Kabanata 1
Mugto ang aking mga mata habang binabagtas ko ang maalinsangang kalye ng siyudad. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung saan ako matutulog ngayong gabi. Hinang-hina na ang katawan ko dahil tanging tubig lang ang laman ng tiyan ko mula nang dumating ako rito sa Maynila. Ramdam ko na ang labis na gutom pero wala akong ganang kumain. Ni gumastos para sa isang pandesal ay hindi ko magawa dahil sa labis na pagsisisi at panghihinayang na nararamdaman ko.
Natigil ako sa paglalakad at muli na namang naiyak. Wala na akong pakialam kung pagtinginan ako ng mga tao. Hindi pa rin kasi ako makapaniwalang naglaho na lang nang parang bula ang mga pangarap namin ng mga magulang ko, ang mga ginastos namin, at ang mga pinagdaanan naming hirap ma-process lang ang mga kailangang papeles.
Kinuha ko ang cellphone ko at tiningnan ang lockscreen ko—picture naming tatlo noong graduation ko sa kolehiyo. Minsan ko na silang binigo. Minsan ko na silang pinaasa na mabibigyan ko sila ng magandang buhay ‘pag nakapagtapos na ako ng pag-aaral at nakahanap nang magandang trabaho. Pero kahit na dalawang taon akong tambay sa bahay ay wala akong narinig sa kanila. Ni hindi nila ipinaramdam sa akin na pabigat at palamunin lang ako.
At ngayon…
Napayuko na lang ako at hinayaan ang pagtulo ng mga luha ko.
Sa pangalawang pagkakataon ay nabigo ko na naman sila. Sa pangalawang pagkakataon ay ako na naman ang naging rason para gumuho ang mga pangarap nila; na muling lumayo ang pagkakataong guminhawa ang buhay namin.
“Hija, ayos ka lang ba?” Mabilis kong pinahid ang mga luha ko bago nag-angat ng tingin para tingnan kung sino ang nagsalita. Sinalubong ako ng nag-aalalang mukha ng isang ale. “Ayos ka lang ba?” tanong niyang muli.
“O-Opo, salamat,” sagot ko sa kanya at pilit na ngumiti.
“Hindi ka ba tagarito?” tanong niya.
Marahan akong tumango sa kanya. “Opo.”
“Ano palang nangyari?” tanong niya. Malamyos at malambing ang boses niya. Ang sarap pakinggan. Naalala ko sa kanya si Nanay sa tuwing pinapagaan niya ang loob ko. “Pwede mong sabihin sa akin.”
“Nako, huwag na po at baka maabala pa kayo,” magalang na pagtanggi ko. “Ayos lang po ako.”
“Gano’n ba?” aniya at tinanguan ko lang. “Sige…” Ipinatong niya ang isang palad sa balikat ko at nginitain ako. “Basta, huwag kang sumuko sa buhay, ha? Lumaban ka.”
Napangiti ako sa sinabi niya. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko. “Salamat po.”
Tumango lang siya sa akin at nagpaalam nang aalis na. Sumakay na siya ng jeep at ako naman ay nagdesisyon na bumili ng makakain dahil kahit papaano ay napagtanto kong tama ang sinabi niya; kailangan kong lumaban. Hindi ako pwedeng sumuko. Hindi ito ang katapusan nang lahat.
Hindi man ako pinalad na makapag-abroad, hindi naman ibig sabihin na hindi ako makakahanap ng trabaho. Nasa Maynila na ako. Maraming oportunidad dito. Bukas na bukas din ay maghahanap ako ng pwedeng mapagtrabahuan. Kompleto naman ang mga papeles ko kaya madali na lang na mag-apply.
Pero sa ngayon ay kailangan ko munang kumain at makahanap ng murang matutulugan.
Kukunin ko na sana ang cellphone ko nang matigilan ako dahil wala akong makapa sa bulsa ko. Napakurap-kurap ako habang kinakapa ang lahat nang bulsang mayroon ako. At hindi lang cellphone ko ang nawawala kundi pati na rin ang wallet ko na naglalaman ng limang libong allowance ko.
“H-Hindi…” Nasabunutan ko ang sarili ko habang palinga-linga sa paligid. “Hindi…” Sinubukan kong kapain sa maleta ko baka naipasok ko roon kahit ang wallet man lang, pero wala talaga.
Natutop ko na lang ang bibig ko bago ako muling napaiyak.
“Hindi pa ba sapat na na-scam ako?” naibulalas ko na lang habang patuloy sa pagtulo ang mga luha ko.
Hindi ko alam kung anong ginawa ko para danasin ko ang lahat nang ‘to. Hindi ko alam kung bakit sa akin ibinagsak ang lahat ng kamalasan sa mundo; kung bakit ako pa ang naghihirap nang ganito. Wala naman akong tinatapakang tao. Kami pa nga ang paulit-ulit na tinatapakan ng mga kamag-anak naming walang bilib sa amin; mga kamag-anak na ang baba ng tingin sa amin dahil mahirap lang kami at iginagapang lang ang pang-araw-araw para mabuhay.
Gusto ko lang namang bigyan ng magandang buhay ang pamilya ko. Gusto ko lang namang ipatamasa sa mga magulang ko ang magaang pamumuhay na ‘di nila naranasan. Hindi naman ako naghahangad na umasenso para gumanti sa mga taong nang-api sa amin.
Napatingala na lang ako sa kalangitan na unti-unti nang binabalot ng dilim, “Hindi pa ba sapat ang lahat nang paghihirap ko?” bulong ko at mapait na napangiti.
---
Pakiramdam ko’y lumulutang ako sa hangin. Tulala akong naglalakad sa gilid ng kalsada at hindi alam kung ano ang gagawin. Mugtong-mugto na ang mga mata ko na halos maningkit na ito. Ramdam ko na ang matinding pangangalay ng mga binti ko kakalakad at mga braso ko kakahila ng maleta. Nanghihina na rin ang mga tuhod at iba pang kalamnan ko dahil sa labis na gutom at bigat ng dibdib. Isama mo pa ang matinding panunuyo ng lalamunan at labi ko.
“Ano bang ginawa ko para danasin ang lahat nang ‘to?” bulong ko sa hangin. Alam ko namang lahat nang nangyayari sa buhay natin ay planado na ng tadhana, pero bakit isang bagsakan? Bakit puro na lang paghihirap?
Hindi ba pwedeng sumaya kahit ilang beses lang?
Napabuga na lang ako ng hangin bago nagpalinga-linga. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at kung saan ako matutulog ngayong gabi. Siguro’y maglalatag na lang ako ng karton sa gilid ng kalsada o ‘di kaya’y sa parke.
Ilang sandali pa ay napangiwi ako nang maramdaman ko ang matinding pagkirot ng ulo ko. Kasunod no’n ay ang unti-unting panlalabo ng mga mata ko at paghina ng pandinig ko. May kung anong matinis na tunog akong naririnig habang unti-unting numinipis ang hangin na pumapasok sa baga ko. Mas lalo ring nanghina ang mga tuhod ko at nangalay ang mga kalamnan ko. Pero nagpatuloy ako sa paglalakad kahit hindi ko na maaninag nang maayos ang dinadaanan ko.
Maya-maya pa ay napapikit na lang ako nang may sumalubong sa aking nakakasilaw na liwanag kasunod nang malakas na pagbusina at tunog ng gulong na sumasadsad sa aspalto. Huli na nang mapagtanto ko kung ano ang nangyayari—basta namalayan ko na lang na unti-unting nagdilim ang buong paligid kasunod ng pagbagsak ng katawan ko sa sementadong daan kasunod nang mabilis na pagkawala ng aking kamalayan.