CHAPTER 2
HEIRA IRISH’S POV
NAKAPIKIT ako habang ramdam na ramdam ko ang mainit na yakap ni Frits. Ito na yata ang pinakamasayang pangyayari sa buhay ko, ang makasama ang lalaking mahal ko.
Bahagya niya akong inilayo sa kanya at tinitigan niya ako. Gusto kong ipakitang kinikilig ako habang nakatitig siya sa’kin. Ngunit dahil moment namin ito, mamaya na muna. Hinawakan niya ang pisngi ko. “Heira, mahal ko.”
Pakiramdam ko, nag-iinit ang pisngi ko dahil sa ginagawa niya.
“Bakit kasi sobrang guwapo niya? Oh my gosh! I'm gonna die now kung hahalikan niya ako.”
“Bakit mahal ko?”
“Maari ba kitang halikan?”ani Frits.
Tumango ako sa kanya. Hindi ko alam kung paano nangyari ang lahat basta ang mahalaga, nasa harapan ko siya at bibigyan niya ako ng isang halik.
Nakapikit ako habang Dahan-dahang lumalapit ang labi niya sa labi ko. "Hahalikan na niya ako."
“Mahal kita, Heira Irish.”
“Oo na! Bilisan mo na halikan mo na ako. Dali!” naiinip kong sabi sa kanya habang nakapikit ako.
“Heto na mahal ko—”
“Heira Irish!”
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa pagkagulat. “Sunog! Sunog! May sunog!”
Isang malakas na batok ng tsinelas ang dumapo sa ulo ko.
“Araouch!” Hawak-hawak ko ang ulo kong pinukpok ng tsinelas.
“May pa-araouch ka pa! Ikaw na bata ka! Tanghali na, bakit tulog ka pa?!” galit na galit na sermon ng Nanay ko. Nakasuot siya ng saya habang ang buhok niya ay may ipit ng sampayan ng damit.
Sumimangot ako sa kanya. “’Nay, naman! Bakit mo ako ginising agad? Malapit ko nang mahalikan si Papa Frits ko, eh.”
Nagmaywang si Nanay sa’kin. “Ikaw! Pupunitin ko na iyang magazine na iyan. Diyan na lang napupunta ang pera mo na dapat sana maiipon mo para makapag-aral ka college! Itigil mo na nga iyang kahibangan diyan sa Frits na iyan dahil matanda na iyon para sa’yo!”
“Kung matanda na si Papa Frits ko, ano’ng tawag sa iyo, ’Nay?”
Muli akong binatukan ni Nanay. “Araouch! Ang sakit no’n, Nanay.”
“Hindi pa ako matanda!”
“So, hindi rin matanda si Papa Frits ko. At saka, ‘Nay, dalawamput apat lang ang agwat namin. Sabi nga, age doesn't matter kaya ‘wag kang mabibigla kung magiging manugang mo si Frits Santiago.”
Salubong ang kilay ni Nanay habang gigil na gigil na nakahawak sa tsinelas niya. “Wag ka ring mabibigla kung iuuntog ko ang ulo mo riyan sa dingding ng kuwarto mo kapag hindi ka tumigil diyan sa kahibangan mo!”
“Nanay naman, eh! Minsan lang mangarap, eh.”
“’Wag mong pangarapin na mapangasawa siya. Ang pangarapin mo, makatapos ka ng pag-aaral sa kolehiyo. Iyan baka may pag-asa. Kumilos ka na riyan at magtinda ka na ng tsinelas. Bilisan mo!” sabay pihit ni Nanay patalikod.
Kakamot-kamot ako sa ulo ko habang nakatanaw kay Nanay habang palabas ng kuwarto ko.
Nakakainis talaga si Nanay. Kaya nga pangarap, eh. Sabi nga ng iba, mangangarap ka rin naman, bonggahan mo na.
Umupo ako sa kama at muli kong dinampot ang magazine na ang naka-photo cover ay ang mag-asawang Allyson at Frits Santiago. Crush na crush ko mula pa noong high school si Frits Santiago, dahil sa kaniyang pagiging guwapo, mabait at mapagmahal na asawa. Marami na rin siyang tinulungang mahihirap kaya mula noon palagi na akong bumibili ng Sy Magazine. Bukod sa mga magaganda ang nakasulat doon, palaging may article doon ang mag-asawang Ally at Frits kaya naman palagi ko silang inaabangan. Tuwing binabasa ko kasi ang article nila sa buhay mag-asawa, pakiramdam ko, ako si Allyson dahil si Frits na yata ang pinaka-sweet na husband sa buong earth. Kaya naman hanggang ngayon, love ko siya.
“Sayang! hindi natuloy ang kiss natin kanina,” pakikipag-usap ko sa poster niya na nakadikit sa dingding.
Pagkatapos kong pagsawaan ang larawan ni Frits Santiago ay nagmadali na akong maligo dahil muli na naman akong sinigawan ni Nanay para magtungo na sa palengke upang magtinda ng tsinelas.
Mula sa bahay naming, nagbibisikleta lang ako patungo sa palengke suot ang pantalon na kupas na may sira sa may tuhod at t’shirt na kulay itim. Mahilig din akong magsuot ng bandana sa ulo kaya minsan, napagkakamalan akong tomboy. Princess Heira Irish Chuaford ang buong pangalan ko. Sabi ni Nanay, once a upon a time, ang lolo at lola raw ni Tatay ay kabilang sa mga pinakamayamang angkan. At dahil pinili ni Tatay na sumama kay Nanay, inalisan daw sila ng mana. Walang happily ever after dahil isang kahig isang tuka kami ngayon. Kaya ayokong tinatawag ako sa buo kong pangalan.
“Ate Heira! Ang tagal mo namang dumating. Kanina ka pa hinahanap ni Ate Maezy,” sabi ng kapatid kong si Hairu.
Inayos ko muna ang pagkakakadena ng bisekleta ko bago ako lumapit sa kapatid kong lalaki.
“Nasaan si Maezy?” tanong ko sa kapatid ko.
“Nandoon, Ate, sa tindahan ni Aling Digna. Sabi niya, kapag dumating ka na raw pumunta ka roon at may ipapakita raw siya sa’yo.”
“Gano’n ba? Teka, nandiyan na ba si Nanay?”
“Wala pa, Ate. Bakit?”
“Saglit lang ako ha! ‘Paghinanap ako ni Nanay, sabihin mo bumili lang ako ng tubig.”
“Sige, Ate. Basta iyong pangako mo sa’kin.”
Tumango ako sa kapatid ko. Nangako kasi akong bibilhan ko siya ng isang kahong donut kapag pinagtakpan niya ako kay Nanay. Nagmadali akong tumakbo patungo sa tindahan ni Aling Digna.
“Maezy, ano’ng ipapakita mo sa’kin?” humahangos ko pang tanong.
Tumayo si Maezy mula sa pagkakaupo at lumapit sa’kin pagkatapos ay gumiti siya. “Tingnan mo ito.” Iniangat niya ang hawak niyang bagong magazine.
Salubong ang kilay kong nakatingin sa kanya. “Ano ‘yan?”
Tumaas ang kilay niya sa’kin. “Bahay at lupa.”
“Ano nga ‘yan, Maezy?”
“G*ga! Magazine. Mukha ba iyang kotse?”
“Alam kong magazine iyan. Pero bakit mo iyan ipinapakita sa’kin? Ano ba’ng meron diyan?”
“Magazine ito ng Santiago Clan. Hindi lang ang mag-asawang Allyson at Frits Santiago ang nandito. Nandito rin ang apat na anak nila.”
“Talaga? Patingin naman!” sabay agaw ko sa magazine. Excited na rin kasi akong makita ang mga naging lahi nila Frits Santiago at Allyson Ramirez Santiago. Simula kasi nang maging model sila ng magazine, hindi pa nila ipinapakita ang apat na anak nila sa magazine. Isa-isa kong pinagbubuklat ang pahina ng magazine at halos sabay kaming napatili ni Maezy nang makita namin ang tatlong guwapong anak nito at ang nag-iisang babae anak nila. Kamukhang-kamukha ni Frits ang panganay niyang kambal na babae at lalaki. Ang iba namang anak nito ay pinaghalong si Frits at asawa nito.
“Ang guwapo ni John Ace Santiago at Shaw Skyler at ang bunso niyang anak na si John Axle.”
“Kung kami kaya ang magkaroon ng anak, sino kaya ang magiging kamukha?” Napapangiti ako habang ini-imagine ko iyon.
“Hoy! Bruhang Heira! Para ka namang t*nga riyan! Nag-i-imagine ka naman diyan sa idol mo."
Inirapan ko siya. Kahit kailan talaga, panira ng imahinasyon ang babaeng iyan. “Masama bang mangarap ng gising ?”
Napahalukipkip si Maezy. “Nakikita mo ba iyang malaking building na iyan?” Turo ni Maezy sa isang malaking building na may humigit kumulang na apatnapung palapag ang taas.
‘Oo, nakikita ko. Bakit?”
“Nakikita mo naman ba iyang imburnal na iyan?”
“Oo naman!”
“Iyang mataas at malaking building na iyan, iyan si Frits Santiago at iyang imburnal na iyan. Ikaw iyan.”
“Ang sama mo sa’kin. Sa dinami-dami ng halimbawa sa’kin, imburnal pa.”
Ngumisi siya sa’kin. “That's the reality. ‘Wag kang mangarap ng sobrang taas dahil ang isang Frits Santiago ay para kay Allyson Ramirez lang. At isa ako sa mga magagalit kapag may umagaw kay Frits sa asawa niya. Kaya ikaw, kay Mang Kanor. ka na lang ‘yong matandang lalaki na nag viral dahil sa s*x scandal. Mahilig ka sa matatanda siya naman mahilig sa bata, bagay kayo.”
“Tse! Makalayas na nga lang! Sinisira mo lang ang araw ko.”
“Heira!”
“Bakit?!”inis kong sagot.
“Nasabi ko na ba sa’yong may scholarship program na ang Saint Paul International Academy? Mag-e-exam kami ni Phoebecate para makapasok doon.”
Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Hindi naman kasi ako matalino para mag-exam para sa scholarship.
“Eh. ‘di wow!” sabay pihit ko patalikod para umalis.
Narinig ko na lang ang paghagigik ni Maezy habang papalayo ako. Bakit ba wala akong talino? Masipag naman ako. Bakit nang magsabog ng katalinuhan wala akong nakuha? masyado bang mahimbing ang tulog ko noon kaya wala akong nakuha?
Muli kong sinipat ang hawak kong magazine. “Makikita rin kita, Papa Frits.”
Malayo pa lang, kitang-kita ko na ang nakabusangot na mukha ni Nanay. “Saan ka galing? ‘Diba sabi ko sa’yo magtinda ka rito?! Hindi iyang kapatid mo ang pinagtitinda mo!”
“Sorry po, ‘Nay,” sabi ko pagkatapos ay tahimik akong umupo sa harapan ng mga paninda namin.
Lumapit si Nanay sa tabi ko. “Ano’ng drama na naman iyan Heira?”
Bumuntong-hininga ako. “Bakit ba kasi hindi tayo naging mayaman? Ang ganda ng apelyido at pangalan namin. Ikaw Nanay, Queen Adrianna Chuaford ang pangalan. Si Bunso Duke Hairu Chuaford at ako, Princess Heira Irish Chuaford. Pangalan at apelyido lang ang tunog mayaman sa atin pero ang totoo, isang kahig isang tuka lang tayo.”
Nakataas ang kilay ni Nanay habang nakatingin sa’kin. "Bakit, Heira? Nagsasawa ka na ba?"
Tinitigan ko si Nanay. "Nay, ang ibig kong sabihin, bakit mahirap tayo? Gusto ko pong mag-aral sa Saint Palace pero wala tayong pera. Hindi rin ako matalino para mag-exam ng para sa scholarship. Hays! Buhay.”
“’Wag ka kasing ambisyosa. Ang isipin mo, kailangang makapag-aral ka sa college kahit sa public school lang. Magaganda rin naman ang turo doon.”
“Pero gusto ko sa Saint Paul kasi naroon ang mahal kong si Frits.”
“Kapag hindi ka tumigil sa kahibangan mo, dadalhin na kita sa mental hospital.”
Sumimangot ako kay Nanay.
“Oo na po!”
“Hala, sige! Magbantay ka na muna rito at ako na lang ang maglalako ng tsinelas.”
“Opo. Mag-iingat po kayo, ‘Nay.”
Pagkatapos ay umalis si Nanay para maglako. Muli kong pinagmasdan ang larawan ni Frits. Habang pinagmamasdan ko iyon. napadako ang tingin ko sa anak niyang si John Ace. Habang pinagmamasdan ko ang larawan ng anak niya, parang sumariwa sa alala ko ang nabasa kong article tungkol dati kay Frits. Mukhang ang anak niya ang pumalit sa kanya The king of Casanova of Saint Paul International Academy.
Namalayan ko na lang na binabasa ko na ang tungkol kay John Ace. Pagkatapos ay hindi ko namalayang na kinikilig na pala ako sa binabasa ko tungkol sa kanya.