Blurb
Gumuho ang mundo ni Ligaya nang malaman niyang na-scam siya ng recruitment agency na pinag-apply-an niya para makapag-abroad sa Middle East. Ang malala pa rito ay naisangla na ng mga magulang niya ang titulo ng maliit na lupain nila sa probinsya para matustusan ang pangangailangan niya sa pagpa-process ng requirements.
Hiyang-hiya siya hindi lang sa pamilya niya, kundi pati sa sarili dahil masyado siyang nasilaw sa mga magagandang salita na sinabi sa kanya ng recruitment agency na inaakala niyang magiging daan upang makaahon sila sa kahirapan.
Dahil hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga magulang ang nangyari ay pinili niyang manatili sa Maynila para maghanap ng trabaho at makaipon ng sapat na pera na ipapantubos niya sa lupain nila at makapag-process ulit ng mga papeles para muling sumubok na mag-abroad.
Dahil sa isang insidente ay napadpad siya sa puder ni Alonzo Luis Silvestre—isang single dad na ubod ng gwapo, matipuno, at mayamang negosyante ngunit ubod nga lang din ng sungit at palaging iritado. Magtatrabaho siya rito bilang nanny ng anak nito.
Unang araw pa lang niya sa trabaho ay naranasan na niya ang hagupit ng sama ng ugali nito. Tila ang init ng dugo nito sa kanya at mas lumala pa ito sa mga sumunod pang mga araw hanggang sa natuto siyang lumaban dito, dahilan para mas lalo itong magalit sa kanya.
Ngunit hindi mapaalis-alis ni Alonzo si Ligaya dahil napalapit na rito ang anak niya.
Nagpatuloy ang bangayan ng dalawa hanggang sa may nangyaring hindi inaasahan—isang makasalanang gabi ang nangyari sa kanilang dalawa. Isang gabing hindi nila malilimutan. Isang gabing nagparanas sa kanila ng kakaibang init at sarap.
Ito na kaya ang maging hudyat ng tuluyang pagbabago ng relasyon nilang dalawa?