Dumating ang araw na pinakahihintay ni Sandra, Biyernes noon nang umaga. Araw ng kanilang pagdaong sa Port Venice sa Italy. Isa iyon sa mga perks ng kanilang trabaho, kung saan-saang bansa sila napapadpad pamamasyal kung saan sila abutin ng kanilang pagdaong. At kalimitang nangyayari iyon kapag bagong sahod sila kung kaya’t sinasamantala niya ang pagkakataon na makapagpadala sa kaniyang mga magulang na nasa Pilipinas bago siya magliwaliw kasama ng kaniyang mga ka-trabaho.
So, sa ngayon ay pawang mga Italyano pala ang kanilang makakasalamuha. Tahimik na sabi niya sa sarili.
Kasalukuyan siyang nagpapalit ng mga cover ng tables na naroon na kanilang gagamitin para sa gaganaping crew party bukas. Napatingin siya sa wristwatch na suot. 7AM iyon, tantiya niya ay bago magpananghali ang kanilang pagdaon sa Port.
Day-off na rin nila Edward mayamaya. Speaking of the devil, nasaan kaya ang baklitang iyon? Palinga-linga niyang hinahanap ang kaniyang kaibigan.
Hindi niya namalayan ang biglang pagsulpot ng baklita sa kaniyang harapan.
“Hoy! Sino namang nililinga-linga mo diyan? May nakita ka bang guwapo?!” Taas-kilay pa nitong tanong sa kaniya na ikinatawa niya.
“Gaga! Ikaw ang hinahanap ko, guwapo ka ba?!” Pang-aasar niya rito.
“Eeeew! Tigil-tigilan mo ako, Sandra! Mas maganda pa ako sa ‘yo sakaling nagka-matres lang sana ako!”
Halakhak lang ang kaniyang naisagot sa kaniyang kaibigan.
“Ang aga-aga mo ha!” sikmat pa ni Edward sa kaniya.
“Ikaw kasi, eh. Nasaan na ba sina Cindy? Mamaya lang dadaong na tayo sa Port Venice.”
“Ayun, todo make up pa sila. Alam mo naman ang mga iyon, hindi nawawalan ng pag-asa na makabingwit ng guwapong foreigner, unlike you!” Dinuro pa siya nito nang sabihin iyon.
“Anong unlike me?” pagmamaang-maangan niya.
“Haynaku, Sandra! Kailan mo ba tatanggapin na kailangan mo ring makaranas magkaroon ng boylet!” Matinis ang boses na sabi nito.
Isang malutong na tawa lang ang nagawang itugon ni Sandra.
“Anyway, balita ko’y mga romantiko ang mga Italians. Malay mo, sa Italyano pala ang bagsak ng pihikang beauty mo!” Hindi pa rin tumitigil na sabi ni Edward sa kaniya.
“Nah! Tigilan mo ako, baka ikaw pa diyan. Maunahan mo pa akong magka-boyfriend.” Natatawang sabi ni Sandra sa kaibigan.
“Aba oo naman! Pagkakataon na iyon e! Igaya mo ako sa ‘yo, napaka-pihikan sa lalaki. Wala akong balak magpakatandang dalaga ano?” nakairap pang dagdag nito.
“Dalaga ka?!” Patuloy na pang-aasar niya sa kaibigan. Tatawa-tawa si Sandra sa reaksiyon ni Edward. Pinandilatan siya nito ng mga mata nito.
Natigil lang ang kanilang pag-aasaran nang biglang i-anunsiyo ng kanilang kapitan ang nalalapit nilang pagdaong sa Port Venice.
Nagkatinginan silang magkaibigan. Saka ito malakas na tumili. Dali-dali niyang iniwan ang kaniyang ginagawa. Itutuloy na lang niya iyon bukas ng umaga pagbalik nila. Pagdating niya sa kuwartong inookupa niya ay naabutan niya sina Cindy na nakaporma na para sa nalalapit nilang paglabas mamaya.
“Oh, Sandra, nandiyan ka na pala. Iyan na ba ang get-up mo?” Tanong sa kaniya ni Cindy. Dahil parehas naman silang Pinay ay tagalog rin siya nitong kausapin kapag silang dalawa ay nag-uusap parang si Edward din. Dahil sa dalawa ay hindi siya nahirapan masyado sa pag-a-adjust dito sa barko.
“Nope, magpapalit pa ako.” Dali-dali niyang dinampot ang isang pantalon at blusa na kagabi pa niya inihanda para sa pagdaong nilang iyon. Pumasok siya sa maliit na CR na naroon sa kanilang kuwarto.
Makalipas ang ilang sandali ay lumabas na siya. Dinampot niya ang kaniyang sling bag na naglalaman ng kaniyang atm at ibang abubot. Nilagay niya rin doon ang kaniyang cellphone saka tuluyang lumabas ng silid. Agad naman niyang namataan ang kaniyang mga kasamahan. Siya na lang yata ang hinihintay ng mga ito.
“Ang tagal mo, bruha!” Salubong sa kaniya ni Edward, habang kumekendeng pang lumapit sa kaniya. Saka ito umabrisyete sa kaniya. “Let’s go?”
Sabay-sabay na silang bumaba ng cruise ship. As usual, inuna muna nilang makahanap ng bangko para makapagwithdraw saka doon din ipapadala ang kani-kanilang remittances sa kani-kanilang pamilya. Pumasok sila sa Banco d’Italia na agad nilang namataan. Tumagal din sila ng kulang isang oras sa pagpo-proseso ng kanilang mga remittances. Nang makatapos ay agad namang nag-overseas call si Sandra sa kaniyang mga magulang.
Ala-una y media na noon sa Italy at alas sais naman ng gabi sa Pilipinas nang siya ay tumawag. Agad namang sinagot ni Juvy ang kaniyang tawag. Saktong naroon na ito sa kanilang bahay. Agad naman nitong ibinigay sa kanilang ina ang cellphone nito para makausap niya. Naroroon na rin pala ang kanilang itay nang mga sandaling iyon galing sa maghapong pamamasada nito.
“Hello, ‘Nay? Kumusta na po kayong lahat diyan?” bungad niya nang masiguro niyang nasa kaniyang Nanay Martha na ang cellphone ng kapatid.
“Hello, anak? Sandra, okay lang naman kami. Ikaw ba, hija, kumusta ka na? Palagi kang mag-iingat anak.” Narinig niyang tugon ng kaniyang ina. Mahihimigan ang pagkasabik sa boses nito.
“Opo, Inay. Nandito kami ngayon sa Italy. Kadadaong lang ng barko namin, hanggang bukas po ng umaga kami rito.”
“Ganoon ba? Aba, ang galing kung saan saang bansa na nakakapunta ang panganay ko. Ingat, anak.”
“Opo, Inay. Naipadala ko na nga po pala iyong remittance para sa inyong lahat diyan. Bukas magpasama kayo kay Juvy pagkuha ng pera. Bilhin niyo pong lahat ng gusto niyo nina Itay ha. Piliin niyo ang masasarap, Nay. Pakibigyan niyo po ang dalawang bata ng kanilang allowance.” Bilin pa niya sa kaniyang Nanay Martha. Pinapangiliran siya ng luha ng mga sandaling iyon, ganoon siyang lagi kapag nag-ooverseas call siya sa mga ito. Hindi na siya nasanay. Pinigilan niyang mapahikbi upang hindi iyon marinig ng kausap sa kabilang linya.
“Anak, maraming salamat ha.” Boses iyon ng kaniyang Tatay na nakikinig pala sa usapan nila ng kaniyang ina. “Mag-iingat ka diyan. Huwag na huwag mong pababayaan ang sarili mo.”
Napapikit si Sandra para hindi siya tuluyang maiyak sa tinuran ng kaniyang ama. “Opo, Itay. Salamat po, kayo din po nina Nanay. Palagi kayong mag-iingat lalo na po kayo sa tuwing namamasada po kayo.”
“Oo naman, anak.”
Tumagal pa nang halos kalahating oras ang tawag na iyon. Suminghot na si Sandra nang matapos niyang kausapin ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Walang katapusang kumustahan at pagbibilin ang namagitan. Nakaramdam man siya ng homesick ay masaya ang kaniyang pakiramdam dahil nagagawa na niyang makapagpadala ng malaki para sa kaniyang pamilya. Hindi gaya noong nasa Pilipinas pa siya nagta-trabaho palagi pa rin silang kinakapos.
Isang buntong hininga pa ang kaniyang pinakawalan bago lumabas ng bangko.
“Oh, bakit ganyan naman ang feslak mo?” bungad sa kaniya ni Edward. “Bawal ang malungkot dito.” Kunwari ay galit-galitan pang sabi nito dahilan para mapangiti siya.
“Ayan, oh edi gumanda rin ang awra mong bruha ka! Napakaiyakin mong talaga. Hindi ko nga lubos-maisip kung paano kang nakapagtrabaho dito sa barko eh gayong napakahinang tingnan ng loob mo.”
“Hindi naman, nami-miss ko lang kasi sina Nanay. Saka masaya rin ako kasi unti-unti ko nang nararamdaman na gumaganda na ang buhay namin hindi gaya ng dati.” Katwiran pa niya.
“Oh siya, tama na ang drama! Nandito tayo ngayon sa Italy para magliwaliw, okay? So, let’s go! Naiwan na tayo nina Cindy aba! Tiyak nakakarami na iyon ng mga papa!” yakag nito sa kaniya akay-akay na siya nitong naglakad lakad. Noon lang niya napansin ang ganda ng lugar. Okupado kasi ang kaniyang isip kanina na agad na makausap at makapagpadala sa kaniyang pamilya sa Pilipinas kung kaya’t hindi niya masyadong napansin iyon.