SIMULA
“Anak, mag-iingat ka roon, ha? Kapag kulang ang allowance mo ay sabihan mo lang kami ng itay mo at papadalhan ka namin,” nakangiting sabi ni mama habang hawak-hawak ang magkabilang kamay ko bago ‘yon marahang pinisil.
“’Nay, sapat na po ang perang ipinadala n’yo. Sabi naman ng agency ay sagot nila ang boarding house namin at pagkain namin kaya hindi ako mapapagastos nang malaki,” sagot ko sa kanya. Ayoko na kasing gumastos pa sila dahil naisangla na nga nila ang titulo ng maliit naming lupain para lang may panggastos ako sa pagpa-process ng mga papeles ko.
“Anak, magsabi ka lang sa amin,” sabat ni Tatay bago niya kinuha ang kamay ko at mariin ‘yong pinisil. Damang-dama ko ang gaspang at mga kalyo sa palad niya—at ‘yon ay simbolo ng paghihirap niya maitaguyod lang ang pag-aaral ko. “Dahil sa oras na makapunta ka ng Saudi ay mababawi rin naman natin ang lahat ng nagastos natin,” dagdag niya at matamis na ngumiti sa akin.
Napangiti na rin ako at tumango. “Sige na nga. Ilista n’yo lang po at ako na ang bahala,” paninigurado ko sa kanila bago ko sila niyakap nang mahigpit. “Pangako ko pong tutubusin ko ang lupa natin at mapapaayos ko ang bahay natin.”
“At sasakyan…” hirit naman ni Tatay. “Napapagod na akong sumakay sa kalabaw anak, eh.”
“Akong bahala riyan, ‘tay; bibilhan kita ng motor,” magiliw kong sagot bago ko sila niyakap nang mahigpit. “Basta po, hintayin n’yo ang tawag ko, ha? I-charge n’yo palagi ‘tong cellphone ninyo,” habilin ko sa kanila bago ako kumalas sa yakap.
“Oo, anak. Mag-iingat ka roon, ha?” sabay nilang sagot sa akin bago ako muling niyakap.
Nagyakapan kami sa huling pagkakataon dahil hindi ko alam kung kailan kami muling magkakayakap. Dalawang taon daw ang kontrata ko sa Saudi. Hindi ko pa alam kung sino ang amo ko dahil doon na raw namin makikilala ang amo namin pagdating sa Maynila.
Bale habang nagti-training kami sa loob ng isang buwan ay doon na rin kami ipapakilala sa mga posibleng maging amo namin. Iniisip ko pa lang na lilipad ako sa ibang bansa ay nakakakaba na. Pero wala nang urungan ito. Ang laki na ng nagastos namin para umurong pa ako. At isa pa, kapag umurong ako ngayon, hindi ko alam kung magkakaroon pa ba ako ng panibagong pagkakataon para makapagtrabaho sa ibang bansa.
Dalawang taon na akong tambay mula nang gr-um-aduate ako sa kursong Business Management. Hindi ako ganoong katalino at hindi rin ganoon kaganda ang TOR ko kaya palagi akong hindi natatanggap sa mga trabahong pinag-apply-an ko. At kahit man qualified ako ay mas priority pa rin ang mga aplikanteng may backer.
Bilang lang ang oportunidad sa probinsya at nakalaan na ‘yon sa mga kamag-anak o ‘di kaya’y kakilala ng mga nasa posisyon, kaya naman ang mga taong gaya ko na walang kahit na anong koneksyon ay bihira lang talagang mabigyan ng tiyansang makapagtrabaho, lalo na’t ang hinahnap din nila ay ‘yong may mga experience na. Kaya nang may pumuntang representative ng isang recruitment agency sa Maynila na naghahanap ng mga gustong mag-Domestic Helper sa Saudi ay nagdesisyon akong mag-apply lalo na’t ipinangako sa amin na siguradong makakalabas kami ng bansa at makakapagtrabaho basta wala lang problema sa medical namin at iba pang papeles.
Wala na akong pakialam kahit na maging katulong ako sa ibang bansa basta may maipadala lang akong pera sa pamilya ko. Wala na akong pakialam kung tawanan ako ng mga kapitbahay namin dahil graduate ako ng kolehiyo pero domestic helper ako. Dahil wala namang masama sa pagiging DH. Dapat pa ngang saluduhan ang mga kababayan nating iniiwan ang pamilya nila rito sa Pinas para makipagsapalaran sa ibang bansa at maiahon ang pamilya nila sa kahirapan.
Hindi madaling magin DH pero kakayanin ko. Para sa pamilya. Para sa pangarap na marangyang buhay.
Matapos ang yakapan at pagpapaalam ay nagpahatid na ako kay Tatay sa sakayan ng tricycle na siya namang maghahatid sa akin papunta sa terminal ng bus. Papasikat pa lang ang araw at nanunuot pa sa balat ang lamig na dala ng hamog na bumabalot sa paligid. Ang sarap pa sanang humilata sa kama at magtalukbong ng kumot pero kailangan ko nang umalis dahil medyo mahaba-haba pa ang biyahe, at kailangan ko rin ng sapat na oras dahil hahanapin ko pa ang opisina ng recruitment agency.
——
Tagaktak ang pawis ko habang hila-hila ang isang malaking maleta habang nasa isang kamay ko naman ang mga papeles na kailangan kong ibigay sa agency mamaya. Hindi kasi ako hinatid sa eksaktong address na sinabi ko sa taxi driver. Kinailangan ko pang magtanong-tanong para lang matunton ang building kung nasaan ang opisina ng recruitment agency namin.
Pagod na pagod na ako dahil sa magkahalong init ng panahon, ngalay ng mga kamay kakahila ng maleta, at panghihina ng mga tuhod dahil gutom na gutom na ako. Pero pilit kong ininda ang nararamdaman ko dahil alam kong maliit na sakripisyo lang ‘yon para sa ikakagaan ng pamumuhay namin.
Pagkarating ko sa nasabing building ay agad kong hinagilap ang signboard ng agency, pero laking pagtataka ko nang makitang sarado ito.
Bigla akong kinabahan. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak-hawak ang mga papeles na dala ko. Pabalik-balik ang tingin ko rito at sa saradong building nasa harapan ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Damang-dama ko ang bigat sa aking mga balikat habang nag-iinit ang aking mga tainga.
“H-Hindi…” utal kong bulong habang pilit na tinatatagan ang loob ko sa kabila nang malakas na pagkabog ng dibdib ko. “Baka mali lang…” dagdag ko pa bago dali-daling kinuha ang cellphone ko at sinubukang tawagan ang contact number ng recruitment agency.
Nakagat ko na lang ang labi ko nang hindi ko na ito ma-contact. Kahapon lang ay nag-text pa ako sa kanila na luluwas na ako at nag-reply naman sila.
‘Ma’am, bakit po sarado ang opisina?’ text ko at muli silang tinawagan pero hindi na talaga sila ma-contact.
Dama ko na ang pagsisimulang paghapdi ng bawat sulok ng aking mga mata nang unti-unting bumaon sa isipan ko ang nangyayari. Kumurap-kurap ako para pigilan ang pagkabuo ng mga luha ko at maya-maya pa ay napaupo na lang ako sa labis na panghihina ng aking mga tuhod.
“‘Neng, ‘yang agency ba ang sadya mo?” tanong ng isang tindera ng sigarilyo at kendi na nakapwesto ‘di kalayuan sa akin.
Mabilis akong tumango. “Opo. May alam po ba kayo ba’t sarado?”
“Nako, ‘neng, sirado na ‘yan noong nakaraang linggo pa,” tugon niya sa akin at napailing pa. “Ni-raid ng mga pulis dahil wala na raw permit to operate,” dagdag niya pa kaya mas lalo akong nanlumo. “Biktima ka rin ba?”
Ayokong tumango. Ayokong aminin sa sarili ko na biktima ako.Hindi pwede. Hindi pwede ‘to. Ang dami ko nang isinakripisyo para matapos lang ang processing ng mga papeles ko. Isang hakbang na lang, eh. Training na lang at makakaalis na ako. Kaonting paghihintay na lang at makakapag-abroad na ako.
“B-Baka nagbakasyon lang po,” sagot ko sa tindera at pilit na ngumiti at ikinubli ang mga luhang nagbabadyang gumulong sa aking pisngi. “H-Hintayin ko na lang po ang update nila.”
“Pasensya ka na, ‘neng, pero na-scam ka. Sa totoo lang ay hindi ikaw ang unang taong nakita kong pumunta rito ngayong araw. Lima na yata ang umuwing dismayado at luhaan,” paliwanag niya sa akin at muling napailing.
Hindi na ako nakapagsalita. Tuluyan nang gumulong ang mga butil ng luha sa aking pisngi. Pero hindi pa rin ako sumuko. Sinubukan ko pa ring tawagan ang contact number nila at nagbakasakaling may sasagot.
Bawat subok ko ng tawag ay nanunumbalik sa akin ang mga pinagdaanan at mga sinakripisyo ko para matapos lang ang processing mula sa pagkuha ng passport, medical, at kung ano-ano pang proseso. Naisip ko rin ang sakripisyo ng mga magulang ko; ang mga napag-usapan naming mga pangarap nila kapag nakapag-abroad na ako.
Napaupo na lang ako sa gilid ng opisina ng agency habang yakap-yakap ang mga tuhod ko at patuloy pa rin sa pagtawag sa kanila.
Hindi pwede. Hindi pwedeng ganito na lang.
“Sumagot kayo, please…” bulong ko at kinagat ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong umiyak. “Please…” Hindi ko na napigilan ang sarili ko at napahagulgol na ako.
Paano na ‘to?
Ano na ang gagawin ko?