"Ate?!"
Naalimpungatan si Rina dahil sa sunod-sunod na katok mula sa labas ng kaniyang pintuan.
Nasapo niya pa ang kaniyang noo nang maramdaman ang pagkirot niyon. Mabigat din ang kaniyang katawan na para bang lalagnatin siya.
"Bakit? Ano ba 'yon?" Malamyos na tinig na wika niya habang nananatiling pikit at hawak ang ulo.
"Ate, 'yong sabi ko sa 'yo last time." Sagot ni Christine Joy, ang nakababata niyang kapatid na babae.
Sandali siyang hindi kumibo at inalala ang tinutukoy ng kapatid. Dulot rin siguro ng mabigat niyang ulo ay hindi niya maalala ang sinabi ng kapatid noong nakaraan.
"Ate, papasok ako ah." Paalam ng kapatid bago buksan ang pinto ng kuwarto niya.
Naabutan siya ng kapatid na sapo-sapo ang noo. May hang-over pa kasi siya nang nagdaang gabi. Talagang mabigat ang pakiramdam niya.
"Ano ba 'yong tinutukoy mo?" Mahinang tanong niya saka naupo sa higaan. Nakasandal ang kaniyang likod at ulo sa headrest ng kaniyang higaan.
"Ate naman oh. Makakalimutin kana. Kahapon ko pa lang 'yon sinabi sa 'yo." Anang kapatid na nakaupo sa dulo ng kaniyang higaan.
Napailing siya at pinaningkitan ng mata ang kapatid. Hindi niya maalala ang tinutukoy nito ngunit batid niya na ang ibig nitong sabihin. Nilalapitan lamang siya ng kapatid at nilalambing sa tuwing hihingi ng allowance. Marahil iyon ang tinutukoy nito.
"Allowance mo?" tanong niya na ikinangiti nito.
"Oo, Ate. 'Di ba sabi mo naman sa 'yo na 'ko humingi ng allowance 'wag na kina tatang."
Muli siyang umiling bago dinukot ang pitaka sa loob ng drawer na katabi ng higaan niya. Binigyan niya ng pang-isang linggong allowance ang kapatid na ikinatuwa naman nito agad.
"Eh, Ate 'yong pambili ko ng sapatos? Sabi mo bibigyan mo 'ko?" Naka-puppy eyes pang wika nito.
"Sabi ko paka-sweldo ko 'di ba? S-um-weldo na ba ako?"
"Ewan ko sa 'yo, Ate. Hindi pa ba?"
Binato niya ng hawak na unan ang kapatid at sapol iyon sa ulo nito. Samantala, natatawa na lamang ang kapatid sa kaniya at pagkuwan ay nagseryoso at tinitigan siya ng kakaiba.
"Ate, may tanong pala ako."
"Ano na naman ba 'yon? Matutulog pa 'ko dahil masakit ang ulo ko, Tinay." Inis na wika niya matapos umayos sa pagkakahiga. Ipinikit na rin niya ang mga mata upang bumalik sa pagtulog.
"Sino pala 'yong g'wapong lalaki na naghatid sa 'yo kagabi? Mukhang bigatin pa. Ang ganda nung sasakyan."
Napamulat siyang muli at gulat na hinarap ang kapatid.
Hindi niya alam kung ano ang tinutukoy nito.
"A-ano'ng sinasabi mo?"
"Ayieehh si Ate, deny pa. Jowa mo 'yon ano?" Panunukso nito.
"Ano'ng jowa-jowa ka diyan. Wala akong jowa!" depensa niya na mas lalong ikinatuwa ng kapatid.
"Ang defensive mo, Ate. Napaghahalataan."
Muli niyang binato ng unan ang kapatid ngunit nailagan na nito iyon.
"Umalis kana nga sa kuwarto ko. Matutulog ako."
"Ayieeehh!" Kantyaw muli nito.
"Sige asarin mo pa 'ko. Baka gusto mong kunin ko 'yong binigay ko sa 'yong allowance mo." Pananakot niya na siya namang ikina-seryoso ng kapatid niya saka tumayo.
"Hindi ka naman mabiro, Ate. Relax! Alis na 'ko." Sagot nito ngunit may nanunukso pa ring ngiti sa mga labi.
Nasa may pintuan na ito nang muli siyang lingunin.
"Ate—"
"Ano na naman 'yon, Tinay? Hindi kana talaga makakahingi ng allowance mo sa 'kin."
"Ate naman, kalma. Magpapaalam lang naman ako. Punta lang ako sa birthday party ng kaibigan ko. Nakalimutan kong magpaalam kina nanang eh. Maaga silang umalis."
Pinaningkitan niya ng tingin ang kapatid.
"Hindi ka papasok?"
Natawa ito sa kaniya at pagkuwan ay lumabas na ng pinto.
"Linggo pa lang ngayon, Ate!" Sagot nito sa labas ng kaniyang silid. "Alis na 'ko, Ate ah. Thank you sa allowance. I love you!"
Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang nagawa niya. Naisahan na naman kasi siya ng kapatid. Akala niya kasi ay Lunes na kaya humingi na ito ng allowance. Masiyado talagang mautak ang kapatid niya.
Ipinikit niyang muli ang mga mata upang makatulog muli ngunit may biglang sumagi sa isipan niya na isang bagay na pinaggagawa niya kagabi.
Napahilamos siya sa kaniyang mukha at saka mahinang pinitik ang noo. Hiyang-hiya siya sa sarili dahil sa naalalang ginawa niya kagabi.
Naalala na niya ang lahat ng nangyari kagabi, kung paano siyang uminom ng alak na nakapagpa-init ng kaniyang katawan at kung paano siyang nakipaghalikan sa isang mala-adonis na lalaki na hindi niya kilala. Sariwang-sariwa pa sa bawat alaala niya kung paano rin sila napunta sa kotse ng lalaki at may ginawang milagro doon.
Nais niyang burahin ang alaalang iyon sa isipan niya ngunit para bang detalyadong-detalyado iyon sa utak niya.
Malinaw pa sa tubig ang alaala niya kung paano siyang hinalikan ng lalaki. Tila ramdam niya pa rin ang matatamis nitong halik sa mga labi niya at kakaibang hawak nito sa katawan niya.
Napahawak siya sa kaniyang mga labi at hindi inaasahang mag-iinit muli ang katawan dahil sa alaalang iyon. Hindi siya kailanman nagkaroon ng pagnanasa sa isang lalaki, tanging trabaho lang ang kadalasang iniisip niya ngunit ang lalaking nakilala niya kagabi ay iba ang epekto sa kaniya. Kahit pa sakaling hindi siya nakainom ng alak ay marahil maghuhurumintado pa rin ang puso niya para dito.
"Trina, ang baliw mo talaga! Nakakahiya!" Wika niya sa sarili saka pinagsasampal ang magkabilang pisnge dahil sa hiyang nararamdaman.
Dahil sa isiping iyon ay hindi na siya nakabalik sa pagtulog. Sinubukan niyang iwaglit na lamang ang nangyari ngunit patuloy itong tumatakbo sa isipan niya.
"Ayos ka lang ba, 'nak?" Usisa ng kaniyang Tatang Arnulfo nang mapansin ang tila malalim niyang pag-iisip.
Napamulagat siya at pagkuwan ay magaang ngumiti sa kaniyang tatang.
"Opo, 'Tang." Sagot niya na sinabayan pa ng pagtango.
Dapit-hapon na rin kung kaya't naroon na ang kaniyang Tatang Arnulfo at Nanang Cindy. Pawang nagtatrabaho ang mag-asawa sa Pamilya Sandoval, isang kilalang pamilya sa bayan nila. Matagal ng naninilbihan ang mga ito sa nasabing pamilya ngunit kahit kailan ay hindi pa siya napaparoon. Madalas naman niyang marinig ang tungkol sa pamilya nito ngunit wala sa intensyon niya ang magsaliksik patungkol dito.
"Nasa'n si Tinay?" Tanong ng kaniyang Nanang na abala sa pag-aasikaso ng kanilang hapunan.
"Naku, Nang, nasa birthday'n. Kanina pa nga 'yon nandun." Sagot niya saka lumapit sa nanang Cindy niya. "Ako nalang ang magluluto, Nang. Pahinga kana."
Magaan na napangiti ito sa kaniya ngunit umiling din.
"Kaya ko pa. Ikaw ang magpahinga dahil alam kong may-hang over ka pa."
Nahihiya siyang napakamot sa may tainga niya. Nag-aalala din siya dahil baka nakita ng mga ito ang lalaking naghatid sa kaniya sa bahay nila kagabi. Bilin pa naman ng kanilang mga magulang na 'wag na 'wag sasama sa mga taong hindi nila kilala. Kahit pa sabihin na nasa tamang edad na siya'y pinapayuhan pa rin siya ng mga ito na mag-iingat lalo pa at babae siya. Nahihiya siya dahil sa pagsuway sa mga ito. Hindi na nga niya kilala ang lalaki, nakipag-make out pa siya rito. Tingin niya tuloy sa sarili ay isa siyang kaladkaring babae.
Kinabukasan ay maaga muling umalis ang kaniyang mga magulang. Tuwing Byernes lamang kasi ang day off ng mga ito. Nais niya na sanang tumigil na ang mga ito sa pagtatrabaho at siya na lamang ang magtustus ng gastusin ngunit sadyang matigas ang ulo ng mga ito katulad niya. Mabuburyong lamang daw ito sa kanilang bahay at saka may problema pa sila sa bahay na tinitir'han. Naka-prenda ito ng kalahating milyon pati na ang lupa kung kaya't todo-kayud din talaga ang mga ito.
"Nasa'n na 'yon?" Mahinang usal niya sa sarili habang sinasaliksik ang laman ng kaniyang pitaka. Kanina niya pa hinahanap ang isa sa mga government ID niya ngunit hindi niya mahagilap.
"Tinay, nakita mo ba 'yong isang ID ko?" Tanong niya sa kapatid na abala sa paglalaro sa cellphone nito. Half day lang ang eskwela ng kapatid kung kaya't naroroon pa ito.
"Hindi ko alam, Ate. Baka nandiyan lang sa tabi-tabi." Sagot nito habang nananatiling nakatuon ang mga tingin sa nilalaro.
Muli siyang bumalik sa kuwarto at naghanap. Batid niyang wala siyang mapapala sa kapatid.
Ilang minuto ang ginugol niya sa paghahanap ng ID bago nagpasiyang tumigil na lamang. Sa isip niya naroon lamang iyon sa kuwarto niya at makikita niya iyon kapag hindi na hinahanap. Ganoon kasi parati ang nangyayari sa kaniya. Hahanapin niya ang isang bagay ngunit hindi niya iyon makikita ngunit kapag hindi na siya naghahanap ay saka na niya iyon makikita. Kabaligtaran ang pawang nangyayari.