~~~Lovely's POV~~~
“Ang sipag mong bata. Sana maging matagumpay ka Lovely.” nakangiting sabi ni Manang Lorena.
“Hindi po totoo yan, alam niyo po bang tamad ako dati nung may kaya pa kami sa buhay? Ni hindi nga po ako marunong maghugas ng plato ng mga panahong 'yon.” natatawang sabi ko.
Nakikipagkwentuhan ako kina Manang Lorena at sa iba pang mga katulong habang naghuhugas ng plato.
Sa totoo lang mababait sila. Hindi nagkamali si Ma'am Shenna sa pagpili ng mga katulong.
“Baka naman kapag nakapagtapos kana ng pag-aaral, kalimutan mo na kami.” sabi ni Karen.
“Ano ka ba? Hindi mangyayari 'yon. Lagi pa rin akong pupunta dito. Malaki ang utang na loob ko kay Ma'am Shenna pati sa inyo.” nakangiting sabi ko.
“Wala ka namang utang na loob samin ah. Wala kaming naitulong sayo.” sabi pa ni Jane.
“Ano ba kayo? Ang laki laki ng naitulong niyo sakin, hindi niyo lang alam.” sabi ko habang nilalagay ang mga plato sa lalagyanan.
“Nga pala, matulog na kayo kung pagod na kayo. Ako ng bahala dito.” sabi ko habang pinupunasan ang kamay ko.
“Sigurado ka?” tanong ni Manang Lorena.
“Opo, magpahinga na po kayo. Kayo din.” sabi ko sa iba pa.
“Sige, magpahinga kana rin maya-maya. Goodnight Lovely. ”
“Goodnight!” sabi ko.
Naiwan akong mag-isa sa kusina. Kumuha ako ng tubig sa ref at uminom. Magpapahinga na rin ako.
“Dash. Umayos ka!” natigilan ako nang may marinig akong boses.
Agad akong nagtungo sa living room. Natigilan ako nang makita ko si Chiara na akay akay si Dash.
“A-Anong nangyari?” tanong ko at lumapit sa kanila.
“Nothing, he's just drunk. Don't mind us.” sabi ni Chiara at tipid na ngumiti.
Napatango na lang ako at umupo sa couch. Inakay na niya si Dash papuntang kwarto.
Isa pa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ayaw ko kay Chiara dati ay ang pagiging pakitang tao niya. Ang bait bait niya kapag kaharap si Dash pero madalas niya kong sungitan noon.
“Okay ka lang ba talaga Dash?” hinawakan ko ang noo niya. Ang init niya pa rin.
Tipid na ngumiti si Dash at hinawakan ang kamay ko.
“I'm fine, lagnat lang 'to.”
Napasimangot ako sa sinabi niya.
“Kinakabahan ako eh. Ang putla putla mo.” hinaplos niya ang pisngi ko.
“You're so cute. Kung wala lang akong lagnat, baka nahalikan na kita.” natigilan ako sa sinabi niya.
Pakiramdam ko namumula na ang magkabilang pisngi ko. Agad akong napaiwas ng tingin.
“M-Mahiya ka nga kay Chiara.” sabi ko. Nandito rin kasi si Chiara sa kwarto ni Dash.
“Ano ka ba Lovely, it's fine. Ang sweet niyo nga eh.” nakangiting sabi ni Chiara.
“See? She's fine with it.” sabi ni Dash habang hawak hawak ang kamay ko.
“Nga pala, pinagluto kita ng lugaw. Kukunin ko lang.” tatayo na sana ako pero pinigilan niya ko.
“Wag na, hindi ako nakain ng lugaw.” sabi nito. Hala! Hindi ko alam.
“Ah, hindi ka pala nakain ng lugaw. Sorry hindi ko alam.”
Napangiti siya sa sinabi ko. Ang gwapo gwapo ni Dash lalo pag nangiti. Simula nang mas nakilala ko siya, lagi niya kong nginingitian, yung mga ngiti niyang hindi niya pinapakita sa iba.
“Kunin mo na, kakainin ko. Niluto mo 'yon eh.” sabi nito.
“Wag na, wag mong pilitin ang sarili mo. Okay lang sakin.” napailing siya.
“I'm hungry, gusto kong kainin ang niluto mo.” napangiti ako sa sinabi niya.
“Saglit, kukunin ko lang.”
Agad akong umalis ng kwarto niya at nagtungo sa kusina. Sinalin ko sa maliit na mangkok ang lugaw.
“Bakit hindi mo alam na hindi nakain ng lugaw si Dash?” napalingon ako kay Chiara.
Sinundan niya pala ako.
“Alam mo bang allergic siya sa hipon? Alam mo bang ayaw niya sa lemon juice? Alam mo bang ayaw niya sa taong madaldal? Ayaw niya rin sa color white, mahilig siya sa chocolate ice cream, ayaw niya rin ng pinapakialaman siya, gusto niya na hinahaplos ang buhok niya bago matulog, ayaw niya sa maingay na music... At sigurado ako hindi mo rin alam kung kailan ang birthday niya.”
Napaiwas ako ng tingin dahil sa sinabi niya. Lahat ng sinabi niya, hindi ko alam.
“Nagd-date kayo ni Dash, kaya dapat inaalam mo ang mga gusto at ayaw niya pati mga simpleng impormasyon tungkol sa kanya.” sabi niya at napatingin sa hawak kong lugaw.
“Mukhang siya lagi ang nag-aadjust sa inyong dalawa. Poor Dash.” sabi nito at umalis na patungo sa kwarto ni Dash.
Ang dami ko palang hindi alam tungkol kay Dash. At gaya ng sabi niya, si Dash ang laging nag-aadjust saming dalawa.
Napatingin ako sa hawak kong lugaw. Dapat ko pa bang ipakain 'to sa kanya?
Nagtungo ako sa kwarto ni Dash bitbit ang lugaw. Napataas ang isang kilay ni Chiara.
“Dash, kung ayaw mong kainin 'to---”
Kinuha ni Dash ang lugaw mula sakin at tinikman. Napangiti siya at nagthumbs up sakin.
“Gusto ko na ng lugaw, pero gusto ko lang kapag ikaw ang nagluluto.” sabi niya habang nakatitig sakin. Naibaling ko ang tingin ko kay Chiara.
Hindi nakatakas sa paningin ko ang pag-irap niya sakin.
Sigurado ako, may gusto si Chiara kay Dash...
Hindi ako mapakali. Kamusta na kaya si Dash? Bakit ba siya nagpakalasing?
Napatayo ako nang lumabas na si Chiara sa kwarto ni Dash.
“Okay na ba si Dash?” tanong ko. Napabuntong hininga siya at tumingin sakin.
“Bakit concern kapa rin kay Dash?” seryosong tanong niya. Natigilan ako.
“Hindi na katulad ng dati ang lahat Lovely. Magkaibang magkaiba na kayo ni Dash, just stay away from him, nililito mo lang siya.” sabi niya.
At gaya ng dati, natahimik na naman ako. Hindi ako makapagsalita.
“Aalis na ko. Okay na si Dash.” sabi niya at umalis na.
Napatingin ako sa pinto ng kwarto ni Dash.
Titingnan ko lang siya saglit. Titingnan ko lang kung okay na siya. Saglit lang, saglit na saglit lang.
Lumapit ako sa pinto at pinihit ang doorknob. Dahan dahan kong binuksan ang pinto.
Napasinghap ako nang makitang nakaupo siya sa kama. Napatingin siya sakin.
Agad kong sinara ang pinto. Bakit gising siya?!
Natigilan ako nang magbukas ang pinto, may malaking kamay na humila sakin papasok sa kwarto.
Agad na naisara ni Dash ang pinto at isinandal ako ro'n.
“D-Dash.” sabi ko at napalunok.
“My room is a dangerous place for you Lovely...” sabi nito habang nakatitig sa mga mata ko.
“...you should avoid this room, it's for your safety.” hinaplos niya ang pisngi ko.
“G-Gusto ko lang tingnan kung ayos kana.” sabi ko at napatungo.
Iniangat niya ang mukha ko. Sinalubong ko ang titig niya.
“You're getting my hopes high.” sabi nito at dinampian ng halik ang noo ko.
“Dash...”
“You see, I'm drunk. Baka may magawa ako na hindi mo magustuhan.” seryosong sabi nito.
“Hindi mo gagawin yan. Alam ko.”
Hinawakan ko siya sa braso at inalalayan. Dinala ko siya sa kama at pinahiga siya do'n. Kinumutan ko siya.
Nakatitig lang siya sakin. Hindi ko naman matingnan ang asul niyang mga mata.
“Hindi kaba makatulog?” tanong ko sa kanya. Tumango lang siya.
Umupo ako sa tabi niya. Hinaplos ko ang buhok niya, napapikit siya.
“Namiss ko 'to.” mahinang sambit ni Dash habang hinahaplos ko ang buhok niya.
Natigilan ako nang kunin niya ang isang kamay ko at dinala 'yon sa labi niya.
Naapapitlag ako nang dampian niya ng halik ang kamay ko.
Pinigil ko ang mga luhang nagbabadyang bumagsak.
Namiss ko din 'to, namiss ko rin siya kapag ganito kaming dalawa para kaming nabalik sa dati. Gustong gusto kong bumalik kami sa dati, yung mga panahong masaya pa kaming dalawa.
Kaso imposible na 'yon.
***
“Baka may exam ka o kailangang gawin. Kaya na namin 'to.” sabi ni Karen.
Nililinis namin ang living room. May mga bisita daw si Ma'am Shenna mamaya.
“Wala naman noh.” nakangiting sabi ko at pinagpatuloy ang paglilinis.
Natigilan ako nang maalala ko si Dash. Kamusta na kaya siya? Nag-iwan ako ng gamot sa hangover sa bedside table niya.
Sana nakatulog siya ng maayos. Sa totoo lang hanggang ngayon napapaisip pa rin ako kung bakit siya nagpakalasing. Naninigarilyo na siya dati pa pero hindi siya pala-inom. Madali kasi siyang malasing.
“Huy, bakit tulala kana diyan?” napapitlag ako nang tapikin ako ni Jela.
“May iniisip lang ako.” nakangiting sabi ko at bumalik na sa paglilinis.
Natigilan kami nang lumabas na si Dash sa kwarto niya. Medyo magulo pa ang buhok niya.
Napatingin siya sakin. Agad akong napaiwas ng tingin at bumalik sa paglilinis.
“Dash Pierce!” natigilan kami nang dumating si Chiara.
“What are you doing here Chi?” nakakunot noong tanong ni Dash.
“Kakamustahin kita, lasing na lasing ka kahapon. Magpasalamat ka sakin, ako ang naghatid sayo dito at ang nagpatulog sayo kagabi.” napalunok ako sa sinabi niya.
“Ikaw yung kasama ko kagabi?” nagtatakang tanong ni Dash.
“Oo nga, sino pa ba?” nakapamaywang na tanong niya.
“N-Nothing. Panaginip lang siguro 'yon.” sabi ni Dash.
Napapikit ako ng mariin. Napahigpit ang hawak ko sa walis.
Gustong gusto kong sabihin na hindi panaginip 'yon, kaso wala akong karapatan.
“Sa kusina tayo, nagugutom ako.” hinila ni Chiara si Dash papuntang kusina.
“Bagay silang dalawa.” komento ni Jane. Natahimik ako.
“Bagay talaga sila, parehas mayaman, magkaibigan pa ang mga magulang nila.” dagdag pa ni Manang Lorena.
Napalunok ako. Parang gusto ko na lang mabingi sa mga oras na 'to.
“Saka halata ko na may gusto talaga si Ma'am Chiara kay Sir Dash. Hindi na nakakapagtaka kapag sila ang nagkatuluyan.” sabi naman ni Desa.
Napaiwas ako ng tingin at nagpatuloy lang sa paglilinis.
“Ewan ko lang ah, pero iba ang pakiramdam ko kay Sir Dash.” sabi ni Karen.
“Panong iba?” tanong ni Jane.
“Pakiramdam ko wala siyang gusto kay Ma'am Chiara, feeling ko kaibigan lang talaga ang turing niya kay Ma'am.” seryosong sabi ni Karen.
“Pero ang alam ko si Ma'am Chiara talaga ang gusto ni Sir Prince para kay Dash.” sabi naman ni Anna.
Nanghihina ang mga tuhod ko. Gusto ko ng umalis.
“M-May pupuntahan lang po ako saglit.” napalingon sila sakin.
“Gano'n ba? Sige, pumunta kana sa pupuntahan mo.” nakangiting sabi ni Manang Lorena.
Tipid na ngumiti ako at dali daling lumabas ng mansyon. Nanginginig ang mga kamay na kinuha ko ang phone ko sa bulsa ko. Agad kong tinawagan si Melody.
“M-Melody, busy ka ba?” tanong ko sa kanya.
“Hindi naman. Bakit? May problema ba?” nag-aalalang tanong niya.
Tuluyan ng dumaloy ang mga luha ko. Pinigilan kong humikbi. Baka mag-alala pa si Melody.
“W-Wala naman. Pwede ba kitang puntahan? Namimiss na kita eh.” kailangan kita ngayon Melody...
“Oo naman! Ikaw talagang bruha ka. Pinakaba mo ko. Pumunta kana dito, namiss rin kita ng sobra.” napangiti ako sa sinabi niya.
“Sige, pupunta na ko.”
Ibinulsa ko ang cellphone ko at naglakad na palabas ng subdivision.
Si Dash at Chiara, bagay na bagay nga sila. Kung hindi siguro ako sumingit sa buhay ni Dash, edi sana sila ang nagkatuluyan.
Gusto ni Sir Prince si Chiara para kay Dash. Natural lang 'yon. Pano na lang kaya kapag nalaman nila ni Ma'am Shenna na mahal ko pa si Dash?
Nakakahiya pag nagkataon, iisipin nila na wala akong utang na loob.
Sa sobrang lutang ko, hindi ko na namalayan na nandito na ko sa tapat ng pinto nina Melody. Agad niya kong pinagbuksan ng pinto.
“Pasok ka bruha.” hinawakan ako ni Melody sa braso at pinapasok ako sa bahay nila ni Rash.
“Nandito ba si Rash? Baka pagselosan na naman ako no'n?” natatawang sabi ko.
“Wala siya. Nasa trabaho, maya maya uuwi 'yon. Pupunta kami sa mansyon kasi birthday inimbitahan kami ni Tita Shenna.” napatango na lang ako.
Sila pala ang bisita ni Ma'am Shenna.
“Bakit pala bigla kang napadalaw?” tanong niya at umupo sa tabi ko.
“Ha? W-Wala lang.” sabi ko at tipid na ngumiti. Naningkit ang mga mata niya.
“Anong problema?” seryosong tanong niya. Napaiwas ako ng tingin. Kilalang kilala niya talaga ako .
“M-Mahal ko pa rin siya.” sabi ko at napatungo. Napabuntong hininga siya.
“Alam ko.” sabi niya at hinawakan ang kamay ko.
“Sabihin mo na lang kasi na mahal mo pa rin siya, para tapos ang problema niyo.” sabi nito. Napailing ako.
“Hindi na pwede.” sabi ko habang nakatungo.
“Bakit hindi pwede?” nakakunot noong tanong niya.
“Magkaiba na kami ngayon, sobrang taas niya. Hindi ko siya kayang abutin.” napapikit ako. Kusang dumaloy ang mga luha sa pisngi ko.
“Saka si Chiara...” napataas ang kilay niya.
“Anong kinalaman ni Chiara sa inyong dalawa ni Dash?” tanong niya.
“B-Bagay sila ni Dash, gusto rin ni Sir Prince si Chiara para kay Dash. Saka siguradong hindi na niya ko mahal ngayon.” pakiramdam ko nasasaktan ako sa mga sinasabi ko ngayon.
“Una sa lahat, hindi bagay si Dash at Chiara, tao sila...” natigilan ako sa sinabi niya.
Eh kung batukan ko kaya siya?
“...pangalawa, kahit basurera ka pa o magbobote, matatanggap ka ni Tito Prince para kay Dash kung talagang mahal ka ng siraulong 'yon. Cold si Tito Prince pero mabait 'yon deep inside. Sa mahirap na pamilya kaya galing si Tita Shenna kaya wala siyang pakialam sa estado ng buhay ng nagugustuhan ng mga anak niya. Ako nga eh, tanggap niya ko para kay Rash kahit mahirap pa ko sa daga dati.” paliwanag niya.
“Pangatlo...” hinitay ko ang sasabihin niya.
“Secret na yung pangatlo, dapat si Dash magsabi no'n.” sabi niya at tinapik ang balikat ko.
Ano ba yung pangatlo? Pabitin naman 'to.
***
Sumabay na ko kina Melody at Rash pabalik sa mansyon.
Nakahanda na ang mga pagkain. Nandito rin ang iba pang mga kapatid ni Dash.
Umupo na sila at naghanda kumain. Napatingin ako kay Dash, katabi niya si Chiara. Napaiwas ako ng tingin dahil nakatingin rin siya sakin.
“Lovely, join us.” natigilan ako sa sinabi ni Sir Prince.
“H-Hindi na po Sir.” nakatungong sabi ko.
“Ate Lovely! Please.” napatingin ako kay Snow na bunsong kapatid ni Dash.
Napatingin ako kina Manang Lorena. Ngumiti lang sila at tumango.
“Naka-kain na kami kanina.” sabi naman ni Karen.
Nanginginig ang mga tuhod na lumapit ako sa kanila. Natigilan ako nang mapansin kong bakante ang upuan sa tabi ni Dash.
Akmang uupo na ko sa pwestong medyo malayo kay Dash...
“Lovely, bakit ayaw mong tumabi kay Dash?” tanong ni Rash.
“H-Ha?” kung hindi lang siya asawa ni Melody, baka kanina ko pa siya nasapok.
“Be professional Lovely. Hindi ka naman kakainin ni Dash eh.” nakangising sabi ni Rash.
Napapikit ako ng mariin at umupo sa tabi ni Dash. Sana matapos na agad 'to.
Ngayon na lang ako ulit nakaupo sa hapag nila. Madalas nila akong yayain na kumain kasabay nila pero lagi akong natanggi.
Katulong lang ako dito.
Pasimple akong napatingin kay Dash na tahimik lang na nakain.
Napangiti ako ang may maalala ako.
“Lovely. Madalas kang pumunta dito. Okay?” nakangiting sabi ni Ma'am Shenna.
“Opo.” nakangiting sabi ko.
Nandito kami sa mansyon nina Dash at nakain ng tanghalian. Bigla akong niyaya ni Dash dito eh.
Natigilan ako nang maramdaman ko ang paghawak ni Dash sa kamay ko sa ilalim ng mesa.
Napatingin ako sa kanya. Seryoso lang siyang nakain.
Pinilit kong bawiin ang kamay ko pero hinigpitan niya lang ang paghawak.
“D-Dash bakit mo ba hinawakan ang kamay ko? Nakain tayo.” bulong ko sa kanya.
“Miss na kasi kita.” natigilan ako sa sinabi niya.
“Magkasama lang tayo kahapon ah, magkasama rin tayo ngayon tapos miss mo na kaagad ako?” tanong ko sa kanya.
“Lagi kitang namimiss, minu-minuto.” natigilan ako sa sinabi niya.
Cold si Dash minsan, pero ang lakas niya magpakilig.
***
“Mr. Farthon, bakit---” hindi pinansin ni Dash ang prof. Dire-diretso siyang pumasok sa classroom namin. Halata namang kinilig ang mahaharot kong kaklase.
Umupo siya sa tabi ko. Napatitig lang ako sa kanya.
“Anong ginagawa mo? Bakit bigla kana lang pumapasok sa classroom namin?” tanong ko sa kanya.
“Makinig kana lang sa prof. Ang baba ng grades mo.” napasimangot ako sa sinabi niya.
“Tss. Palibhasa matalino ka.” sabi ko na lang at ibinaling ang tingin ko sa prof.
Napasinghap ako nang maramdaman kong hinawakan niya ang kamay ko sa ilalim ng table.
“B-Bakit mo hawak ang kamay ko?” tanong ko at napatingin sa kanya.
“Miss na kasi kita.” napangiti ako sa sinabi niya.
Hanggang sa gano'n na nga. Tuwing hahawakan niya ang kamay ko at tatanungin ko siyang kung bakit hawak niya ang kamay ko. Ang lagi niyang sinasagot.
‘Miss na kasi kita.’
***
Napailing na lang ako. Bakit ko pa ba inaalala 'yon? Paano ako makakamove on kay Dash kung lagi kong inaalala ang nakaraan namin.
“Ate Lovely, parang wala ka yatang gana kumain.” puna ni Vasper na kapatid rin ni Dash. Tipid na ngumiti ako sa kanya.
“M-May iniisip lang ako.” sabi ko na lang.
Natigilan ako nang maramdaman kong may malaking kamay na humawak sa kamay ko.
Napalunok ako nang mapansin kong kamay ni Dash 'yon.
Pinilit kong bawiin ang kamay ko mula sa kanya pero hinigpitan niya lang ang paghawak.
“Okay ka lang Lovely?” tanong ni Shaun.
“O-Oo, may kukunin lang ako sa kusina.”
Binawi ko ang kamay ko mula kay Dash at namamadaling umalis do'n.
Imbis na sa kusina ako pumunta, sa garden ako dumiretso. Kailangan kong magpahangin.
Bakit hinawakan ni Dash ang kamay ko? Nababaliw na siya, pano na lang kung may nakakita?
“Lovely...” napasinghap ako nang marinig ko ang pamilyar na boses na 'yon. Agad ko siyang hinarap.
“B-Bakit mo ko sinundan? Baka kung anong isipin nila.” sabi ko at napaiwas ng tingin sa kanya.
Umupo ako sa may duyan. Huminga ako ng malalim at tiningnan siya. Napalunok ako nang makita kong nakatitig siya sakin.
“B-Bakit mo hinawakan ang kamay ko?” tanong ko sa kanya.
“Alam mo naman ang dahilan kung bakit diba?” natigilan ako sa sinabi niya.
“Alam mo ang ibig sabihin kapag hinahawakan ko ang kamay mo. Lagi ko 'yong sinasabi dati.” napalunok ako at napaiwas ng tingin sa kanya.
“Stop avoiding it like a coward Lovely, that will just make things worse as it already was...” malamig na sabi niya.
Hindi na ko nakapagsalita nang makaalis na siya.
Hindi ko naintindihan ang huli niyang sinabi. May isang bagay na paulit ulit sa utak at puso ko.
“Alam mo ang ibig sabihin kapag hinahawakan ko ang kamay mo. Lagi ko 'yong sinasabi dati.”
Napalunok ako nang maalala ko ang sinabi niya kanina. Hinding hindi ko makakalimutan ang dahilan kapag hinahawakan niya ang kamay ko...
‘Miss na kasi kita.’