Kabanata III

1034 Words
Kabanata III Ian            Napapitlag ako nang sumalubong sa akin ang nakakasilaw na sinag ng araw pagdilat ko ng aking mga mata. Hindi ko namalayan ang oras kagabi at nawili ako sa pakikipag-usap kay Ben.            Tama ako. Apat nga silang magkakapatid at siya ang bunso. May pamilya na ang kaniyang kuya habang nag-aaral naman sa kolehiyo ang dalawa niya pang kapatid. Mas bata siya sa akin subalit mas mature siyang mag-isip. Dahil na rin siguro sa katotohanang lumaki siyang walang ama kung kaya’t iba ang naging pananaw niya sa buhay.             Bahagya akong nag-inat bago nagdesisyong bumangon. Dala-dala ang cellphone ay nagtimpla ako ng gatas at nagpasyang pumunta sa likuran ng bahay kung saan makikita ang may kalawakan naming bakurang puno ng mga manok. Habang umiinom ng gatas ay dinadama ko ang sariwang hangin ng probinsyang taliwas sa maruming hangin ng Maynila dahil sa pabrika’t mga sasakyan.            Sa kalagitnaan ng aking almusal ay napag-isipan kong buksan ang aking cellphone upang mag-check ng mga mensahe. Nasa pinakataas ang pangalang Ben Flores kung kaya’t ito ang una kong binuksan.             Good night. Tulog ka na. Gagalawin pa kita. Este kikilalanin pala. Mahina akong napatawa dahil sa nabasa. May masamang konotasyon ang sasalitang gagalawin subalit alam kong iba ang konteksto ng pinadalang mensahe ni Ben. Ako rin naman ang nagsimula noon dahil sa post ko kung kaya’t hindi ko siya masisisi.            Nakangiti akong nagtipa ng mensahe sa kaniya. Isang good morning lamang iyon na may nakangiting emoji. Nang mapagtanto kong magaan ang loob ko sa kaniya’t panay ang ngiti ko kagabi habang kausap siya ay bahagya akong nagtaka. Nagsalubong ang aking kilay at sandaling napa-isip. Sa huli ay isinawalang bahala ko na lamang ito at mabilis na inubos ang gatas nang sa gayo’y maka-hilamos na at makapaghanda sa klase.  --- “The motion of an item hurled or projected into the air, subject only to gravity's acceleration, is known as projectile motion. The object is known as a projectile, and the course it takes is known as a trajectory. Falling object motion is a simple one-dimensional type of projectile motion with no horizontal movement, as described in Problem-Solving Basics for One-Dimensional Kinematics. We'll look at two-dimensional projectile motion in this part, such as that of a football or other item with negligible air resistance.” Seryosong nagpapaliwanag ang guro ko sa zoom nang tumunog ang aking cellphone. Agad ko naman itong kinuha upang tingan ang naging sanhi nito. Isang notification. Isang chat mula sa kaniya na muli na namang nagpangiti sa akin. Good morning, cutie. Pinuyat mo ako kagabi ah. Sagot nito sa naging mensahe ko kanina. Mahina naman akong napatawa na naging dahilan upang makuha ko ang atensyon ng aking guro. Patay. Inuna kasi ang pakikipag-chat.            Tinanong niya ako tungkol sa topikong kasalukuyan niyang tinuturo. Mabuti na lamang at nakapag-advance reading ako nang nakaraan kung kaya’t agad ko naman itong nagsagot. Palihim akong bumalik sa pagsi-cellphone. Sa pagkakataong ito’y mas maingat na kaysa kanina. Nang buksan kong muli ang chat head ay isa na namang mensahe ang nabasa ko mula sa kaniya.            Kumain ka na? Huwag magpapalipas ng gutom ha? Muli akong napangiti. Isang simpleng paalala lamang iyon subalit nakaramdan ako ng isang bagay na hindi ko pa nararamdaman sa tanang buhay ko.            Alam kong patuloy pa rin ang diskusyon ni sir subalit wala sa kaniya ang atensyon ko. Abala ako sa pakikipag-usap kay Ben. Masaya niyang kini-kuwento sa akin ang mga naging karanasan niya nang siya’y bata pa— ang pakikipaghabulan niya sa mga sisiw ng kapitbahay nila at sa pagsakal niya sa mga ito sa tuwing nakatalikod ang may ari, ang pagsama niya sa kaibigan ng kaniyang ina sa nayon upang magpa-dede ng mga batang kambing at baka, at ang pagligo niya sa malapit na ilog kasama ang kaniyang mga kakilala.             Masayahin siyang tao. Magaan siyang kausap at hindi nauubusan ng topiko. Kaya naman nang marinig kong nagpaalam na ang aking guro ay agad kong sinara ang laptop upang mahiga sa kama nang sa gayo’y mai-pagpatuloy ko ang pakikipag-usap sa kaniya.            Ian? Ano nga ulit kinukuha mo? Nagtaka ako nang mabasa ko ang huli niyang mensahe gayunpama’y sinagot ko pa rin ito. Napag-usapan na kasi namin ito kagabi. Dahil dito’y napag-alaman kong nais niyang maging piloto sapagkat gusto niyang maglakbay sa iba’t ibang lugar. ‘Yun nga lang ay hindi suportado ng kaniyang mga magulang ang pangarap niyang ito.            Habang hindi pa siya nagri-reply ay binuksan ko ang file ng assignment na dinownload ko sa phone kanina para basahin ang mga tanong at matantiya kung kaya ko ba itong tapusin sa isang upuan. Hindi naman ganoon kahirap subalit may kahabaan. Tatlong tanong itong nanganganak. Ito ang klase ng tanong na may part a, b, at c na magkakadugtong dugtong.             Sa kalagitnaan ng pagbabasa’y muli kong nakitang nag-pop-up sa notifications ko ang kaniyang pangalan. Agad namang kumilos ang hinlalaki ko upang buksan nito.            Ay, Civil Engineering ba? Akala ko kasi puso ko na ang kinukuha mo. Napa-iling ako. Sobrang gasgas na ng linyang ito. Alam ko namang may nais siyang ipahiwatig subalit hindi ko na ito pinagtuunan pa ng pansin at sa halip ay iniba na lamang ang takbo ng usapan.             Saglit pa’y nagpaalam din naman ako upang gawin na ang aking takdang aralin. Buong atensyon akong nagso-solve sapagkat ayaw kong matambakan ng gawain. Panay naman ang pagtunog ng cellphone ko subalit hindi ko na muna ito pinagkaabalahan pang tingnan.            Habang matiyagang nagsusulat ay nakarinig ako ng malakas na kalabog kung kaya’t patakbo akong lumabas ng kwarto upang tingnan kung ano ang nangyari. Sa gulat ay napasigaw ako nang makitang nakahiga na ang lolo ko sa duguang sahig. Dala ng pagkabigla ay hindi agad ako nakakilos. Tila tumigil sa pag-inog ang aking mundo at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Maliban sa pagtulo ng aking mga luha at sa malalakas na pagtambol sa aking dibdib ay wala na akong ibang maramdaman at marinig.            Lingid sa aking kaalaman ay ito pa lamang ang simula nang unti-unting pagkasira ng masayang mundong matagal ko nang nilikha para sa aking sarili at sa susunod na mga araw ay mas malaki at mas mabigat pa ang mga problemang tutulak sa akin sa bangin ng kalungkutan. Source: Projectile Motion | Physics (lumenlearning.com)

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD