Nang sumapit ang alas otso y medya ng gabi ay nagpasiya na siyang umalis ng kanilang bahay. Graveyard shift siya at halos isang taon na ring nagtatrabaho bilang call center agent. Kalaban niya ang antok parati ngunit mas gusto niya ang kita niya roon. May night differential at minsan ay may over time pay pa na nakakadagdag sa sahod niya kada katapusan.
"Ang daya nito, nang-iwan." Bungad ni Frada, isa sa matalik niyang kaibigan nang magkasabay sila sa may lobby ng kanilang kompaniya.
"Ano na namang sinasabi mo?" Maang na tanong niya habang paakyat sila ng hagdan.
"Iniwan mo kami noong nakaraang gabi sa bar. Ang daya-daya mo!"
Natigilan siya at napa-isip kung nakita ba siya ng mga kasama noong isang gabi na may kasamang lalaki. Panalangin niya'y sana hindi siya ng mga ito nakita.
"A-ano kasi ahm...sumakit kasi 'yong tiyan ko. Alam mo naman na sensitive minsan 'yong tiyan ko 'di ba? Kaya ayun, nauna nalang ako kasi nagkakasiyahan pa kayo." Pagsisinungaling niya. Napakagat pa siya sa gilid ng loob ng bibig niya.
"Ano pa nga ba."
Nagpatuloy sila sa paglalakad patungo sa floor nila. Under maintenance pa kasi ang elevator kung kaya't naghagdan na lamang sila. Tatlumpung minuto pa bago ang shift nila kung kaya't nagtungo muna sila sa cafeteria na katapat lamang ng kanilang office. Naabutan na nila roon ang ilang kasamahan sa account na pawang nagmemeryenda. Naroon na rin ang isa pa nilang kaibigan na si Suzette.
"Alam niyo ba, girls na nandito raw 'yong anak ng may-ari ng kompaniya? May kasama pa raw na hottie guy." Balita ni Suzette sa kanila nang makaupo sila sa table na inuukopa nito.
"Talandi ka, 'te. Isumbong kita sa anak mo e." Biro ni Frada.
"Naku, Frada, baka kapag sinumbong mo ako sa anak ko ay baka magtatalon pa 'yon sa tuwa. Matagal na 'yong humihingi ng daddy."
Natuwa siya sa sinagot ng babae. Nasa high school pa lamang sila nang mabuntis ang kaibigan at sa kasamaang-palad nga ay hindi ito pinanagutan ng lalaki. Pasalamat na lamang ang kaibigan dahil hindi ito itinakwil ng mga magulang.
"Ipakilala mo na kasi sa tunay na ama." Suhestiyon ni Frada na siyang ikina-ikot ng mga mata ni Suzette.
"Over my dead gorgeous body, Frada. Hinding-hindi ko ipapakilala ang anak ko sa walanghiyang lalaki na 'yon. Magkamatayan nalang." Seryosong wika nito na ikinatango niya.
Hindi niya alam kung paano sisingit sa usapan ng mga kaibigan at isa pa ay wala rin siya sa mood na magsalita. Gusto niyang i-reserve nalang muna ang boses para sa trabaho dahil batid niyang hanggang umaga na naman siyang magsasalita sa headset.
Habang abala ang dalawa niyang kaibigan sa pagtatalo tungkol sa pagpapakilala sa tunay na ama ni Xian, ang anak ni Suzette ay napatingin siya sa dalawang persona na pumasok ng cafeteria. Taglay ng mga ito ang karisma na kung saan mapapako ang tingin ninuman na madaraanan nito sa kanila. Malalakas ang appeal ng mga ito na animo'y isang sikat na Hollywood actor. Maihahalintulad din sila sa mga Greek Gods na halos perpekto. Kahit sino ay mapapalingon at maa-akit kapag nakita sila.
Titig na titig siya sa mga ito nang may biglang sumagi sa isipan niya. Ang kasalukuyang pinagmamasdan niyang lalaki ay kamukhang-kamukha ng lalaking nakasama niya noong nakaraang gabi. Ang tindig, angulo ng mukha, mga mata, at lalo na ang mga labi nang nakasama niyang lalaki noong nakaraan ay katulad na katulad ng lalaking nakikita niya ngayon. Nahagip pa ng paningin niya ang tatto nito sa may leg at tainga kung kaya't mas nakumpirma niyang ito nga ang lalaking nakasama niya noong gabing iyon.
Habang nakatitig siya dito'y bigla itong napatingin sa gawi nila kung kaya't agad siyang umiwas ng tingin at tinakpan ng kaniyang shoulder bag ang mukha.
Kinakabahan siya. Ayaw niyang makita siya nito dahil hindi niya alam kung papaano ito pakikitunguhan matapos nang nangyari. Nahihiya siya.
"Rina, bakit?" Usisa ng kaibigan nang mapansin na nagtatago siya sa likod ng kaniyang shoulder bag.
"Huh? A-ano kasi..." Nagkunwari siyang humikab. "Inaantok kasi ako. Matutulog muna ako sandali. Gisingin niyo nalang ako kapag pupunta na tayo sa office." Aniya saka pumikit habang nasa pagitan ng mga braso.
Ipinapanalangin niya na sana'y hindi siya nakita ng lalaki dahil hindi niya talaga alam ang gagawin kung kukumprontahin siya nito.
"Felix, what's wrong?"
"Ahm...n-nothing."
Na-upo na ang dalawang lalaki sa kabilang table samantala, nanatili namang nagtutulog-tulogan si Rina. Pinapakiramdam niya lamang ang nasa paligid.
"Ten minutes, Rina. Punta na tayo sa office. Kailangan pa natin mag-time in. Maya ka ng break matulog ulit." Ani Frada na niyuyugyog ang balikat niya upang magising siya.
"O-oo. Tara na." Sagot niya saka agad na tumayo habang nakayuko at nakatakip ang bag sa may mukha niya. Nagmamadali siyang lumabas ng cafeteria.
Nagtataka man ang dalawang kaibigan sa ikinilos niya ay sumunod na lamang ito sa kaniya.
*****
"Paano kung nandun na naman 'yong lalaking 'yon?"
Nasa harapan siya ng salamin na nasa may higaan niya. Hapon na ngang muli at kinakailangan na naman niyang maghanda para sa trabaho niya mamaya. May nakapagsabi sa kaniya na ang lalaki at ang kasamahan nito kahapon ang isa sa mga boss nila kung kaya't hindi malayong mangyaring naroon itong muli sa building na pinagtatrabahohan nila.
"Sana wala siya do'n mamaya. Sana hindi na siya bumalik do'n." Nakapikit na panalangin niya habang magkadaong-palad ang mga kamay.
Hiyang-hiya kasi siya sa nangyari. Unang beses niya iyong ginawa at hindi niya alam kung paano magrereact doon. Kung siguro'y walanghiya siya at malanding babae ay malamang isasawalang bahala niya lamang iyon ngunit kabaligtaran siya niyon.
Nagmulat siya ng mga mata at hinarap ang sariling repleksiyon sa salamin.
"Ano ba kasing nakain ko ng mga oras na 'yon? Hindi ako 'yon e. Baka nasapian ako ng kung anong elemento kaya ganun nalang ang kilos ko. Haist!" Sinabunutan niya ang sarili at mapait na tiningnan ang repleka.
"Ate, okay ka lang diyan?!" Tanong ng kapatid niya sa labas ng silid niya.
Inalis niya ang pagkakasahunot sa buhok at saka huminga ng malalim.
"O-oo. 'Wag mo 'kong intindihin." Sagot niya rito.
"Sinong kausap mo kanina?"
Natigilan siya. Hindi alam ang isasagot.
"Ate, magleave ka kaya muna sa work mo. Parang nababaliw kana diyan e. Kulang ka 'ata sa pahinga. Nagsasalita kana mag-isa."
"Ayos lang ako. Kausap ko lang sa phone ang kaibigan ko. Masiyado kang ma-issue!" Sigaw niya pabalik.
"Sure ka, Ate ah!"
"Oo nga sabi. Umalis kana diyan. 'Wag kang chismosa!"
"Opo!"
Matapos niyon ay narinig nalang niya ang papalayong yapak nito palayo sa may silid niya. Nakahinga siya ng maluwag at muling tiningnan ang repleka sa salamin. Nalukot muli ang mukha niya at tila problemado. Naisip niya rin na baka tama ang sinabi ng kapatid. Baka nababaliw na siya.
"Teka nga! Bakit ba ako nangangamba? Wala naman akong ginawang masama sa kaniya. Hindi rin naman siguro niya alam na doon ako nagtatrabaho so bakit ako natatakot? Ay teka? Sino'ng may sabi na natatakot ako?"
Matapang niyang tiningnan ang repleka sa salamin at ngumiti ng malapad. Pilit niyang ipinaintindi sa sarili na wala siyang dapat na ikapangamba dahil wala siyang ginawang masama rito.