Isang lingo ang matuling lumipas, at ini-announce na kung saan ang magiging venue nila sa OJT. Ma-swerte sila ni Missy na magkakasama sila sa iisang venue. Tuwang-tuwa naman ang kaibigan sa natanggap na balita. Sa BSC sila mag-o-OJT habang si Rowena ay hindi nila napagkikita nitong mga nakaraang araw.
“Oh my Lord, thank you po, at dininig ninyo ang panalangin ko!” Kinikilig na dasal ni Missy.
Nasa kainan sila malapit sa kanilang school nang araw na iyon, upang mananghalian.
“Uyyy, para kang timang diyan. Kanina ka pa ‘di matigil sa pagpapasalamat. Mauumay na si Lord sa iyo niyan,” biro niya sa kaibigan.
“Eh kasi naman kapatid, masaya lang ako sobra. Alam mo namang ito na lang ang natitira kong pag-asa, para makatulong kila nanay,” madamdaming saad nito sa kaniya.
Panganay kasi ito sa apat na magkakapatid. Kaya naman siya lang din ang inaasahan ng ina nito, na makatutulong sa kanila balang araw.
“Oo na, baka mamaya bigla ka na lang umiyak diyan,” natatawang aniya sa kaibigan, sabay tuloy niya sa kaniyang pagkain. “Bilisan na natin at may next class pa tayo,” paalala pa niya rito.
“Ayyy! Oo nga ‘no?” Sang-ayon naman nito sa kaniya.
Tahimik na silang nagpatuloy sa kanilang pagkain. Nang matapos ay nagbalik na rin sila kaagad sa kanilang paaralan. Nang makarating sila roon, ay nasalubong nila ang umiiyak na si Rowena. Gusto sana nilang tanungin ito kung bakit, ngunit nagmamadali na itong umalis. Kaya naman nagkatinginan na lang sila ni Missy, at nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa kanilang silid aralan.
Doon napag-alaman nilang na-deliberate pala si Rowena, dahil nahuli itong may kasamang lalake, at napag-alamang boyfriend nito iyon. Isa kasi iyon sa rules ng school nila. Since scholar sila, bawal na bawal ang magkaroon ng boyfriend habang nag-aaral sila. Kaya naman pagalingang magtago ang mga estudyante ng school na iyon. Ehehehe.
“Grace, anong oras daw tayo magre-report sa Monday?” tanong ni Missy habang naglalakad sila pauwi sa kanilang boarding house.
Nilingon niya ito saka ito sinagot, “Sabi ni Ma’am ten ng umaga hanggang seven ng gabi raw tayo sa Monday. Mahaba-habang tulugan pa iyon,” nakangising saad niya rito.
“Oo nga makakapag-beauty rest pa tayo kapatid!” Humahagikhik namang sagot nito sa kaniya.
Masayang-masaya silang magkaibigan kasi for the entire week, magkasabay sila ng schedule. Magka-kwarto rin kasi sila nito kaya pabor sa kanila ang same schedules.
Kinabukasan maaga siyang nagising upang makapagsalang ng kaniyang mga labahin, bago umuwi sa kanilang probinsya. Sabado nang araw na iyon, at gusto niyang dalawin ang kaniyang mga magulang, bago siya maging busy. Para na rin kasi silang totoong nagtatrabaho, once na mag-start na ang OJT nila.
“Kapatid, uuwi ka ba ngayon?” tanong niya kay Missy nang bumaba na ito mula sa kanilang silid.
“Hindi kapatid. Baka sa sunod na off na lang natin. Nagtitipid kasi ako eh, alam mo na wala namang pagkukuhaan si mother ng extra,” nakangiting sagot nito habang nagtitimpla ng kape.
“Ganoon ba, sige pala. Makikisuyo na lang ako ng mga nilabahan ko please?” Malambing niyang pakiusap dito.
“Oo naman sige ako nang bahala diyan,” nakangiting sagot nito sa kaniya.
“Thank you!” Niyakap niya ito saka umakyat para magbihis, at mag-ayos na kaniyang mga gamit.
Nakarating naman siya ng maaga sa kanilang bahay. Nami-miss na niya ang kaniyang pamilya kaya naman kapag may pagkakataon, umuuwi talaga siya sa Nagcarlan. Bunso siya sa kanilang tatlong magkakapatid. May mga pamilya na rin ang kaniyang mga kapatid. Simple lang ang kanilang pamumuhay, at masaya siyang malalakas pa ang kaniyang mga magulang.
“Oh Grace, buti naman at nakauwi ka anak,” magiliw na sabi ng kaniyang ina.
“Opo naman ‘nay. Miss na miss ko na kaya kayo! Hmmm...” Pinanggigilan pa niyang yakapin ang kaniyang ina.
Tumawa naman ito, at hinaplos-haplos ang kaniyang buhok. “Miss na miss ka na rin namin dito. Lalo na ang kakulitan mo anak. Kumusta naman ang pag-aaral mo?” inakbayan niya ang ina, at iginiya paupo sa kanilang sala.
“Okay naman po ‘nay. Mag-i-start na po ang OJT namin ‘nay. Kaya baka malimit na akong makakauwi muna,” malungkot niyang saad sa ina.
“Hay ano ka ba naman anak? Ayos lang naman sa amin iyon. Ang importante, maging maayos ang pag-aaral mo at makatapos ka. Isang taon na lang naman, at matatapos ka na sa pag-aaral,” mapang-unawang saad ng kaniyang ina.
“Kaya love na love ko kayo eh. I love you nanay!” malambing niyang turan dito. Muli niya itong niyakap, at hinalikan sa pisngi nito.
“I love you too anak. Oh siya, halika nang kumain at alam kong gutom ka na.” Anyaya nito sa kaniya.
Tumayo na ang ina at hinila siya patungong kusina. Masagana silang kumaing mag-ina. Wala pa kasi ang kaniyang ama, at ang mga kapatid naman niya ay mga nasa trabaho pa. Gayon din ang mga hipag niya. Matapos kumain at magligpit, agad siyang nagtungo sa kaniyang silid upang matulog.
Madilim na nang magising siya. Kaya naman agad siyang nagtungo sa kusina, upang hanapin ang kaniyang ina. Agad siyang umupo sa tapat ng mesa nang makita ang inang naghahanda ng makakain.
“Mabuti naman at gising ka na. Nandiyan na rin ang mga ate at kuya mo. Maya-maya lang ay dudulog na rin sila rito. Mukhang pagod na pagod ka ah,” nakangiting saad nito habang naghahain sa hapag kainan.
“Oo nga po ‘nay eh. Na-miss ko iyong higaan ko,” nakangising tugon naman niya rito.
“Mainam iyon nang makabawi ka ng lakas,” sabi pa nito sa kaniya.
“Uyyy, bunso kumusta? Kailan ka pa dumating?” agad siyang napalingon nang makita ang kaniyang kuya.
Mabilis siyang tumayo at sinalubong ang mga ito. “Kaninang tanghali po. Kumusta naman kayo? Ate medyo malaki na ang tiyan mo ha,” hinalikan niya sa pisngi ang mga ito, saka hinimas ang maliit na umbok sa tiyan nito.
Asawa ito ng kuya niya, at kasalukuyang apat na buwan nang nagdadalang tao. “Oo nga sis eh,” nakangiting sagot naman nito sa kaniya. Halata ang pagkatuwa sa mga mata nito.
“Tara nang kumain at baka lumamig na ang mga ito,” putol ng kaniyang ina sa kanilang maghipag.
“Si Tatay?” tanong niya sa ina.
“Maya-maya pa raw, at may dinaanan pa sa bayan,” sagot ng kaniyang ina.
“Ahhh. Eh si Ate Gem?” tanong ulit niya.
“Nandito na kami!” Bilang tugon sa kaniyang tanong, sumulpot ang ate niya mula sa pintuan ng kanilang kusina. Tumayo siya mula sa kanyang inuupuan at masayang sinalubog ito. “Kumusta na bunso? Mag-o-OJT ka na pala. Good luck!” sabi pa nito nang makalapit siya rito.
“Thank you ate! Gagalingan ko ate, ‘wag kang mag-alala,” nakangiting sagot niya rito.
“Naman! Mana ka yata sa amin ni kuya,” nakangising sagot naman nito sa kaniya.
Dumulog na sila sa kanilang mesa, at sabay-sabay nang kumain. Masaya siyang kasalo ang kaniyang pamilya ngayon. Lalo na ang makita ang kanyang kuya, na inaasikasong mabuti ang kaniyang hipag.
“Nay, ako na po ang maghuhugas ng plato. Magpahinga na po kayo,” boluntaryong saad niya sa kaniyang ina.
“Naku, anak ako na. Ikaw ang magpahinga na diyan at alam kong pagod ka rin,” tanggi naman ng kaniyang ina.
Sinaway pa siya nito nang mag-umpisa siyang magligpit ng pinagkainan.
“Kalahating araw na akong nagpapahinga ‘nay. Hayaan mo na po ako. Na-miss ko rin naman ang maghinaw ng pinagkainan na ganito karami.” At ipinagpatuloy niya ang pag-iimis ng mga pinagkainan.
“Sige na nga. Sasamahan na lang kita rito, para naman may ka-kwentuhan ka habang naghihinaw,” saad na lang ng kaniyang ina, na kaniya namang nginitian.
Habang naghuhugas siya ng mga pinagkainan, ay nagpupunas naman ng mesa ang kaniyang ina. Nang matapos siyang maghugas ng mga pinagkainan, kinuha naman niya ang takure, at nagpainit ng tubig. Gusto kasi niyang magkape dahil parang gusto niyang mainitan ang kaniyang sikmura.
“Grace, iyon nga pa lang dati mong nobyo ay ikakasal na sa isang buwan.”
Napalingon siya sa ina nang marinig ang sinabi nito. “Ah talaga po? Maige iyon sa kaniya ‘nay,” tipid na ngiting sambit niya rito.
Sa totoo lang ay hindi naman siya interesadong malaman iyon. Oo’t minahal din naman niya ito noon. Pero dahil mag-aaral na siya sa Maynila, hindi siya inintindi ng binata. Kaya kahit pa mahal niya ito, kinailangan niyang makipaghiwalay. Mga bata pa rin naman sila ng mga panahong iyon.
Oo inuna niya ang kaniyang pangarap kesa rito, at wala siyang pinagsisisihan sa kaniyang naging desisyon. After one month nabalitaan niyang may bagong girlfriend na ito. Aaminin niyang nasaktan siya nang malaman ang tungkol doon. Pero ininda na lamang niya ang kirot na iyon, at inisip na hindi sila para sa isa’t isa.
“Hindi ka ba nanghihinayang na hindi kayo ang nagkatuluyan?” tanong pa ng ina sa kaniya.
“Hmmm, hindi naman ‘nay. Saka masaya na ako para sa kaniya. Siguro talagang hindi pa siya ang para sa akin. Saka mas importante kasi sa akin ang makatapos. Marami pa namang darating ‘nay, sa ganda ko ba namang ito?” pabirong sabi pa niya sa ina.
Natawa naman ang ina sa kaniyang tinuran. “Aysus, nagbuhat ka na naman ng sarili mong bangko. Pero oo naman anak, marami pang darating na mas karapat-dapat para sa iyo,” nakangiting saad ng kaniyang ina.
‘Balang araw, darating din ang tamang lalakeng para sa akin,’ sambit niya sa kaniyang sarili.