ARAW ng flight ni Sandra noon. Umaga pa lamang ay nakagayak na silang buong mag-anak. Naghire ng van ang kaniyang ama para maihatid siya ng mga ito sa airport. Walang tigil ang pagbibilin sa kaniya ng kaniyang ina. Kagabi pa nga ito iyak din ng iyak. Ngayon lang kasi may mawawalay nang matagal sa mga anak nito. At siya iyon. Pilit na lang niyang pinauunawa rito na para rin sa kanila ang gagawin niyang pagpunta sa abroad upang magtrabaho.
“’Nay, wag po kayong mag-alala, tatawag po akong palagi. Alagaan niyo pong mabuti ang sarili niyo ng tatay.” Bilin niya dito sabay baling sa dalawang kapatid niya. “Tutulungan ninyo palagi sa gawaing bahay si Nanay ha? Mag-aral kayong mabuti.”
“Oo, ate Sandra.” Ang magkasabay na sagot nina Juvy at Lorenz.
Isa-isa nang inilalagay ng kaniyang ama ang mga bagahe na dadalhin niya sa sasakyan. Isang maleta lang naman ‘Yon at isang eco bag ng mga anik-anik na pabaon ng kaniyang ina. Ang shoulder bag naman niya ay nakasabit sa kaniyang balikat suot-suot niya iyon. Doon kasi niya inilagay ang kanyang cell phone, wallet at passport niya.
Alas-nuwebe ng umaga nang sila ay dumating sa NAIA Terminal 1 kahit na 4 P.M. pa naman ang schedule ng kaniyang flight. Muli ang walang katapusang paalaman nilang mag-anak bago siya makapasok sa airport.
“Mag-iingat ka roon, anak.” Hindi niya alam kung makailang beses nang nasambit iyon ng kaniyang ina, hindi maitago ang pag-iyak nito. “Pasensya ka na, kinailangan mo pang lumayo para sa amin.” Dagdag sabi pa nito sa kaniya habang yakap-yakap siya nito kaya’t hindi na rin niya naiwasang pangiliran ng luha.
“Opo, ‘Nay. Mag-iingat din po kayo palagi ng Tatay.” Sabay baling sa kaniyang ama na noon ay umiiyak na rin.
Sunod niyang niyakap ang dalawa niyang kapatid. “Huwag niyo pasasakitin ang ulo nina Nanay at Tatay, ha? Kayo na muna ang bahala sa kanila habang wala ako.”
“Opo, ate. Mag-iingat ka doon sa pupuntahan mo.”
“Uwian mo ako ng maraming chocolates hane, ate?” ang sabi naman sa kaniya ng bunsong kapatid na si Lorenz.
“Oo, bah!” ang nakangiting sagot niya rito.
“Juvy, wag na wag magpapabaya sa pag-aaral. Kaunting tiis na lang, si ate na bahala sa pag-aaral mo.” Bilin niya sa kapatid.
“Opo, ate. Salamat.”
Muli ay niyakap niya ang mga ito bago siya pumasok sa airport. Pinakita niya sa guard na naroon ang kaniyang ticket at passport saka siya iginaya nito sa pagpasok sa Waiting Area. At doon ay naghintay siya na tawagin ang flight niya. Kumain muna siya ng pinabaong lunch ng nanay niya sa kaniya. Matagal-tagal na oras din ang kailangan niyang hintayin bago ang kaniyang flight.
Bandang 3:30 P.M. nang i-announce na maaari na silang lumipat at maghintay sa Departure Area. Hila-hila niya ang kaniyang maleta nang pumunta roon at naghanap ng kaniyang mauupuan. May halong kaba at tuwa siyang nararamdaman bawat hakbang niya. Finally, eto na talaga. Pagbubutihin ko po ito, Lord. Para sa family ko. Gabayan niyo po ako.
Hanggang sa muling may nag-announce at pinapila na sila papasok sa eroplanong kanilang sasakyan. Paagpasok sa eroplano ay agad niyang hinanap ang kaniyang seat number. Agad naman niya itong nakita at inilagay niya ang dalang bag sa taas sa tapat ng ulunan na nakalaan para paglagyan ng mga bagahe. Umupo na siya pagkatapos ay isinuot niya ang seat belt na naroroon at isinandal ang kaniyang likod.
Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang unti-unting pag-angat ng sinasakyang eroplano. Kitang-kita niya ang unti-unting pagliit sa kaniyang paningin ng lugar na kaniyang pinagmulan. Hanggang sa gatuldok na lang ito buhat sa itaas kung saan naglalakbay ang eroplanong kaniyang sinasakyan. Bukas, iba na ang environment na kaniyang kabibilangan. Ngayon pa lamang ay nakakaramdam na agad siya ng pagka-homesick.
Naramdaman niya ang pagtulo ng kaniyang luha sa kaniyang pisngi. Tahimik niyang sinaway ang kaniyang sarili. Kailangan niyang maging matatag kung gusto niyang maiahon sa hirap ang kaniyang pamilya. Pinangako niya sa kaniyang sarili na pagbubutihin niya ang kaniyang trabaho nang sa gayon ay mabigyan nya ng maayos na buhay ang kaniyang mga magulang at dalawang kapatid. Tahimik siyang muling nanalangin na sana ay mapabuti siya sa kaniyang pakikipagsapalaran sa panibagong yugto sa kaniyang buhay.
Mamayang gabi ang kaniyang lapag sa Bangkok, Thailand kung saan siya mag-stop over. Mula doon ay sasakay ulit siya ng eroplano palipad papuntang Puerto Rico, doon siya makikipag-join ship sa Silversea Cuises, ang barkong kaniyang pagtatrabahuhan, na nakadaong sa San Juan Bay. Naassign siya bilang isang buffet attendant doon.
Pinilit muna niyang makaidlip. May mahigit isang oras pa siya bago sila lumapag sa Suvarnabhumi Airport sa Bangkok, Thailand.
“Ladies and gentlemen, we have just been cleared to land at the Suvarnabhumi Airport. Please make sure one time your seat belt is securely fastened.”
Nagising siya sa announcement na iyon. Dali-dali niyang hinanda ang kaniyang mga bitbit na bagahe para sa nalalapit na pagbaba ng eroplano. Maya-maya pa ay nakababa na siya at naghihintay nang muli sa kaniyang susunod na flight pa-Puerto Rico naman.
Kinabukasan paglapag ng eroplano sa Luiz Muñoz Marín Airport sa Puerto Rico ay sumakay siya ng taxi papuntang San Juan Bay kung saan naroroon nakadaong ang barkong Silver Whisper na kaniyang magiging tahanan sa mga susunod na buwan. Namangha siya sa laki at ganda ng barko. Ito na ang kaniyang magiging bagong workplace mula ngayon.
Bitbit ang kaniyang mga bagahe ay lumapit siya sa guard na namataan niya roon. May tinawag itong crew sa barko na siyang sumundo sa kaniya at saka siya iminuwestra pasakay ng barko.
Pagkaakyat sa barko ay sinamahan muna siya ng nagpakilalang Edward sa isang opisina doon. Ipinakilala siya nito sa kapitan ng barko at ibang staff na naroroon. May mga ilang papel na sa kaniya ay pinafill-upan muna bago siya hinatid sa kaniyang magiging cabin.
Iginiya siya nito sa isang kwarto. Napa-wow siya ng makita ang magiging kuwarto niya roon. Napakaganda at napaka-eleganteng tingnan kompara sa dating kuwarto niya sa Pilipinas.
“This will be your room, what’s your name again, Miss?” tanong ni Edward sa kaniya. Nagulat siya dahil isa pala itong binabae.
“Sandra. My name is Sandra Velasco.” Pakilala niya rito.
“You’re going to share this room with Katrina and Cindy. Please take your time to rest. Also, here's your cabin card.” At tumingin ito sa relong suot. “At 6P.M., I’m going to show you around and what your job entails to be here. For the meantime, take a rest.”
“Thank you, Edward.” Sabi niya rito bago nito maisara ang pintuan.
Sinalansan muna niya ang mga dalang gamit. May nakita siyang bakanteng cabinet at inilipat niya ang ibang damit niya roon. Pagkatapos ay saka siya nagpalit ng kaniyang damit. Saka siya humiga sa nakalaang kama roon para sa kaniya. Hindi niya namalayan na nakaidlip na pala siya dala na rin ng jetlag sa byahe.
Magaan na ang kaniyang pakiramdam nang siya ay magising. Nakita na rin niya ang dalawang babae na makakasalo niya sa cabin, si Cindy na isang Pinay din gaya niya at si Katrina na isang Vietnamese.
Bumangon na siya at naghanda na sa kaniyang pag-tour around sa barko na kaniyang pagtatrabahuhan. Mayamaya pa ay may kumatok na sa pintuan. Sumungaw doon ang baklang si Edward, “Let’s go?” baling nito sa kaniya ng makitang nakahanda na siya.