( Chapter 3 - May panganib)
Tamara's POV
Sabog ang notification ko nang magising ako kinabukasan. Sobrang daming likes, hearts, comments at shares ng picture namin ni Kinn. Karamihan pa sa mga comment nila ay pagka-inggit. Talaga nga namang napakaraming humahanga kay Kinn. Umagang-umaga tuloy ay nakangiti ka agad ako.
At dahil break na kami ni Cyd ay picture na namin ni Kinn ang nasa wallpaper na phone ko. Tuwing gigising ako sa umaga ay iyong picture na namin ang palagi kong makikita.
Naalala ko tuloy noong una ko siyang makilala. Nasa isang coffee shop ako noon. Boring ako that time dahil hindi ako sinipot ni Cyd sa date namin. Sobrang tagal kong naghintay sa kanya. So, dahil wala ring wifi nang oras na iyon sa shop na iyon ay napilitan akong magtitingin ng mga magazine nila na nakalagay sa ilalim ng lamesa. Sa unang magazine na nabuklat ko ay nakita ko siya. Ang totoo ay siya ang star ng magazine na iyon. Doon ko nabasa ang pangalan niya. Kinn Ramirez na tumatak na sa isip ko. Nalibang ako sa mga kuha niya roon. Halos lahat ng suot niya sa picture niya ay bagay na bagay sa kanya. Una pa lang ay guwapong-guwapo na ako sa kanya. Simula noon ay agad kong hinanap ang mga social media account niya. Mabuti na lang at mayroon siyang i********:. Doon ko madalas makita ang mga nangyayari sa buhay niya. Palagi akong nakaabang sa kung ano ang ganap niya sa buhay. Nang araw na iyon ay parang nasalo ni Kinn ang pagkainis ko. Dahil sa kanya ay nawala sa isip ko na galit na galit ako kay Cyd dahil hindi niya ako sinipot. Palagi na lang niya sinasabi na overtime sila sa shoot nila. Ngayon ko napagtanto na baka noong oras na iyon ay may iba na siyang nilalandi. Matagal na pala niya akong niloloko.
Habang nakatitig ako sa wallpaper ng cellphone ko ay biglang tumawag si Scarlet sa akin.
"What?! Ang aga-aga mo namang tumawag?!" mataray kong sagot sa kanya. Nagpatay malisya ako. Alam ko naman kasi na kaya siya tumawag ay nakita na rin niya ang picture namin ni Kinn.
"O.MG.! Totoo ba iyon o edit lang?" tanong niya kaya agad ko siyang binulyawan.
"Gaga ka ba?! Tignan mo kayang mabuti. Saka, kailan pa ako natutong mag-edit? Kahit nga filter hindi ako gumagamit sa picture ko e," inis kong sagot kaya narinig kong tumawa siya. Alam na alam na talaga ng gaga kong friend na ito kung paano ako iinisin.
Isa si Scarlet sa matagal ko ng kaibigan simula pa noong highschool kami. Gaya ko ay mayaman din siya. Pero gaya ko rin ay hindi siya maarte. Simple lang kami. Actually, may isa pa. Si Ashley na gaya namin ay mayaman din pero simple lang din. Kami iyong mga rich kid na mas gusto pang kumain sa gilid-gilid. Ewan ko ba kung bakit sarap na sarap kami sa mga duro-duro at ihaw-ihaw na makikita sa labas. Minsan nga natutuwa pa sa amin ang ilang nagtitinda sa street dahil madalang daw silang makakita ng mga gaya naming mayayaman na kumakain sa gilid-gilid lang. Minsan nga raw, kung sino pa iyong mga feeling mayaman ay ito pa ang nandidiri sa kanila. Bagay na kinakatawa naming tatlo kapag sinasabi nila iyon sa amin. Hinahanap-hanap na rin nila kami dahil madalas namin silang bigyan ng malaking tip kapag natutuwa kami sa kanila.
"Joke lang! Hindi ka na mabiro. Anyway, ngayong araw ang birthday ni Ashley. What time tayo pupunta sa swimming birthday party niya?" tanong niya kaya bigla akong napatayo.
"Oh, gosh! Oo nga pala. Wala pa naman akong nabibiling regalo sa kanya." Napatayo tuloy agad ako.
Dahil doon ay inaya ko siyang pumunta sa mall para ibili ng regalo ang friend naming si Ashley. Agad akong naligo at gumayak. Dinaanan ko sa bahay nila si Scarlet. Hindi kasi siya maaring mag-drive ng sasakyan ngayon dahil nasira raw ito noong nakaraang linggo. Hanggang ngayon ata ay nasa pagawaan pa.
Pagdating sa mall ay naghanap kami ng bilihan ng korean succulents. Mahilig kasi sa halaman si Ashley. Iyon ang naisip kong iregalo sa kanya. Tiyak na matutuwa siya kapag nakita niya ang gift ko sa kanya.
Pagpasok namin sa korean succulent shop ay sinalubong ang mga mata namin ng mga makukulay na halaman na sa totoong buhay ay ngayon ko lang nakita. Ngayon, alam ko na kung bakit nahuhumaling si Ashley sa mga ganitong halaman. Talaga nga namang mawawala ang stress mo kapag nakita mo sila.
"Hala! Totoo bang mga halaman ang mga iyan?" tanong ni Scarlet na nanlalaki ang mata.
"Yes po, ma'am," sagot naman ng isang sales lady na nakarinig sa kanya.
"Wow! Ang gaganda. Kahit ako ay kumikinang ang mga mata sa kanila. Para silang fake, pero nang malaman kong totoo ay bigla akong natuwa. Tiyak na mayayakap ka mamaya ni Ashley kapag nakita niya ang regalo mo," sabi ni Scarlet.
"Ikaw ba? Ano ang regalo mo sa kanya?" tanong ko habang isa-isa ko nang nilalagyan ng korean succulent ang box na binigay sa akin ng sales lady.
"Mga dress. Madalas ko kasi siyang makitang nagsusuot ng dress ngayon kaya iyon ang naisip kong ibigay sa kanya," sagot niya at saka na niya ako tinutulungan sa pagpili ng mga kakaibang halaman na sa tingin namin ay magugustuhan ni Ashley.
Pagkaraan ng ilang minuto ay napuno na rin namin ng iba't ibang korean succulent ang box ko. Nang bayaran ko iyon ay umabot ito ng sampong libo. Puro imported pala ang mga tinda rito kaya swerte raw ang taong reregaluhan ko nito.
"Uy, out ko na ngayon pero hindi muna ako uuwi. Tutuloy ako ngayon sa event area at naroon daw kasi ngayon si Kinn Ramirez. Guest siya ngayon sa isang pa-event ng mall na ito," rinig kong sabi ng isang babae sa counter kaya bigla kaming nagkatinginan ni Scarlet.
Kuminang ang mata ko sa narinig ko. Siyempre, automatic na sa akin ang pumunta na rin doon.
Kaya ang nangyari ay pinatabi na muna namin sa counter ang binili kong mga halaman at agad kaming nagtatakbo ni Scarlet papunta sa event area.
Hindi pa man kami nakakalapit ay tanaw na namin ka agad ang mga kumpol na tao roon. Talaga ngang inaabangan siya ng karamihan.
"Grabe naman! Ang daming tao. Paano tayo makakasingit diyan?!" iritang tanong ni Scarlet.
"Akong bahala," sagot ko at saka ko siya hinatak papasok sa mga taong naroon.
"Excuse me...staff kami ng event na ito. Padaanin niyo kami," paulit-ulit kong sabi kaya binigyan naman nila kami ng daan.
Nakita kong tatawa-tawa si Scarlet. Effective ang pakulo ko. Dahil sa katalinuhan ko ay napunta kami sa pinakaharap. Ngayon ay tanaw na tanaw na namin ang stage.
Saktong-sakto ang dating namin dahil pagkaraan lang ng ilang minuto ay umakyat na agad sa stage si Kinn.
"Heto na ang pinaka-hinihintay ninyo! Please, welcome...Mr. Kinn Ramirez!" announce ng emcee kaya kanya-kanya kaming sigaw. Dumagundong ang event area ng mga sigawan namin.
Pagtaas ni Kinn sa stage ay agad nang kuminang ang mga mata ko. Napaka-guwapo niya talaga.
"OMG! Ang gwapo niya nga sa personal!" puri ni Scarlet.
"I told you! Hindi naman ako magiging patay na patay sa kanya kung hindi naman siya guwapo at hot!"
Titig na titig ako sa naglalakad na si Kinn. Nakasuot ito ng tuxedo na kulay itim. Bagay na bagay talaga sa kanya ang suot niya. Lalo siyang gumuwapo sa ayos ng buhok niya.
Bigla nanlaki ang mata ko nang magtama ang mga mata namin. Ilang segundo iyon. Nakipagtitigan siya sa akin. Para bang iniisip niya kung kakilala ba niya ako. Nginitian ko siya pero iniwasan na niya ako nang tingin. Ganoon pa man ay sobrang kilig ang naramdaman ko. Pakiramdam ko ay natandaan niya ako kaya't matagal niya akong tinitigan. Ang sarap sa pakiramdam ang makipagtitigan sa kanya.
"Napansin ko iyon. Tinitigan ka niya nang matagal," sabi sa akin ni Scarlet kaya kiniliti ko siya.
"True. Kinilig na naman tuloy ako," sabi ko habang napapapadyak pa.
Habang tinititigan ko si Kinn ay nabaling ang tingin ko sa isang lalaki na napansin kong nakatitig din sa akin. Nasa kabilang gilid ito ng stage. Kakaiba ang istura niya. Pamilyar siya sa akin kaya napakunot ang noo ko. Para bang nakita ko na siya dati e.
Inisip kong mabuti kung sino siya.
Nanlaki na lang ang mga mata ko nang tuluyan ko nang maalala kung sino siya. Siya iyong lalaki na muntikan na akong maisakay sa puting van. Siya iyong gustong dumukot sa akin.
Agad akong napakapit sa braso ni Scarlet.
"Sh*t! Narito iyong lalaking gustong dumukot sa akin," sabi ko sa kanya kaya hinila ko na si Scarlet paalis doon.
Wala na akong pakelam kung napakarami naming tao na nasunggo doon. Ang mahalaga sa akin ay ang makatakas sa paningin ng lalaking iyon.