MABILIS na lumipas ang mga araw. Katulad ng dati nagkikita sila sa umaga kapag hinahatid siya ni Benedict sa palengke. Ang kaibahan nga lang palagi na sila kumakain ng tanghalian na magkasama. Minsan sa malapit na kainan, minsan ang binata ang nagkukusang nagsasabi sa kaniya na mag-take out na lang sila at sa bahay na lang kumain. Para raw pati si Lola makasama nila. Sa tuwing nagiging ganoon ka-thoughtful at sweet si Benedict, palaging parang natutunaw ang puso ni Lyn. Mas matindi pa ang epekto ‘non kaysa sa mainit at makahulugang titig na palagi nitong ipinupukol sa kaniya. O sa pasimpleng paghawak at pagpisil nito sa kamay niya kapag may pagkakataon. O sa halik sa pisngi na palagi nitong ibinibigay sa kaniya kapag nagpapaalam na itong aalis.