Chapter 03–Hindi ako magiging katulad mo???

2024 Words
Chapter 03 ELISHA GABRIELLE IPINAGPATULOY ko ang ginagawa ko habang pilit kong iniiwasan ang mga tingin ng mga tao sa lobby, nang biglang nag–ring ang cellphone ko. Agad kong kinuha ito mula sa bulsa ng uniforme ko at nakita ko sa screen na tumatawag si Aling Nita. Ang katiwala sa maliit na resort sa Pamilacan Island kung saan kami nakatira. Ang resort na ito ay pagmamay–ari ng aking Amerikanong ama pero hindi talaga siya resort na pang–bigtime, kilala or dinadayo talaga. Dahil hindi nagclick sa mga tao kaya napabayaan na lang hanggang sa iniwan ng aking ama. Pinapabenta ito ni Mama pero ako lang ang ayaw, saan kami titira kung sakaling ibebenta ko ito? Hindi lang ito mapakialaman ni Mama dahil nakapangalan sa akin, bukod roon umaasa ako balang araw balikan ako ng aking ama, kaya dito lang ako, hindi ako aalis, at handang maghintay na muli niya akong babalikan. Minsan sa buhay ko, nangarap ako ng isang buong pamilya. May Mama at Papa. Bata pa lang naiinggit na ako sa mga kapwa ko bata noon na may Papa sila, na may buo at masayang pamilya. Gusto ko rin na may Papa akong umaakyat sa stage sa tuwing may award ako, sa lahat ng mga achievement ko, na may Papa akong gagabay sa akin hanggang sa mag–asawa ako pero wala ako noon. Ngunit, tanggap ko naman na wala akong ama. Sabi ko sa sarili ko kapag nagka–anak ako, gagawin ko ang lahat—mabigyan ko lang siya ng isang buong pamilya. Napabuntong–hinga ako. Sinagot ko ang tawag, nag–alala kung anong balita ang sasabihin niya. "Nay, Nita? Bakit?" agad kong tanong, kasabay ng kabang sumiksik sa dibdib ko. Hindi ito tatawag sa akin kung walang problema sa bahay. Sa kabilang linya, naririnig ko ang malalim na paghinga ni Nanay Juanita, halatang nag–aalala. "Brielle, kailangan mong umuwi agad," aniya, nanginginig ang boses. "Tinali ng Mama mo ang Nanang mo sa puno ng talisay sa may gilid ng bahay! Hindi na siya kayang awatin ng kahit sino rito." Para akong sinampal ng malamig na hangin. Hindi ko kaagad naintindihan ang sinabi niya. "Ano? Anong ginawa nila kay Nanang?" tanong ko, ang boses ko'y nanginginig sa halong galit at takot. "Nagwawala siya kanina, kung saan–saan nagpupunta. Iniisip ng iba, lalo na ng mga kasama natin sa bahay, na baliw na talaga siya. Kaya napilitan silang itali siya para hindi na siya makaalis. Pumupunta kasi sa laot ang matanda baka raw malunod," paliwanga niya, ramdam ko ang lungkot at pagkaawa sa tono niya. Nanginig at nanlalamig ang mga kamay ko habang nakahawak sa cellphone ko. Ilang beses ko ng ipinaliwanag sa kanila na hindi baliw si Nanang—may Alzheimer's siya, at unti–unti nang lumalala ang kanyang kondisyon. Pero ang itali ang matanda? Parang hayop? Hindi ko iyon matanggap. Agad kong ibinaba ang tawag, iniwan ang mop sa gilid ng hallway, at nagmadaling tumakbo papunta sa staff room upang kunin ang mga gamit ko, saka nagmadaling lumabas ng ospital. Hindi ko na pinansin ang tawag ni Ms. Lapinig. Bahala siya diyan na manakit ang lalamunan niya sa kakatawag, basta uuwi ako. Tumakbo ako palabas ng hotel at dumiretso sa daungan kung saan nakaparada ang maliit kong de motor na bangka. Pagdating ko sa bangka, dali–dali kong binuhay ang makina at pinatakbo ito sa dagat, palayo sa pampang ng bayan. Ramdam ko ang malamig na hangin na humahaplos sa mukha ko at ang hampas ng mga alon na parang nagpapaalala sa akin na magmadali ako. Tumitindi ang kabog ng dibdib ko sa bawat minuto ng biyahe. Trenta minutos lang naman ang layo ng isla, pero sa mga oras na ito, tila mas bumagal pa ang pakiramdam ko. Pagkarating ko sa pampang ng isla, halos tumalon ako palabas ng bangka at tumakbo papunta sa bahay. Sa malayo, tanaw ko ang ilang mga bata na naglalaro malapit doon. "Ate, tinali ni Mama si Nanang sa puno!" sigaw ni Ellen ang bunso kong kapatid na babae habang papalapit ako. Kitang–kita ko ang pamamaga ng mga mata niya, tiyak akong umiyak ito. Mabilis kong tinunton ang daan patungo sa puno ng talisay at doon nga, nakita ko si Nanang, nakatali ang mga kamay sa likod at nakaupo sa buhanginan, nakasandal sa puno, parang dinurog ang puso ko sa sakit. Namamasa ang mga mata niya sa luha, tila wala siya sa tamang ulirat, habang bumubulong ng mga salitang hindi ko maintindihan. Lumuhod ako sa harapan ng matanda. "Nandito na ako, Nanang," sabi ko, halos mabiyak ang puso ko habang inaalis ang mga tali sa kanyang mga kamay. "Pasensiya na po, hindi ko kayo dapat pinabayaan," bulong ko, niyakap ko siya ng mahigpit pagkatapos kong makalas ang tali. Habang yakap ko si Nanang, naramdaman ko ang bigat ng kanyang ulo sa balikat ko, naririnig ko ang bigkas niya sa pangalan ni Kuya Clint. Nagkaganito siya, simula noong namatay ang Kuya, mahal na mahal niya ang Kuya, isa si Kuya sa mga kaagapay niya noon. HABANG inalalayan ko si Nanang na makatayo, hindi ko namalayan ang mga luha ko na tumulo. Hindi ko napigilan ang bugso ng damdamin ko; nakikita ko siyang mahina at tila walang kalaban–laban. Pinagpagan ko ang damit ni Nanang, tinanggal ang mga buhangin na dumikit sa kanyang palda, bago ko siya dahan–dahang inalalayan papasok sa bahay. "Nandito na po ako, Nanang. Magpapahinga po kayo, ha?" mahina kong sabi habang marahan siyang pinaupo sa bangko sa tabi ng lamesa dito sa labas ng bahay, pumasok ako sa loob ng bahay. Pagpasok ko sa loob, nasalubong agad ng ilong ko ang amoy ng nail polish. Napalingon ako sa sala, at nakita kong abala si Mama sa pagpapalinis ng kuko sa paa niya. Nakasandal siya sa silya, habang ang pedicurist ay maingat na nag–aayos ng kanyang mga kuko, para bang walang nangyari. "Mama," tawag ko nang may halong galit at pagod. "Bakit mo naman itinali si Nanang sa puno?" Sabi ko sa nagtatampong tinig. Hindi siya agad sumagot, nagpatuloy lang siya sa pagtingin sa mga paa niya na parang wala siyang narinig. Pero nang huminga siya ng malalim at nagsalita, ramdam ko ang lamig ng boses niya. "Ano bang magagawa ko, ha? Nagwawala na naman ang Nanang mo, kung saan–saan nagpupunta. Kakauwi ko lang, gusto ko magpahinga pero ang ingay–ingay ng matandang 'yan. Mabuti pa nga't tinali na lang siya para hindi makasakit o mapahamak." Sabi niya tila balewala lang sa kanya ang mga salitang lumabas sa bibig niya. Mapait akong napangiti. Hindi ko napigilan ang pagtaas ng boses ko. "Pero Mama, hindi hayop si Nanang para itali nang ganun! May sakit siya—may Alzheimer's siya, hindi siya baliw!" Halos humahabol na ang paghinga ko sa pag–iinit ng pakiramdam. Ibinaling ni Mama ang tingin niya sa akin, ang mga mata niya'y malamig na parang yelo. "At ano? Ikaw na naman ang magmamagaling dito? Aba, Brielle, akala mo ba mas alam mo pa kaysa akin? Hindi mo naiintindihan ang purwesyo niya rito! Habang ikaw ay abala sa pag–aaral para maging doktor, paano ang mga nandito, nag-aalaga sa Nanang mo kapag wala ka!” Nagpipintig ang mga ugat sa leeg niya habang nagsasalita. "Para sa inyo kaya gusto ko maging doktor. Trabaho at eskwela ang ginagawa ko para sa kinabukasan ko at para sa lahat, pero ano ang ginagawa niyo? At ilang beses ko na kayong pinakiusapan na kung pwede tumulong kayo sa pag-aalaga kay Nanang!" Sumiklab ang galit ko, sa bawat salitang lumabas sa bibig ko. "Mas inuuna mo pa kasi kung saan–saan ka nagpupunta at ang sumasama sa Mayor natin kesa asikasuhin kami, si Nanang, ang mga anak mo! Alam mo ba kung gaano kahirap ang sitwasyon namin?" Padabog na tumayo si Mama at lumapit sa akin, mabilis na hinawakan ang baba ko, pinisil ito nang mariin. "Mayabang ka na ngayon, ha?" ang boses niya ay malamig at matalim, para bang dinudurog ang puso ko sa bawat salitang lumalabas sa bibig niya. "Akala mo kung sino ka, purkit malapit ka nang maging doktor, puwede mo na akong sermonan? Hoy, Brielle, tandaan mo, ako pa rin ang ina mo. Huwag kang magmamalaki sa akin." Pakiramdam ko'y mas lumalalim pa ang sakit sa dibdib ko habang tinititigan ko ang mga mata ni Mama. Para bang sa bawat salita niya, inuunti–unti niya akong sinisira. Ina ko siya pero hindi ko makuha ang suporta mula sa kanya. Ngunit hindi ko siya aatrasan; hindi ko puwedeng hayaan na maliitin niya ang nararamdaman ko. "Mama, hindi ako nagmamayabang kahit na kailan," sagot ko nang marahan ngunit buo ang loob. "Ang pangarap ko, para sa pamilya natin. Hindi mo ba naiintindihan kung gaano kasakit sa akin na hindi ko maramdaman ang suporta ninyo. Ang makita si Nanang na ganyan ang ginagawa mo, na para bang wala na siyang halaga sa'yo. Anong klaseng anak ka, Mama?" Puno ng hinanakit na sabi ko. Binitiwan niya ang baba ko, at humakbang siya paatras. Nakasalubong ko ang mga matang may halong galit at sama ng loob. "Kung hindi mo kayang intindihin ang sakripisyo ko, wala kang karapatan na husgahan ako, at wala kang karapatang kwestyunin ang pagiging anak ko," sagot niya bago muling pabagsak na naupo sa kinauupuan niya kanina. Humarap ako kay Mama, ramdam ko ang pag–init ng pisngi ko sa galit sa bawat salitang lumalabas sa bibig niya. "Anong sakripisyo ang sinasabi mo, Mama? Wala kayong sinakripisyo sa pamilyang ito! Palagi kayong wala, at si Nanang ang tunay na nagsakripisyo para sa amin. Kung tutuusin, siya ang nagpalaki sa amin, hindi ikaw! Wala kang kwentang anak. Anak ka nang anak pero ni hindi mo kayang buhayin nang maayos ang mga anak mo!" Sabi ko sa sobrang sama ng loob ko sa kanya. Mabilis na tumayo ang Mama sa kanyang kinauupuan at walang sabing bigla kong naramdaman ang malakas na hampas ng palad ni Mama sa kaliwang pisngi ko. Napapikit ako sa lakas ng sampal, habang ang kirot ay naglalakbay mula sa pisngi ko papunta sa dibdib ko. Kasabay nito ang pag–agos ng mga luha ko, hindi ko alam kung dahil sa sakit ng sampal o sa sakit ng bawat salitang naririnig ko. "Magpasalamat ka at binuhay kita!" Sigaw ni Mama habang nanginginig ang boses niya. "Kung hindi dahil sa akin, wala ka ngayon dito, hindi mo maaabot ang mga pangarap mo! Kaya huwag na huwag mong kakalimutan kung kanino ka nagmula." Galit na galit niyang sabi. Napatitig ako sa kanya, hawak ko pa ang pisngi kong namumula at tila ba nanginginig sa sakit. Hindi ko na mapigilan ang sarili kong sumagot. "Oo, binuhay mo nga ako, pero kung ako ang magiging ina, hinding–hindi ako magiging katulad mo," sabi ko habang patuloy na pumapatak ang mga luha ko. "Aalagaan ko ang magiging anak ko, at hinding–hindi ko hahayaang magkulang ang pamilya ko. Hindi ko ipaparanas sa kanila ang ganitong klaseng sakit na nararanasan ko ngayon." Ang mga salita ko'y tila lason na tumama kay Mama. Nakatitig siya sa akin, ang mga mata niya'y nag–aapoy sa galit ngunit hindi niya maitago ang lungkot na nakikita ko sa ilalim ng kanyang tingin. "Ang kapal ng mukha mo," sabi niya nang mariin. "Sige, subukan mong maging ina, at tingnan natin kung makakaya mo nga ang mga pinagdadaanan ko." Huminga ako nang malalim, sinubukan na pigilan ang sarili kong bumigay sa harapan niya. "Alam mo, Mama, ang pagiging ina ay hindi lamang pagbibigay ng buhay. Ito ay ang pagiging nandiyan, ang pag–aalaga, ang pagmamahal sa anak mo kahit ano pa ang mangyari. Hindi lang tungkol sa sakripisyo, kundi sa pagpili na manatili at ipakita sa amin na mahalaga kami sa'yo." Nakita ko ang pagkislap ng mga mata ni Mama. Lumakad siya palayo, at iniwan akong mag–isa sa gitna ng sala, ang echo ng aming pagtatalo ay tila nananatili sa paligid. Ramdam ko ang kirot sa pisngi ko, ngunit mas ramdam ko ang kirot sa puso ko na tila hindi basta–basta mawawala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD