Chapter 2
Isinabit ni Ricci ang nahulog na photo frame ng ama. Pinunasan na muna niya ito. Napabuntong-hininga siya. Naalala na naman niya ang pangako niya sa pumanaw na niyang papa. Magiging Civil Engineer siya. Iyon din kasi ang pangarap ng Papa niya na hindi nito nakamit dahil nabuntis nito ang Mama niya at dahil doon, itinakwil sila ng kani-kanilang mga magulang.
“Huwag kang mag-alala Pa, ako ang magiginng Engineer sa pamilya natin.”
“Talaga anak? Kung mangyayari ‘yan ako na ang pinakamasayang ama sa buong mundo.”
“Pangako ko sa’yo ‘yan Papa. Kahit anong mangyari, kahit anong hirap, magkakaroon kayo ng anak na Engineer.”
Inakbayan siya ng ama at hinalikan sa ulo. Nakita niya yung saya sa mukha ng Papa niya noon. Proud na proud siya dahil alam niyang kaya ni Ricci dahil sa taglay na katalinuhan ng anak. Kaya lang, nang sumunod na Linggo, napatay ang tatay niya. Napagkamalang isnatcher samantalang nagtitinda lang siya noon ng balot. Masakit para sa kanya ngunit kailangan niyang tanggapin. Kailangan nilang magmove-on at tutuparin niya ang pangako niyang iyon. Magiging Civil Engineer siya.
Isinabit niya ang picture ng Papa niya sa kanilang dinding na niluluma at pinapahina na ng panahon.
"Kung titigil ka na lang kaya sa pag-aaral, Ricci anak?" Iyon ang sabi ng Mama niya sa pagitan ng pag-ubo. "Ikaw ang panganay kaya ikaw ang inaasahan kong makakatulong sa akin. Kung hindi lang ako dinapuan ng sakit, kaya kitang igapang sa pag-aaral mo ngunit sa kalagayan ko ngayon, mukhang hanggang pangarap na lang ang lahat." Paulit-ulit na niyang naririnig na sinasabi iyon ng Mama niya.
Huminga siya nang malalim bilang pagtutol. Hindi siya sumagot. Iniabot niya ang dalawang pirasong tablet sa Mama niya. Pagkaabot, mabilis iyong itinungga ng Mama niya saka naman niya inabot ang hawak niyang baso ng tubig. Pagkainom ng Mama niya sa gamot niya ay hinarap naman niya ang dalawang kapatid para tulungan silang magpalit ng kanilang school uniform.
Apat silang magkakapatid. Second year High School ang sumunod sa kanyang babae at nasa Elementarya pa ang dalawa niyang kapatid na lalaki. Grade 1 pa lang ang bunso nila. Anim na taon nang patay ang Papa nila at lalong humihirap ang kanilang buhay. Isa sila sa mga iskwater na pinapaalis ng Gobyerno na nakatira sa tabi ng ilog. Kahit umaalingasaw ang puno sa basura at maitim nang tubig ay tinitiis nila. Nasanay na nga rin sila sa masangsang na amoy n'on.
Isa sa pangarap niya ang magkaroon ng magarang bahay para hindi na sila magsisiksikan sa isang barong-barong. Gusto niyang makatapos sa pag-aaral para matulungan ang pamilya. Bilang panganay, siya ang inaasahan ng kaniyang mga kapatid at Mama. Kung hihinto siya, anong matinong trabaho na may mataas na sahod ang papasukan ng kagaya niya? Lalo lang silang igugupo ng kahirapan. Pangarap lang niya ang tangi niyang kinakapitan ngayon. Pinaghirapan niya ang kaniyang scholarship sa isang respetado at kilalang-kilala na Unibersidad. Kung sarili lang niya ang kaniyang iisipin, kakayanin niyang itaguyod ang kaniyang sarili habang nag-aaral ngunit dahil may mga kapatid at Mama siyang may sakit na umaasa kaya siya sobrang nahihirapan ngayon. Ngunit sa gitna ng hirap na kanyang pinagdadaanan, wala siyang balak bumitaw. Hindi siya susuko.
Sumubok siyang pumasok bilang Call Center Agent ngunit full time ang karamihang hinahanap nila. Hindi niya sa ngayon kayang pagsabayin ang full time na maging istudiyante at full time ding maging Call Center Agent. Hindi pa siya nakakahanap ng company na aakma sa kinakailangan niyang schedule maliban sa sinasabi sa kaniya ng kaibigan at kaklase niyang janitorial services agency na pag-aari ng mayaman nitong pamilya. Bilang tulong, bibigyan siya ng maluwang na schedule ayon sa gusto niyang pasok at kung hanggang anong oras lang siya puwede magtrabaho. Iyon ay tulong lang ni Sackey na matalik niyang kaibigan. Mukhang sa kalagayan nila, tatanggapin na muna niya iyon habang wala pa siyang ibang option.
"Ate, baon ko ho saka yung sa ambag ko sa mga kaklase ko para sa project namin." typical na iyon na naririnig niya sa umaga. ATM siya ng kaniyang mga kapatid at Mama. Mabuti pa ang ATM laging may naipapamudmod na cash ngunit siya, said na said na. Allowance niya sa pagiging scholars niya ang ginagamit nila at sa ngayon, paubos na. Pati gamot ng Mama niya na sa akala niya pansamantalang titigil at magpapahinga sa pagtatrabaho ay pinoproblema na niya kung saan huhugutin.
"Baon mo lang ang maibibigay ko ngayon, yung para sa project mo, saka na kasi wala na ako pamasahe papasok.”
“Paano iyon, Ate? Ako na lang hindi nakapapagbibigay.”
Bumuntong-hininga siya. “Makiusap ka muna. Subukan kong umutang muna kay Sackey mamaya." Nakangiti niyang sinabi sa mga kapatid niya habang isa-isa niya silang binibigyan ng pera. Si Sackey ay ang mayaman niyang matalik na kaibigang lalaki. Sa klase nila, siya lang yata ang babaeng nakatagal sa Civil Engineering nilang kurso. Yung mga iba, lumipat sa ibang field ng engineering at yung iba sa ibang Department.
Awang-awa siya sa mga kapatid na suot ang mga luma nilang uniporme at sapatos ngunit saan ba siya kukuha ng pambili ng pamalit? Siya man din ay sumusuko na ang kaniyang mga gamit sa kalumaan pero ni wala nga siyang maibili.
Pagkaalis ng mga kapatid niya ay siya naman ang kailangang magmadaling pumasok. Habang naliligo siya at sinasabon ang mukha at katawan ay napapaisip siya kung bakit di niya kaya gamitin ang katawan at kagandahan niya para magkapera. Ilang beses na nga niya iyong binalak. Tumambay na nga siya ng ilang beses sa Mall ngunit kung kailan nandiyan na ay bigla siyang nandidiri, bigla siyang natatakot. Hindi siya ganoong klaseng babae. Hindi niya masikmurang ipagbenta ang kanyang katawan dahil lang sa pagdarahop ng kanilang pamilya.
Madalas kasing lumalapit at ngumingiti sa kaniya ay nga matatandang maperang mukhang sadista at manyak. Hindi sa nagmamalinis siya. Pera lang naman ang talagang habol niya ngunit hindi pa ganoon katibay ang kaniyang sikmura. Hindi pa niya kaya.
Ngunit hindi niya alam na sa araw na ito, nakatadhanang makilala niya ang mayaman, gwapo ngunit saksakan ng sungit at hindi naniniwala sa pag-ibig niyang magiging amo. Magku-krus ang kanilang landas at ang lalaking ito ang siyang magpapabago sa buhay niya.