Kabanata 2
Sa unti-unting pagbalik ng malay ko, una kong napansin ang amoy ng disinfectant at lamig ng paligid. Marahan kong iminulat ang mga mata ko at ang unang sumalubong sa akin ay ang puting kisame ng silid. Napakurap-kurap ako at pilit na inalala ang nangyari bago ako nawalan ng malay. Ilang sandali pa ay nanlaki ang aking mga mata bago ako mabilis na napabangon pero agad ding napahiga nang kumirot ang ulo ko. Nakangiwi akong tumingin sa paligid at napansin ang dextrose na nakakabit sa akin.
“Good think you’re awake…” Napatingin ako sa direksyon kung nasaan ang pinto nang may marinig akong boses ng babae roon. Hindi ko mapigilang mapatingin sa kanya dahil agaw pansin ang mala-porselana niyang balat. Nakasuot siya ng simple ngunit alam kong mamahaling itim na damit na bumagay sa mga suot niyang alahas. “How are you feeling?” tanong niya bago mabilis na lumapit sa akin.
“A-Ayos lang po.” Napayuko ako nang magtagpo ang mga mata namin. Sobrang ganda niya kasi to the point na nakakailang na.
“Great. Let me call the nurses,” aniya at mabilis na umalis.
Napatingin lang ako sa direksyon na pinuntahan niya at hindi napigilang amuyin ang hangin na iniwan niya. Napakabango. Amoy mayaman.
Maya-maya pa ay bumalik na siya kasama ang dalawang babaeng nurse. Muli siyang lumapit sa akin at umupo sa gilid ng kama ko. “I…I don’t know if it’s right to say this, but I am glad that you weren’t that hurt,” aniya at alanganing ngumiti sa akin. “I’m sorry. I wasn’t looking.”
Napatango ako nang mapagtantong siya siguro ang nagmamaneho ng sasakyan na bumangga sa akin. Pero napapaisip din ako kung nabangga niya ba talaga ako o nawalan na lang ako ng malay, dahil wala akong kahit na anong nararamdamang kirot sa katawan ko maliban sa may ulo ko na tingin ko’y tumama sa semento nang bumagsak ang katawan ko.
“A-Ayos lang po,” tugon ko sa kanya at tumingin sa paligid para hanapin ang maleta ko. “May nakita po ba kayong maleta?”
“Oh, right. It’s in my car,” aniya. “Were you going somewhere?”
Marahan akong tumango at tipid na ngumiti sa kanya. ‘Yon lang ang tanging naisagot ko dahil dama ko na naman ang mga luhang kumakatok sa magkabilang gilid ng aking mga mata. “Ma-am…Pwede po bang lumabas na ako?”
Kumunot ang noo niya. “Why? You’re still scheduled for tests para masigurong wala kang injuries at walang internal bleeding.”
Umiling ako at nahihiyang ngumiti. “Hindi ko po kayang bayaran ang bills, ma’am. At isa pa, okay naman po ang pakiramdam ko.”
“No…” Mariin siyang umiling. “Who says you’re gonna pay the bills? I’ll shoulder everything so stay here until we’re sure that you’re okay,” giit niya bago may kinuha sa maliit niyang bag. Cellphone pala ‘yon at saglit na lumayo sa akin para may tawagan.
Naalala ko tuloy sina mama at papa. Hindi pa ako nakakapag-update sa kanila kung kumusta ako. Paniguradong nag-aalala na sila sa akin. Nagsabi pa naman ako sa kanila na tatawag ako agad-agad kapag nakarating na ako.
Nang makabalik siya ay kinapalan ko ang mukha ko, “Ma’am, pwede po bang makitawag? Nawala po kasi ang cellphone at wallet ko. Ninakawan po ako,” sambit ko sa kanya at marahang yumuko para itago ang mukha ko.
“Oh my god, really?” reaksyon niya. Nang tingnan ko siya ay nakatakip sa bibig niya ang isang kamay niya habang puno ng awa sa akin. “You poor soul. Here…” aniya at ibinigay sa akin ang cellphone niya. Nag-alangan pa akong hawakan ito nang makita ko ang kumikinang na logo ng mansanas sa likod nito. “I’ll give you some space. I’ll be right there,” dagdag niya bago umupo sa dulong bahagi ng kwarto.
Tumango lang ako sa kanya at tipid na ngumiti. “Thank you po,” sambit ko at tinawagan na ang phone number nila mama.
Ilang ring pa lang ay may sumagot na agad, “Hello…”
Nakagat ko ang labi ko nang marinig ko ang malambing na boses ni mama. Ramdam ko na naman ang pag-iinit ng magkabilang sulok ng mga mata ko. Bago ako sumagot ay huminga muna ako nang malalim para hindi mabasag ang boses ko, “’Nay…Si Joy ito…”
“Anak! Kumusta ka riyan?” bakas sa boses niya ang labis na pagkasabik. “Bakit pala iba ang number mo?”
“O-Okay lang naman po,” pagsisinungaling ko. Kinagat ko ang labi ko nang manginig ito kasabay nang pamumuo ng mga butil ng luha sa magkabilang gilid ng mga mata ko. “Nandito na po ako sa boarding house namin. Sorry at ‘di ako agad nakatawag dahil naging abala ako kanina.”
“Nako, ayos lang ‘yon. O, gusto ka palang makausap ng tatay mo,” aniya bago ko narinig ang boses ni papa.
Kagaya ni mama ay sabik din siyang marinig ang kwento ko sa unang araw ko sa Maynila. Hindi ko na kinaya pang magsinungaling sa kanila kaya nagpaalam na ako. Nagpalusot na lang ako na may iba pa akong gagawin; na tatawag lang ako ulit sa kanila bukas. At pagkababa ko ng tawag ay kusang tumulo ang mga luha ko at hindi ko na napigilang mapahagulgol.
Gusto kong magsabi sa kanila. Gusto kong ipaalam sa kanila ang nangyari sa akin; na ninakawan ako ng pangarap. Pero hindi ko kaya. Hindi ko sila kayang biguin ulit. Ayokong magsinungaling sa kanila dahil ang bigat sa dibdib. Ang sakit. Nakakadurog ng puso. Pero kailangan.
“M-Ma’am, cellphone n’yo po,” sambit ko sa babae habang pilit na pinupunasan ang mga luha ko. “Salamat po,” mahinang sabi ko bago yumuko at hinintay siyang kunin ang cellphone sa akin.
“Hi…” mahinang tawag niya sa akin. “I didn’t mean to pry, pero narinig ko ang conversation n’yo ng parents mo and I heard you said abroad?”
Mapait akong napangiti sa kanya. “Mag-a-abroad po sana ako.”
“Sana?”
Tumango ako at napabuga na lang ng hangin. “Pero na-scam po ako,” pagtatapat ko sa kanya at ikinuwento ko ang lahat nang nangyari sa akin bago kami nagkatagpo.
“Oh my god…” aniya at puno ng awang tumingin sa akin. “Don’t worry, once you get out of this hospital, I’ll give you some money para makauwi ka sa inyo at…”
Hindi niya natapos ang sinasabi niya nang umiling ako. “Ma’am, kung pwede po ‘wag na lang pera.” Sinalubong ko ang mga mata niya at kinapalan ko na lang ang pagmumukha ko. Mukhang may kaya siyang tao kaya posibleng may negosyo siya o may kakilala siyang mayroon. “Trabaho na lang po,” lakas-loob kong sabi. “Kahit anong trabaho, ma’am. Kahit ano, tatanggapin ko.” Ipinaliwanag ko sa kanya ang sitwasyon ko; kung bakit ayaw kong umuwi at mukhang naintindihan naman niya.
“You know what, I thin we were destined to meet,” aniya at matamis na ngumiti sa akin. “My brother has actually asked me to look for a nanny since his son’s nanny resigned just this day, and—”
“Ako po,” sabik kong sambit dahilan para ‘di niya matuloy ang sinasabi niya.
“Pero may experience ka ba sa pag-aalaga ng bata?” tanong niya sa akin. “And not just some ordinary kid, okay? He’s a challenging kid. Marami nang sumuko sa batang ‘yon,” dagdag niya. “But the pay is good, I’m telling you.”
“Payag po ako, ma’am. Kailan po ang interview at ano pong requirements?” mabilis kong tugon. Wala na akong pakialam kung anong klaseng bata man ang alagaan ko. Titiisin ko kahit na ano pang hirap ang danasin ko magkaroon lang ng trabaho at makatulong sa mga magulang ko.
“No need for an interview. I will personally recommend you to my brother. Take it as my way of compensating for what I did. And of course, I’ll also give you some monetary compensation para may pambili ka ng bagong cellphone at iba pang gusto mo,” aniya at matamis na ngumiti sa akin. “Just show me the documents you have and your ID. Ako na ang bahalang mag-background check sa ‘yo while you’re recovering here.”
“Okay po, ma’am. Maraming salamat po.”
“And…” hirit niya bago tumingin nang diretso sa mga mata ko. “Hindi lang pala ang anak ang kailangan mong pagtiisan, pati na rin ang father. You see, my brother is quite the irritable and grumpy one. You’ll find him really hard to handle. Isa rin siya sa rason kung bakit walang nagtatagal na helper sa house niya.”
“Ayos lang po. Kakayanin ko,” determinadong sambit ko. Sanay na akong humarap sa hirap ng buhay. Sanay na akong magtiis at indahin ang lahat nang bigat na ibinabagsak sa akin ng buhay kaya alam kong makakaya kong tiisin kahit pa ang pinakamasahol na tao sa mundo.