Chapter 32 - Muling Pagkikita

1404 Words
Nakaabang ako sa may main door ng bahay. Tsaka na ako lalabas kapag sigurado akong nariyan na si Kaliex. Excited na akong makita siya. Malaki na rin kasi ang gap namin noon. Ang totoo pala ay pinoprotektahan niya lang din ako. Marami akong gustong sabihin sa kanya. Sana ay mapatawad niya rin ako sa lahat ng aking mga nagawang kasalanan sa kanya. Ako lang din naman ang nagtulak sa kanya papalayo noon dahil sa selos kay Minari. Biglang nag-ring ang aking cellphone. Nagsabi na si Kaliex na nasa labas na siya kaya nagmadali akong lumabas sa pintuan at nanakbo papuntang gate. Pagbukas ko ay tumambad na sa harapan ko ang kanyang kotse. Pagkapasok niya ay agad ko ring isinarado ang gate. Sumunod na ako sa parking area para salubungin siya. Napakagat ako ng aking labi. Hindi ko sukat akain na magiging okay na kami ngayon, magkaibigan na ulit. Alam kong maiintindihan niya kapag nalaman niyang isang bampira na ako. Natanggap din naman agad ni Minari at ng aking mga magulang. Basta buhay ako ay ayos na ayos na sa kanila. "Kaliex!" excited na sabi ko nang lumabas siya sa sasakyan. Yumakap agad ako sa kanya nang mahigpit. Siya naman ay tulala at parang hindi pa rin makapaniwala na nasa kanyang harapan na ako. Hinawakan niya ang balikat ko at inilayo ako sa kanya para matitigan ako nang mabuti. Pigil tawa tuloy ako kasi nalilito na siya. "Totoo ba ito? Ikaw ba talaga iyan, Minlei?" naluluhang tanong ni Kaliex. Tumango ako bilang kumpirmasyon. Siya na ngayon ang yumakap sa akin. Ramdam kong miss na miss na rin niya ako. Wala kaming magandang closure noon nang hindi ko na siya pinapansin. Tama lang pala na hindi kami dumating sa puntong iyon. Ayoko siyang mawala bilang kaibigan ko. "Hindi ako makapaniwala na buhay ka pa at ngayon ay muling nasa bisig ko na. Marami pa tayong pag-uusapan at gusto kong ihingi ng pasensya sa iyo. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin na nawala ka nang wala rin akong nagawa para ipagtanggol ka." Hinaplos niya ang aking buhok nang dahan-dahan. Bawat galaw niya ay maingat. "Mas maganda kung sa loob na tayo ng bahay mag-uusap. Mahirap na kung may makarinig o makakita sa atin dito," pag-agap ko. Hinila ko na siya papasok sa bahay. Masuri ko ring ini-lock ang pintuan at tiningnan muli ang mga bintana kung nakasarado. Naninigurado lang ako na walang ibang makapapasok dito. Matibay ang pundasyon ng bahay, pati na rin ang mga bintana at pintuan. Hindi ito basta-basta masisira ng tao at bampira. "Kailan ka pa narito, Minlei?" tanong ni Kaliex. "Kahapon lang. Gabi na rin ako nakarating kaya wala rin masyadong nakakita sa akin. Akala ko nga ay may nakatira pa rito, wala na pala," sagot ko sa kanya. "Matagal nang umalis ang mga tauhan mo rito. May kani-kanila na silang buhay at iniwan na ang pagiging hunter. Kinuha na rin ni Denver ang pinaka-head Scientist ninyo. Kamag-anak niya pala iyon. Gusto na rin nilang magkaroon ng normal na buhay kasama ang bunso niyang anak," kuwento ni Kaliex. Masaya ako para sa kanila. At least ay makapagpapahinga na sila sa gulong ito. Ako na talaga ang tatapos ng hidwaan sa dalawang nilalang. Pero ang pinagtataka ko, ang kinuwento ng isang bodyguard tungkol sa clan ay parang may nagpapatakbo pa rin dito. "Kung ang mga narito ay tumiwalag na sa clan, ano iyong nabalitaan ko na mayroon pa ring VHC at hindi na nila pinaniniwalaan sila Mom at Dad? Ako lang ata ang paniniwalaan nila kung nabubuhay pa raw ako?" kuryosong tanong ko. "Ako ang nagpapatakbo ng clan ngayon, Minlei. Hindi ko naman binitawan ang clan nang malipat sa amin ni Minari ang katungkulan. Nakalulungkot lang na iniwanan na rin kami ni Minari. Ayaw na raw niyang maging involved sa pagpatay sa mga bampira. Siguro nga ay dahil na rin na nalungkot siya na ayaw nang magtiwala ng ilang miyembro sa mga magulang ninyo," paliwanag niya. Napatulala ako sa kanya. Kung siya ang leader ngayon, tama ba na sabihin ko sa kanya na isa na akong bampira? Natatakot ako na baka hindi niya matanggap kung sino ako ngayon. Ayokong isipin niya na kalaban ako. "Akala ko ay naniniwala kayo ni Minlei na may mga mabubuting bampira? Anong nangyari? Pumapatay kayo?" nagtatakang tanong ko. "Naniniwala ako na may mabubuting bampira. Kaya nga gusto namin ni Minari noon na makuha ang posisyon mo ay para baguhin ang pananaw ng mga miyembro. Ang hirap kasi na ikaw mismo ay malaki ang galit sa lahat ng mga bampira. Ganoon na rin ang naging thinking nila. Kaya ito, nagsusumikap pa rin akong ipaliwanag sa kanila kung nalilito man ulit sila," paliwanag ulit sa akin ni Kaliex. Ngayon ay mas naiintindihan ko na ang pakay niya sa clan. Akala ko ay gusto lang talaga nila akong agawan ng posisyon, may magandang rason pala. Nakakokonsensya rin naman na wala akong naitulong sa kanila. "Bakit kasi hindi ninyo ipinapaliwanag sa akin noon ang mga balak ninyo? Baka sakaling naintindihan ko pa," pagtatampong tono ko sa kanya. Pinisil niya ang aking pisngi sabay ngiti. Sagot niya, "Malaki ang galit mo noon. Ikaw iyong tipo ng babae na hindi makikinig sa iba kapag buo na ang loob sa desisyong ginawa. Gusto man kitang kausapin noon, pinagtatabuyan mo naman ako." "Nakukunsensya tuloy ako. Ang dami talagang mga inosenteng bampira na nadamay dahil sa galit ko. Naiintindihan ko kung maraming may ayaw sa akin at gusto akong gantihan," malungkot na sabi ko habang nakatulala sa kisame. "Bago man may mangyari sa aking masama, gusto ko sanang mapag-ayos na ang dalawang angkan. Iyon ang purpose kung bakit pa ako nabubuhay." "Natutuwa ako na nagbago na pala talaga ang pananaw mo sa mga bampira. Tandang-tanda ko pa na humingi ka ng sorry sa lahat bago ka tuluyang nawala sa amin. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Basta kinuha ka nila Mio at sumunod sila Minari. Nanatili na lang ako sa Academy para tumulong sa ibang naiwan. Teacher kasi ako kaya hindi ako basta-basta makaaalis at sa iyo susunod," wika niya. "Naiintindihan ko iyon, Kaliex. Tama ang ginawa mo para na rin makuha ang loob ng mga bampira. Tutulong ako sa pagkakaisa. Kung ako ang nagpalala ng gulo noon, ako na rin ang tatapos. Hindi ko lang alam kung paano ko iyon gagawin. Basta desidido na ako at hangad ko ang kapayapaan ng bawat isa," saad ko. Muli niya akong niyakap. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Kaibigan na lang talaga ang tingin ko sa kanya kahit na may pagtingin ako sa kanya noon. Si Mio talaga ang aking mahal at sobrang hirap nang kalimutan ang pagmamahal na ito. "Bakit wala akong naririnig na t***k ng puso mo?" kabadong tanong ni Kaliex. Iniharap niya ako sa kanya Humawak siya sa aking palapulsuan at pinakinggan kung may tumitibok doon. Napakagat ako ng aking labi. Sana ay hindi siya magalit kung sakaling malaman niya na isa na ako sa kinamumuhian ko noon. Siguro ito na ang pinakakarma sa lahat ng mga masasamang ginawa ko noon. "Kung hindi ako naging bampira, wala na siguro ako sa mundong ito. Patay na sana ako kaso ginawa ata ni Mio ang lahat para mabuhay ako. Lagpas anim na buwan akong walang malay. Nang nagkamalay ako ay wala rin akong naaalala. Noong nakaraan lang din muling bumalik ang mga alaala ko. Kaya nagawa kong tumakas, hindi ko inaasahan na darating sila Chelly," kuwento ko sa kanya. Napatungo ako. Kung ayaw niya sa akin dahil naging bampira ako, ayos lang naman, Tanggap ko kung ano ang magiging tingin nila sa akin. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaction ni Den, Minzy at Denver. Inangat niya ang aking paningin sa kanya. Hindi ko na maiiwas ang tingin ko kaya pinanindigan ko na lang ang diretsong pagtitig sa kanya. "Kahit ano at sino ka man, tanggap kita, Minlei. Kaibigan kita at sobrang espesyal mo sa akin. Kung bampira ka na, walang problema sa akin. Mas mahalaga na buhay ka at nagbabagong buhay na may magandang pananaw na. Proud na proud ako sa katapangan mo. May rason kung bakit ka napunta sa ganiyang sitwasyon. Baka ikaw ang sagot para maisaayos na ang dalawang panig. Naniniwala ako sa iyo," malambing na tono niya. Halos maluha ako sa kanya. Ang sarap sa pakiramdam na tanggap ako ni Kaliex kahit anong mangyari. Maswerte ako na muli kaming nagkita. Napakabuti niyang kaibigan kahit marami akong ginawang kasalanan sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD