Natapos na rin ang interview ni Dani para sa magazine ni Mandy sa isang studio. Isa sa mga writers ni Mandy ang gumawa ng interview pero sa tingin niya ay may giya iyon mula sa babae dahil ito ang editor ng mag.
Ilang ulit ding na-postpone ang interview sa kanya. Hindi niya alam kung sinadya ba ito ni Callum o hindi. Palagi na lang itong nagka-cancel upang hatakin ang schedule niya para sa kung anu-anong event na lang. Wala namang nagawa ang ex nito pero talagang gusto pa rin nitong interview-hin siya nang exclusive. Nakikita kasi nitong para siyang hotcake sa industriya sa kasalukuyan. Ayaw nitong magpahuli.
Halos hindi siya makapaniwalang naging matagumpay ang launching at marketing ng X-Rave. Kahit hindi siya professional model noon ay nagbago na iyon ngayon. May mga offer na rin siyang natanggap pero sinabi niyang exclusive siya sa CMA Group. Ilang taon din ang kontrata niya. Gayunpaman, wala naman siyang planong tumanggap ng iba pang offers hangga’t maaari. Ayaw niyang talikuran ang X-Rave na nagdala sa kanya sa itaas at hangga’t kailangan siya nito.
“Salamat, Daneris,” ang sabi ni Mandy sa kanya pagkatapos ng interview na ginawa sa isang studio. Natapos na rin ang pictorials nila dahil ginawa iyon bago ang interview. May sariling makeup artist at stylist ng mag na nakatoka sa kanya para sa exclusive interview na ito kaya wala siyang problema tungkol sa kung ano ang isusuot niya, kung paano iistilo ang buhok niya, at ano pa man.
Ngumiti si Daneris sa kausap na babae. Mas matangkad ito sa kanya at pang-modelo ang pigura ng katawan. Hanggang ngayon ay hindi pa sinabi ng binata kung bakit nagkahiwalay ang mga ito. Siguro ay itatanong niya ito mamaya dahil na-curious din siya.
“Walang anuman,” tugon niya sa babae. Nag-shake hands silang dalawa.
“Will you join me for a cup of coffee or something? Anything you prefer,” imbita nito sa kanya pagkatapos siyang titigan nang husto.
Napasulyap siya sa relo. Mga bandang alas-singko na rin iyon, pero tumango siya sa kausap para paunlakan ito.
“When we first met, you and I, sinabi ko kay Cal na gusto kong makipagbalikan sa kanya,” marahang turan nito. Napababa ito ng tingin sa kape na in-order.
Kasalukuyang nasa isang coffee shop sila na malapit sa opisina nito. Mangilan-ngilan lang ang mga kustomer na nandoon at nangangamoy kape sa loob. Komportable rin doon dahil sa air conditioning.
Napa-ah si Daneris sa kanyang narinig. Ngayon niya napagtanto kung bakit ganoon na lang ang reaksyon noon ni Callum nang pumasok ito sa elevator noong launching ng X-Rave.
“Kahit na hindi ako sigurado sa magiging reaksyon niya, sinabi ko pa rin ang gusto kong mangyari. Pero ngayon, naisip kong nangangarap na lang pala ako. He has you.” Ngumiti ito sa kanya nang matipid.
Unti-unti naman niyang sinisimsim ang kanyang latte. Naghihintay siya sa ano pa man ang gusto nitong sabihin sa kanya ngayon. Sa tingin niya ay hindi lang simpleng pagpaalam sa kanya ang tungkol sa pag-imbita nito sa kanya ngayon dito.
“But still, I won’t give him up so easily, Daneris,” dugtong nito.
Nanlaki ang mga mata niyang nakatingin dito. Nailapag niya ang tasa ng latte. Bubuka sana ang bibig niya para magsalita nang ngumiti ito sa kanya nang malisyosa.
“May impormasyon ako tungkol sa ‘yo, Daneris. Impormasyon na maaaring…” Napahinto ito saglit para mapailing. “Hindi… Positibo akong magiging dahilan para hiwalayan ka ni Callum at babalik siya sa ‘kin.”
Napalunok siya sa narinig. “A-ano’ng sinabi mo?” Kumurap-kurap siyang nakatingin sa kausap. Kinakabahan. Ano ang hawak nito? Ang tungkol sa adult site? Nag-deactivate na siya roon kaya sigurado siyang wala na itong makukuha roon. Pero alam na iyon ng nobyo niya. O kaya naman ay…
Bigla siyang napapilig ng kanyang ulo. Ayaw niyang isipin. Ayaw niyang isiping alam na nito ang tungkol sa tunay niyang katauhan. Imposible yata iyon.
Ngumiti si Mandy sa kanya nang misteryosa. “Let’s just leave it like that. Hintayin mo na lang. So… enjoy Callum as much as you can and while you can, Daneris… dahil babawiin ko siya mula sa ‘yo… anytime soon.”
Kung makapagsalita ito ay para itong nag-a-advertise ng isang pelikula: Coming soon in theaters nearest you! Ganoon. Iyon nga lang parang horror ang genre nito. Ayaw niyang panoorin.
Muling napalunok ang dalaga. Nakangiti pa rin sa kanya ang babaeng kausap pero hindi iyon umabot sa mga mata nito. Nauna itong tumayo at iniwan siya roon na napadili-dili.
Kinakabahan pa rin siya. Alam kaya ng babae ang tungkol sa sekreto niya? Muli siyang napaisip sa tanong na iyon. At kailan kaya nito “babawiin” si Callum mula sa kanya? Bukas? Sa makalawa? Sa susunod na linggo?
Muntik na siyang mapalundag nang tumunog ang kanyang cell phone. Hinugot niya ito mula sa kanyang bag. Ang nobyo ang tumatawag. Pilit niyang huwag malaglag ang namumuong luha sa mga mata niya at pilit niyang pinakalma ang nanginginig na kamay na may hawak sa cell phone.
“Nasaan ka ba? Wala ka sa studio, ah,” bungad ng nobyo sa kabilang linya.
Tumikhim siya. “Um… N-nasa malapit ako na coffee shop. N-nagke-crave kasi ako ng latte,” mahinang tugon niya. Pilit niyang huwag mapansin nitong may kakaiba sa kanya. Ayaw niyang magtanong ito at baka hindi na siya makapagsinungaling.
“Okay. Hintayin mo na lang ako riyan.”
Tila wala pa rin siya sa sarili nang dumating ang nobyo. Hinawakan siya nito sa balikat at saka na siya napaangat ng mukha rito.
“Hey,” anito. “May problema ka ba?” Napatingin ito sa isang tasa ng kape na nasa tapat niya. “Sinong kasama mo rito?”
Napahigit siya ng hangin. “A-ah, akin ‘yan. Hindi ko inubos dahil mas gusto ko pala ang latte kaysa espresso.”
Napatingin ito sa kanya nang may pagdududa pero hindi na ito namimilit pa. Tumayo siya at sabay na silang lumabas ng coffee shop. Napatitig siya sa sideview ng binata habang naglalakad sila at hanggang makalulan na sila sa kotse nito.
“Did Mandy say anything to you?”
Agad siyang umiling kaya binalewala na lang ito ng nobyo.