Chapter 15 - Munting Alaala

1200 Words
Nakatingin ako kay Minari at Mio na nakatingin lang sa malayo. Hindi pa nila alam na narito ako, nakatanaw sa kanila. "Totoo ang nararamdaman ko sa iyo noon, pero nang nalaman ko na may kakaiba na sa inyo ni Minlei, sinubukan kong pigilan ang damdamin na iyon. Na-realize ko na mas mahal ko ang aking kapatid. Pasensya na kung isa ako sa naging pabigat sa inyo noon," saad ni Ate Minari. Napatakip ako ng aking bibig para mapigilan ang sarili sa pagsinghap. Si Ate Minari ay may gusto kay Mio noon? "Pasensya na rin, Minari, kung hindi ko kayang suklian ang pagmamahal mo noon. Hindi ko rin naman akalain na mahuhulog ako kay Minlei. Hindi ko maitatanggi na kakaiba siya. Alam kong mali ang mahulog sa kanya noong una, pero hindi ko pa rin napigilan ang nararamdaman ko para sa kanya," sagot ni Mio, hindi pa rin tumitingin kay Ate Minari. Nagpapabalik-balik lang ang tingin ko sa dalawa. Naguguluhan na naman ako. Ang hirap makarinig ng mga usapin tungkol sa nakaraan. Paano naging mali ang mahulog sa akin noon? Si Ate Minari ba dapat talaga ang para sa kanya at hindi ako? Alam kong dapat maging positibo lang para sa kinabukasan, pero bakit parang nasasaktan ako sa thinking na mayroon silang nakaraan? "Naiintindihan kita. Sino ba namang hindi mahuhulog sa kanya? Kaya nga karibal mo rin si Kaliex at Denver e. Nga lang, ikaw din talaga ang minahal niya." Dama ko ang malungkot na tono ni Ate Minari. Kaya ba hindi siya makalapit masyado sa akin ay dahil awkward para sa kanya? Sino naman kaya si Kaliex at Denver sa buhay ko? "Gustong-gusto niya noon si Kaliex. Hindi ko rin alam kung paano nahulog sa akin si Minlei. Isa pa, lagi niya rin nakakasama si Denver. Mabuti na lang talaga, mas pinagkatiwalaan niya ako," wika ni Mio na para bang inaalala ang nakaraan. "Tagal mo rin binuo ang tiwala niya sa iyo. Sa ngayon, focus muna tayo sa kaligtasan ng bawat isa. Kung kinakailangan dagdagan ang security, gawin natin," wika ni Ate Minari. Ano ba kasi talaga ang banta sa buhay namin? Iyon bang mga low class vampires at ang patuloy na gumagawa nito? "Nakabantay naman kami. Mas delikado kung magdadagdag ng bantay. Pangako ko na aalagaan kong mabuti ang iyong kapatid," saad ni Mio. Tinapik-tapik niya pa ang balikat ni Ate Minari. Tanong niya, "Kamusta ka naman ngayon?" Napatingin si Minari kay Mio. May pinapahiwatig talaga ang kanyang mga mata. "Ito, nasa moving on stage pa rin," sagot ni Ate Minari na ikinagulat ko. "Hindi, biro lang. Okay naman ako. Busy na nga lang sa trabaho." Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko ay nasasaktan pa rin siya na kami na ni Mio. Ang hirap naman ng aming sitwasyon, nagkagusto sa iisang lalaki lamang. "Salamat sa pagiging supportive mo sa amin ni Minlei. Alam ko kung gaano mo pinrotektahan si Minlei noon. Halos lahat ng galaw mo ay alam ko rin. Malaki ang pasasalamat ko sa mga nagawa mo noon. Sana kapag nakaalala na siya, ma-appreciate niya ang mga efforts mo para sa pamilya ninyo," wika ni Mio. Napapansin ko na talaga na medyo kabado sila kapag nakaalala ako. Bakit? May nangyari ba na hindi ko nagustuhan noon? Imbis na ayos na sa akin na huwag maalala ang nakaraan, mas naging curious pa tuloy ako. "Mas uunahin ko talaga ang pamilya, Mio. Kahit na hindi kami magkapatid sa ina, parang buong kapatid pa rin ang turing ko sa kanya. Alam kong mali ang ginawa ko na pagtago sa mga magulang namin at palabasin na patay na sila. Naiwan mag-isa si Minlei sa murang edad. Hindi naman nawala ang tingin ko sa kanya. Sobrang hirap ng mga pinagdaanan niya dahil sa pagkuha ko sa mga magulang niya," malungkot na sabi ni Ate Minari. Nakaramdam ako ng kakaibang kirot sa aking ulo. Akala ko kapag bampira ay hindi nakararamdaman ng sakit. Anong nangyayari sa akin? Sa tuwing may nalalaman ako, sumasakit na ang aking ulo. Ganito ba kalakas ang epekto ng nakaraan sa akin? "Iyan ang hindi ko agad in-expect noon. Akala ko talaga ay patay na sila. Magaling ang ginawa mo. Nga lang, kung ako ang nasa kalagayan ni Minlei, masasaktan din talaga ako. Naghihiganti siya dahil akala niya patay na ang kanyang mga magulang. Pero ang mahalaga ay nailigtas mo sila sa pagsabog." Nakatingin na ngayon si Mio kay Ate Minari. Lalong kumikirot ang sakit sa aking dibdib. Gusto kong ipagdamot si Mio pero anong karapatan ko? Nag-uusap lang naman sila. At ano ang nangyaring pagsabog noon? May gusto ba talagang pumatay sa pamilya namin noon pa man? Bakit tinatago ni Ate Minari ang aking mga magulang sa akin? Isa ba iyon sa pagiging malayo ang loob niya sa akin? "Natakot lang kasi ako na baka kapag lumabas na buhay sila, patayin ulit sila. Si Minlei, alam kong kaya niyang mag-isa kaya ko rin iyon nagawa. Isa pa, hindi alam ng mga bampira na may anak sila Dad at Tita. Inilihim din naman nila si Minlei dahil nga sa banta ng buhay nila," paliwanag ni Ate Minari. Lalo lang akong naguguluhan. Bakit ganiyan siya magsalita? Hindi ba siya bampira? Napaupo ako sa sahig kaya napalingon sila sa akin. Malakas ang tunong nang pagbagsak ko kaya rinig na rinig nila iyon. Hindi ko na kinakaya ang aking mga nalalaman mula sa kanila. Sobrang sakit ng aking ulo. "Mom! Dad!" sigaw ko nang malaman ang balita na may nang-ambush sa meeting nila. Tama ang aking masamang kutob, hindi ko na sana sila pinaalis. Yakap-yakap ko ang larawan namin. Ayaw tumigil ng aking mga luha. Para akong paulit-ulit na sinasaksak sa puso. Hindi ko matanggap na wala na sila. Mag-isa na lang ako. Paano na ako? Hindi ko kaya na wala sila. May isang lalaking nagbigay sa akin ng panyo. Pag-angat ko ng aking paningin ay parang lumiwanag ito. Napailing ako sa aking naiisip. Mas lalong sumasakit ang aking ulo. Alaala na ba ang mga iyon? Sino ang lalaking laging nasa tabi ko noon? "Minlei, anong nangyayari? Anong masama sa pakiramdam mo?" nag-aalalang tanong ni Ate Minari. Naramdaman ko na binuhat ako ni Mio. Dinala niya ako sa kanyang kwarto at dahan-dahang ibinaba sa kama. "Magpahinga ka muna, Minlei. Sobrang putla mo lalo," saad ni Mio. "Sumasakit ang aking ulo. Parang may mga alaalang bumabalik sa akin pero hindi pa siya ganoong kalinaw," saad ko. Nagkatinginan si Ate Minari at Mio. Nag-uusap ang kanilang mga mata. Alam kaya nilang nakikinig ako kanina? "Bigla na lang akong bumagsak. Hindi ko na-control ang aking sarili. Medyo umaayos naman na ang pakiramdam ko. Huwag na kayo masyadong mag-alala sa akin. Huwag ninyo na lang din ito sabihin kila Mom at Dad, ayokong mag-alala sila," saad ko para hindi na sila magtanong pa. "Mabuti naman at ayos na ang pakiramdam mo, Minlei. Pinag-alala mo ako," kabadong sabi ni Ate Minari. "Bakit ba ito nangyayari sa akin? Akala ko kapag bampira ay walang ganitong mararamdaman? Pasensya na sa mga tanong ha? Sobrang curious na talaga ako sa totoong ako," mahinang sabi ko. Wala ni isa ang makasagot sa aking tanong. Inaasahan ko na rin ito mula sa kanila. Hindi pa talaga sila handa sabihin sa akin ang katotohanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD