“LOLA, wala akong tiwala sa kaniya. Galing siya sa kompanyang gustong bumili ng lupain natin, hindi ba? Bakit ang bait niyo sa kaniya?” “Sinasabi mo ‘yan pagkatapos mo maubos lahat ng pagkaing dala niya para sa atin?” Uminit ang mukha ni Lyn sa panunukso na narinig niya sa boses ng kanyang Lola. Pinagpatuloy lang niya ang pag-aayos ng kulambo sa papag nila. Alas otso na ng gabi at oras na ng tulog nila. Maaga pa kasi ang gising niya bukas para mamitas ng mga gulay na ibebenta niya. Magkatabi na sila ng kanyang Lola sa papag at ilang minuto nang tahimik nang magsalita uli ito, “Mabuti siyang tao, Lyn.” Hindi siya dumilat at yumakap lang sa kanyang Lola. “Gusto nilang kunin sa atin ang bundok. Ito lang ang kayamanan natin, Lola