Chapter 21

939 Words
“Bakit hindi mo agad sinabi sa ‘kin, Dani?” marahang sumbat ng ama. Nababanaag ni Daneris ang pag-aalala sa mukha nito. “Kaya ko naman ang sarili ko, ‘Tay. Kaso, nakakainis talaga ang taong ‘yon.” Nakasimangot pa siya. “Ipa-blotter mo na ‘yon sa susunod, kung hindi ka pa rin niya talaga titigilan. Aba, college ka pa lang ay ini-stalk ka na ng taong ‘yon? Hindi ko alam ‘yon, ah,” naiiling na anito bago uminom ng soft drink. Nakita niyang parang may malalim itong iniisip. “Opo, ‘Tay. Hindi ko na po sinabi sa inyo dahil ayokong dagdagan pa ang problema n’yo noon.” Ikinuwento na nga niya ang nangyari. At dahil lumipat sila dahil sa problema nila noon ay nakaiwas din siya mula rito. Pero ngayong alam na nito kung nasaan ang talyer ng ama ay malamang malalaman na rin nito ang tirahan nila sa malao’t hindi. Sana nga lang ay wala itong gagawing masama sa kanya o sa kanyang ama. Tumunog ang kanyang cell phone at nakitang si Callum ang tumatawag. Sinagot niya ito. “H-ha? Nasa bahay ka? Walang tao diyan sa ‘min, eh. Nasa labas ako. Ano… nasa mall ako,” pagsisinungaling niya sa lalaki. Nagtaka naman ang ama niya nang marinig iyon. “Sino ‘yon? Ba’t ka nagsinungaling?” tanong nito nang matapos ang tawag ng nobyo. “A-ah… wala po ‘yon, ‘Tay. Si… ano… si Evie lang.” “Ba’t hindi mo na lang pinapupunta rito si Evie?” “Eh… maarte po kasi ‘yon, ‘Tay. Baka madumihan ‘yon dito. Sige, ‘Tay. Alis na muna ako. Baka gagabihin na ako mamaya. Huwag mo na po akong hintayin, ah.” Hinalikan niya ito sa pisngi at nagmamadali nang umalis para katagpuin ang nobyo sa mall. “Sige, ingat ka,” pahabol ng ama. Nagpatuloy na ito sa pagkain ng pizza at sinamahan ito roon ni Mike na kumaway sa kanya. “Nasaan ka ba? Sabi mo nasa showroom ka ng home appliances,” sabi ng binata na tumatawag sa kanyang cell phone ulit, ilang minuto ang lumipas. “Ah… eh, lumabas ako. Hinahanap kita sa may parking lot,” palusot na sabi ng dalaga na nagmamadaling pumasok ng mall. “What? Okay. So, hihintayin na lang kita rito. Baka magkasalisihan na naman tayo.” “Sige, sige. Nandiyan na ako.” Napangiwi siya at nagmamadali na sa pagpunta roon. She hated herself for lying to him. Ayaw niya kasing sabihin na nandoon siya kanina sa talyer ng ama at baka itanong nito ang address. Baka pupunta ito roon at magkita ang mga ito. Tuloy ay naalala niya ang banta ni Mandy. “Hey,” anang binata nang makita siya sa wakas. Sinalubong siya nito at niyakap. Ngumiti siya rito. “Sorry, ha?” hinging-despensa ng dalaga. “Ayos lang. So, saan mo gustong pumunta? Teka, may bibilhin ka ba rito?” sabay turo ng hinlalaki nito sa likuran, tinutukoy ang appliances. “Ah, napatingin-tingin lang,” kunwari niya. Napangiti sa kanya ang binatang umakbay sa kanya. Nakahawak naman siya sa kamay nitong umakbay sa kanya. “Ah, may naisip ako. Bibilhan kita ng bagong cell phone. Mukhang laos na ang model ng phone mo, eh.” Napanganga siya rito. “Hoy, huwag mo ngang maliitin ‘to. Dahil dito, nakatatawag ka sa ‘kin, ‘no?” Inismiran pa niya ito at napatawa ito. Nakatingin siya sa binata habang namimili ito ng bagong model ng smartphone. Kinalabit niya pa ito sa tagiliran. Napalingon ito sa kanya. “Hindi mo na ako kailangang bilhan ng bagong phone. Ayos na sa ‘kin ‘to. Ang importante lang naman ay nakakapag-text at nakatatawag, eh, ‘di ba?” Tumitig ito sa kanya nang husto. Hinawakan pa nito ang magkabilang pisngi niya. Napalikot tuloy siya ng mga mata dahil nakatingin sa kanila ang sales persons doon sa shop, pati na ang ibang customers. Pero mukhang walang paki ang binata. “Kahit minsan, wala kang hinihingi sa ‘kin. Dahil ayaw mo, ako na ang magbibigay sa mga kailangan mo, okay?” “Hindi ko nga kailangan ng smartphone,” giit niya. Pinandilatan niya ito pero ngumisi ito at hinalikan pa siya sa labi. Pagkatapos ay bumaling na ito sa pagpili ng cell phone para sa kanya. Pinili pa nito ang pinakamahal na waterproof at impact-resistant. Napakagat-labi na lang siyang sumunod dito nang binayaran nito iyon sa cashier. Ipina-install na nito ang kanyang SIM card sa bagong phone kaya wala na siyang magagawa ngayon kundi ang gamitin iyon simula ngayon. Nag-dinner muna sila sa isang restoran bago sila nag-joyride papuntang Tagaytay at pabalik, saka papunta sa isang malaking bahay na hindi pa niya napuntahan. Kaya naman ay napalingon siya rito. “This is… my house,” sabi ng binata na itinabi ang kotse nang makapasok na sa maluwag na gate na gumana gamit ang remote control. Nag-slide ang bakal na gate at sumara. Muli siyang napatingin sa malaking bahay na kulay puti ang pintura. Nakabukas ang mga ilaw mula sa gate hanggang sa lampposts ng daan. Nakabukas din ang mga ilaw sa porch at sa loob ng buong kabahayan. Napakaliwanag at napakaaliwalas sa loob. Lumabas siya ng sasakyan kasabay ng binata. Tumingin siya sa malawak na lawn at sa swimming pool na may iba’t ibang kulay, tulad ng asul, berde, pula, at dilaw. Hinawakan ng binata ang kamay niya at bumukas ang tarangkahan ng malaking bahay. Iniluwa roon ang isang matabang babaeng nasa early fifties nito. “Sir Callum!” masayang bulalas nito. Parang maiiyak ito nang makita ang binata.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD