Bumaba siya ng tricycle, galing siya sa shop niya nang marinig ang malalakas na boses ng mga lalaking nanggagaling sa kanilang bahay. Papadilim na noon at hindi niya alam na may bisita pala sila. Hindi niya napansin ang sasakyang itim na nakaparada sa gilid ng kanilang gate. Nakakunot ang noo ni Arabella habang mabilis na lumalakad papasok sa kanilang bahay. Natigilan siya at napatayo saglit sa kanilang pintuan. Nagpalinga-linga siya at nakitang walang tao sa salas, at sa kusina nila nanggagaling ang mga boses na tila nagtatalo.
Lumapit siya sa kusina at sinadyang huwag gumawa ng anumang ingay. Nang muling may magsalita ay napakapit siya nang mahigpit sa gilid ng pintuan nang marinig ang ama na may kausap na lalaki.
"Mag-iisang taon na ang palugit ko sa utang mo, Roger. Kung iba ang umutang noon ay ilang doble na ang naging tubo ng pera ko."
"Bigyan mo pa ako ng kahit isang buwan na lamang Fernan," pagmamakaawa ng kanyang ama.
"Hindi biro ang perang nakuha mo sa akin Roger, isang milyon at kalahati. Hindi ko na isasali diyan ang interes!" Mapanganib at tila gasgas ang boses ng nagsalita.
"Pangako Fernan, gagawa ako ng paraan konting panahon na lang parang awa mo naman, kahit hindi na sa akin kahit sa anak ko nalang, ayokong malagay siya sa kahihiyan," narinig niyang pagmamakaawa ng ama.
Nakakagimbal ang mga naririnig niyang usapan ng ama at hindi pa nakilalang lalaki. nanginginig na sumilip siya upang makita kung sino itong nakautangan ng ama ng ganoon kalaking halaga. At lalo lang siyang nanginginig sa takot ng makita niya ang apat na lalaking nakapalibot sa kanyang ama at may hawak-hawak na mahahabang baril. Habang ang isang lalaking kaharap ng kanyang ama ay nakatayo at nakatukod sa silya ang isang paa nito at nakatunghay sa nakaupo niyang ama. At namukhaan niya ang limang lalaki ito ang nakita niya kanina sa labas ng kanyang shop.
Gusto niyang magsalita pero walang boses na lumalabas sa kanyang lalamunan, nanatili lang siyang nakamasid sa pangyayari. Napatuwid pa siya ng tayo nang muling nagsalita ang lider ng mga kalalakihan.
"Iyon! Iyon ang gusto kong marinig ang tungkol sa napakaganda mong anak, Roger. Makikita ko lang ‘yon ay tila na akong asong nauulol sa anak mong ‘yon, eh, kakaiba ang ganda." Humahalakhak pa ito nang malakas na tila kulog na dumagundong sa loob ng kanilang bahay. At biglang binalot ng kilabot ang buong katawan ni Arabella sa narinig.
"Babayaran kita bukas na bukas din, Fernan, basta huwag na huwag mo lang isali at galawin kahit dulo ng daliri ng anak ko," mariin na sabi ng kanyang Papa na biglang umangat ang ulo, saka tiningnan ng mariin ang kausap.
Halos puputok ang kanyang ulo ng makita niyang inangat ng apat na kalalakihan ang mga hawak na baril at tinutok sa kanyang ama. Pero nakahinga din siya nang maluwag nang suwayin ang mga ito ng kanilang lider.
"Easy men, hindi tayo dito magtatapos," babala nito at tila ito mga asong mabilis sumonod sa amo.
"Sige, bukas ganitong oras at babalikan kita dito Roger, at kung wala kang maibibigay sa akin may kasunduan akong ibibigay sa ‘yo," seryosong sabi nito saka sumenyas sa mga kasamahan nitong lumabas na sila.
Hindi na niya nagawang magtago ng lumabas ang mga ito, magulo ang utak niya para isipin kung paanong makaalis doon. Ng matapat ang lalaki sa gawi niya ay tumayo ito sa harapan niya mismo at makahulugan siyang titigan.
"Kahit na dagdagan ko pa ng sampung milyon ang tatay mo mapapasakin ka lang," sabi nitong hinawakan siya sa pisngi. Ang kabang naramdaman kanina ay pinalitan ng galit at pagkainis sa lalaking kaharap.
"Huwag mo akong hawakan," piksi niya saka marahas na pinalis ang kamay nito sa kanyang pisngi.
"Uy, boss, hard to get," sabad ng kasama nito na tumawa nang malakas. Tiningnan niya ito nang masama na kung nakakamatay lang ang matalim niyang titig ay nangisay na ito.
"Sa una lang ‘yon, kay boss din naman ang bagsak niya, eh." Sumagot din ang isa pang lalaki.
"Magsitigil kayo. Huwag n’yong kausapin nang ganyan ang magiging asawa ko," sagot ng tinawag nitong bossing at ang huling salita ay ibinulong sa kanya na lalong ikinagalit niya. Inilayo niya ang ulo mula dito saka hindi napigilang sampalin ito nang ubod-lakas. Ramdam niya pang uminit ang kanyang mga palad dahil sa lakas ng pagkasampal niya dito.
Hinipo nito ang nasaktang mukha saka binalingan ang mga kasamahan. Nagkukumahog naman ang mga itong lumabas sa kanilang maliit na sala.
"Sa susunod na gagawin mo pa yan sakin pagsisihan mo ang lahat-lahat," mahina ngunit madiin nitong sabi saka iniwan siyang nakatulala.
Bigla naman siyang natauhan at pinasok ang amang nanatiling nakaupo sa kusina. Tulala itong nakatitig sa kawalan at ng makita siya ay bigla itong nalito.
"A-anak, kumain ka na ba? Maupo ka na at ipaghain kita." Alam niyang pilit nitong pinagtatakpan ang ano mang nangyayari, at hindi siguro nito alam na kanina pa siya nakikinig sa usapan nito, at ng pinagkakautangan nito.
"Papa naman, bakit n’yo po nagawa ang bagay na ‘yon?" Hindi niya pinansin ang sinabi nito at hindi niya napigilang tumulo ang kanyang mga luha. Lumapit ito at hinawakan ang kanyang mga balikat.
"Anak gagawa ako ng paraan huwag mo ng alalahanin ‘yon."
"Gagawa ng paraan? Pa, mahigit isang milyon at kalahati ang utang n’yo sa taong iyon. At kahit ibenta pa natin itong bahay at palaisdaan alam natin parehong hindi kakasya ito sa utang n’yo." Hindi niya mapigilan ang pagtaasan ng boses ang ama. This is the first time na ginawa niya iyon sa ama.
"Huwag mo ng alalahanin Arabella, saka na tayo mag-usap," sabi nito saka na lumabas ito sa kabahayan. Marami pa siya sanang itanong dito. Tulad ng kung ano ang ginawa nito sa perang inutang? Bakit ito nangutang? At marami pa.
Napaupo si Arabelle sa upuang naroon nang maramdamang tila bibigay ang kanyang tuhod dahil sa nanghihina siya. Hindi niya alam kung bakit nagkaganito ang nangyayari sa ngayon. Masaya naman sila sa simpleng pamumuhay at kahit kailan hindi niya narinig sa ama na naghangad ito ng sobra sa kakayahan nila. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang pumasok ang best friend niya.