelyo at pinaalis na rin. Napabuga siya ng hangin na tila nabunutan ng tinik sa tagiliran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD