Chapter 7

1357 Words
“Gracia, gising na!” Naalimpungatan pa siya nang may maulinigan siyang gumigising sa kaniya. Sinasabayan pa iyon nang marahang pagyugyog sa kaniyang balikat. Pupungas-pungas pa siya nang magmulat ng kaniyang mga mata at bumangon. Inabot niya ang kaniyang cellphone, at tinignan kung anong oras na. Agad namilog ang kaniyang mga mata nang makitang pasado alas otso na. Dali-dali siyang tumakbo sa loob ng banyo upang maligo. Ayaw na ayaw pa naman niya ang nale-late nang gising. Paglabas niya ng banyo ay nagkukumahog na siyang magbihis. Hindi siya magkandatuto kung ano ang uunahing isuot. Napatigil pa siya nang marinig niya si Missy na impit na tumatawa. Napakunot ang noo niyang tinapunan nang tingin ang kaibigan. “Pinagtatawanan mo pa talaga ako ha?” nakasimangot niyang saad dito. “Kasi naman mukha kang ewan. Relax ka lang kapatid, baka mamaya bali-baliktad na ang pagkakasuot mo sa mga damit mo,” nakangising saad nito sa kaniya.  Napatingin naman siya sa kaniyang damit. Tama nga ito, muntik na siyang maglakad nang baliktad ang damit. Agad naman niya itong inayos, at saka muling isinuot. Pagkatapos ay ang pagsasapatos naman ang kaniyang inasikaso. “Wala ka bang pasok?” tanong niya kay Missy habang nagsusuklay siya ng kaniyang buhok. “Wala pero uuwi ako sa amin. Kaya ikaw lang dito mamayang gabi ha?” sagot naman nito habang humihigop ng kape. “Kaya naman pala relax na relax ka diyan eh,” aniya sa kaibigan, saka isinukbit ang bag bago muling humarap sa salamin. “Sasabay ka ba palabas, o mamaya ka pa?” tanong pa niya sa kaibigan bago naglakad palapit dito. “Mauna ka na at baka ma-late ka pa. Ingat kapatid!” Bumeso na siya rito saka nagmamadali na siyang lumabas ng kanilang kwarto. “Puwede ka rin pa lang mag-uwi ng lalake mamaya!” Narinig pa niyang sigaw ng kaibigan sabay halakhak nito. “Sira!” sigaw naman niyang pabalik. Napapailing pa siya saka nagpatuloy sa paglalakad. ‘Mag-uwi ng lalake? Buti sana kung may maiuwi ako. Loka-loka!’ nakangising bulong pa niya sa sarili. Kung mamalasin ka nga naman, punuan ang mga sasakyan. Kinailangan pa niyang makipag-unahan sa mga pasaherong nag-aabang din ng masasakyan. Nang makasakay naman siya ay halos kalahati na lang ng puwet niya ang nakaupo sa upuan. ‘Hayyy, naman kasi Grace tulog mantika lang? Ayan magdusa ka ngayon!’ sermon niya sa kaniyang sarili. Nangangawit na rin siya sa kaniyang puwesto pero kailangan niyang magtiis. Hanggang makarating siya sa Greenhills ay ganoon ang kaniyang puwesto. Kaya nang makababa siya ng sasakyan, muntik pa siyang mabuwal sa pagkakatayo. Mabuti na lang at maagap niyang naibalanse ang sarili. Halos takbuhin na niya ang BSC sa pagmamadali. Humahangos na siya nang makarating sa Coffee shop. “Oh, Grace bakit para kang hinabol ng sampung demonyo?” bati sa kaniya ni Kuya Raffy. “Naku kuya magbibihis muna ako. Mamaya na tayo magchickahan,” sagot naman niya rito, saka nagmamadaling pumasok sa locker. Pagkabihis, ay agad siyang nagtungo sa bundy clock para mag-check in. Buti na lang at umabot siya sa oras. Uminom muna siya ng tubig bago magtungo sa cashier. “Hagardo Versoza teh?” agad na bati ni April nang makalapit siya sa kinaroroonan nito. “Naku na-late ako ng gising. Buti na lang ginising ako ni Missy, kung hindi patay na,” sagot niya kay April. “Ayyy, akala ko naman may pumuyat na sa iyo eh!” Bumungisngis pa ito, kaya naman pabiro niya itong kinurot sa tagiliran. “Gagsti, wala ngang manliligaw may papagod?” natatawang sabi pa niya rito. “Wala ba? Eh ‘di ba may guest tayong nagpapapansin sa iyo? Puwede na iyon girl!” Pambubuyo pa nito sa kaniya. “Luka ka talaga! Ang jonda-jonda na no’n ‘no. Sa iyo na lang.” Taas-baba pa ang mga kilay niyang suhistiyon dito. Tumawa naman ito bago magsalita, “Puwede na iyon! Madatung naman eh. Kung sa akin lang ba hahabol-habol iyon, eh ‘di pinatulan ko na!” nakakalokong sagot pa nito sa kaniya. “Ikaw talaga teh nakakaloka ka! Akitin mo para sa iyo na lang magkagusto.” Sabay kuha niya ng menu upang isalansan sa lagayan niyon. “Hayyy, ‘wag na lang mapapagod lang ako. Deads na deads kaya sa iyo iyon. Kaya nga halos araw-araw nandito iyon eh,” saad pa nito sa kaniya. Hindi na siya kumibo dahil totoo naman ang sinabi nito. Palagi ngang naroon ang matandang guest nilang iyon. Noong una kasi akala niya ay joke lang nito, nang sabihi nitong may gusto ito sa kaniya. Tinawanan lang nga niya iyon eh. Pero noong lumaon ay panay na ang punta nito sa BSC para lang makita siya. Naiilang na nga siya minsan eh. Pero hindi naman siya binabastos nito, kaya hinahayaan na lang niya ito. Aware rin naman ang manager nila kaya safe siya. “Grace!” sabay pa silang napalingon ni momsie saka nagkatawanan. “Ano ba iyan? Dalawa nga pala kayong Grace. Si Calma momsie,” napakamot pa sa ulong sabi ni Ms. A. Lumapit naman siya rito saka ngumiti. “Ano po ba iyon Ma’am A. Saka Thummy na lang po Ms. A para hindi kayo nalilito sa amin ni Momsie,” mahabang sabi pa niya rito. “Thummy? Saan naman galing iyong Thummy?” kunot noong tanong nito sa kaniya. “Iyon po kasi ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko sa school, maliban kay Missy. Ewan ko nga po sa mga kaibigan ko, mahilig daw po kasi akong magkamot ng tiyan kapag busog,” natatawang salaysay niya rito. “Ahhh, o sige. Simula ngayon Thummy na ang itatawag namin sa iyo,” nakangiting saad naman nito sa kaniya. “Hiramin ko muna si Thummy, Momsie ha?” paalam pa nito kay Momsie. “Sige lang Ma’am A, wala namang masyadong guests eh. Saka kayang-kaya na ni Aplex ito. ‘Di ba Aplex?” sagot naman ni Momsie sabay baling kay April na hyper na hyper sa tabi ni Momsie. “Ayyy, oo naman. Sasayawan ko lang ang mga guests natin,” sagot naman nito sabay kindat pa sa kanila. Tumawa naman si Ms. A, “O siya, sige. Momsie ikaw munang bahala rito ha? Halika na,” bilin pa nito kina Momsie at April, saka bumaling sa kaniya. Sumunod naman siya rito dahil mukhang may ipapagawa ito sa kaniya. Sa opisina sila ni Ms. A humantong. May kinuha itong clip board saka ipinakita sa kaniya. “Ito iyong mga listahan, i-check mo lang kung may discrepancies. Tinatanong kasi ng office kung alin iyong magalaw na products. Hindi ko naman sila masagot agad, kasi parang mali-mali iyong report dito,” paliwanag nito sa kaniya ng gagawin niya. “Okay po Ma’am,” tatango-tango naman niyang sagot dito. “Thank you Thummy. Hindi ko kasi alam kung paano ko siya isisingit sa iba ko pang ginagawa eh,” sabi pa nito sa kaniya. “Okay lang po Ma’am, wala naman pong problema eh,” nakangiti naman niyang sagot dito. Ngumiti rin ito sa kaniya saka nagsimula na silang magtrabaho. Medyo nakakaduling lang ang kaniyang ginagawa. Bukod kasi sa maliliit ang mga sulat doon, gulo-gulo rin ang mga numerong nakalagay sa bawat items. Kaya naman tinutukan niyang mabuti iyon. Nang matapos ang mga ipinagawa sa kaniya ni Ms. A, ay mag-uuwian na pala siya. Hindi niya napansin ang oras sa sobrang tutok niya sa kaniyang ginagawa. Naiayos naman niya ang pinagawa sa kaniya ng manager nila, kaya sobra-sobra ang pasasalamat nito sa kaniya. “Salamat talaga Thummy!” Niyakap pa siya nito. “Walang anuman po Ma’am,” nakangiting sagot naman niya rito. “Isasabay na kita hanggang Cubao, ‘di ba roon ka rin naman nakatira?” boluntaryo pa nito sa kaniya. “Nakakahiya naman Ms. A. Pero kung mapilit po kayo sige po,” nakangisi niyang saad dito. Natawa naman ito sa kaniya. “Ikaw talaga. Tara na nga nang hindi tayo masyadong ma-traffic.” Yaya na nito sa kaniya. Tumango naman siya at sumunod na rito. Makakalibre pa tuloy siya ng pamasahe. Ehehehe. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD