"Ate Ashlene, aalis lang ako saglit, ha? Day-off ko po kasi ngayon pero parating na raw si Kuya Jonathan para bantayan ka po.” Nakangiti si Marjorie habang inaayos niya ang nakusot na bedsheet ng pasyente. Katatapos lang niya itong punasan at bihisan. Sinigurado niyang mabango ang hindi pa ring gumigising na pasyente niya bago niya iwanan.
“Sana pagbalik ko po, eh, gising ka na po,” aniya pa na nakangiting nakatingin sa magandang mukha ni Ashlene. “Alam niyo po, Ate Ashlene, mahal na mahal ka pa rin po ni Kuya Jonathan kaya dapat po ay magising ka na po. Sobrang miss ka na po niya.”
Isang linggo na ni Marjorie sa bahay ng kanyang amo na tinatawag niya ngayong Kuya Jonathan. At usapan nilang mag-amo na isang araw sa isang linggo siya magdi-day-off.
“Hello, Kuya, nasaan ka na po? Paalis na po ako ng bahay.”
“Malapit na ako. Pakisara mo na lang ‘yang gate kapag aalis ka na,” sagot ni Kuya Jonathan niya sa tawag.
“Sige po, Kuya.” Tig-isa sila ng susi sa lahat ng parte ng bahay ng kanyang amo kaya wala silang nagiging problema. Hindi na kailangang maghintayan sila.
“Si Ate Ashlene mo? Is she okay?”
“Opo, Kuya. Basta bilisan mo lang umuwi, ha?”
“Oo, in ten minutes nandiyan na ako. You can go now.”
“Sige po, Kuya. Thank you.” At pinatay na ni Marjorie ang tawag pagkuwa’y kinawayan na niya ang paparating na taxi. Hindi naman siya gagala. Uuwi lamang siya sa bahay nila para kamustahin naman ang pamilya niya. Kailangan din niya kasing i-check ang lolo niya. ‘Tsaka upang makita ang Ate JL niya na kakauwi lang galing abroad. Tapos mamayang hapon ay babalik ulit siya sa mga amo.
“Saan po tayo, Ma’am?”
“Commonwealth po, Kuya.”
Dahil hindi naman traffic ay mabilis na narating niya ang bahay nila.
“Kumusta?” Masayang-masaya niyang bungad sa pinto ng bahay nila pagdating niya. Kasalukuyang nag-aalmusal pa lang ang nanay at ang Ate JL niya nang dumating siya.
“Oh, Anak, wala kang trabaho ngayon?” nagtakang tanong sa kanya ni Aling Maribel—ang nanay niya.
“Day off ko po, ‘Nay,” sagot niya sa ina matapos magmano. “Hi, Ate,” pagkatapos ay bati naman niya sa nakakatandang kapatid.
“Kumain ka na,” alok naman ni JL sa kanya. “Buti naman at may day off ka sa bagong work mo na ‘yan. Nakakapagpahinga ka.”
“Mabait po kasi si Kuya Jonathan,” sagot niya sabay hila sa isang upuan saka umupo. Binigyan siya ng nanay niya ng isang plato at nilagyan ng kanin at ulam. Pinapak niya agad iyon dahil umalis siya sa bahay ng kanyang amo na hindi na kumain gawa ng excitement na makauwi.
Nagmadali talaga siya dahil baka hindi na naman niya abutan ang Ate JL niya. Lakwatsera kasi ang kapatid niya mula umuwi ng Pilipinas. Gusto ay laging gumagala. Palibhasa ilang taon itong naburo sa pagde-DH sa Hongkong. Umuwi lang ito ngayon dahil sa lolo nilang na na-stroke.
“Kamusta pala si Lolo?”
“Natutulog pa,” sagot ni Aling Maribel. “Mamaya mo na puntahan at baka iiyak na naman ‘yun kapag makita ka. Kanina nga ay hinahanap ka tapos umiyak nang hindi ka makita. Buti napatahan namin.”
Ganoon na ngayon ang lolo nilang napakabait. Umiiyak na parang bata pero minsan ay matino naman. Kalahati na lang din ng katawan nito ang naigagalaw. Na-mild stroke kasi ang matanda noon habang nagbebenta ng balut sa kalsada.
Sa sobrang kasipagan ng kanilang lolo ay napabayaan na ang sarili para sa kanila. Kaya ngayon ay sila naman ang nag-aalaga rito. Sinikap nga agad ni Marjorie na makahanap ng trabaho para kahit wala na sa abroad ang kanyang Ate JL ay may panggastos sila sa lolo nila.
“Kumusta ang binabantayan mong pasyente?” tanong ng Ate JL niya habang maganang pinagsasaluhan nila ang simpleng almusal.
“Hindi pa rin nagigising, Ate. Naawa na nga ako kay Kuya. Minsan nadadatnan ko po siya sa silid na kay lungkot-lungkot niya habang hawak ang kamay ng asawa niya.”
“Mahirap din pala ma-comatose, ‘no?”
“Oo naman, Ate. Hindi mo alam kung magigising ka pa o hindi na.”
“Kaya nga ini-enjoy ko na ang life ko, eh. Hindi natin alam baka bigla na lang ako kunin ni Lord,” birong wika ni JL.
“Ay, bata ka! Ano bang sinasabi mo?!” saway tuloy ng nanay nila na nahintakutan sa sinabi nito.
Natawa naman si JL.
“Ate, kasi ginagawa mong biro ang mga ganyan.” Napaismid din si Marjorie sa kapatid at nag-knock on the wood.
“Ano ba kayo? Joke lang. Hindi pa ako kukunin ni Lord kasi mag-aasawa pa ako.”
Doon naman kapwa nabigla at nagkatinginan sina Marjorie at Aling Maribel.
“Ang ibig mong sabihin ba niyan, eh, hindi ka na babalik sa Hong Kong, Anak?”
Lumabi si JL saka ngumiti. “Naisip ko kasi, ‘Nay, na nagkakaedad na ako. Siguro panahon na rin para maghanap ako ng lalaking mag-aasawa sa ‘kin. Gusto ko na rin na magkapamilya.”
“Yes!” Bigla-bigla ay nag-apiran sina Marjorie at Aling Maribel. Dati pa kasi nila pinapauwi si JL. Noon pang naka-graduate si Marjorie sa pag-aaral dahil batid naman nila ang hirap nito sa Hong Kong. Gusto naman na nila itong magpahinga na sana sa kakatrabaho. Ang kaso ayaw ni JL. Ngayon lang talaga nila napauwi nang akala nila ay hindi na makakaligtas ang lolo nila sa kamatayan.
“Huwag kang mag-alala at tutulungan kita sa paghahanap, Anak,” anang nanay nila na tuwang-tuwa. Nagkakaedad na kasi si JL. Napag-iwanan na nga ito sa kalendaryo dahil thirty-three years old na.
“Ako rin tutulong ako sa iyo, Ate,” nakataas ang isang kamay na presenta rin ni Marjorie.
Napahagikgik si JL sa over reaction nila. “Hindi ko na kailangan ng tulong dahil may napupusuan na akong lalaki. Nakilala ko na ang The One ko.”
“Hindi nga, Anak? May boyfriend ka na?” Hindi makapaniwala si Aling Maribel. Literal na napanganga pa ito.
“Ang bilis mo namang nakahanap, Ate?” manghang naisatinig din ni Marjorie.
Nangalumbaba sa lamesa si JL. Inalala niya ‘yung araw na may nakabanggaan siyang lalaki sa ospital. Simula niyon ay hindi na niya nakalimutan ang lalaking iyon. Na-love at first sight yata siya sa guwapong lalaki. Actually, noong araw ring iyon ay bumalik siya kung saan niya nabangga ang lalaki. Naghintay siya at umasa na muli niyang makita ito.
Sa kasamaang palad, hindi nangyari. Magkagayunman, naniniwala pa rin siyang muli na magkukrus ang landas nila ng lalaking iyon.
Ang ikinaiinis pa niya’y hindi niya maalala kung ano ang pangalan na sinabi ng lalaki. Sa pagkataranta niya noon para sa kanyang lolo ay nakalimutan niya.
“Luh, in love nga si Ate JL, ‘Nay!” mapanuksong turo ni Marjorie sa mukha ng kanyang Ate JL. Nakangiti kasi si JL na parang lutang.