(Chapter 11 - Ang tuwalya at ang ginto )
Tamara's POV
Alas otso pa lang ng umaga ay pinagising na ako ni mama sa maid namin. Pagbaba ko sa salas namin ay nakita kong marami na namang tao roon. Nagulat ako nang makita kong may mga nagse-set up na naman ng mga gamit pang-pictorial doon.
"Ano naman pong mayroon at may mga ganiyan na naman dito?" tanong ko kay mama nang puntahan ko siya sa kusina.
"Pictorial mo. Ngayon na talaga iyong mas maayos. Iyong naka-makeup ka," sabi niya.
"Eh, hindi ba't na-picture-an na po ako kahapon?"
"Oo nga, pero wala kang ayos doon. Ang pangit ng makeup at buhok mo. Gusto namin ng papa mo ay maganda ang mga kuha mo sa magiging portforlio mo," sabi niya at saka na ako pinaupo.
Nang maupo na ako ay agad naman akong inasikaso ng mga maids. Habang ginagawa nila iyon ay tinitignan ko ang mga tao sa salas. Lahat ay abala sa pagtatayo ng mga bakal at ilaw. Sobrang dami nila at sa tingin ko ay mas marami akong audience ngayon.
"Bilisan mo nang kumain at aayusan ka pa ng isang professional makeup artist na hinagilap ko pa talaga sa Manila para magandang-maganda ang magiging ayos mo ngayon," sabi pa ni mama.
Ibig sabihin ay another paghihirap day na naman pala itong mangyayari ngayon. Tila mas lalo na ata akong mahihiya dahil mga totoong photographer na ang mga narito. Makatotohan na ngayon kaya kailangan ko talagang galingan.
Kinuha ko ang phone ko sa bulsa at saka ako kinuhanan ng litrato ang mga taong nagse-set-up. Nilagay ko iyon sa my day ko na may kasamang #FashionModelIsReal. Wala lang. Minsan lang mangyari ito kaya dapat kong ipagmalaki sa mga friends ko sa social media account ko.
Tiyak na magugulat sina Ashley at Scarlet. Kapag nakita nila ang my day ko mamaya ay magme-message agad ang mga iyon.
"Makikita na namin ngayon kung may mga natutunan ka ba kahapon sa mga tinuro ni Tazanna," sabi ni papa na tila good mood ngayon dahil nginitian niya ako. Madalang kong makitang ngumingiti iyan sa umaga kaya alam kong masaya siya ngayon. Siguro ay dahil proud sila sa akin na nakayanan kong maging fashion model.
Teka, kayanin ko kaya ang pagiging fashion model at ang pagiging CEO ng Galvez Clothing? Sana! Ayoko kasing biguin sina mama at papa. Gusto kong maging successful ito para hindi naman masayang ang pera at effort nila sa pagtupad ng pangarap ko.
"Don't worry, honey, tiyak naman na magaling na agad ang anak natin. Kailanman ay hindi pa niya tayo binigo," pagpapalakas ng loob sa akin ni mama. Tila, lalo tuloy nanginig ang mga tuhod ko. Paano na lang kung puro mali-mali ang mangyari sa akin mamaya? Tiyak na madidismaya sila sa akin.
Anyway, good vibes lang. Huwag dapat akong puro nega at baka puro kamalasan ang mangyari sa akin mamaya.
Pagkatapos kong kumain ay pumunta na ako sa isang kilalang makeup artist na kinuha ni mama. Mga sikat na artista raw ang inaayusan nito. Saktong paglapit ko sa kanya ay naka-set up na rin siya.
"Hello po!" bati ko sa kanya nang lapitan ko na siya.
Agad naman siyang tumayo nang makita niya ako. "Hi, Tamara! I'm Astrud," pakilala niya at saka siya nakipag-shake hands sa akin. Gay siya, pero lalaki pa rin ito pumorma. Nakakatuwa na kilala na niya agad ako.
"Hello, nice to meet you, Astrud," sagot ko naman at saka na niya ako pinaupo sa folding chair na dala niya.
Nang tignan ko ang mga gamit niya ay nalula ako. Sobrang dami niyang dalang makeup. Siguro ay ganito talaga kapag bonggang ayusan ang mangyayari. Sa totoo lang ay ngayon lang ako maayusan ng professional makeup artist. Dati kasi kapag may event akong pinupuntahan ay mga baklang parlor lang ang nag-aayos sa akin.
Nang mag-umpisa na siya ay nakita kong nag-spray na siya ng face mist sa mukha ko. Nakikita ko iyon kapag nanunuod ako minsan ng mga beauty vlog. Iyon talaga ang palaging inuuna para maging malinis at ma-moist ang mukha. Minsan kasi ay dry ang mukha ng isang tao. Pero sa estado ng mukha ko ay hindi naman na niya need gawin iyon dahil alaga ako sa moisturizer.
Sunod na inilagay niya ay ang primer.
"Matanong ko lang. Para saan ba ang primer? Madalas kong makita na naglalagay ng ganiyan ang mga beauty vlogger kapag nag-aayos sila. Until now ay hindi ko pa alam ang kahalagahan niyan?" tanong ko sa kanya.
"Using primer under your makeup will make your look last longer," sagot niya kaya napatango na lang ako. Ang galing. Sa wakas ay nasagot na ang tanong na matagal nang gumugulo sa isip ko.
Pagkatapos ng primer ay liquid foundation na ang nilagay niya sa akin. Sobra akong nagagalingan sa kanya. Kabisadong-kabisado na niya ang ginagawa niya. Sa ilang segundo lang ay nakita niya agad ang ka-shade ng balat ko. Nang i-apply niya iyon sa balat ko ay halos parang kalulay lang din ng balat ko.
Next naman ay concealer. Dahil wala naman akong masyadong eyebags, acne marks ay kaunti lang ang nilagay niya sa ilalim ng mata ko at sa ilang bahagi ng mukha ko na trip niya lang daw lagyan. For me, nakatipid siya ng concealer sa akin. Iba talaga kapag makinis ang mukha. Proud ako roon.
Foundation powder na ang sinunod niya. Ang bango-bango at halos parang hindi na halata sa mukha ko ang inilalagay niya. Sobrang ganda at ang smooth ng mga makeup na ginagamit niya sa akin.
Nagsunud-sunod na ang paglagay niya ng bronzer, blush at highligther. Pagdating naman sa paglalagay niya ng eyeshadow sa akin ay hindi ko na napanuod dahil nag-cellphone muna ako. Tulad nga nang sinabi ko kanina ay nag-react na nga sina Ashley at Scarlet sa my day ko. Nakipag-chat muna ako sa kanilang dalawa habang inaayusan ako.
Inabot ng halos kalahating oras ang pag-aayos niya sa akin. Ang dami niyang pinagpapahid sa akin, pero feel ko ay magaan pa rin ang mukha ko. Sabagay, may mga pangalan kasi ang mga makeup na gamit niya sa akin kaya hindi na ako magtataka pa. Habang tinitignan ko nga ang itsura ko sa salamin ay napapanganga ako. Ang galing ni Astrud. Mas lalo niyang naipalabas ang ganda ko. Kung titignan ay para akong artista na ngayon. Ganda-ganda ako sa sarili ko ngayon. Mukhang magiging bongga na talaga ang magiging pictorial ko mamaya.
"Wow! Hindi kita nakilala," bati sa akin ni Tazanna na narito rin pala ulit. Nagbeso kami nang lumapit siya sa akin. Kasama niya ulit si Ruth at ang isa pang bagong babae na si Jessa. Ito daw ang magbibihis sa akin ngayon.
"Kumain muna kayo habang inaayusan pa ako," sabi ko sa kanila. Marami naman food na para talaga sa kanila. Nagpa-catering kasi si mama. Ayaw nitong mapahiya sa mga taong pinagkukuha niya dahil halos lahat ng tao na narito ay mga pangmalakasan na. Mga professional na talaga kaya hindi niya puwedeng gutumin ang mga ito.
"Anyway, kumain ka na rin ba, Astrud?" tanong ko sa kanya.
"Yes, habang nagbe-breakfast ka kanina ay sinabayan na kita para hindi masayang ang oras natin," sagot niya habang naglalagay na siya ng contour sa baba at braso ko. Mukhang malapit na siyang matapos.
"Mabuti naman pala kung ganoon. Ayokong magutom kayo rito," sabi ko kaya natawa naman siya.
Habang patuloy akong inaayusan ni Astrud ay nakikita ko sa salamin na nagre-ready na sina Tazanna. Isinasabit na sa isang bakal ni Ruth ang mga bonggang gown at mga damit na susuotin ko. Mas magaganda na ang mga iyon kaysa sa mga sinuot ko kahapon.
Pagkatapos akong ayusan ni Astrud ay pumunta na ako kay Ruth at Jessa para bihisan na ako. Ready na ang set up ng mga camera. Habang naglalakad kami papunta sa isang kuwarto na pagbibihisan ko ay nakatingin sa akin ang lahat ng maids namin. Nakangiti sila at gandang-ganda sa akin. Ang sabi pa ng ilan ay mukha raw akong artista sa naging ayos ng mukha ko ngayon.
"Sampong outfit ang susuotin mo para sa pictorial mo ngayong araw," sabi sa akin ni Ruth habang binibihisan na ako ni Jessa.
"Mas maunti na pala ngayon kaysa kahapon," sagot ko. Marami kasi kahapon kaya ramdam ko ang pagod ko pagkatapos nila akong i-training. Maaga nga akong nakatulog dahil sumakit talaga ang katawan ko.
"Mabilis lang ito kaya tiyak na sisiw na lang sa iyo ang mangyayaring pictorial," sabi niya kaya natuwa ako.
Maxi dress na kulay puti ang unang sinuot nila sa akin. Sa una ay pa-fresh muna raw. Paglabas ko ay tumuloy na ako sa mga photographer.
This is it. Mag-start na kami kaya kailangan ko na ulit galingan.
Nakita ko na nanunuod na sa akin sina mama at papa kaya pinagbutihan ko na talaga.
Nang ituro na sa akin ng photographer ang ipo-pose ko ay agad ko naman iyong nagawa. Tama si Ruth. Madali na nga lang ito para sa akin dahil kuha ko agad ang mga posing na sinasabi nila. Nakikita ko tuloy sina mama at papa na napapangiti sa akin habang pini-picture-an ako.
Pagkatapos ng maxi dress ay wrap dress naman na color yellow ang pinasuot sa akin. Ang ganda-ganda ko kapag nakikita ko sa salamin ang itsura ko. Kahapon, hirap na hirap ako. Ngayon ay parang nag-e-enjoy na ako dahil alam na alam ko na ang gagawin ko.
"I'm so proud of you," sabi ni mama nang madaanan ko siya. Si papa naman ay ngingiti-ngiti lang sa akin.
Mabilis lang nila akong na-picture-an. Lahat nang sinuot ko ay bumagay naman daw sa akin.
Pero, itong huli ang tila sasablay sa akin. Hindi ko alam kung alam ito nila papa at mama. Swimsuit kasi ang pinakahuling susuotin ko. Color red ito na para bang sa victoria's secret model na ako rarampa. Ganito kasi iyong mga sinusuot nila roon.
Ayos naman sa akin iyon. Ang ganda at lalo pa akong pumuti. Sinundan pa nga kami ni Astrud sa room na pinagbihisan ko dahil lalagyan niya ng highlighter lotion ang mga binti at braso ko para mas maganda ako sa picture.
Nang lumabas na ako ay nakita kong nagulat sina mama at papa. Napatayo si papa at agad na lumabas para pumunta sa garden. Si mama naman ay nanlalaki ang mata. Mukhang wala ata silang alam na may swimsuit na magaganap.
Takang-taka ang mukha niya habang tinitignan ako. Lahat ng mga tao roon ay titig na titig sa akin na para bang nagulat sa katawan ko.
Kahit ang mga photographer ay napatitig na rin sa akin.
Tinignan ko ulit si mama. Umiiling ito na para bang nadismaya sa nakita niya.
Hindi naman na nila napiglan ang eksena. Na-picture-an pa rin ako kahit parang ayaw ni mama ang suot ko. Wala na rin siyang nagawa dahil naroon na ako.
Pagkatapos akong kuhanan ng litrato habang naka-swimsuit ay pabalik na dapat ako sa room na pinagbibihisan ko nang bigla akong madapa. Nagasgas ang binti ko sa isang bakal na may turnilyo na nakalawit. Nakita kong nagdugo iyon kaya napangiwi ako.
Itatayo na dapat ako nila Ruth at Jessa nang bigla silang tabigin ni mama.
"Ako na!" sigaw niya na kinagulat ng lahat. Tinakpan agad ako ng tuwalya ni mama. Madiin ang pagkakahawak niya sa akin, lalo na roon sa mismong nasugatan ako. Siya ang nag-akay sa akin pabalik sa room na pinagbibihisan ko. Pagpasok namin doon ay agad niyang ni-locked ang pinto.
"Masakit ba ang sugat mo?" tanong niya agad na tila nag-aalala. Para bang namumutla pa ang mukha niya.
"Opo," sagot ko.
Dinampi niya nang dinampi ang tuwalya sa sugat na natamo ko. Ang weird nang ginagawa niya, pero hinayaan ko na lang siya dahil baka makatulong iyon sa akin.
Ilang minuto niya atang dinadampi ang tuwalya sa balat ko na may sugat. Nawiwirduhan na ako. Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa iyon kaya ako na ang kusang umayaw.
"Tama na po at wala nang sakit," sabi ko at saka ako lumayo sa kanya.
Nang tignan ko ang sugat na natamo ko ay nakita kong nawala ang sugat at dugo. Tinitigan ko pang mabuti ang balat ko. Wala na talaga ang dugo kaya nagtaka talaga ako. Kahit gasgas ay wala na rin.
"P...paano nangyaring nawala ang sugat?" tanong ko sa kanya.
"Dahil piniga ko nang piniga ang dugo. Nakabuti ang ginawa ko para hindi ka magka-peklat. Look, okay na ang balat mo," sabi niya at saka pilit na itinatago ang tuwalyang hawak niya sa likod niya.
"Salamat po kung ganoon," sagot ko na lang.
"Sige na, magbihis ka na at tapos naman na ang pictorial mo," sabi niya at papalabas na sana siya sa pinto nang makita kong may nalaglag ng isang maliit na butil ng ginto sa tuwalya na ginamit niya sa akin. Hindi niya iyon napansin.
Nang tuluyan siyang lumabas sa room na iyon ay agad-agad kong pinulot ang ginto. Nang makita ko iyon ay legit na ginto nga iyon. Ibinulsa ko na lang iyon at saka na ako nagbihis.
Paglabas ko ay nagliligpit na ang lahat.
"Pumunta ka na sa kuwarto mo at kami nang bahala rito," sabi ni papa sa akin na seryoso na ngayon ang mukha.
Habang paakyat na ako sa hagdan namin ay isip-isip ko ang gintong nalaglag kay mama. Bakit pakiramdam ko ay hindi galing sa katawan niya ang ginto. Kitang-kita ko kasi na sa tuwalya na pinaggamitan niya sa akin nalaglag ang ginto.
Saka, nawala na lang bigla ang sugat ko. Parang magic. Nang tignan ko kasi iyon kanina ay nagdudugo na iyon nang marami. Napaka-imposible talagang mawala na lang nang ganoon kabilis ang sugat.
Hindi kaya may hiwagang dala ang tuwalya na ginamit ni mama sa akin kaya gumaling agad ang sugat ko?
Nakakaloka talaga.