#BYAHBook2_InHisArms
EPISODE 1
“Hoy!”
Naalimpungatan ako at kaagad na nagising ng maramdaman kong may bahagyang sumipa sa aking tagiliran. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at tumingala sa taong sumipa sa akin. Nakita ko si Howard na nakatayo malapit sa akin. Walang suot na damit pangtaas at tanging tuwalya lamang ang bumabalot sa ibabang bahagi ng katawan nito na siyang nakatapis rito.
“Bakit ka diyan natutulog?” malamig ang boses na tanong nito. Nakakunot ang noo at magkasalubong ang kilay na nakatingin sa akin.
“Ah…” wala akong maisagot. Hindi ko naman kasi namalayan na nakatulog ako rito sa pagkakaupo sa tabi ng pintuan ng kwarto namin ni Howard.
Lalong nangunot ang noo at nagkasalubong ang magkabilang kilay ni Howard.
“Nawalan ka na ba ng dila at wala kang maisagot sa akin?” sarcastic na tanong nito.
Hindi na naman ako nakapagsalita. Ewan ko ba, sa tuwing makakaharap ko na si Howard, natatameme ako at the same time, nakakaramdam ng takot. Hindi ko nga alam kung kailan ba ako naging ganito kaduwag.
“Who’s he?” tanong ng lalaking hindi ko kilala na hindi ko napansin na nasa likod pala ni Howard. Ito iyong lalaking kalaro ni Howard kanina sa kama. Infairnes naman, gwapo ito, matangkad, maganda ang katawan dahil katulad ni Howard, nakahubad ito at nakatapis lamang ng tuwalya kaya nakikita ko ang ganda ng katawan nito, isa pa, mestiso at parang may lahi. Marahil ay nakilala ito ni Howard sa isang bar na lagi nitong pinupuntahan bago umuwi rito sa amin. Kahit naman kasi nasa Davao kami at masasabing probinsya na ito, may mga high end bar pa rin naman na matatagpuan rito. Lihim akong napabuntong-hininga, isa pa iyan sa mga pinagbago ni Howard, mahilig na itong gumimik at pumunta sa bar at makipag-flirt sa iba.
Napatingin naman si Howard sa lalaki. Napa-smirk. Muli itong napatingin sa akin.
“Yaya ko…” sagot nito sa tanong ng lalaki.
Napayuko ako. Napahawak ako sa aking palasingsingang daliri kung saan naroon ang wedding ring na ibinigay sa akin ni Howard nung kami’y ikasal. Napakagat ako sa aking labi at pinipigilang maluha. Ako? Yaya? Alila? Di ba asawa niya ako? Ang sakit naman.
“Talaga? Ang tanda mo na Howard may yaya ka…”
“Shut up!” may diin na sabi kaagad ni Howard na nagpatigil sa pagsasalita ng lalaki.
“Ok…” sabi ng lalaki na nangingiti-ngiti lang. “Pero infairnes naman sayo… ang galing mong pumili ng yaya… gwapo at may…”
“Can you please shut your mouth! Ang daldal mo…” galit ng sabi ni Howard habang nakatingin na sa lalaki.
Napangiti lang ang lalaki at tumigil na sa pagsasalita. Parang hindi nito pinansin ang galit ni Howard.
Nang mahimasmasan ako at pinilit tanggapin sa sarili ang sinabi ni Howard ay tumingala na ako. Nakita kong nakatingin na pala sa akin si Howard. Grabe, parang yelo ang mga mata nito sa sobrang lamig ng tingin niya sa akin.
“Oo nga pala… Pupunta ako sa Manila mamaya to check our restaurants there saka para kumustahin na rin roon si Tristan…Ikaw… Maiwan ka rito para magbantay rito...” malamig na sabi nito sa akin.
Napatango na lamang ako. Wala naman akong magagawa kundi sumunod di ba.
“As I said earlier… magbantay ka rito hindi iyong malalaman kong gagala ka sa kung saan-saan at makikipaglandian sa iba… Kilala mo ako Khiro… marami akong mga mata na nakatingin sayo kaya oras na may malaman ako at hindi mo sundin ang sinabi ko… mananagot ka sa akin… Maliwanag ba?” mahabang sabi ni Howard. May diin ang bawat salita nito.
Napatango na lamang ulit ako.
“Oo nga pala, ipaghanda mo kami ni Victor ng pagkain at nagugutom kami… Sarapan mo huh…” sabi ni Howard at bigla na itong naglakad patungong living room. Sumunod naman rito ang lalaking Victor pala ang pangalan.
Naiwan ako ritong nakaupo pa rin. Napayuko. Napabuntong-hininga.
- - - - - - - - - - -
“PUCHA! PAGKAIN BA ITONG PINAPAKAIN MO SA AMIN HUH!!!” malakas na sigaw ni Howard sa akin. Tapos na akong magluto at kasalukuyan na nilang tinitikman ang luto kong menudo at kanin ng biglang sigawan na nga ako ni Howard. Nanlalaki pa ang mga mata nitong nakatingin sa akin habang nakaupo sa upuan na nasa hapag-kainan. Si Victor naman ay nakita kong napangiwi ng matikman ang luto ko pero hindi naman ito nagsalita. Nakaupo naman ito sa upuan na nasa tapat naman ni Howard.
Napayuko ako habang nakatayo malapit sa kinauupuan ni Howard. Hindi nila ako kasabay kumain.
“Pasensya na… Alam mo naman di ba na hindi ako kagalingan…”
Napatigil ako sa pagsasalita ng magulat na lamang ako ng biglang ibagsak ni Howard ang plato sa sahig at nagkabasag-basag ito. Nagkalat pa ang mga pagkaing laman nito.
“TALAGANG NAGPAPALUSOT KA PA! ANG SABIHIN MO… TANGA KA LANG… SIMPLENG PAGKAIN HINDI MO MAILUTO NG MAAYOS!...” sigaw na sabi ni Howard. “P*TA!” sigaw pa nito.
Mas lalo akong napayuko. Parang anytime ay babagsak na naman ang luhang napigilan ko na kaninang bumagsak. Ang sakit na niya talaga magsalita. Paano naman kasing hindi sasarap ang luto ko… hindi na nga ako ganun kagaling magluto, dagdagan pa na napakalungkot ko ngayon dahil sa mga nangyayari sa aming dalawa. Ngayon ay naniniwala na ako sa sinasabi ng iba na nakakaapekto raw talaga ang emosyon natin sa mga ginagawa natin kagaya na lamang nitong pagluluto.
Kaagad na tumayo si Howard sa kinauupuan nito. “Halika na nga Victor at magbihis na tayo… Sa labas na lang tayo kumain… Walang kwenta kasi itong nagluto eh…” sabi ni Howard sa kasamang lalaki na tumayo na rin sa kinauupuan. Nagpunta na ang mga ito sa kwarto para siguro magbihis at iniwan ako ritong nakatayo at nakayuko ang ulo. Napapakagat-labi.
Napatingin ako sa basag-basag na plato at nagkalat na pagkain sa sahig. Napabuntong-hininga ako. Pamaya-maya ay lumuhod ako at isa-isang pinulot ang mga nakakalat na iyon. Kasabay ng pagpulot ko sa mga basag na plato at butil ng pagkain ay ang pagtulo na ng aking mga luha.
-END OF EPISODE 1-