SA RESTAURANT ng Visperas Hotel ginanap ang dinner party para kay Jella. Kung sa Chef Derek’s daw kasi gagawin mahahati ang atensiyon ni Derek at hindi makakatiis na hindi magpunta ng kusina.
Marami na ang mga residente ng Bachelor’s Pad ang umalis kasi nag-asawa. Pero sa gabing iyon, kumpleto sila. Nadagdagan pa nga kasi kasama na ang mga significant other nila. Sina Jay at Ryan, bitbit pa ang mga anak. Ang asawa ni Brad na si Almira, malaki na ang tiyan. Masaya ang lahat. Lalo na ang mga lumagay na sa tahimik.
Pero hindi naiinggit si Benedict. He doesn’t want to spoil their fun so he keeps quiet. Pero alam niya na hindi maganda ang makaramdam ng sobrang saya. Alam niya base sa sarili niyang karanasan na palaging may kasunod na hindi magandang pangyayari ang labis na kaligayahan. Bawat tuwa laging may kasunod na lungkot at sakit.
Kaya hindi niya kailangan maging masaya ng husto. Tama na ang kontento siya sa buhay niya. Tama na ang sakto lang. He doesn’t want to be too happy because he doesn’t want to experience the intense sadness and pain that comes after it.
Hindi na tinapos ni Benedict ang party. Nauna na siya magpaalam sa mga kaibigan niya. Nakalabas na siya sa restaurant at naglalakad na sa ground floor lobby para lumabas ng hotel nang may makasalubong siyang isang grupo ng mga lalaki. Napaderetso siya ng tayo at naging alerto nang makasalubong niya ang tingin ng pinakabata sa grupo.
May sumilay na nang-iinis na ngiti sa mga labi ng lalaki nang magsalubong sila sa gitna. “Tingnan mo nga naman. Hanggang dito nagkikita tayo, Wolf. This must be a premonition.”
Mariing pinaglapat ni Benedict ang mga labi. Sinulyapan niya ang mga lalaking kasama nito na hindi naman mukhang mga negosyante. Ang polo shirt na suot ng isa may logo ng DENR.
Realization hit him. Naningkit ang mga mata niya nang muling tumingin kay Dave Douglas. “So this is how you want to play it, huh.”
Nagkibit balikat si Dave. Wala ni katiting na bakas ng guilt. “Hindi man ako ang tinatawag na Wolf ng industriya natin pero kaya ko rin makuha ang mga gusto ko sa sarili kong paraan.” Iyon lang at nilampasan na siya nito. Sumunod ang mga lalaking kasama ni Dave.
Benedict clenched his jaw. Mariing kumuyom ang kanyang mga kamao. “Marumi pala ang gusto mong laban, huh,” bulong niya. Itinaas niya ang noo. Bakas na ang determinasyon sa mukha.
Kukunin niya ang lupain na gusto niya. Kahit sa anong paraan pa.
“NANDITO na ang report ng imbestigasyon na pinagawa mo sa akin, boss.”
“Great. Give it to me.” Mabilis na kinuha ni Benedict ang folder na inabot ng executive secretary niya. Binuksan niya iyon at mabilis na binasa ang impormasyon tungkol sa matandang babae at apo nito na may-ari ng bundok. Pinasadahan lang niya ng tingin ang sa matanda at nag-focus sa apo.
Lyn Fajardo ang buong pangalan ng dalaga. Twenty three years old. Nagtitinda ng mga gulay sa palengke. Nasa pangangalaga ng Lola mula noong sampung taong gulang. Patay na ang ama. Hindi na nagpakita ang ina pagkatapos itong ibigay sa Lola. High School graduate. Pinakamataas ang grades sa buong eskuwelahan pero hindi naging valedictorian. Ni hindi umakyat ng stage sa mismong graduation day dahil hindi pinahintulutan ng school officials.
Natigilan si Benedict at manghang napatitig sa sumunod na talata. Ang rason kaya inalisan ng karapatang maging valedictorian si Lyn at kung bakit hindi siya pinag martsa.
“Boss, may problema ba?” takang tanong ni Joanne.
Kumurap siya at inalis ang tingin sa papel. Nagtama ang mga paningin nila. Narealize niya na matagal na pala siyang nakatitig sa report na tapos na niyang basahin. Ilang ulit pa nga niya binasa. Huminga ng malalim si Benedict, sumandal at hinilot ang kanyang sentido. “Walang problema.”
“Makakatulong na ba ang report na iyan para makuha mo ang bundok na kailangan para sa project mo?”
Tumango siya. Pero sa tingin niya dapat hindi na lang siya nagpaimbestiga. Hindi na lang niya dapat binusisi ang buhay ni Lyn. Kailangan pa tuloy niyang siguruhin na hindi maaapektuhan ng mga nalaman niya ang desisyon niya.
Dahil determinado na talaga siya. Kukunin niya ang lupain na iyon at sisimulan ang proyekto niya. He will seduce her. He will marry her. Saka na niya iisipin kung paano ito hihiwalayan.
“SUKI! Bili na, suki. Sariwa at kapipitas lang nitong mga tinda ko!” masigla at paulit-ulit na tawag ni Lyn sa atensiyon ng mga taong dumadaan sa puwesto niya sa palengke. Malapit na magtanghali at marami-rami pa siyang paninda. Kailangan maubos ang mga ‘yon ngayon. Kailangan pa niyang bumili ng iuulam naman nila ng Lola niya bago umuwi.
Kaso, hirap talaga siya magpaubos ng paninda kasi nakapuwesto siya sa pinakadulong stall ng public market sa bayan nila. Bihira may mamimili na nakakarating sa pwesto niya kasi may ibang nagtitinda ng gulay sa unahang stall.
Nainis si Lyn nang maalala na naman na kasalanan ng barangay captain nila kung bakit doon siya napuwesto. Paraan nito ng pambu-bully sa kaniya. Dahil pa rin sa nangyari eight years ago. Kung sa ibang palengke naman siya magtitinda, masyadong malayo sa bahay nila. Mahihirapan siyang makauwi sa kanila kapag kailangan. Kaya heto, ilang taon na siyang nagti-tiyaga sa sulok ng palengke.
Huminga ng malalim si Lyn, napatitig sa mga paninda niya. Hanggang may kung sinong dumating at huminto sa stall niya. Nabuhayan siya ng pag-asa. Nakangiti at masigla siyang tumingala. “Anong sa’yo suki –”
Napahinto siya sa pagsasalita at nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang nakatayo sa harapan niya. Ang guwapong lalaki na bisita nila noong nakaraan!
“Masyadong tago ang puwesto mo,” komento nito sa kaswal na tono. Na para bang magkaibigan sila at normal lang na sumusulpot ito ng ganoon sa harapan niya.
Sumimangot si Lyn, nakabawi agad mula sa pagkabigla. “Alam ko. Hindi mo na kailangan sabihin lalo lang iinit ang ulo ko. Anong ginagawa mo rito? Namamalengke?” sarkastikong tanong niya. Alam naman kasi niya na malabong ‘yon ang pakay ng lalaki. Oo nga at mas kaswal ang porma nito ngayon sa suot na black jeans at itim na polo. Pero mukha pa rin itong out of place sa palengke nila.
Bumuntong hininga ang lalaki at hinawi ng mga daliri ang buhok na napansin niyang hindi naka-wax na katulad noong una niya itong nakita. “I’m here to apologize.”
Kumurap si Lyn. Malumanay kasi ang boses nito. Mukhang sinsero rin ang mga mata na derektang nakatitig sa kaniya.
“Para saan ang gusto mong i-apologize?” duda pa ring tanong niya.
“Para sa naging attitude ko noong una tayong nagkita. I know I was rude. I’m sorry.”
Hindi siya nakapagsalita. Napatitig lang sa mukha ng lalaki. Mukha pa ring masungit pero mabait na ang paraan ng pagtingin nito sa kaniya. Nawala tuloy ang inis ni Lyn. Kasi sa nakaraang walong taon, bukod sa Lola niya ngayon lang uli may taong tiningnan siya ng ganoon. Umayos siya ng tayo at itinaas ang noo. “Sige na. Tinatanggap ko na ang sorry mo. May mali rin ako. Nagsungit ako kahit hindi ko pa talaga alam kung sino ka o kung ano ang kailangan mo sa amin. Quits na tayo.”
Nagulat si Lyn nang sumilay ang munting ngiti sa gilid ng mga labi ng lalaki. “No. Let me make it up to you properly. How about lunch?”
Napanganga siya. Seryoso ba ‘to?
“And by the way,” sabi pa nito at inilahad ang kamay sa harap niya. “My name is Benedict.”
Itinikom niya ang bibig at pasimpleng lumunok. Ilang segundo siyang napatitig sa nakalahad nitong kamay bago ‘yon nagawang abutin. “Ako si Lyn.”
“Lyn,” ulit ni Benedict sa pangalan niya. Hindi niya naisip na posible pero nag tunog sosyal ang pangalan niya nang ito ang nagsabi.
Tumikhim siya at binawi ang kamay. “Ayan okay na tayo, ha. Pero hindi ko matatanggap ang alok mong tanghalian. Marami pa akong ipapaubos na paninda. At hinihintay ako ng Lola ko. Sabay kami kakain.”
Tumango si Benedict. Sandaling parang nag-isip. Naningkit ang mga mata ni Lyn. Hindi kaya para ‘tong sa mga pelikula at libro na bigla na lang sasabihin ng lalaki na bibilhin nito ang mga paninda niya?
Kumilos ito at ginawa ang hindi niya inaasahan. Lumigid si Benedict at pumasok sa loob ng stall niya. Napaatras siya at manghang napatingala rito nang tumayo ito sa tabi niya. “Bakit lumipat ka rito?”
“Hihintayin kita makaubos ng paninda,” kaswal na sagot nito.
Nanlaki ang mga mata ni Lyn at napanganga na. “Ha?”
Nilingon siya ni Benedict. “Alam ko na hindi mo magugustuhan kung babayaran ko na lang ang natitirang paninda mo para makasama ka sa akin mag lunch. Kaya hihintayin ko na lang na matapos ka rito. Saka tayo bibili ng pagkain at sabay tayong pupunta sa inyo para makasama kumain ang Lola mo. I owe her an apology too.”