Kabanata 6
Hindi ako mapakali habang tinatapos ko ang mga gawain ko. Hindi mawala-wala sa isipan ko ang sinabi sa akin ni Sir Alonzo. Hindi ko alam kung bakit kailangan niya akong papuntahin sa kwarto niya nang gabi. Kung kakausapin niya lang ako, pwede namang ngayon na lalo na’t wala akong ibang ginagawa kundi ang magbantay sa anak niya na kasalukuyang mahimbing na natutulog.
Napabuga na lang ako ng hangin bago napatitig sa mukha ni Uno. Payapa ang kanyang mukha at kaylalim ng bawat paghinga. Kung tititigan mo ay mapapansin mo talagang hindi ito nagmana sa ama. Marahil nakuha nito ang mukha ng ina na hindi ko alam kung nasaan. Dahil sa pamamalagi ko rito ay ni kahit saglit ay wala akong nahagilap na ibang babae bukod sa mga kasambahay.
Iyong nakita ko kanina, sigurado akong hindi ‘yon ang nanay ni Uno. Masyado pang bata ang babaeng ‘yon. Mga nasa mid-twenty’s pa yata. At sigurado naman akong hindi tatratuhin nang gano’n ni Sir Alonzo ang babaeng ‘yon kung ‘yon nga ang ina ni Uno.
Isa pa sa palaisipan sa akin ay kung bakit hindi nagsasalita ang bata. Wala naman siguro siyang kapansanan, dahil kung meron man, hindi kagaya ko ang magbabantay sa kanya kundi isang nanny na may kaalaman sa sign language.
Tiningnan ko ang oras at mag-a-alas singko pa lamang nang hapon. May tatlong oras pa bago ako pupunta sa kwarto ni Sir. Hindi ko talaga alam kung ano ang sadya niya. Ayoko ring magsabi sa ibang katulong dahil baka iba ang isipin nila at magbago pa ang tingin nila sa akin.
Maya-maya pa ay nagsimula nang gumalaw si Uno at ‘di nagtagal ay nagising na. Doon ko lang napansin na kayganda pala ng mata ng bata. Nangungusap. Parang anghel. Panigurado akong maganda ang inang pinagmanahan nito.
Hindi ko alam kung paano siya kakausapin. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. “Uno, are you hungry?” iyon na lang ang nasabi ko.
Pero tumingin lang siya sa akin sabay turo sa pinto.
“Do you want to go out?” inosenteng tanong ko.
Mariin siyang umiling saka nangunot ang noo niya. Muli niyang tinuro ang pinto nang ilang beses pagkatapos ay ako naman ang itinuro niya.
“Gusto mo akong lumabas?” tanong ko at mabilis siyang tumango.
“Pero walang magbabantay sa ‘yo,” angal ko pero mas kumunot ang noo niya saka siya kumuha ng unan at ibinato sa akin.
Napangiwi ako at walang nagawa kundi ang umalis. Paglabas ko ay umupo na lang ako sa gilid ng pinto dahil hindi ko naman alam kung saan ako pupunta, at para mabantayan ko pa rin si Uno dahil baka kung ano ang gawin niya.
Maya-maya pa ay dumating si Marie na may dalang laundry basket at nadatnan akong nakaupo lang sa gilid ng pintuan ng kwarto ni Uno. Mabilis siyang lumapit sa akin at bakas ang pag-aalala sa mukha niya. “Anong ginagawa mo riyan, Ligaya? Nag-tantrums na naman ba si Uno?”
Alanganin akong tumango bago sumilip sa kwarto ng bata. “Hindi pa siguro komportable sa akin,” tugon ko sa kanya. “Normal lang naman siguro na maging mailap siya sa akin.”
“Nako, kahit pa magtagal ka nang isang taon siguro dito, ‘di na magbabago ‘yang batang ‘yan,” aniya at nailing na lang. “Iyang ugali niyang ‘yan ang rason kung bakit walang nagtatagal na nanny sa kanya.”
Mahina akong tumango. “Gano’n ba?” tanging naisagot ko na lang dahil hindi ko rin naman alam kung ano ang sasabihin sa kanya.
Ayoko ring pangunahan ang panahon. Hindi ko naman alam kung ano talaga ang dahilan ng ganoong ugali ng bata. Siguro kailangan ko lang talagang lawakan nang husto ang pang-unawa at pasensya ko. Malay natin, baka kapag naintindihan ko kung saan siya nanggagaling ay baka matutunan ko na rin kung paano siya pakisamahan.
“Nga pala, pwede mo nang dalhin si Uno sa dining dahil usually mga 6:00 PM siya kumakain ng dinner,” sambit ni Marie sa akin bago siya pumasok sa kwarto ng bata.
Tumango lang ako at pinuntahan ang bata. Matalim ang tingin nito sa akin pero hindi ako nakaramdam ng kahit na anong takot. “Uno, let’s go? Time to eat dinner.”
“Uno, follow your nanny. Your daddy will get mad,” may pagbabantang sabi ni Marie habang inilalagay sa laundry basket ang mga maruruming damit ng bata.
Napansin ko ang mabilis na pagbabago sa ekspresyon ng bata. Mula sa matatalim niyang mga titig ay nanlambot ito at nabahiran ng takot. Ni hindi ko na siya kinailangang sabihan pa na bumaba dahil siya na mismo ang lumabas sa kwarto niya.
“Gano’n lang, Ligaya. Takutin mo lang ‘yang batang ‘yan; gamitin mo ang pangalan ng daddy niya at susunod ‘yan sa ‘yo,” sabi sa akin ni Marie at ngumisi.
Tanging tipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya bago ko sinundan ang bata. Hindi ko masabi sa kanya na hindi ako pabor sa ginawa niya. Hindi niya pinasunod ang bata. Tinakot niya ito. Kung gano’n nila tratuhin ang bata, marahil iyon din ang rason kung bakit tila mailap ito sa mga tao, lalong-lalo na sa mga kasambahay.
Pagkababa ko ay nadatnan ko si Uno na nakaupo na sa dining area at mukhang naghihintay na ng hapunan. Pero nang tingnan ko ang oras ay halos may isang oras pa bago mag-alas sais. At pansin ko ang pagtingin niya sa sala na para bang gusto niyang pumunta roon.
“Wanna go there?” tanong ko sa kanya. “Matagal pa naman bago ka mag-dinner. I will take you there if you want,” nakangiting dagdag ko.
Tumingin siya sa akin at mabagal na tumango.
Napangiti ako sa tugon niya bago ko inilahad ang kamay ko. “Okay. Let’s go. You wanna watch TV?” tanong ko habang naglalakad kami papunta sa sala.
Umasa akong magsasalita siya pero tanging tango lang ang tugon niya sa akin. Mukhang hindi talaga siya nagsasalita o siguro mas angkop na sabihin na ‘di siya nakakapagsalita. Ayaw ko rin namang itanong kung may kapansanan ba ang bata dahil wala namang kahit na anong nabanggit sa akin.
“Do you want to watch cartoons?” tanong ko sa kanya nang makaupo kami sa sofa.
Kita ko ang pagliwanag ng mga mata niya dahil sa sinabi ko, kaya naman ay agad ko nang binuksan ang TV. Hindi naman na bago sa akin ang ganito ka-high tech na mga gamit dahil nakikita ko naman ito sa mga mall at minsan na ring nakapagtanong sa sales lady kung paano gamitin. Wala lang, hindi naman sa bibili ako, pero bilang inspirasyon lang. Gusto ko rin kasing magkaroon ng mamahalin at high-tech na appliances, hindi lang para sa akin kundi para na rin sa mga magulang ko.
Nang mahanap ko na ang channel na gusto niya ay hinayaan ko na lang siyang manood. Nang tingnan ko siya ay bakas sa kulay kape niyang mga mata ang tuwa. Bahagya pang nakaawang ang maliit niyang bibig habang gumagalaw-galaw ang katawan niya na para bang sumasabay sa kantahan at sayawan ng cartoon characters.
“Hala, Ligaya!” Agad akong napatingin sa may hagdan nang marinig ko ang malakas na boses ni Marie. Dali-dali siyang lumapit sa akin at inagaw ang remote sabay patay ng TV. “Bakit mo pinanood ng TV si Uno?”
Nangunot ang aking noo. “Bakit, ‘di ko ba dapat ‘yon ginawa?” inosenteng tanong ko bago binalingan ang bata na tila dismayadong nakatingin sa nakapatay nang TV.
“Patay na, ‘di ka pa nga pala na-orient,” aniya at nailing na lang. “Bawal na kasing manood ng TV si Uno sa hapon. Umaga lang siya pwedeng manood.”
“Bakit?” Hindi ko maintindihan ang sinabi niya. Ano namang masama kung papanoorin ko ang bata ng TV, eh, wala naman siyang ibang ginagawa at mukhang gusto niya naman.
“Basta ‘yon ang sabi ni Sir Alonzo. Pero hayaan na, mukhang hindi naman niya alam siguro,” aniya bago nagpaalam dahil maglalaba pa siya.
“I’m sorry, Uno,” sabi ko na lang sa bata. “Don’t worry; tomorrow, I will try to wake up as early as possible so we can watch the TV earlier,” pangako ko sa kanya at kahit papaano ay napansin ko ang tuwa sa mga mata niya. Pero mas nangingibabaw pa rin ang pagkadismaya o kalungkutan.
Dinala ko na lang siya pabalik sa dining area at doon na lang hinintay ang paglipas ng oras. Maya-maya pa ay may nakita akong matanda na nakasuot ng apron. Maamo ang kanyang mukha at tila palaging nakangiti ang kanyang mga mata. Tingin ko’y nasa fifty’s na siya. ‘Di ko tuloy maiwasang maalala sila mama at papa sa bahay.
“Magandang gabi ho,” magalang na bati ko sa kanya. Siya na siguro ang sinasabi ni Marie na isa pa naming kasama.
“Magandang gabi rin, hija. Ikaw ba ang bagong nanny ni Uno?” Pati boses niya ay maamo at kalmado. Parang kaybait niyang tao.
“Yes po. Ako po si Ligaya.” Mabilis akong tumayo at inilahad sa kanya ang kamay ko.
“Ako naman si Linda, ang cook ng bahay,” aniya at matamis na ngumiti sa akin.
“Nice meeting you po.”
“Ikinagagalak ko ring makilala ka, hija,” tugon niya. “O siya, balik na muna ako sa kusina at nang maihain ko na ang pagkain ng bata.”
“Sige po.”
——
Akala ko ay ako pa rin ang magbabantay kay Uno hanggang sa makatulog siya, pero hindi pala—si Nanay Linda pala. Sabi niya sa akin na ang trabaho ko ay hanggang sa makakain lang ng hapunan si Uno. Pagkatapos ay siya na raw ang magpapatulog dito.
Mag-a-alas siyete pa lang kaya minabuti kong ayusin muna ang mga gamit na dala ko dahil hanggang ngayon ay nasa maleta ko pa rin ang mga ito.
Matapos ituro sa akin ni Marie ang magiging kwarto ko ay dali-dali na akong pumunta roon. Akala ko nga ay sa iisang kwarto lang kami, ngunit hindi pala. Bawat kasambahay ay may kanya-kanyang kwarto.
Inilabas ko lang sa maleta ko ang mga damit at ibang gamit ko pagkatapos ay dimiretso na ako sa banyo para maghugas ng katawan dahil ayoko namang harapin si Sir Alonzo na nanlalagkit ang katawan.
Hindi ko na naman mapigilan ang pagkabog ng dibdib ko nang maisip ko kung ano talaga ang dahilan ng pagpapunta niya sa akin sa kwarto niya.
Matapos kong maghugas at magbihis ay dumiretso na ako sa kwarto niya. Balak ko pa sanang maghapunan pero kukulangin na ako sa oras kaya mamaya na lang pagkatapos ko siyang puntahan.
Pagkarating ko sa tapat ng pinto niya ay sinigurado ko na munang alas-otso na bago ako kumatok. “Sir? Si Ligaya po ito, ang bagong nanny ni Uno,” malakas kong sabi bago muling kumatok.
Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at ang unang bumungad sa akin ay ang hubad na katawan ni Sir Alonzo kung saan may mga butil pa ng tubig na dahan-dahang tumutulo. Tanging puting tuwalya lang ang suot niya kung saan may kung anong bumubukol sa gitnang bahagi nito.
Agad akong napaiwas ng tingin. “Magandang gabi po, sir,” bati ko sa kanya bago pasimpleng huminga nang malalim nang maramdaman ko ang pag-iinit ng magkabilang pisngi ko.
“Come in,” sambit niya sa malalim na boses bago nilawakan ang awang ng pinto.
Tumango lang ako at hinintay siyang umalis sa mag pinto pero ‘di siya gumalaw, kaya napilitan akong pumasok habang nakaharang siya. Buong ingat akong gumalaw para ‘di ako dumikit sa kanya. Amoy na amoy ko pa ang sabong ginamit niya sa pagligo nang makalagpas ako.
“You sit on the bed,” utos niya sa akin at ‘di ko rin alam kung bakit ko sinunod.
Nanatiling nasa sahig lang ang tingin ko. At nang makita ko ang mga paa niyang until-unting lumalapit sa akin ay doon na nagsimulang kumabog nang malakas ang dibdib ko. Ngayon ko lang napagtanto ang posibilidad na baka may gawin siya sa aking masama.
“Well then, let’s start,” aniya gamit ang malalim niyang boses bago siya mas lumapit sa akin.
“S-Sir…”