Kinabukasan, maagang naggayak si Grace. Kailangan na niyang lumuwas nang araw na iyon, dahil umpisa na ng OJT nila kinabukasan. Medyo matatagalan na naman siyang makauwi sa kanila.
‘Para sa ekonomiya! Kakayanin mo Grace. Ikaw pa ba?’ kausap niya sa kaniyang sarili.
Napabuntong hininga pa siya bago dinampot ang kaniyang bag. “Nay, Tay, aalis na po ako. Mag-iingat po kayo rito. Mami-miss ko kayo,” aniya saka isa-isang niyakap ang kaniyang mga magulang.
“Sus ko ikaw talagang bata ka. Mag-iingat ka roon ha? Magdarasal ka palagi anak,” bilin pa nito sa kaniya.
Hinalikan pa siya nito sa kaniyang pisngi habang nakayakap sa kaniya. Gumanti naman siya nang halik sa kaniyang ina, bago siya kumalas mula sa pagkakayakap nito sa kaniya.
“Naku kayong mag-ina, magsitigil na kayo diyan at baka magkaiyakan pa kayo,” saway naman ng kaniyang ama sa kanila. “Halika na Grace at ihahatid na kita sa sakayan ng bus pa-Maynila.” Yaya pa nito sa kaniya.
Kinuha na ng kaniyang ama ang kaniyang mga gamit, at saka nagpatiuna nang lumabas ng kanilang bahay.
“Iyang ama mo talaga kunwari pa, eh siya rin naman nalulungkot,” nakangiting saad ng kaniyang ina. Humagikhik naman siya sa sinabing iyon ng kaniyang ina.
“Grace halika na’t baka gabihin ka sa biyahe!” narinig pa nilang tawag ng kaniyang ama.
“Sige na ‘nay, I love you po.”
Muli niyang niyakap ang kaniyang ina at hinalikan sa pisngi. Naglakad na siya patungo sa kinaroroonan ng tricycle ng kaniyang ama, at sumakay na roon. Kumaway pa siya sa kaniyang ina bago umandar ang kanilang tricycle. Mabilis naman silang nakarating sa terminal ng mga bus. Hindi na rin siya nagpahatid sa kaniyang ama sa loob ng bus. Kinuha niya mula rito ang kaniyang bag, saka nagpaalam sa kaniyang ama.
“Oh, anak mag-iingat ka sa Maynila ha? Tatawag o magte-text ka sa amin kapag may problema ka roon. Mahal na mahal ka namin anak,” bilin pa ng kaniyang ama sa kaniya.
Niyakap siya nito saka hinalikan sa kaniyang noo, na kaniya namang ginantihan din nang mahigpit na yakap at halik sa pisngi. “Opo ‘tay. Kayo rin po, ‘wag kayong masyadong nagpapagod. Pahi-pahinga rin ‘tay kapag may pagkakataon. Mahal na mahal ko rin po kayo nila nanay,” nginitian niya ito bago siya tuluyang tumalikod at sumakay ng bus.
Pagkaupo niya ay kinawayan pa niya ito. Agad din naman itong umalis nang masigurong maayos na siyang nakasakay sa bus. Hanggang sa umandar na ang bus na kaniyang sinasakyan. Dahil mahaba-haba pa naman ang biyahe ay nakaidlip siya sa bus. Paggising niya ay malapit na sila sa bus station sa Cubao. Bahagya niyang kinusot ang kaniyang mga mata, at umayos ng upo. Agad siyang tumayo nang nakahinto na ang bus sa terminal. Bumaba siya mula roon at naglakad patungong tawiran. Tumawid siya sa kabilang panig upang mag-abang naman ng jeep patungo sa kanilang boarding house. Hindi naman din siya nahirapang mag-abang kaya mabilis siyang nakauwi sa kanilang tinutuluyan.
“Kapatid, nandito na ako!” tawag niya kay Missy.
Pagpasok niya ng kanilang silid ay nagtanggal siya ng kaniyang sapatos, bago maayos na ipinatong iyon sa shoe rack.
Nilingon naman siya ng kaibigan saka nagsalita, “Sa wakas at hindi na ako mapapanisan ng laway,” nakangising saad pa nito sa kaniya.
Maghapon lang siguro itong nagkulong sa kanilang silid, base na rin sa pagkakahilata nito. Nakita rin niyang nakasuot pa rin ito ng pajamang may print na snoopy. Inilapag niya ang kaniyang bag, at saka inilabas ang pasalubong niya para rito.
“Oh, gawa ni nanay. Sabi niya ay dalhan daw kita, para matikman mo naman daw ang luto niya,” aniya saka iniabot dito ang isang tub ng espasol.
Kumikislap naman ang mga mata nitong bumangon, “Wow! Pakisabi kay nanay maraming salamat,” wika nito sa kaniya.
Agad nitong kinuha ang iniabot niyang tub, saka excited na binuksan iyon. Nagniningning pa ang mga mata nito, habang nilalantakan ang pasalubong niya rito. Natatawa naman siya sa reaksiyon nito habang kumakain. Para kasi itong batang ngayon lang nakatikim ng masarap na pagkain.
“Sige makakarating,” sabi pa niya rito, “Teka tatawagan ko lang sila para hindi mag-alala.” Pagkasabi niyon ay bahagya siyang umalis sa tabi nito.
Pagbalik niya ay halos mapangalahati na nito ang laman ng tub. Napapailing na lang siya nang makitang feel na feel pa ni Missy, ang pagkakanguya sa kinakain nito.
“Huyyy, mabilaukan ka diyan. Dahan-dahan, wala ka namang kaagaw eh,” natatawang wika niya rito.
“Sharap eh,” sagot naman nito habang ngumunguya.
Napailing na lang siya sa sinabi ng kaibigan. Nakaka-aliw itong pagmasdan habang kumakain. Tumayo siya’t kinuha ang kaniyang tuwalya, saka nagtungo sa kanilang banyo upang maligo. Matapos maligo ay inayos na niya ang kaniyang gamit para sa pagpasok nila kinabukasan.
“Kumusta naman ang week end mo?” tanong niya kay Missy habang namamalantsa siya ng kaniyang damit.
“Hmmm, okay naman. Naglaba rin ako kahapon pagkaalis mo. Tapos naglinis ako ng kwarto natin. Saka itinupi ko na rin pala iyong mga nilabahan mo at isinilid sa iyong damitan,” mahabang salaysay nito sa kaniya.
“Uyyy! Thank you! The best ka talaga!” nakangisi naman niyang saad dito. “Dahil diyan, akin na iyong isusuot mo bukas at ako na ang mamamalantsa,” aniya rito.
“Nakakahiya naman kapatid. Pero kung talagang mapilit ka, sige na nga!” nakabungisngis nitong sagot sa kaniya, saka tumayo upang kunin ang damit nitong gagamitin nito bukas.
“Ang arte mo!” tatawa-tawa naman niyang saad sa kaibigan.
“Maiba ako, kumusta naman sila nanay mo?” tanong nito sa kaniya, matapos ilapag ang damit sa upuang malapit sa plantsahan.
Sinulyapan niya ito saka ngumiti rito. Ipinagpatuloy niya ang pagpaplantsa bago niya sagutin ang kaibigan, “Ayun, okay naman sila doon. Iyong hipag ko medyo malaki na ang tiyan. Nakakatuwa nga eh, malapit ng magkaroon ng bata sa bahay,” nakangiti niyang sagot sa kaibigan.
“Ayyy talaga? Wow! Tita to be ka na pala kapatid,” tila gulat namang sambit nito sa kaniya.
“Oo nga eh. Nakakatuwa ‘no?” sabi pa niya rito.
“Naku, matagal-tagal pa tayo diyan. Madami pa tayong mga pangarap na kailangang abutin,” sagot naman nito sa kaniya.
“Oo naman ‘no. May tamang oras naman para roon.”
“Tumpak! Saka gusto ko kapag nagka-jowa na ako, iyon na ‘yon. At may pagtatapusin pa akong mga kapatid, kaya no, no, no muna talaga iyang mga boys na iyan. Saka na lang kapag madami na akong pera,” humalakhak pa ito sa sinabi nito.
Napahalakhak na rin siya kagaya ng kaibigan. Nakakahawa naman kasi ang tawa nito, kaya tuloy pati siya ay humahalakhak na rin ngayon. “Puro ka talaga kalokohan,” nakangisi pa niyang sabi sa kaibigan.
Itinuloy na niya ang pamamalantsa. Habang ang kaibigan naman niya ay tumayo na rin at naglinis ng katawan. Halos maubos talaga nito ang dala niyang espasol para rito. Napapailing na lang siya habang ini-ha-hanger na ang kaniyang damit. Isinunod niya rin agad ang kay Missy.
Paglabas nito mula sa banyo ay tapos na siyang mamalantsa, at naghahanda na para sa kanilang pagtulog. Gusto kasi niyang maagang bumangon bukas para makakain pa sila ni Missy bago pumasok sa Bitter-Sweet Cafe.
“Good night kapatid,” narinig pa niyang sabi ni Missy.
Nilingon naman niya ito at nginitian, “Good night!”
Iyon lang at pareho na silang pumikit at nagpadala sa lala-land. Bukas ay umpisa na ng kanilang pagpasok sa mundo ng realidad. Mararanasan na rin nila kung paano ang magtrabaho. Exciting!