Nag-umpisa na ang journey niya sa BSC bilang Service Specialist or mas kilalang waitress. Ang mga unang dalawang buwan niya ay sobrang saya, at maayos ang samahan nila ng mga katrabaho. Mabilis lang niyang nakasundo ang mga ito.
“Grace, anong oras ang out mo?” tanong ni Leila sa kaniya.
“Seven pa ako teh. Bakit?” balik tanong niya rito.
Kasalukuyan silang nag-aayos ng mga menu, at cutleries sa side table nila.
“Yey! May kasabay akong uuwi!” tuwang-tuwang turan nito sa kaniya.
“Mid shift ka rin ba? Bakit parang hindi kita nakita kanina?” tanong pa niya rito.
“OT (over time) na ako ng lagay na ito day! Absent si mama April,” nakangising saad nito sa kaniya.
“Owkay. Kaya pala walang maingay ngayon akala ko off lang niya.” Sabay pa silang nagkatawanan nito.
“Kakaloka nga ‘yon eh. Last minute kung mag-inform ang loka! Buti na lang wala akong date ngayon,” sabi pa nito sa kaniya.
Napailing na lang siya sa sinabi nito, at nagpatuloy na siya sa kaniyang ginagawa. Maya-maya naman ay biglang nagdagsaan ang mga guest. Naging abala na silang lahat sa pag-aasikaso sa mga ito.
“Grace, pasuyo ako ng table 305 may kailangan yata,” utos sa kaniya ni Ms. A.
Agad naman niya itong sinunod at lumapit sa table. Ngumiti siya ng ubod ng tamis sa guests saka tinanong ito.
“Yes ma’am, may kailangan po ba sila?” tanong pa niya rito.
“Ahm, can I have this Chicken teriyaki salad, and miso soup please,” malambing namang sagot ng guest.
Isinulat niya ang inorder ng guests habang nakikinig dito. “Anything else po?” magalang ulit niyang tanong dito.
“That will be all. Thank you,” nakangiting sagot naman nito sa kaniya.
“How about drinks po?” alok pa niya rito.
“Ahm, a glass of tap water will be fine,” muli nitong tugon sa kaniya.
“Okay ma’am, I will just repeat your orders. One chicken teriyaki salad, and one miso soup, and a glass of tap water,” ulit niya sa orders nito.
Tumango naman ito sa kaniya bago siya magalang na nagpaalam na rito. Agad niyang ipinunch ang orders nito, at saka bumalik sa table nito, para ihatid ang tubig na ni-request ng guest. Nag-set up na rin siya ng mga kubyertos at plato para rito.
Ilang guests pa ang kinuhanan niya ng orders, bago binalikan ang naunang guests na in-assist niya kanina. Isinerve niya ang orders nito, saka muling nagbalik ng kusina para sa iba pang orders. Mabilis ang mga kilos niya para hindi mainip ang kanilang guests. At siyempre siniguro niyang tama ang mga inilalapag niyang pagkain, para hindi mag-complain ang mga guests nila. Minsan kasi may mga guests silang may masabi lang. Kaya hangga’t maaari ay iniiwasan niyang mapunta sa ganoong sitwasyon. Mabilis namang lumipas ang mga oras, at sumapit na ang uwian nila.
“Nakakapagod!” reklamo ni Leila.
“Oo nga may balat ka yata sa puwet eh,” biro naman niya rito.
“Hmmm? Ako may balat? Wala ah!” defensive pang sagot nito sa kaniya.
Tumawa naman siya sa sinabi nito. “Akala mo lang wala, pero meron! Meron! Meron!” pang-aasar pa niya rito.
Hinampas naman siya nito saka tumawa. “Carlo Aquino ikaw ba iyan?” sabi pa nito sa kaniya. “Puro ka kalokohan! Halika na’t magbihis na tayo nang makauwi na.” Yaya na nito sa kaniya.
Tumango naman siya at sumunod na rito patungo sa kanilang locker. Nagbihis at nag-ayos na sila ni Leila, bago sabay na umalis ng coffee shop. Masaya rin itong kasama kaya naman enjoy nila ang paglalakad patungong sakayan. Nang makarating ng Cubao, agad naman silang naghiwalay. Magkaiba na kasi ang kanilang biyahe pagdating doon.
“Babush girl! Dito na ako,” paalam pa nito sabay turo sa kabilang panig ng kalsada.
“Ingat! See you tomorrow!” nakangiting paalam din niya dito sabay kaway pa niya sa kaibigan.
Naglakad na rin siya patungo sa sakayan ng jeep papunta sa kanilang boarding house. Napagod siya sa biglaang pagdagsa ng guests nila kanina. Pero magkagayon pa man, masaya pa rin siya ngayong araw. Lalo na’t ramdam na talaga niya ang sinasabi nilang real world! Ito na ang reality ng buhay kapag nagtatrabaho na ang isang tao.
Nang makarating siya sa kanilang tinutuluyan ay inabutan niya si Missy na mukhang kararating lang din. Umangat ang ulo nito nang marinig nito ang kaniyang pagdating. Agad siyang nginitian nito habang nagkukutingting sa cellphone nito. Nagtanggal naman siya ng kaniyang sapatos, bago pumasok at saka umupo sa tabi ng kaibigan.
“Kumusta naman ang araw mo?” tanong niya rito.
Magkaiba na kasi sila ng branch ngayon. Sa Greenhills siya na-assign, habang si Missy ay sa Tomas Morato naman.
“Okay naman kapatid. Kakapagod pero surviving naman. Ikaw?” balik tanong nito sa kaniya, bago ibinaba ang cellphone nito sa higaan.
“Okay rin naman. Masasaya at mababait ang mga kasamahan ko roon,” nakangiting sagot niya rito.
“Mabuti ka pa. Sa branch namin juice ko po, araw-araw may eksena!” matamlay nitong kuwento sa kaniya. “Sana nga malipat na lang ako ng branch kapag nagka-re-shuffle. Okay lang kahit malayo, basta okay ang mga kasama.” Napabuntong hininga pa ito matapos magsalita.
“Tiis-tiis lang kapatid dadalawang buwan pa lang tayo eh. Pero sana nga malipat ka ng branch. Sana iyong magkasama tayo ulit, para masaya!” pang-aalo niya rito sabay inat sa upuan.
“Sana nga,” napabuntong hiningang saad pa nito, sabay lingon sa kaniya. “Teka kumain ka na ba? Bili tayong BBQ gusto mo?” maya-maya’y tanong nito sa kaniya.
Bigla naman niyang naalala na hindi pa nga pala siya naghahapunan. Agad nag-aliwalas ang kaniyang mukha sa sinabi ng kaibigan. Parang bigla rin siyang natakam nang bangitin nito ang BBQ.
“Sige nga raw. Hindi pa rin nga pala ako naghahapunan,” nakangising aniya sa kaibigan.
“Ako nga rin eh,” sabi naman ni Missy.
Tumayo siya at nanguha ng pera sa kaniyang bag. Sabay na silang lumabas ng kanilang kwarto, at nagtungo sa bilihan ng BBQ. Saglit lang din naman silang namili kahit marami-rami ng taong bumibili. Kilala na kasi sila ng tindero ng BBQ. Madalas kasi silang tumambay roon noon, kapag tinatamad silang magluto ng kanilang hapunan.
Pagbalik naman nila sa kanilang boarding house ay agad silang naghain at pinagsaluhan ang binili nilang BBQ. Matapos kumain, nagprisinta na siyang magligpit ng kanilang pinagkainan. Habang ang kaibigan naman niya ay naligo na’t nagpalit ng pantulog nito. Nang matapos siyang magligpit ng pinagkainan nila, ay agad na rin siyang nagbihis ng kaniyang pantulog.
Paglabas niya ng banyo, napangiti na lang siya nang makitang mahimbing nang natutulog ang kaibigan. Inayos pa niya ang kumot nito, na basta na lang yatang ipinatong sa katawan nito. Pagkatapos ay pinatay na niya ang ilaw at nahiga na rin siya sa kaniyang kama. May ngiti sa kaniyang mga labing ipinikit na niya ang kaniyang mga mata. agad din naman siyang iginupo ng antok, kaya’t mabilis na rin siyang nakatulog.