Chapter 8 - Hapagkainan

1050 Words
Napapansin ko na mas tulog ako sa umaga hanggang hapon. Gising ako tuwing gabi hanggang mag-uumaga na. Akala ko ay ako lang ang ganoon, si Mio at ang kanyang mga magulang din pala. Siguro ay dahil na-adjust ang oras nila sa pagbabantay sa akin. Nauna akong nagising kay Mio kaya naisip ko na lumabas muna ng kwarto para sana tumulong sa pagluluto. Gusto kong mapasaya sila, lalo na si Mio kahit papaano. Dahan-dahan akong lumabas ng kwarto para hindi siya magising. Alam ko namang puyat siya kababantay na makatulog ako. Nakahihiya naman isipin na wala akong naiaambag sa bahay. "Good evening, Ma'am Minlei. Ano po ang gusto ninyo?" bati sa akin ng isa nilang tagapagbantay. "Magluluto lang po sana ako ng dinner kung ayos lang po. Gusto ko po sanang masurpresa sila bago sila magising. May maitulong man lang po ako," nahihiyang sabi ko. "Ay naku, Ma'am Minlei, nakapagluto na po. Pero pwede naman po sigurong magluto ulit kayo pandagdag. Tiyak na kakainin naman po nila iyon," sagot ng tagapagbantay. Excited ako na tumango sa kanya. Sinamahan niya ako papunta sa kusina. Paglapit ko roon ay napansin ko agad na napakaraming stocks ng pagkain. Siguro nga ay dahil mahirap kapag laging umaalis ng isla. Kailangan talagang mag-imbak ng pagkain. "Tutulungan na po namin kayong magbalat at gayat ng gulay na gagamitin po ninyo. Any time po kasi ay magigising na sila. Para po makahabol kayo," pagmamagandang loob ng kanilang chef. Hindi na ako tumanggi at hinayaan sila. Nagulat na lang ako na may alam akong lutuin pero nakalimutan ko ang tawag. Sa ginagawa ko ay parang alam na ng chef ang aking iluluto. Natapos kami nang hindi ko namamalayan ang oras. Tumulong na rin ako sa kanila sa paghain ng mga pagkain na niluto nila. Iginitna nila ang niluto ko para agad daw na mapansin. "Ma'am, gising na raw po sila Sir Mio. Mukhang hinahanap ka po. Sabihin po ba namin na narito ka?" tanong ng tagapagbantay. "Sige po. Wala rin naman po kayo roon kaya tiyak na alam niyang binabantayan po ninyo ako. Kakain na rin po kamo. Salamat po talaga," sagot ko. Tumungo na siya sa labas. Narito ako ngayon sa may dining room, hinihintay silang makarating dito. Excited na ako sa magiging reaction nila. Malakas naman na ako at pwedeng-pwede tumulong sa mga gawaing bagay. Hindi naman nakasama sa akin ang pagluluto. "Minlei?" nag-aalalang tawag ni Mio. Kasunod na rin niya sila Tita Michie at Tito Geo. "Good evening po sa inyo," masayang bati ko sa kanila. "Tara po, kumain na po tayo. Nagluto po sila ng masasarap na pagkain, dinagdagan ko lang po ng isang putahe." Talagang dumiretso ang tingin nila sa aking iniluto. Alam agad nila kung alin ang naiiba ah? Hindi ba sila sanay sa ganitong pagkain? Panay gulay? "Pinag-alala mo ako. Hindi ko man lang naramdaman na umalis ka sa aking tabi. Narito ka pala, naghanda ng mga pagkain. Maraming salamat sa effort, aking mahal," saad ni Mio, sabay ngiti sa akin nang makahulugan. Hinalikan niya ako sa noo bago siya umupo sa aking tabi. Nakita ko na nakangiti rin ang kanyang mga magulang habang nakatingin sa amin. Nakatutuwa naman na parang botong-boto talaga sila sa akin para sa anak nila. Sa sobrang sipag ko ay pinaglagyan ko na rin ng mga pagkain si Mio sa kanyang plato. Ako na rin ang naglagay ng niluto kong pagkain sa extra na plato nila Tita Michie. "Amoy pa lang ay mukhang masarap na ah. Paano mo naalala ang pagluto ng chopseuy? Tinuruan ka ba ni Chef?" ika ni Tita Michie. "Naku, Ma'am Michie, siya po mismo ang nagluto niyan. Hindi ko po siya tinuruan. Sadyang tanda niya step by step ang pagluto. Siguro ang skills sa pagluluto ay hindi niya nakalimutan," sagot ni Chef. Nahihiya akong napakamot sa aking ulo. Basta na lang din talaga ang aking kamay sa pagpili ng mga gulay. Baka nagkataon lang na tama ang ginagawa ko. "Hindi ko nga rin po alam ang tawag sa ginawa ko. Chopseuy po pala iyan na panay gulay. Sana po ay magustuhan ninyo ang munting niluto ko," nahihiya kong sabi. "Don't worry, Minlei, kahit ano pa ang lutuin mo ay kakainin namin, kahit ano pa ang lasa niyan," pagbibigay motibasyon at ngiti ni Mio sa akin. Agad niyang isinubo ang kutsarang may laman ng aking niluto. Nakatingin lang ako sa kanya para masaksihan mismo ang reaction niya. Bigla siyang ngumiti at halata ang bakas sa kanyang itsura na nagustuhan niya ang aking iniluto. "Masarap siya! Ikaw pa rin talaga ang Minlei na magaling at masarap magluto. Hindi na ata mababago sa iyo iyon kahit anong mangyari," puri ni Mio sa aking iniluto. "Totoo ba? Buti naman at nagustuhan mo?" mangiyak-iyak na sabi ko. Hindi ko kasi akalain na magagawa ko iyon. "Titikman ko rin para sigurado." Kinuha ko ang aking kutsara para tikman ito. Hindi ko kasi ito tinikman kanina. Gusto ko kasing si Mio ang unang makatikim ng aking niluto. Nanlaki ang aking mga mata. Masarap nga siya pero may something na kulang. Parang mas maganda sana kung nilagyan ko ito ng meat. Parang ayoko pala ng purong gulay. Bakit kaya parang nag-iba ang aking panlasa? "Wow! Okay naman pala ang aking putahe. Kulang lang sa meat. May meat naman diyan na pwedeng i-partner sa aking gulay," natatawa kong sabi. Sinubukan naman ng mga magulang ni Mio ang aking niluto. Sinabayan nila ito ng grilled steak. Natuwa ako nang parang gustong-gusto nila ang lasa nito. "Masarap nga. Walang duda na magaling ka talagang magluto noon pa man, Minlei. Isa iyan sa nagustuhan sa iyo ng aming anak," puri ni Tito Geo. Nakatataba ng puso kapag mismong ang mga magulang din ni Mio ay sinasabi ang ganyang kataga. Tanggap na tanggap nila ako noon, lalo na ngayon. Hindi ako nagkamali ng lalaking pinili. Masaya ako na si Mio ang aking naging kasintahan. Parang pagsisisihan ko kapag naghiwalay pa kami. Sobrang perpekto na siya para sa aking paningin at wala na akong ibang hihilingin pa. "Ang seryoso mo namang makatingin," natatawang sabi ni Mio. "Nare-realize ko lang kung gaano ako kaswerte na makasama kayo. Sobrang buti ninyo sa akin kahit anong mangyari. Malaki ang pasasalamat ko sa pagkupkop ninyo sa akin. Ang swerte ko na ikaw ang naging boyfriend ko," diretsong sabi ko sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD