CHAPTER 6
Kasunod iyon ng pagtayo ni Adam.
Lumapit sa cashier sa bar.
Nagbayad.
Bago lumabas, nag-iwan ng isang makahulugang kindat kay Ricci. Bihasa siya sa ganito. Alam niya kung makukuha niya o hindi ang babae at sa nakikita niya kay Ricci, kagaya rin ng ibang babae. Bibigay at bibigay rin ito sa kanya. Alam niyang sa angkin niyang kagwapuhan at karisma, mahuhulog ito sa kanyang bitag.
Naiwan si Ricci na nanginginig at nanlalamig. Panay ang kagat niya sa kaniyang labi. Nakakaramdam na siya ng hilo dahil sa tama ng nainom na alak.
Pinagsaklob niya ang kanyang mga kamay. Humugot siya ng malalim na hininga. Kinuha niya ang kaniyang bag. Isinabit niya iyon sa kaniyang balikat. Mabilis niyang inipit sa kanyang kili-kili ang kaniyang binder saka niya sinundan ang di pa nakakalayong si Adam.
Binilisan niya ang lakad.
Nakita niyang pumasok si Adam sa elevator.
“Hindi. Hindi tama ‘to,” naisip niya.
Tinungo niya ang pintuan ng hotel palabas. Uuwi na siya. Hindi siya susunod katulad ng inaasahan ni Adam. Hindi siya ganoong babae at gusto niyang patunayan iyon.
Kunot ang noo ni Adam nang nakita niyang hindi sumunod si Ricci sa kanya. Ilang beses na niyang ginawa ang ganoong panunukso at lahat ng babaeng ginawan niya ng ganoon ay hindi siya mahindian. Nasunod sila sa kanya pero bakit itong isang ito ay lantarang tinanggihan siya?
Bago tuluyang magsara ang elevator ay naipasok na niya ang kaniyang braso. Muling bumukas ang elevator. Lumabas siya sa elevator. Sinundan niya si Ricci sa labas. Mukhang kailangan niyang mag-isip ng ibang paraan para mapasakanya ang nagustuhan niya. Baka hindi lang ito sanay sa ganoon. Baka kailangan pang kunin na muna niya ang tiwala nito.
Nang nakalabas na si Ricci ay medyo ramdam na niya ang kalasingan. Konti lang naman ang kanyang nainom pero bakit parang nahihilo siya. Sinalubong siya ng malakas na hangin at ulan. Parang bumabagyo na sa labas. Lalong tumaas ang tubig. Wala siyang makitang tumatakbo na sasakyan sa lansangan. Lahat nakahinto. Huminga siya nang malalim. Saan siya magpapalipas ngayon ng gabi? Paano siya ngayon makauuwi? Naisip na naman niya ang mga kapatid at ang Mama niya. Kumusta na kaya sila ngayon? Niyakap niya ang kanyang binder. Pilit niyang inayos ang kanyang pagkakatayo dahil parang matutumba siya. Lasing na talaga siya.
“Ricci! My Lady!”
Boses iyon ng lalaking gusto ganoon kababa na lang ang tingin sa kanya. Nilingon niya si Adam. Tinignan niya ito ng masama.
Tinabihan siya ni Adam.
“Anong ginagawa mo rito?”
“Nagpapatila ng ulan. Naghihintay na bababa ang baha nang makauwi na.”
“Hindi pa ‘yan. Paano kung hanggang bukas pa ito at tataas pa ang tubig?”
‘E di dito lang ako.”
“Talaga? Kahit pwede ka namang magpahinga sa loob?”
“Magpahinga o gusto mo lang akong makuha.”
“Magpahinga. Hindi naman ibig sabihin na kung sasama ka sa akin sa kuwarto e may mangyayari. Nasa sa’yo pa rin naman iyon.”
“Grabe no? Ambaba talaga ng tingin mo sa akin.”
“Saan nanggagaling iyon?”
“Ramdam ko, sine-seduce mo ako.”
“It’s my nature. I am a flirt but it doesn’t mean na mababa ang tingin ko sa’yo. Tulad ng sabi ko, nasa sa’yo pa rin naman kung may mangyari sa atin o wala. Pero kung may mangyari man sa pagitan natin, it doesn’t mean na mababa ang tingin ko sa’yo. Gusto kita, maaring gusto mo rin ako at kung may mangyari dahil ginusto nating dalawa, hindi ko roon makita kung paanong mababa ang tingin ko sa’yo. Kababaan ba ng tingin na may mangyari sa nagkagustuhan?”
“Magaling ka lang mangumbinsi at magsalita.”
“Bakit? Umeepekto na ba?”
Sinimangutan ni Ricci si Adam.
“Tara sa loob, mukhang pasama ng pasama ang panahon. Huwag kang mag-alala kapag bumaba ang alak ng nainom mo, siguro, tumila na rin ang ulan. Maihahatid na rin kita sa inyo.”
“Huwag na, maghihintay na lang ako rito.”
“Please? Responsibilidad kita. Ako ang nagyaya sa’yo rito. Hindi kaya ng konsensiya ko na ako, nagpapahinga sa malambot na kama samantalang ikaw ay nandito, nakatayo at nauulanan.”
“Okey lang ‘yon. Salamat sa dinner.”
“Ano k aba? Tara na. Nababasa ka na ng ulan oh? Baka ka magkasakit.”
“Magkaliwanagan nga tayo, bakit mo ako dinala rito?”
“Dahil sa sungit ng panahon.”
“Bakit gusto mong mag-check in?”
“Dahil gusto kong magpahinga. Gusto kong hintaying tumila ang ulan at bumaba ang baha habang nagpapahinga. Nakainom ako. Nakainom ka. Hindi safe na magmamaneho ako ng lasing at ganyan pa ang panahon. Be considerate. Nandito na tayo e. Kung ayaw mong may mangyari sa atin, hindi ako ganoong tao na pilitin ka. Hindi ako rapist.”
“Tingin mo ba sa akin pick up girl, p****k, puta?”
“No, hindi ko minsan inisip ‘yan.”
“Pero ganoon mo ako ituring kanina.”
“I’m sorry. I didn’t mean to offend you. Here’s my ID, kung sakaling may gagawin ako sa’yo, you can sue me.” Binunot ni Adam ang pitaka niya. Inilabas niya ang ID niya at ipinakita niya iyon sa kay Ricci.
Tinignan at binasa ni Ricci ang nasa ID. Tama ang pangalan na ibinigay sa kanya. Hindi nga siya nagsisinungaling sa pagkakakilanlan niya.
“Look, hindi ako kagaya ng iniisip mo. Hindi rin kita pwedeng patayin o gawan ng masama dahil kilalang hotel ito at lahat ng details ko nasa kanila. Kung may masamang mangyari sa’yo, ako ang madidiin, ako ang huhuliin. Please, try to trust me.”
Kumulog. Kumidlat. Lalong nagalit ang kalangitan. Mukhang magtatagal pa nga bago titila ang ulan at bababa ang baha.
“Okey,” Tumango si Adam, naglabas siya ng limang libo sa kanyang pitaka, “Kung ayaw mo, kung hindi ako katiwa-tiwala sa’yo, here’s something you can use to go home alone.”
Tinignan lang ni Ricci ang ibinibigay sa kanyang pera. Sandali siyang nag-isip kung kukunin niya iyon.
“Kunin mo na nang hindi naman ako makokonsensiya na natutulog habang ikaw ay nahihirapan dito.”
“Okey na. Hayaan mo na lang ako rito.”
“Hindi mo tatanggapin?”
“Hindi.”
“Okey, bahala ka. Sorry ha? Hindi ko talaga sinasadyang mabastos ka. Tuloy na ako. Tanungin mo lang sa front desk ang room number ko kung magbago ang isip mo. Bye and nice meeting you.” Inilahad ni Adam ang kanyang palad ngunit hindi iyon tinanggap ni Ricci.
“Okey, alright. Thank you.” Tumango-tango uli si Adam. Tumalikod.
Naglakad na si Adam patungo sa elevator. Nakita pa ni Ricci na lumapit siya sa mga nasa front desk. Tinignan siya ng nasa front desk. Kinawayan siya ni Adam bago tuluyang tinungon ang elevator.
Nang malapit na si Adam sa elevator ay mabilis na sumunod si Ricci. “Bahala na,” naisip niya. “Tinamaan ako, lalong lumalakas ang pag-ulan, hindi nakabubuting nandito lang ako.”
Pumasok na si Adam sa elevator. Magsasara na ito ngunit may kamay na pumasok. Napangiti si Adam. Ito na nga. Hindi na niya iyon ikinabigla. Mukhang nakuha niya rin sa wakas ang kanyang ginusto. Lahat naman talaga ng gusto niya nakukuha niya. Napangisi siya.
Pagbukas muli ng pintuan ng elevator. Nasa labas si Ricci. Halatang medyo nahihiya ngunit nadoon na siya at kailangan na niyang pangatawanan ang pagsama.
“You change your mind?”
“I did.”
“Okey, come on in.” Binasa ni Adam ang kanyang labi. Nakita ni Ricci at lalo siya ngayong nahumaling.
Mabilis na pumasok si Ricci. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Hinintay muna nilang magsara muli ang elevator bago siya nilapitan ni Adam. Hinawakan niya ang pisngi ni Ricci.
“Thank you,” bulong ni Adam.
“Thank you for what?”
“For accompanying me.”
“Okey.” Bumuntong hininga si Ricci. Grabeng gwapo ni Adam. Napakalakas ng dating nito, napakabango pa niya kaya nga nang muling nagtama ang kanilang mga mata ay hindi siya nagpatalo. Bahala na kung anong isipin sa kanya ni Adam pero nasasakop na siya ng panghihina. Iyon ang ayaw niya sa kanyang sarili, marupok siya. Madaling madarang. Nasaan na yung pagmamatigas niya kanina?
“Are you okey?” Kitang-kita niya ang paglapit ng labi ni Adam sa kaniya.
“I am fine.” Napapikit siya. Halatang nagpapaubaya na ang kanina ay nagpupuyos niyang damdamin. Dala na rin siguro ng ispiritu ng alak.
Hanggang sa naamoy niya ang may halong amoy-alak ngunit mabangong hininga ng binata, naramdaman niya ang malambot nitong labi na dumampi sa kaniyang labi. Nahulog ang binder na inipit niya sa kaniyang kamay. Hindi niya iyon pinulot. Binuka niya ang kaniyang labi. Uminit nang uminit ang kanilang pakiramdam. Gusto niyang ilaban ang kaniyang kaunting kaalaman sa pakikipaghalikan. Ayaw niyang mabigo si Adam kahit pa sabihing hindi siya sanay sa ganitong laro ng buhay.
Anong kahihinatnan ng kanilang ONE NIGHT STAND?